Sa botong 134 ang sang-ayon, 57 ang di sang-ayon, at 2 ang abstaining, inapruhabahan ng mga mambabatas sa House of Representatives ang House Bill No. 7303 – “An Act Instituting Absolute Divorce and Dissolution of Marriage in the Philippines” ang ikatlo at huling pagbasa at pagrepaso sa panukala, nitong Marso 2018. Pagkatapos ng ikatlong pagbasang ito, dadalhin na ang panukala sa Senado.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, ito ang unang pagkakataon na umabot sa plenary ng lower house ang Divorce Bill.
Ang Pilipinas at ang Vatican City lamang ang mga bansang walang divorce laws.
Ang Act of Absolute Divorce and Dissolution of Marriage ay nagpapanukala nang mabilis na pagkawalang bisa ng kasal o dissolution of marriage para sa mga nakapagpasa na ng legal separation at sa sitwasyon kung saan ang asawa ay napatunayang nagkasala ng bigamy, halimbawa. Para ito sa mga mag-asawang may tinatawag na “irremediably failed marriages”, para maprotektahan ang mga babaeng inaabuso ng asawa, at mga anak mula sa dagdag pang pyschological trauma at stress dahil sa malalang away at problema ng kanilang mga magulang. Ang panukala ay magtatalaga din ng mababang halaga ng pagpoproseso para abot-kaya kahit ng mga mahihirap, dahil sila ang pangunahing hindi nakakapagpa-annul, dahil sa kamahalan nito. Ayon sa panukala, maaaring ibigay ng walang bayad ang serbisyo ng mga abogado, at susuportahan ng korte ang mga kakailanganing serbisyong psychiatric at psychological ng mga mag-asawang nag-file ng diborsyo.
Bakit divorce pa ang kailangan, e may annulment naman?
Karaniwang tanong ng mga tao ito. Ayon kay Atty. Hazel Dilig, ng Perdigon Duclan & Associates, sa divorce, tinatanggap mo na may kasal, ngunit dahils sa hindi pagkakaunawaan o di pagkakasundo, umaabot sa desisyon na tapusin na ang relasyon bilang mag-asawa. May dalawang uri ng divorce: isang tulad ng legal separation, na mag-asawa pa rin sila at kasal pa din, ngunit hindi na nagsasama; at ang absolute divorce, na hindi kinikilala sa Pilipinas, paliwanag ni Atty. Dilig. Ito ang nagpapawalang bisa sa kasal ng dalawang tao, at nagibibigay laya sa dating mag-asawa, na makapagpakasal ulit sa iba.
Ang annulment naman ay nagpapawalang bisa sa isang kasal, mula pa sa simula. “It is as if there is no marriage that happened, due to certain grounds, tulad ng walang valid na marriage license, o ang mga kinasal ay parehong wala sa legal na edad ng pag-aasawa, halimbawa,” dagdag ni Atty. Dilig. Mayron ding tinatawag na psychological incapacity na isang special provision para ma-annul o mapawalang bisa ang isang kasal mula pa sa simula.
Ano ang grounds para sa isang absolute divorce?
- Lahat ng dahilan na nakasaad sa legal separation at annulment sa ilalim ng Family Code of the Philippines
- Paghihiwalay o separation nang 5 taon o higit pa
- Mayron nang aprubadong Legal Separation ayon sa judicial decree, ng hindi bababa sa 2 taon
- Psychological incapacity
- Gender reassignment surgery
- Irreconcilable differences
- Joint petition ng mag-asawa
- Itinatakda rin ng panukala na magkaroon ng mandatory six-month cooling-off period para sa mag-asawang nagpepetisyon, at pagkakasundo nila sa pamamagitan ng joint manifesto under oath, na ipapasa sa korte.
Ang summary judicial proceedings para sa petisyon ng diborsiyo ay hindi aabot sa isang taon. Hindi pa nga kailangang kumuha ng abogado, at wala nang appeal, ayon kay Albay 1st District Representative Edcel Lagman. Ang desisyon ay inaasahang maging “immediately executory” at final.
Pagbasa ng House of Representatives sa Divorce Bill
“Sa isyung pagsasabatas ng Divorce Bill sa Pilipinas, o kung paano at kailan nga ba ito magiging batas: dahil naipasa na sa House of Represantatives ang bill pagkatapos ng tatlong pagbasa, dadalhin na ito sa Senado,” paliwanag ni Atty. Dilig. Sa Senado ito rerepasuhin at babasahing muli ng tatlong beses, at saka maaaring magbigay ng mga pagbabago o revisions ang mga mambabatas. “They can introduce another bill germane or pertinent to the Divorce Bill na pinasa ng House of Representatives,” aniya. Pero bago pa ito makapasa ng tatlo pang pagbasa, magkakaroon ng oral arguments ang mga Senador, upang pagtalunan kung constitutional ba ang panukala o hindi. Sa kamay nila nakasalalay ang pagsasabatas nito, at maaari nilang ibasura ito kung mapatunayang unconstitutional.
