Malamang ay natanong mo na minsan, bakit may maliit magbuntis at mayroon namang malaki? Ayon sa mga eksperto, ito ang mga dahilan.
Bakit may maliit magbuntis?
Pagdating sa pagbubuntis, naiiba-iba ang laki ng tiyan nating mga babae. Mayroong tila nabusog lang, mayroon namang kung magbuntis ay akala mo nakalunok ng isang malaking pakwan. Pero ayon sa mga eksperto, ito ay normal lang.
Sapagkat ang laki ng tiyan ng buntis ay nakadepende sa iba’t ibang dahilan. Ang mga ito nga ay ang sumusunod na nagpapaliwanag kung bakit may maliit magbuntis na babae.
Flower photo created by freepic.diller – www.freepik.com
1. Unang pagbubuntis
Ang unang posibleng dahilan kung bakit may maliit magbuntis na babae ay maaaring dahil ito ay una palang niyang pagbubuntis. Kaya naman ang kaniyang abdominal muscles ay hindi pa na-stretch ng husto.
May mga pagkakataon naman na maaari pa ring magmukhang maliit ang kaniyang tiyan sa pangalawang pagbubuntis. Partikular na kung siya ay athletic at nanatiling fit kahit buntis.
2. Posisyon ni baby
Isa pang posibleng dahilan kung bakit maliit tingnan ang tiyan ng isang buntis ay ang posisyon ng baby na nasa kaniyang sinapupunan.
Sapagkat ang baby sa loob ng tiyan ay gumagalaw at nagiiba-iba ng posisyon na normal na nangyayari hanggang 32-34 weeks ng pagbubuntis. Maaaring si baby ay gumalaw papunta sa likod o gilid ng tiyan na nakakaapekto sa hugis o laki nito.
3. Taas o height ng isang buntis
Maaari ring magmukhang maliit ang tiyan ng buntis kung siya’y matangkad. Sapagkat may mas malaking space sa pagitan ng kaniyang baywang at tadyang na maaaring paglagyan ng lumalaki niyang sanggol.
4. Posisyon ng bituka o intestines sa tiyan
Maaaring makaaapekto sa liit ng tiyan ng buntis kung paano naitutulak ng lumalaki niyang uterus ang mga bituka niya sa tiyan.
Kung ang kaniyang intestines ay naitutulak pataas o kaya naman ay patalikod, nagmumukhang maliit ang kaniyang tiyan. Kumpara kung ito ay naitutulak sa tagiliran ng uterus na dahilan kung bakit mas nagmumukha itong malaki at tila nakalunok ang buntis ng pakwan.
Bakit mas lumalaki ang tiyan ng babae sa pangalawang pagbubuntis?
People photo created by senivpetro – www.freepik.com
Pero madalas, ang pagiging maliit ng tiyan ng buntis ay nangyayari kung first time niya palang nagdadalang-tao. Karamihan ng mga babae mapapansin na mas lumalaki ang kanilang tiyan sa pangalawang beses nilang pagbubuntis. Ayon pa rin sa mga eksperto, narito naman ang mga posibleng dahilan kung bakit nangyayari ito.
Pagbabago sa size ng abdominal muscle.
Madalas sa pangalawang pagbubuntis, mapapansin na mas mabilis lumaki ang tiyan ng buntis. Isa sa mga dahilan ay ang pagbabago sa kaniyang abdominal muscle na naranasan niya sa nauna niyang pagdadalang-tao.
May ilang babae naman ang nagkakaroon ng kondisyon na kung tawagin ay diastasis recti. Ito ang kondisyon na kung saan naghihiwalay ang rectus muscles o tinatawag ring abdominal separation. Sapagkat sa kondisyong ito, mas umuumbok ang tiyan at hindi na bumabalik sa dating posisyon o hugis nito.
Mas malaking fat storage sa tiyan.
Sapagkat sa naunang pagbubuntis ay mas nagkaroon ng dagdag na fat storage ang tiyan ng mga babae. Kaya naman sa pangalawa niyang pagbubuntis ay mabilis itong magmukhang malaki na normal lang para mabigyan ng adequate space at nutrients ang dinadala niyang sanggol.
Ibang pregnancy symptoms.
Ang mga babae ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang pregnancy symptoms sa kada niya pagbubuntis. Tulad na lamang sa second pregnancy niya na madalas ay mas nagiging lethargic o masama ang pakiramdam niya.
Kaya naman gusto na lang niyang laging nakahiga. Ang resulta nagiging unhealthy ang kaniyang lifestyle at mas mabilis tumaba at lumaki ang tiyan niya.
Baby photo created by wirestock – www.freepik.com
Mas mababa ang puwesto na ni baby.
Sanhi ng na-stretch niyang tiyan sa una niyang pagdadalang-tao ay maaaring bumaba na ang puwesto ng kaniyang baby sa pangalawang pagbubuntis. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ito nagmumukhang mas malaki.
Isa pang posibleng dahilan kung bakit malaki ang tiyan ng buntis sa kaniyang second pregnancy ay dahil bloated ito. Epekto ito ng pagbabago sa kaniyang hormones na maaring mauwi sa fluid retention sa katawan.
Para maiwasan ang bloated tummy sa buntis ay dapat manatili siyang hydrated. Gawin ito sa pamamagitan ng pag-inom ng maraming tubig o juice. Kumain din dapat ng mga pagkaing rich in fiber para sa mas mabilis na bowel movement at malinis na tiyan.
Posisyon ng uterus.
Ang posisyon ng uterus ng buntis ay isang dahilan rin kung bakit mas nagmumukha itong malaki. Kung ang uterus ng buntis ay nakaposisyon o sumisiksik patalikod mas nagmumukha itong maliit. Subalit kung ito naman ay nakaposisyon paharap ay pinagmumukha nitong mas malaki ang tiyan.
Sa kabuuan, ang laki ng tiyan ng buntis ay hindi naman dapat maging batayan kung malusog ba o hindi ang kaniyang pagdadalang-tao. Pero para mas makasigurado, mas mainam na regular siyang magpa-checkup para masubaybayan ang kaniyang pagbubuntis. Ito ay para agad na ma-address ng doktor kung may kondisyon na maaring makasama sa ipinagbubuntis niyang sanggol. Tulad na lang ng gestational diabetes o heart conditions.
Dapat din ay makinig ang buntis sa kaniyang instinct. Sa oras na maramdaman niyang may kakaiba sa kaniyang katawan, ay mabuting agad ng magpunta sa doktor. Dahil sila lang ang makakapagsabi kung normal lang ba ang lahat o may dapat siyang ipag-alala na.
With reports from Zebab Maraki
Translated with permission from theAsianparent Singapore
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!