Sa unang linggo pa lamang ng 2025, nakapagtala na ang Pilipinas ng mahigit 1,500 kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa loob ng unang 18 araw ng taon, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Batay sa Department Circular No. 2025-0050, umabot na sa 1,517 ang naitalang kaso ng HFMD mula Enero 1 hanggang 18, na 23% mas mataas kumpara sa 1,231 kaso sa parehong panahon noong 2024.
Ayon sa DOH, may 45 probinsya, highly urbanized cities, at independent cities mula sa 13 rehiyon na nakitaan ng pagtaas ng kaso ng sakit. Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na ang kasalukuyang bilang ay hindi pa umaabot sa alerto o epidemic threshold, batay sa dalawang taong average na datos.
Ano ba ang HFMD at paano ito kumakalat?
Ang HFMD ay isang lubhang nakakahawang sakit na dulot ng enterovirus, kung saan ang mga batang may edad limang taon pababa ang pinakamadaling mahawa. Kabilang sa mga sintomas nito ang lagnat, singaw sa bibig, at pantal na maaaring magmukhang paltos sa kamay, paa, at puwit.
Maaaring mahawa ang isang bata sa pamamagitan ng direktang pakikisalamuha sa taong may HFMD, pati na rin sa droplets mula sa ubo o pagbahing, at sa paggamit ng kontaminadong bagay tulad ng laruan, kutsara, at baso.

Paalala ng DOH sa publiko
Dahil sa tumataas na bilang ng kaso ng HFMD, iniutos ng DOH sa lahat ng Centers for Health Development (CHD) na masusing subaybayan at kontrolin ang pagkalat ng sakit.
Kabilang sa mga hakbang na ipinapatupad ay ang:
- Agarang pag-report ng lahat ng kaso ng HFMD sa DOH ng mga lokal na Epidemiology and Surveillance Units (ESU).
- Pagpapalakas ng monitoring sa mga kumpirmado at pinaghihinalaang kaso ng HFMD sa mga komunidad.
- Paghihiwalay ng mga pasyente ng HFMD sa loob ng 7-10 araw upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
- Panawagan sa mga magulang na panatilihin ang mga batang may sintomas sa bahay at iwasang pumasok sa paaralan o dumalo sa face-to-face activities hanggang sa gumaling.
Paano maiiwasan HFMD?
Upang maprotektahan ang mga bata at pamilya laban sa HFMD, nagbigay ng paalala ang DOH sa publiko na sundin ang mga sumusunod:
- Palaging maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, lalo na bago at pagkatapos kumain, pagkatapos gumamit ng palikuran, at matapos makisalamuha sa ibang tao.
- Gumamit ng alcohol-based sanitizers kung walang tubig at sabon.
- Iwasan ang pagbabahagi ng personal na gamit tulad ng kutsara, tinidor, baso, at water bottles.
- Panatilihin ang kalinisan ng bahay at regular na disimpektahin ang mga laruan, hapag-kainan, at iba pang madalas mahawakan ng bata.
- Gumamit ng face mask at gloves kapag nag-aalaga ng isang pasyente na may HFMD upang maiwasan ang hawaan.
Paalala sa mga magulang
Bagama’t karamihan ng kaso ng HFMD ay gumagaling nang kusa sa loob ng 7-10 araw, dapat mag-ingat ang mga magulang sa posibleng komplikasyon, lalo na kung makaranas ang bata ng matinding dehydration, mataas na lagnat na hindi bumababa, o panghihina.
Kung may nararanasang sintomas ang inyong anak, mabuting komunsulta agad sa doktor upang makasigurado sa tamang pangangalaga at maiwasan ang malubhang epekto ng sakit.
Ang DOH ay patuloy na nagbabantay at nagsasagawa ng hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng HFMD. Bilang mga magulang, mahalagang maging maingat at sundin ang tamang hygiene at kalinisan upang mapanatili ang kalusugan ng ating mga anak at buong pamilya.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!