Sa oras na ilagay na ng Senado ang pagbasa ng Divorce Bill sa kanilang calendar of business, simula na kaagad ang first reading. Babasahin ang panukala, magkakaron ng oral arguments at ng stakeholders session. Maaaring may baguhin, idagdag, magkaron ng paglilinaw, at clarificatory hearing. Pagkatapos ng una at ikalawang pagbasa, idadagdag o gagawin ang mga naaprubahang revisions o pagbabago, at saka ipapasa sa proper committee para pakinggan ang revised at luma o orihinal na bersiyon ng panukala.
“Sa ikatlong pagbasa, magkakaron ng bicameral conference, dahil nagsimula sa House of Representatives ang panukala. Ito ang pagsasama ng Senado at Kongreso para pagbotohan kung katanggap-tanggap na ang bersiyong inaprubahan ng Senado,” dagdag pang paliwanag ni Atty. Dilig. Dito na magkakarong muli ng mga argumento.
Sa oras na maipasa na sa bicameral conference ang panukala, pipirmahan ito nina Speaker of the House Pantaleon Alvarez at Senate President Aquilino Pimentel III, at saka itataas kay Pangulong Rodrigo Duterte. Nasa mga kamay niya ang pagpirma dito, o pag-veto. Kapag pinirmahan ng Pangulo, saka lamang ito kikilalaning batas.
Sabi ni Digong
Matunog ang balitang hindi sang-ayon sa Divorce Bill ang Pangulo. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ayaw sanang magkomento ng pangulo pero dahil nagbotohan na naman sa kamara, sinabi na rin ng Malacañang na tutol si Pangulong Duterte sa divorce. Ayon sa pangulo, ang diborsiyo sa Pilipinas ay makakasama sa mga pamilya at sa mga bata. Kawawa daw ang mga bata, at mawawalan ng karapatang magsampa ng kaso ‘yung mga asawa na pinabayaan ng mga asawa nila matapos silang mag-divorce, paliwanag ni Roque sa isang press conference. Ayon kay Pangulong Duterte, dapat sana ay dagdagan pa ang grounds ng annulment, kaysa ipasa ang divorce. Pero nilinaw din niya na ayon sa pangulo, nasa kamay ng Senado (at Kongreso) ang pagpapasiya.
CBCP at ang simbahang Katoliko
Nagsalita na rin ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, at sinabing sana’y pag-usapan pang mabuti at magkaron pa ng mga debate ukol dito para maliwanagan ang isip ng mga mambabatas na magdedesisyon ukol dito. Ang takot daw nila ay maging “easy option” o madaliang solusyon sa problema ng mag-asawa at pamilya ang paghihiwalay at pagwawalang bisa ng kasal. Imbis na mapanatiling buo ang pamilya, pipiliin na lang na mag-divorce, kapag may kahit na maliit lang na problema.
Para naman sa Gabriela Women’s Party, sa pamumuno ni Rep. Emmi de Jesus, “Ang pagpasok sa kontrata ng kasal, na kinikilala ng estado ay isang karapatan. Karapatang may karampatang obligasyong kailangan tuparin ng dalawang panig. Dapat naroroon ang pagmamahalan, paggalang, suporta at iba pang factors na magbibigay ng kaligayahan at kalusugan sa kanilang relasyon.” AT kapag hindi tinutupad ang mga obligasyong ito, at umabot pa sa pagkakasakitan, kailangan ding “kilalanin ng estado ang karapatan na wakasan ang kontrata at karapatang umalis sa relasyon.”
Sa isang banda, ang mga Muslim sa Pilipinas ay matagal nang kumikilala ng divorce, ayon pa sa Presidential Decree No. 1083, na pinasinayaan ng dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos.
Ano ang Timeline na tinitingnan?
Ayon kay Atty. Dilig, maaaring umabot ng isang taon, humigit kumulang, kapag nakarating na sa Senado ang Divorce Bill. “Honestly, if there are people interested in the divorce bill, they can have it railroaded within three months,” opinyon ni Atty. Dilig. Lahat ay depende sa kung gaano kaigting ang kagustuhan nilang maisabatas ito.
SOURCES:
https://www.sunstar.com.ph/
https://opinion.inquirer.net/
https://newsinfo.inquirer.net/
Basahin: 6 paraan para i-save ang relationship na papunta na sa hiwalayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!