May butlig sa dila? Narito ang ilang posibleng dahilan nito at paraan na maaring gawin para ito ay malunasan.
Butlig sa dila: mga sanhi, sintomas, at lunas
Ang butlig sa dila, na madalas mapagkamalang taghiyawat, ay maaaring lumitaw dahil sa iba’t ibang dahilan. Ito ay maaring dahil sa simpleng iritasyon lamang bagamat maari ring sintomas na pala na malalang karamdaman. Ano nga ba ang posibleng dahilan ng butlig sa dila at kailan ba dapat magpunta sa doktor upang ito ay mapatingnan na. Alamin natin dito.
Mga karaniwang sanhi ng butlig sa dila

-
Transient lingual papillitis (lie bumps)
Ang kondisyong ito ay nagdudulot ng pamamaga sa papillae (maliliit na umbok sa dila), na nagreresulta sa maliit at masakit na butlig sa dila. Karaniwan itong biglaang lumilitaw at maaaring ma-trigger ng stress, maanghang na pagkain, o minor na pinsala sa dila. Nawawala ito nang kusa sa loob ng ilang araw.
Iba Pang Sintomas:
- Pananakit o pagkairita sa dila, lalo na kapag kumakain o umiinom
- Pangangalay o pangangati ng dila
- Pagkakaroon ng pamumula o pamamaga sa paligid ng butlig
- Pansamantalang pagbabago sa panlasa
- Paglaki ng butlig bago ito tuluyang mawala
Lunas:
- Paghugas ng bibig gamit ang maligamgam na tubig at asin upang mabawasan ang pamamaga
- Pag-inom ng maraming tubig upang mapanatili ang hydration sa bibig.
- Paggamit ng over-the-counter pain relievers kung may matinding pananakit
- Pag-iwas sa maanghang at acidic na pagkain na maaaring magpalala ng kondisyon.
- Pagsunod sa tamang oral hygiene upang maiwasan ang impeksyon.
-
Singaw (Aphthous Ulcers)
Ang singaw ay maliliit na sugat sa loob ng bibig, kabilang ang dila. Maaari itong magdulot ng pananakit, lalo na kapag kumakain ng maaasim o maanghang na pagkain. Kadalasan, gumagaling ito nang kusa sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Iba Pang Sintomas:
- Pamumula at pamamaga sa paligid ng singaw
- Pakiramdam ng pagkasunog o panunuyo sa bibig bago lumitaw ang sugat
- Hirap sa pagkain o pagsasalita dahil sa pananakit
- Minsanang pagkakaroon ng lagnat at panghihina kung malala ang singaw
Lunas:
- Paghugas ng bibig gamit ang maligamgam na tubig at asin upang mapabilis ang paggaling
- Paggamit ng mouthwash na walang alkohol upang maiwasan ang iritasyon
- Paglalagay ng topical gel o ointment na may anesthetic properties para mabawasan ang sakit
- Pag-iwas sa maaanghang at maaasim na pagkain upang hindi lumala ang singaw
- Pag-inom ng sapat na tubig at pagkain ng masusustansyang pagkain upang mapalakas ang immune system
-
Oral Herpes (Herpes Simplex Virus)

Larawan mula sa GoodRx
Ang oral herpes ay maaaring magdulot ng masakit, may tubig na paltos sa dila at paligid ng bibig. Ang virus na ito ay nananatiling dormant sa katawan at maaaring ma-trigger ng stress o mahinang immune system.
Iba Pang Sintomas:
- Pangangati o panunuyo sa paligid ng bibig bago lumitaw ang paltos
- Lagnat at panghihina
- Namamagang gilagid at pananakit ng lalamunan
- Hirap sa pagkain o pagsasalita
Lunas:
- Paggamit ng antiviral medications tulad ng acyclovir upang mapababa ang tagal at tindi ng sintomas
- Paglalagay ng cold compress sa apektadong bahagi upang mabawasan ang pananakit
- Pag-iwas sa maalat at acidic na pagkain upang hindi mairita ang sugat
- Pagsunod sa tamang hygiene upang maiwasan ang pagkalat ng virus
-
Scarlet Fever
Isang bacterial infection na nagdudulot ng pulang pantal at “strawberry tongue,” kung saan ang dila ay namamaga at may pulang butlig. Kinakailangan ng agarang paggamot gamit ang antibiotics.
Iba Pang Sintomas:
- Mataas na lagnat at panginginig
- Masakit na lalamunan at pamamaga ng tonsil
- Pamumula ng balat na parang sunburn, lalo na sa leeg at dibdib
- Pagkakaroon ng puting patong sa dila bago ito maging kulay pula
Lunas:
- Paggamit ng antibiotics tulad ng penicillin upang labanan ang impeksyon
- Pagpapahinga at pag-inom ng maraming tubig upang maiwasan ang dehydration
- Paggamit ng lozenges o warm saltwater gargle para maibsan ang sore throat
- Pananatili sa bahay habang may impeksyon upang hindi makahawa sa iba
-
Oral Fibromas

