3 prutas na dapat iwasan sa first trimester ng pagbubuntis

3 prutas na dapat iwasan sa first trimester ng pagbubuntis

Anu-ano nga ba ang mga bawal na prutas sa buntis? Basahin at alamin mula sa article na ito pati na din ang mga prutas na makakabuti sa mga buntis.

Ang pagbubuntis ay madaming dala na pagbabago tulad ng morning sickness at mabilis na pagbabago ng katawan. Bukod dito, malaki din ang nagiging pagbabago sa diet. Ano nga ba ang mga ligtas at mabuting kainin ng buntis? Lahat ba ng prutas ay puwedeng kainin? Kung hindi, ano ang bawal na prutas sa buntis?

Ating alamin sa article na ito ang tatlong bawal na prutas sa buntis sa unang trimester ng pregnancy.

Pero, bakit nga ba napaka-importante ng first trimester?

Ang pagbubuntis ay nahahati sa tatlong parte o trimesters. Ang first trimester ang unang tatlong buwan sa pagbubuntis. Importante ang panahon na ito dahil sa pagtatapos ng first trimester, na-develop na ang mga organ ng sanggol sa sinapupunan.

Dahil ang fetus ay nagde-develop pa lamang, wala pa itong sariling immune system. Ang mga organ ay maaaring mapinsala kaya dapat iwasan ang mga gamot, caffeine at mga toxic chemicals. Dapat din na mag-ehersisyo ng regular, uminom nang sapat na dami ng tubig at kumain ng tama.

Alam natin na bawal ang soft cheese, sushi, soft-serve ice cream at iba pang mga pagkain na maaaring maging sanhi nang pagkalason. Alam niyo din ba ang mga bawal na prutas sa buntis lalo na sa first trimester?

bawal na prutas sa buntis

Tatlong bawal na prutas sa buntis
1. Grapes o ubas

May mga experts na nagsasabi na maaaring kumain ang mga buntis ng ubas, samantalang may iba naman na nagbabawal nito. Bagama’t ito ay nagtataglay ng vitamin A at C (na mainam sa buntis), may ilang dahilan bakit dapat itong iwasan sa first trimester.

  • Resveratrol Toxicity - Ang balat ng ubas ay mayaman sa resveratrol na toxic sa mga buntis. Sa isang pag-aaral sa mga buntis na unggoy, ang mga pinakain ng resveratrol supplements ay nagresulta sa irregular na pag-develop ng pancrease ng anak nito. Ang pancreas ay mahalaga upang kontrolin ang glucose sa dugo kaya ang batang unggoy ay maaaring magkaroon ng diabetes.
  • Pesticides sa balat ng ubas. Ang mga ubas ay madalas ini-sprayan ng pesticides. Hindi ito madaling matanggal kaya maaaring magdulot ng komplikasyon sa fetus.
  • Maaari din maging sanhi ng constipation ang ubas dahil hindi madaling matunaw o madigest ang balat nito.
2. Hilaw na papaya

Kilala ang papaya bilang natural na lunas sa indigestion. Subalit ang hilaw na papaya ay bawal na prutas sa buntis dahil:

  • Sagana ito sa latex na nagpo-promote ng early uterine contraction na maaaring maging sanhi ng miscarriage.
  • Ang latex ay isa ding common allergen. Maaari itong maging dahilan nang hirap sa paghinga at anaphylaxis.
  • Sagana din ito sa papain na nagti-trigger ng early labor.

 

 

Samantala, ang hinog na papaya ay ligtas kainin. Nagtataglay ito ng mga nutrients na mahalaga sa pagbubuntis tulad ng:

  • Folate
  • Fiber
  • Cholene
  • Beta-carotin
  • Potassium
  • Vitamins A, B at C
3. Pinya

Ang pinya ay nagtataglay ng bromelaine, isang enzyme na nagbe-break down ng protein. Isa sa mga side effects ng bromelain ay ang paglambot ng cervix na maaaring maging dahilan ng early labor.

Ayon din sa mga pag-aaral, ang bromelaine tablets ay maaaring magdulot ng irregular bleeding.

Subalit, ang mga epektong ito ay mangyayari lamang kung ikaw ay kumain ng napakaraming pinya (mga pito hanggang sampu sa isang kainan). Ibig sabihin nito, maaaring kumain ng ilang hiwa ng pinya ang isang buntis.

