Isang murang gamot na karaniwang ginagamit upang bawasan ang side effects ng chemotherapy ang lumilitaw na may potensyal sa paggamot ng mga batang may autism, ayon sa bagong pananaliksik. Sa ilang pag-aaral, natuklasang maaari itong makatulong sa mga batang may problema sa pagsasalita at komunikasyon—isang hamon na madalas kaharapin ng mga may autism spectrum disorder (ASD).
Ano ang gamot na ito at paano ito nakakatulong?
Ang Leucovorin ay isang uri ng folic acid o vitamin B9, isang mahalagang sustansya para sa pag-develop ng utak at sistema ng nerbiyos. Natuklasang sa ilang batang may autism spectrum disorder, may kakulangan sila ng folate sa utak, isang kondisyon na tinatawag na cerebral folate deficiency (CFD).
Kapag mababa ang folate sa utak, maaaring maranasan ng isang bata ang:
- delayed speech development
- problema sa social interaction
- kahirapan sa pag-unawa at komunikasyon
Sa bagong pag-aaral, ipinapakita na ang pag-inom ng gamot na ito ay maaaring makatulong sa pagsasaayos ng folate levels, na siyang nagreresulta sa mas malinaw na pagsasalita at mas maayos na pag-unawa ng bata.
Mga pag-aaral na sumusuporta sa gamot na ito
Ayon sa pag-aaral ni Dr. Richard Frye noong 2020 na inilathala sa Seminars in Pediatric Neurology, sinuri ang 44 batang may autism na may kakulangan sa folate, at natuklasang dalawang-katlo sa kanila ang nagpakita ng pagpapabuti sa kanilang kakayahang magsalita matapos gumamit ng gamot.
Samantala, sa isa pang pag-aaral na inilathala sa Molecular Psychiatry noong 2018, sinuri ang 48 batang may autism na may problema sa pagsasalita, at pagkatapos ng 12 linggong paggamot, napag-alamang mas malaki ang naging improvement sa verbal communication ng mga batang gumamit ng gamot kumpara sa mga hindi gumamit.
Karanasan ng pamilyang Connor
Isa sa mga matagumpay na kaso ng paggamit ng gamot na ito ay si Mason Connor, isang bata na na-diagnose na may nonverbal autism noong siya ay 2 ½ taong gulang.
Bago niya gamitin ang gamot:
- Hindi siya nakakapagsalita
- Nahihirapang makipag-ugnayan sa kanyang pamilya
- Hindi epektibo ang ibang treatments na sinubukan ng kanyang magulang
Matapos marinig ng kanyang ama na si Joe Connor ang tungkol sa pag-aaral ni Dr. Frye, sinubukan nilang gamitin ang gamot.
Pagkatapos lamang ng tatlong araw, biglang nagsimulang magsalita si Mason—isang bagay na hindi pa niya nagawa noon.
Ngayon, sa edad na 5 taon, si Mason ay naghahanda nang pumasok sa regular na kindergarten, na isang napakalaking pagbabago mula sa kanyang dating kondisyon.
Ayon kay Dr. Frye, maaaring magkaroon ng malaking epekto ang gamot na ito sa maraming batang may autism. Ngunit dahil ito ay murang gamot, kakaunti ang pharmaceutical companies na nagpopondo para sa malawakang pananaliksik ukol dito.
Ligtas ba ang gamot na ito? Ano ang limitasyon nito?
Bagamat maraming positibong resulata, mahalagang tandaan na hindi lahat ng batang may ASD ay may cerebral folate deficiency at hindi pa ito aprudado ng FDA bilang opisyal na gamot para sa autism. Dapat lamang itong gamitin kapag may gabay ng doktor.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), isa sa bawat 36 na bata sa Estados Unidos ay may ASD. Kaya’t mahalagang ipagpatuloy ang pananaliksik upang masuri kung ang gamot na ito ay magiging epektibong bahagi ng autism treatment.
Larawan mula sa Shutterstock
Ano ang dapat gawin ng mga magulang na may anak na may ASD?
Kung ikaw ay isang magulang ng isang batang may autism at interesado sa gamot na ito, narito ang mga dapat gawin:
- Kumonsulta sa isang pediatric neurologist o developmental pediatrician bago gumamit ng anumang gamot.
- Siguruhing may tamang diagnosis—hindi lahat ng batang may autism ay nangangailangan ng folate treatment.
- Isaalang-alang ang iba pang therapies tulad ng speech therapy, occupational therapy, at behavioral therapy.
Paalala
Ang bagong pag-aaral tungkol sa murang gamot na ginagamit sa chemotherapy ay nagbibigay ng bagong pag-asa sa mga batang may autism, lalo na sa mga nahihirapang magsalita at makipag-ugnayan sa iba.
Habang hindi pa ito opisyal na aprubado bilang autism treatment, ang mga resulta ay nagpapakita na maaari itong makatulong sa ilang bata, lalo na iyong may cerebral folate deficiency.
Tandaan: Mahalagang kumonsulta muna sa isang doktor bago gumamit ng anumang gamot. Bukod sa medikal na interbensyon, huwag kalimutan ang kahalagahan ng early intervention, edukasyon, at suporta mula sa pamilya upang masigurong may magandang kinabukasan ang mga batang may ASD.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!