Larawan mula sa RHD Magazine
Ang mga ito ay hindi-cancerous na bukol na dulot ng paulit-ulit na iritasyon o pinsala sa dila. Karaniwan itong matigas at hindi masakit ngunit maaaring tanggalin sa pamamagitan ng operasyon kung nagiging sagabal sa pagkain o pagsasalita.
Iba Pang Sintomas:
- Pagkakaroon ng maliit na bukol sa dila na hindi masakit ngunit matigas
- Dahan-dahang paglaki ng bukol sa paglipas ng panahon
- Posibleng pangangati o iritasyon kapag nadadampian ng pagkain
Lunas:
- Pagsusuri ng dentista o doktor upang matiyak na hindi ito cancerous
- Pag-iwas sa paulit-ulit na pagkagat o pagkuskos sa apektadong bahagi
- Pagsasagawa ng minor surgery kung kinakailangan upang alisin ang bukol
-
Glossitis dahil sa anemia

Larawan mula sa Medical News Today
Ang kakulangan sa iron o bitamina B12 ay maaaring magdulot ng pamamaga sa dila, na nagreresulta sa makinis, namamaga, at mapulang bahagi. Ang tamang nutrisyon at suplemento ay makakatulong upang maibsan ang sintomas.
Iba Pang Sintomas:
- Panunuyo at pananakit ng dila
- Pakiramdam ng pagkasunog sa dila
- Pamumutla ng gilagid at bibig
- Panghihina at madaling pagkapagod
Lunas:
- Pag-inom ng iron at B12 supplements ayon sa reseta ng doktor
- Pagkain ng iron-rich foods tulad ng red meat, beans, at leafy greens
- Pagsusuri ng dugo upang matukoy ang antas ng anemia
- Pagtigil sa paninigarilyo at pag-iwas sa sobrang mainit na pagkain upang hindi lumala ang kondisyon
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?

Bagamat ang karamihan sa butlig sa dila ay hindi mapanganib, dapat kang kumonsulta sa doktor kung makaranas ng:
- Butlig sa dila na hindi nawawala sa loob ng dalawang linggo
- Hindi maipaliwanag na pagdurugo o mabilis na paglaki ng bukol
- Hirap sa paglunok o paghinga
- Kasamang sintomas tulad ng lagnat, pagbaba ng timbang, o panghihina
Ang maagang pagsusuri ay mahalaga upang matiyak ang tamang paggamot at maiwasan ang mas malalang kondisyon.
Mga paraan upang maiwasan ang butlig sa dila
- Panatilihin ang malinis na bibig sa pamamagitan ng regular na pagsesepilyo at pag-floss.
- Iwasan ang pagkaing maaaring magdulot ng iritasyon tulad ng maanghang o maaasim na pagkain.
- Huwag manigarilyo o uminom ng labis na alak.
- Gumamit ng proteksyon sa bibig kung may aktibidad na maaaring magdulot ng pinsala.
- Iwasan ang stress dahil maaari itong magdulot ng mga isyu sa kalusugan ng bibig.
Sa pamamagitan ng pagiging mapanuri sa mga pagbabago sa kalusugan ng bibig at maagap na pagpapatingin sa doktor, maaari mong epektibong mapamahalaan at maiwasan ang butlig sa dila.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!