Mga mommy, bagaman pinapayuhan na umiwas sa pag-inom ng alak, paggamit ng ipinagbabawal na gamot at paninigarilyo habang ikaw ay nagbubuntis, may mga toxins o lason sa ating paligid na hindi natin napapansin. Kaya naman paulit-ulit ang pagpapaalala ng OB tungkol sa mga bawal kainin, katulad ng ilang klase ng isda dahil sa epekto ng mercury sa buntis at sa baby na nasa sinapupunan.
Lubos kasing nakakasama ang mga toxins at kemikal na ito sa sanggol. Gaya na rin ng usok mula sa mga sasakyan o sinusunog na plastik, maaaring magdulot ng depekto itong mga ito sa iyong ipinagbubuntis.
Nito lamang, isang nakagigimbal na balita ang nag-viraldahil naging ehemplo ito ng epekto ng mercury sa buntis: isang newborn mula sa Indonesia ang nagkaroon ng birth defects at pumanaw matapos maipanganak.
“Cyclops” baby
Nito lamang ika-13 ng Setyembre, isang sanggol ang isinilang na kulang ng isang mata at walang ilong sa Mandailing Natal Regency sa North Sumatra, Indonesia. Nag-viral ito matapos na mai-share sa isang Facebook post, na makikita natin sa ibaba.
Sa kasamaang palad, hindi maganda ang nakita ng mga doktor sa bata at sinabi nilang hindi magtatagal ang buhay nito. Ang mabuhay sa loob ng isang linggo ay isang malaking laban na para sa baby.
Ayon sa pahayag ng pinuno ng health agency na si Syarifuddin Nasution sa Liputan 6, binibigyan nila ng sapat na supply ng oxygen sa bibig ang baby.
“Ang survival rate ng mga nagkadepekto sa Mercury ay aabot lamang ng isa hanggang tatlong araw. Subalit ayon sa doktor ng bata ay masuwerte na ang ito kung siya ay mabubuhay sa loob ng limang oras. Sa kabuuang kondisyon ng bata, mayroon siyang komplikasyon sa puso at paghinga. Ang tibok ng kaniyang puso ay mababa sa 100.” Dagdag pa ni Syarifuddin.
Umaasa pa rin ang mga doktor matapos maipanganak ang sanggol na babae at masusing binabantayan ang kaniyang kalusugan. Plano nilang ilipat siya sa isa pang ospital sa kabisera ng North Sumatra na Medan.
Ngunit ayon sa huling balita, hindi na kinaya ng baby. Namatay ang baby noon ding araw na iyon at nabuhay lamang nang halos pitong oras.
Epekto ng mercury sa buntis
Napag-alaman na ang ama ng bata ay madalas na na-e-expose sa mga mapanganib na materyal dahil sa kaniyang trabaho bilang minero ng ginto. Ito ang nagbunsod sa mga experto na pagtibayin ang kanilang hinala na ito ang dahilan na nagkaroon ng epekto ng mercury sa buntis nitong asawa at sa anak na nasa sinapupunan.
Ang mercury ay isang uri ng heavy metal na nakalalason sa mga tao. Masusing pinag-aralan ang epekto ng mercury sa buntis at sa mga sanggol, at ito ang itinuturong dahilan ng pagkakaroon ng depekto at pagkakaroon din ng iregularidad sa nervous system ng mga sanggol.
Ang mapanganib na materyal na ito ay malawakang ginagamit sa pagmimina ng ginto. Sa ulat ng United Nations Development Programme (UNDP), ang bansang Indonesia ang may pinakamaraming artisanal mines sa buong mundo.
Ang dapat mong malaman ngayon ay hindi mo kinakailangang maging minero para lamang malaman ang epekto ng exposure sa mercury at iba pang mapapanganib na toxic substances.
Maaari kang ma-expose sa mercury nang hindi mo alam
Ang isda ang isa sa pangunahing pinagmumulan ng mercury sa tao – ang maliliit na isda ay maaaring may kakaunting taglay na mercury. | Image source: File photo
Maraming pinagmumulan ng mercury sa ating mundo. Ang isa sa pinaka-karaniwang pinagmumulan nito ay ang pagkain. Sa kalikasan, ang mercury ay bumabagsak mula sa hangin patungo sa iba’t-ibang anyong tubig tulad ng sapa o ilog. Ang mga isda ay nakukuha naman ang mercury mula sa tubig at iba pang uri ng isda.
Ang karaniwang pamantayan ay kapag mas matanda at mas malaki ang mga isda, mas marami ang taglay nitong mercury sa katawan.
Ipinapayo ng American Food and Drug Administration (FDA) sa mga nagdadalang-tao na iwasang kainin ang mga sumusunod na uri ng isda:
- Swordfish
- King Mackerel
- Shark
- Tilefish
- Marlin
Iba pang toxins sa kapaligiran
Bagaman pinapayuhan ng mga doktor ang mga buntis na umiwas sa pag-inom ng alak, paninigarilyo at paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot, mas batid na ngayon ang masamang epekto ng mga mapanganib na toxins sa mga ipinagbubuntis. Ang mga kemikal na ito ay karaniwang natatagpuan sa usok na ibinubuga ng mga sasakyan sa hangin, usok mula sa pagsisiga ng plastik, maliliit na particles mula sa polusyon sa hangin, paggamit ng pestesidyo, o kahit ang paggamit ng pintura (dahil maaaring naglalaman ito ng lead)
Kinumpirma ito sa inilabas na committee opinion ng American College o Obstetricians and Gynecologists (ACOG), limang taon na ang nakalilipas. Hinihimok nila “ang napapanahong pag-aksyon para kilalanin at bawasan ang exposure ng mga tao sa mga mapanganib na toxins habang tinutugunan ang kasalukuyang exposure sa mga ito.”
Si Nathaniel DeNicola, na miyembro ng ACOG committee at nagpatibay ng kanilang opinyon, ay hindi masukat kung gaano ka-kritikal ito sa atin.
Ayon sa kanya, “Ang fetal development ay ang pinaka-kritikal na parte ng development ng tao. Ang exposure sa toxins sa panahong ng pagdadalang-tao ay nagkakaroon ng hindi lamang panandaliang epekto ngunit panghabang-buhay na epekto sa tao.”
Ngunit bakit nga ba mahalaga ang lubusang pag-iwas dito?
Nagbigay si DeNicola ng dalawang senaryo st inihalitulad ang pagkalantad sa toxins sa pag-inom ng alak habang nagbubuntis.
Ang mga buntis na labis ang pag-inom ng alak ay maaaring manganak ng mga sanggol na may fetal alcohol syndrome. Subalit, hindi malinaw kung gaano karaming alak ang dapat na mainom ng isang buntis bago nito mapinsala ang kanyang fetus kaya nararapat lamang na huwag uminom ng alak habang nagbubuntis.
Sa katulad na paraan, ipinaliwanag niya na “alam natin na toxic ang mga heavy metals at phthalates pero dahil hindi natin alam kung gaano karami nito ang safe para sa atin, mas makabubuting iwasan ito hangga’t maaari.”
Mga tips kung paano maka-iwas sa toxins
Bagaman madalas tayong nalalantad sa mga kemikal dala ng sobrang urbanisasyon, mayroon pa ring mga paraan na pwede mong gawin para maiwasan ito mommy. Narito ang ilang tips na pwedeng makatulong sa iyo.
Mas Mabuting Kaugalian ng Pamumuhay
- Iwanan ang inyong sapatos o tsinelas sa labas ng bahay bago kayo pumasok. Sa paraang ito, hindi mo madadala sa loob ng bahay ang alikabok at dumi (na maaaring may contaminants) mula sa labas.
- Hugasang maigi ang inyong kamay, lalo na kapag bago kumain. Ayon kay DeNicola, ang mga bagay na ating nahahawakan ay maaaring may natirang kemikal at mabuting linisin ito sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga kamay.
- Regular na mag-vacuum at maglampaso ng sahig dahil maaaring sumama sa alikabok ang mga kemikal.
- Iwasang mag-init ng pagkain gamit ang mga lalagyan na gawa sa plastik, at hangga’t maaari ay iwasan ang paggamit ng plastik na lalagyan ng pagkain sa pangkalahatan. “Ang sangkap ng plastik ay maaaring sumama at magkontamina ng pagkain at inumin”, ayon sa propesor ng Developmental and Cell Biology ng University of California sa Irvine na si Bruce Blumberg.
- Kumain ng mga pagkaing mula sa mga halaman gaya ng mga gulay at prutas at kumain din maliliit na isda tulad ng sardinas.
- Huwag mag-ehersisyo sa labas ng bahay, lalo na sa lugar na maraming dumadaang sasakyan kapag rush hour.
Ang pagpapanatili ng kalinisan sa loob at labas ng iyong tahanan ay isang mabuting hakbang upang mabawasan ang pagkalantad ng iyong pamilya sa mga toxins. | Image source: File photo
Pumili ng Mas Ligtas na Produkto
- Kumonsumo ng mga organikong pagkain. Ang pamamaraan ng organikong pagsasaka ay kadalasang hindi masyadong gumagamit ng pestesidyo. Ito ang makakabawas sa panganib ng pagkakalantad ng inyong pamilya sa pestesidyo.
- Iwasang gumamit ng mga non-stick na panluto. Bagaman hindi na natatagpuan ang Teflon sa karamihan ng mga non-stick na panluto ngayon, hindi natin alam kung ano na ang mga materyales na inilalagay sa mga bagong non-stick na panluto. Mas makabubuting iwasan na ang paggamit nito at huwag ipagsapalaran ang panganib nito sa kalusugan ng iyong pamilya.
- Kung madalas ang paggamit ng mga make-up, gawin ang mga pagsasanay na ito:
- Piliin ang mga unscented na cosmetics at mga produktong palinis. Paliwanag ni DeNicola, ang mga produktong scented ay kadalasang hinahaluan ng scented phthalates upang maikubli ang iba pang amoy ng produkto. Ang phthalates ay toxins sa paligid na nagdudulot ng premature birth at delay sa brain development ng mga sanggol.
- Ugaliing magbasa ng mga label ng mga ginagamit mong produkto at iwasang gumamit ng mga produktong naglalaman ng diethyl phthalate or DEP. Ito ang kadalasang phthalate na nasa mga ‘unscented’ na produkto.
- Limitahan ang pagkalantad sa mga mapanganib na kemikal. Binigyang-diin ni DeNicola na ang patuloy na pagkalantad sa mga kemikal ay nagdadala ng peligro sa kalusugan.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
References: The Washington Post, ACOG (lead, environmental toxins), NCBI, marchofdimes.org
BASAHIN: Tanong ng Mommy-to-be: Pwede ko bang kainin ito?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!