Ang chorioamnionitis ay isang bacterial infection na maaaring mangyari bago o habang nagle-labor. Ang pangalan ay hango sa mga membrane na nakapalibot sa fetus: and outer membrane na chorion, at ang fluid-filled sac na amnion.
Nagkakaroon ng chorioamnionitis kung na-infect ng bacteria ang chorion, amnion, at amniotic fluid sa paligid ng fetus. Maaari itong magdulot ng maagang panganganak o malalang impeksyon sa nanay at sa baby.
Ang chorioamnionitis ay madalas mangyari sa preterm births at nasa tinatayang dalawa hanggang apat na porsiyento ng full-term births.
Ang kondisyong ito ay kilala rin sa tawag na “amnionitis” o “intra-amniotic infection.”
Sanhi ng chorioamnionitis
Ang kondisyong ito ay kadalasang nade-develop dahil sa impeksyon na maaaring mangyari kapag ang bacteria na matatagpuan sa iyong vagina ay umaakyat papunta sa iyong matris, kung saan naroroon ang fetus.
Ang pinakamalimit na bacteria na nagiging dahilan ng pagkakaroon ng chorioamnionitis ay E.coli, group B streptococci, at anaerobic bacteria.
Sintomas
Hindi laging mayroong sintomas ang kondisyong ito, ngunit ang ilan ay maaaring makaranas ng:
- Lagnat
- Mabilis na tibok ng puso
- Ibang kulay at mabahong amniotic fluid
Risk factors
Mas malaki ang tiyansang magkaroon ng chorioamnionitis kung:
- Bata pa habang nagbubuntis (mababa sa 21 years old)
- Mababa ang socioeconomic status
- Unang pagbubuntis
- Mahaba ang labor
- Matagal nang pumutok ang panubigan
- Premature ang panganganak
- Maraming vaginal examinations haband labor (risk factor lamang ito kung pumutok na ang panubigan)
- May pre-existing conditions na sa lower genital tract
- May internal fetal o uterine monitoring
Komplikasyon
Ang chorioamnionitis ay itinuturing na medical emergency. Maaari itong mauwi sa seryosong komplikasyon tulad ng:
- Bacteremia (impeksyon sa bloodstream)
- Endometritis (impeksyon sa lining ng matris)
- Pangangailangan ng cesarean delivery
- Matinding pagkawala ng dugo sa panganganak
- Pamumuo ng dugo sa baga at pelvis
Ang mga sanggol na ipinanganak ng nanay na may chorioamnionitis ay maaari ring magkaroon ng komplikasyon kabilang na ang:
- Meningitis (impeksyon sa lining ng utak at spinal cord). Subalit ito ay nangyayari sa di higit sa isang porsiyento ng mga sanggol na ipinanganak ng full-term.
- Pneumonia o bacteremia (5 hanggang 10 porsiyento). Ang bactermia ay mas madalas mangyari sa mga preterm na sanggol.
Ang mga komplikasyong dulot ng chorioamnionitis ay maaaring maging life-threatening sa mga preterm na sanggol, ngunit madalang itong mangyari.
Malaki ang tiyansang maiwasan ang mga komplikasyong ito kung maagang makikita ang impeksyon at magagamot agad ng antibiotic.
Paano ito nada-diagnose?
Maaari itong ma-diagnose ng doktor sa isang physical exam, at makukumpirma ng laboratory tests.
Kung ikaw ay nasa preterm labor, kinakailangan ang amniocentesis. Sa prenatal test na ito, kukuha ng kaunting amniotic fluid upang i-test para malaman kung meron kang chorioamnionitis. Maaaring meron ka nito kung ang iyong amniotic fluid ay may mababang concentration ng glucose at mataas na concentration ng white blood cells at bacteria.
Lunas
Kung ikaw ay may chorioamnionitis, kailangan itong gamutin agad upang maiwasan ang komplikasyon. Mapapababa ang iyong lagnat, mapapaikli ang iyong recovery time, at mababawasan ang risk na magkaroon ng impeksyon at komplikasyon si baby.
Antibiotics ang kadalasang binibigay upang gamutin ito. Ito ay binibigay via IV at tinutuloy hanggang sa iyong panganganak.
Kung ang impeksyon ay nagre-respong sa gamot, maaaring itigil na ang antibiotics. Maaari ka nang makalabas ng ospital kung nawala na ang iyong lagnat at na-clear ka na ng iyong doktor.
Paano ito iwasan?
Gagawin ng iyong doktor ang lahat upang maiwasan ang impeksyong ito. Ang ilang paraan ay:
- Screening para sa bacterial vaginosis (pamamaga ng vagina) sa iyong second trimester
- Screening para sa group B streptococcal infection sa iyong ika-35 hanggang ika-37 linggo ng pagbubuntis
- Pagbabawas ng vaginal exams habang ikaw ay nagle-labor
- Pagbabawas ng bilang ng internal monitoring
Makipagusap nang maigi sa iyong doktor tungkol sa iyong mga tanong at pangamba.
Source: Healthline, ABC Law Centers
Basahin: Pagbubuntis: Bawat linggong paglaki ni baby sa 3rd Trimester
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!