Ilan pa sa epekto ng pagkain ng madaming pinya ay acid reflux, heartburn at diarrhea (na maaaring maging sanhi ng dehydration).

Maaari din na magkaroon ng allergic reaction ang isang buntis lalo na kung matagal na itong hindi kumakain ng pinya. Kung nakakaramdam ng sintomas tulad ng nasal congestion, pangangati o pamamaga ng bibig, o asthma pagkatapos kumain ng pinya, makakabuti na kumonsulta agad sa doctor.

Iba pang tips tungkol sa pagkain ng prutas kapag buntis

Iwasan kainin ang mga prutas na hindi pa nahuhugasan. Ang lupa sa mga prutas o gulay ay maaaring may bacteria tulad ng toxoplasma na nagiging sanhi ng infection.

Laging hugasan ang mga prutas at gulay bago kainin.

Bakit dapat kumain ang mga buntis ng mga prutas bilang bahagi ng kanilang diet?

Ang mga prutas ay isang mahalagang bahagi ng diet ng isang bunti. Hindi lamang dahil sa nutrients na sumusuporta sa paglaki ng sanggol, ngunit nagbibigay din sila ng minerals, vitamins, antioxidants at fiber.

Narito pa ang ibang kabutihan na dulot ng mga prutas sa isang buntis:

  • Naiiwasan ang cell damage. Ang mga prutas ay may antioxidants, na nakakatulong upang bawasan ang anumang fetal cell injuries mula sa mga nakakapinsalang sangkap sa kapaligiran.
  • Nababawasan ang infancy wheezing, na nauugnay sa mataas na pagkonsumo ng mga mansanas.
  • Mas mababang posibilidad ng childhood eczema, na nakaugnay sa pagkain ng mga citrus na prutas sa panahon ng pagbubuntis.
Ano ang mga prutas na ligtas kainin ng mga butis?
1. Apple o mansanas

Ang mansanas ay nagtataglay ng iba’t ibang mga nutrients tulad ng fibre, vitamin A at C, at potassium. Ayon pa sa isang pag-aaral,  walang asthma o allergies ang mga naging anak ng mga nanay na kumakain lagi ng mansanas habang buntis.

2. Orange

Bukod sa nakakatulong ito maiwasan ang childhood eczema, ang mga orange ay mayroong:

  • High water content na nakakatulong maiwasan ang dehydration
  • Folate, isang vitamin na pumipigil sa irregular na development ng utak at spinal cord
  • Vitamin C, na hindi lamang may antioxidant properties kundi nakakatulong din sa iron absorption.
3. Banana o saging

Ang saging ay nagtataglay ng mataas na level ng potassium, vitamin B-6, vitamin C at fibre. Ang fibre sa saging ay nakakatulong upang maiwasan ang constipation, samantalang ang vitamin B6 naman ay nakakapigil nang pagsusuka o morning sickness.

4. Avocado

Ang avocado ay nagtataglay ng:

  • Vitamin B, C at K
  • Fibre
  • Magnesium
  • Potassium
  • Iron
  • Choline
  • Folate - mas mataas kung ikukumpara sa ibang prutas

Nakakatulong din ang avocado upang mabawasan ang:

  • Leg cramps dahil sa low potassium at magnesium
  • Nausea dahil sa mataas na magnesium at choline nito
  • Abnormal na development ng utak at nerve dahil sa sapat na dami ng choline
5. Berries

Ang mga prutas na ito ay nagtataglay ng:

  • Carbohydrates
  • Vitamin C
  • Folate
  • Fiber
  • Flavanoids
  • Anthocyanins

Upang mapanatili ang energy level sa isang araw, ang mga buntis ay nangangailangan ng 50 hanggang 60% ng calories mula sa carbohydrates. Makakabuti na bawasan ang pagkain ng mga refined carbohydrates at palitan ito ng mga nutrient-rich na carbohydrates tulad ng berries.

Sana ay nakatulong ang mga impormasyon na ito tungkol sa mga bawal na prutas sa buntis upang masiguro ang ligtas na pagbubuntis.

 

Sources: Medical News Today, American Pregnancy, NHS, Healthline, Only My Health, Healthline, LifecellHopkins Medicine, Healthline, Apta Club

Republished with permission from theAsianParent Singapore
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Fei Ocampo

Basahin: 16 Bagay na ipinagbabawal sa mga buntis

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner