Baby namatay dahil sa COVID-19 sa Davao City. Sanggol isinugod umano sa ospital matapos lagnatin at makaranas ng pagtatae.
Baby namatay dahil sa COVID-19
Isang sanggol na 25-day-old palang ang bagong biktima ng COVID-19 dito sa bansa. Ang sanggol ay naiulat na nasawi dahil sa sakit nitong Sabado, May 9, 2020.
Ayon sa report ang sanggol ay isang lalaki at isinugod sa ospital noong May 7 matapos makaranas ng sintomas ng COVID-19 sa baby na lagnat at pagtatae. Ito ay base sa pahayag ng Southern Philippines Medical Center o SPMC. Ito ang ospital na kung saan ipinanganak at na-admit ang sanggol.
Dalawang araw matapos tanggapin sa ospital ay nasawi umano ang sanggol. Ang final diagnosis ng ospital at dahilan umano ng kaniyang pagkasawi ay “septic shock secondary to neonatal sepsis, neonatal pneumonia, acute gastroenteritis with severe dehydration, multiple electrolyte imbalance, and COVID-19.”
Sa ngayon ay patuloy paring tinutukoy ng DOH Region 9 kung paano nahawa sa sakit ang sanggol. Ngunit nauna ng nai-report na may ilang sanggol na sa SPMC ang naitalang nag-positibo sa sakit. Mataas rin ang tiyansa na nakuha niya ito sa barangay na kung saan siya nakatira. Dahil maliban sa naitalang kaso dito ng sakit ay overcrowded narin ito. Ito ang Barangay 23-C sa Davao City. Isa sa mga lugar sa lungsod na unang nasailalim sa lockdown dahil sa mabilis na pagkalat dito ng sakit.
Paano makakaiwas sa sakit ang mga bagong silang na sanggol
Paalala naman ni Dr. Leopoldo Vega, hepe ng SPMC, sa mga magulang ng bagong silang na mga sanggol ay dapat sumunod nila sa standard precautions. Tulad ng physical distancing at pag-isolate sa kanilang newborn kahit sila ay nasa kanilang bahay na. Dapat ay ilayo muna ang mga ito sa ibang tao lalo na sa mga may sakit. Ito ay upang maiwasang mahawaan sila ng kahit anumang virus na maaring agad na dumapo sa kanilang mahina pang katawan.
Maliban rito ay pinapaalalahanan rin ng mga eksperto ang mga magulang na ugaliin ang paghuhugas ng kamay bago hawakan ang kanilang sanggol. Mahalaga rin na sumunod sila sa ipinatutupad na patakaran ng mga health care facilities. Tulad ng pagsusuot ng mask, paglilimita ng mga bumibisita sa sanggol at ang pag-iisolate sa mga ito mula sa iba pang tao o pasyente sa pasilidad.
Ayon naman kay Franka Cadée, presidente ng International Confederation of Midwives, sa panahon na ito ay dapat itinatanong ng mga buntis ang kanilang midwifes o health care professional kung saan pinaka-ligtas na sila ay manganak. Dahil may opsyon naman na gawin ang homebirth delivery, bagamat ito ay nakadepende sa kondisyon ng kanilang pagbubuntis.
“Women should ask their midwife [or health care professional] what they feel is the safest place for them and how precautions are being taken from situation to situation. It depends on the woman, on her situation and on the healthcare system.”
Ito ang pahayag ni Cadée.
Mga dapat maibigay sa bagong silang na sanggol
Dagdag pa niya, bagamat mahalaga na kailangan konti lang ang nakakasama ng isang buntis sa kaniyang panganganak upang makaiwas na mahawa sa sakit, mahalaga rin na mayroon siyang makasama na susuporta sa kaniyang panganganak. Maaring ito ay kaniyang asawa, partner, nanay, kapatid o kaibigan. Ito ay upang masiguro na hindi mawawalay ang ina sa sanggol niya.
“We have to be compassionate and understand each situation as it is and that the healthcare professionals together with the family members are doing their best, using their common sense and listening to each other. I think that’s very important: that we try to work as a community.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Cadée.
Ayon naman sa mga pag-aaral, napakahalaga ng unang mga oras ng bagong silang sanggol kasama ang kaniyang ina. Ito ay upang magkaroon sila ng skin-to-skin contact na mahalaga sa development ng sanggol. Ngunit ito ay inirerekumendang gawin lang kung malusog o walang kahit anumang sakit ang bagong panganak na ina.
Hinihikayat rin ang mga malusog na ina na magpapasuso sa kanilang anak. Dahil mahalaga ang mga nutrients mula rito upang mas lumakas ang resistensya ng sanggol. Kailangan lang gawin ito ng sumusunod parin sa safety precautions laban sa COVID-19. Tulad ng pagsusuot ng mask at paghuhugas ng kamay at suso bago magpa-breastfeed.
Sintomas ng COVID-19 sa baby
Paalala naman ng CDC, sa oras na makitaan ng sintomas ng COVID-19 sa baby ang isang sanggol ay agad na dapat dalhin ito sa doktor. Ang mga sintomas na ito ay tulad din ng mga nararanasan ng mga matatanda. Bagamat maliban sa lagnat, ubo at hirap sa paghinga, ang mga sanggol na nag-positibo sa sakit ay naiulat ring nagtatae at nagsusuka.
Sa kasalukuyan, base sa bilang ng kaso ng sakit sa buong mundo, ang mga baby at mga bata ang hindi pinaka-apektado ng sakit na COVID-19. Dahil karamihan sa mga tinamaan ng sakit ay mga matatandang 60-anyos pataas. At ang iba pang may iniinda ng karamdaman o mahina na ang immune system.
Ayon nga sa isang pahayag ng CDC sa kanilang website ay sinabi nilang bagamat may mga naitalang kaso ng mga sanggol at batang nag-positibo sa coronavirus ay hindi naman daw nakaranas ang mga ito ng mga malalang sintomas kumpara sa mga matatandang tinamaan ng sakit.
Source:
ABS-CBN News, UNICEF
Basahin:
Breastfeeding habang may COVID-19: Wash your breast and wear mask
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!