Epekto ng migraine sa buntis, maaaring maglagay sa buhay ng sanggol at babaeng nagdadalang-tao sa peligro. Alamin ang iba pang detalye dito.
Doble ang pagsubok sa mga nagbubuntis ang may migraine. Sa isang study nauugnay daw ito sa pagkakaroon ng pregnancy complications.
STUDY: Pregnancy complications iniuugnay sa pagkakaroon ng migraine
Hindi maikakaila na ang pagbubuntis ay isang pagsubok. Naririyan sumusulpot ang iba’t ibang sakit na maaaring maranasan sa 9 na buwan.
Maaari makaranas ng paiba-ibang mood swings o pagbabago ng ugali. Lumalakas din sa pagkain ang buntis kaya naman maaaring tumaas ang timbang nito. Madalas din ang “morning sickness” o ang pakiramdam ng pagkahilo sa umaga.
Larawan mula sa Shutterstock
Kung ang mga ito ay nararanasan na ng mga walang sakit ano pa kaya ang mga taong may migraine? Siguradong mas matindi ang pagdadaanang hirap at epekto nito sa buntis.
“Roughly 20% of women of childbearing age experience migraine, but the impact of migraine on pregnancy outcomes has not been well understood,”
Ayon sa study author na si Alexandra Purdue-Smithe, Ph.D., ng Brigham and Women’s Hospital in Boston.
Nakita sa pag-aaral ng mga researchers sa 30,000 na babae kung saan 19,000 sa mga babaeng ito na nasa edad 20 pataas ay nakararanas ng migraine. Tinatayanag 11% sa pag-aaral na ito ay natagpuang may migraine na bago pa man magbuntis.
Ang labis daw na pananakit ng ulo habang buntis ay may ibang kasidhian kumpara kung ikaw ay hindi nagdadalang-tao.
Sinabi rin ng eksperto na maaaring magkaroon ng mataas na komplikasyon sa pagbubuntis ang mga may migraine. Ilan sa mga ito ay ang mga preterm delivery, gestational high blood pressure, at preeclampsia. Ang mga kondisyon ito ay ang nangungunahang dahilan ng pagkamatay ng sanggol o babaeng nagdadalang-tao.
Epekto ng migraine sa buntis
Dadag pa ni Purdue-Smithe, ang pagkakaroon ng migraine ng isang babae ay dapat maging clinical marker kung siya ay magbubuntis. Nang dahil sa ito ay napatunayang may kaugnayan sa pagkakaroon ng komplikasyon sa pagdadalang-tao.
Kaya naman ang mga babaeng may migraine na nagdadalang-tao ay dapat sumailalim sa mas mahigpit na pagmomonitor ng kaniyang doktor.
Ang mga epekto ng migraine sa buntis kung hindi agad mabigyan ng pansin ay ang sumusunod:
Preterm delivery
Ang “preterm delivery” o “premature delivery” ay maaaring maging epekto ng migraine sa buntis. Ang “preterm birth” ay kung ang sanggol ay ipapanganak nang mas maaga.
Dapat ay nasa 37 linggo o siyam na buwan upang masabi na nakumpleto ang pagbubuntis. Kinakailangan kasi ito upang madevelop nang maayos ang iba’t ibang katangian ng iyong magiging anak.
Ayon sa data nasa tinatayang 17% ang porsiyento ng risk sa preterm delivery sa mga buntis.
Maaaring magbunga ng ilang mga sakit at kumplikasyon para sa bata ang pagpapanganak sa kanya nang mas maaga sa kumpletong cycle.
Larawan mula sa Shutterstock
Gestational high blood pressure
Ang pagtaas ng dugo ay maaari ring epekto ng migraine sa buntis. Ang “gestational high blood pressure” na kundisyon ay nagaganap sa kasagsagan ng pagbubuntis at kung kulang sa protein ang katawan. Maaari ring kung ikaw ay mayroong problema sa puso o atay.
Ilan sa maaaring maging sintomas nito ay pananakit ng ulo, pamamaga, pagkahilo, at kaunti kung umihi. Maaari ring pataas ng timbang, pagkalabo ng paningin at pagkasakit ng tiyan.
Ayon naman sa data nasa tinatayang 28% ang porsyento ng risk ng “gestational high blood pressure” sa mga buntis.
Ang gestational high blood pressure sa buntis ay maaaring magdulot ng mga sumusunod na pregnancy complications:
- Preeclampsia
- Stroke
- Labor induction
- Placental abruption
Habang ang mga health problems naman na maaaring maranasan ng kaniyang sanggol ay ang mga ito:
- Preterm delivery o pagkasilang sa sanggol bago ang 37 weeks ng pagbubuntis.
- Low birth weight
Preeclampsia
Ang “preeclampsia” ay isa sa kumplikasyon at epekto ng migraine sa buntis. Ito ay dulot ng “high blood pressure” o senyales ng pagkasira sa ibang organ system ng katawan gaya na lamang ng atay at kidney. Ayon naman sa data nasa tinatayang 40% ang porsyento ng risk ng “preeclampsia” sa mga buntis.
Ito ay kadalasang nagsisimula ng sa ika-20 ng linggo ng pagbubuntis kahit pa normal ang blood pressure ng isang buntis.
Kung ito ay hindi magagamot maaaring mapuntasa malalang sitwasyon. Delikado ito para sa nanay at kanyang anak.
“While the risks of these complications are still quite low overall, women with a history of migraine should be aware of and consult with their doctor on potential pregnancy risks,”
Paalala ng researcher na si Purdue-Smithe. Nararapat lamang daw na kumonsulta na sa doktor kung bago pa man magbuntis ay may history na ng migraine. Sa ganitong paraan ay mabibigyan ng tamang paraan kung paanong mababawasan ang ilan sa komplikasyon.
Para naman makaiwas sa seryosong kumplikasyon na maidudulot ng preeclampsia ang pinakamabisang lunas ay maipanganak o mai-deliver ng mas maaga si baby.
Ngunit kung ang preeclampsia ay nagsimula ng maaga sa pagbubuntis ay kailangan ng doble pag-iingat at mahigpit na pag-aalaga sa kalagayan ng buntis at ng sanggol na kaniyang dinadala hanggang sa ito ay maging handa na para sa delivery.
May mga pagkakataon din na nagde-develop ito pagkatapos maipanganak ang sanggol na tinatawag na postpartum preeclampsia.
Larawan mula sa Shutterstock
“More research is needed to determine exactly why migraine may be associated with higher risks of complications. In the meantime, women with migraine may benefit from closer monitoring during pregnancy so that complications like preeclampsia can be identified and managed as soon as possible.” dagdag pa niya.
Samantala,ang mga sintomas ng preeclampsia na dapat bantayan ng isang babaeng nagdadalang-tao ay ang sumusunod:
- Sakit ng ulo na hindi nawawala.
- Pagbabago o paglabo ng paningin.
- Pananakit sa bandang itaas na bahagi ng tiyan.
- Pagsusuka o pagduruwal.
- Pamamaga ng mukha at paa.
- Biglang pagtaba o pagbigat ng timbang.
- Hirap sa paghinga.
Coronary heart disease at ischemic stroke
Ayon parin kay Purdue-Smithe, maliban sa preterm delivery, gestational diabetes at preeclampsia, ang pagkakaroon ng migraine ng buntis na sasabayan ng aura o visual disturbances ay iniuugnay sa mataas na risk ng coronary heart disease at ischemic stroke sa mga babae. Mas mataas rin daw ang tiyansa ng preeclampsia sa mga babaeng nakakaranas ng migraine na sasabayan ng visual disturbances.
Pag-aalaga ng katawan sa mga buntis na may migraine
Ang babae ay hindi maaaring uminom ng gamot lalo kung walang pahintulot ng doktor sa panahon ng kanyang pagbubuntis. Maaaring subukan ang ilan sa mga natural na remedyo. Ilan sa mga ito ay pag-iwas sa stress, pagpapahinga, pagkain ng prutas at gulay, at pag-inom ng maraming tubig.
Kung ang pananakit ng ulo ay labis na, nararapat lamang na kumunsulta na sa doktor. Sa ganitong paraan ay makakahingi ng mga payo mula sa isang propesyunal.
Isa pang paraan para makaiwas sa migraine o sakit ng ulo ang buntis ay pagkakaroon niya ng diary na kung saan naka-record ang mga kinakain niya, ginagawa at sintomas na naranasan. Ito ay para matukoy kung ano ag naging dahilan nito.
Kung magkakaroon ng pananakit ng ulo ay agad na ilista ang mga sumusunod:
- Mga sintomas na nararanasan at kung saang bahagi ng katawan ka nakakaramdam ng sakit.
- Oras na kung saan nagsimula at huminto ang pananakit ng ulo.
- Pagkain at inumin na inintake ng buntis sa nakalipas na 24 oras.
- Pagbabago sa paligid tulad ng paglipat ng posisyon o pagbyahe o kaya naman ay pagbabago sa klima o panahon.
- Treatment na iyong ginawa na sa tingin mo ay nakatulong o nakapagpalala pa ng iyong sakit ng ulo.
Ang mga nabanggit ay makakatulong sa pagbibigay lunas ng iyong doktor sa migraine na iyong nararanasan. Muli, bago uminom ng anumang gamot ay dapat magpakonsulta muna sa iyong doktor. Ito ay para makasigurong safe ito sayo at sa sanggol na iyong dinadala.
Karagdagang ulat mula kay Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!