Komplikasyon ng tigdas ang itinuturong dahilan kung bakit hindi na makatayo at makapagsalita ang isang batang lalaki sa Baguio City. Ang bata ay kinilalang si Methuselah Molina, limang taong gulang.
Image screenshot from ABS-CBN Red Alert video
Ayon sa mga magulang ni Methuselah o Methus, 8 months pa lamang ito nang magkaroon ng tigdas. Matapos ang isang linggong gamutan at pag-inom ng antibiotic ay gumaling ito mula sa sakit.
Lumaki si Methus na walang bakas na siya ay nagka-tigdas noong siya ay sanggol pa lamang. Sa madaling salita, lumaking normal si Methus tulad ng ibang bata. Makulit, madaldal at mapaglaro.
Image screenshot from ABS-CBN Red Alert video
Komplikasyon ng tigdas: Panghihina ni Methus
Ngunit nito lang Mayo ng nakaraang taon, napansin ng ina ni Methus na si Mariel na lagi itong nadadapa, natutumba at laging nahuhulog ang bagay na hinahawakan niya.
Noong una ay binalewala niya ito at naisip na baka clumsy lang ang anak.
Hanggang isang araw, napansin ng tito ni Methus na biglang nayuyuko ang bata habang ito ay nakaupo na tila daw ba “nagshushut-down,” pagdedescribe pa niya.
Ang mga mata rin daw nito ay dahan-dahan ding pumipikit na parang inaantok.
Dahil sa napansin ay napagdesisyunan ng mga magulang nito na dalhin ito sa ospital para ipasuri. Hindi agad na-diagnose kung ano ang sakit ng bata. Ngunit habang tumatagal mas lumalala ang sitwasyon ni Methus.
Nagsimula na itong hindi makatayo at makaupo ng mag-isa. Maski ang kamay nito ay hirap ng humawak ng kahit anong bagay. At ang pinakamasakit para sa mga magulang ni Methus ay hindi na ito makapagsalita kahit na tawagin man lang silang Mama at Papa.
Ayon sa doktor na tumingin kay Methus, ang kondisyon daw ni Methus ay tinatawag na Subacute Sclerosing Panencephalitis o SSPE.
Isa itong pambihirang sakit na nakukuha ng mga batang naimpeksyon ng tigdas.
Dahil sa sakit na ito, pati sa pagkain ay hirap na si Methus. Hindi na siya makanguya o makalunok.
Hindi akalain ng mga magulang ni Methus na mangyayari ito sa kaniya. Lalo pa at ilang taon na ang lumipas mula noong nagkatigdas siya.
Komplikasyon ng tigdas: SSPE
Ang Subacute Sclerosing Panencephalitis.o SSPE ay isang progresibong neurological disorder na nagdudulot ng pamamaga sa utak o encephalitis.
Ang komplikasyon ng tigdas na ito ay nangyayari kapag nagkaroon ng reactivation ng measles virus sa katawan ng isang tao o di kaya naman ay nagkaroon ng abnormal immune response ang katawan mula sa virus.
Ang SSPE ay madalas na nagdedevelop dalawa hanggang sampung taon matapos magkaroon ng tigdas.
Ilan sa initial symptoms nito ay ang memory loss, irritability, seizures, involuntary muscle movements, behavioral changes na maaring mauwi sa neurological deterioration.
Ayon sa World Health Organization o WHO, 4-11 cases lang ng kada 100,000 cases ng tigdas ang nagkakaroon ng SSPE.
Mas mataas naman ang tiyansa na magkaroon ng komplikasyon ng tigdas ang mga baby na nagkakaroon ng sakit na wala pang ganap na resistensya laban dito.
Sa ngayon ay wala paring nakikitang lunas sa SSPE. Karamihan ng nagkakaroon ng sakit na ito, 95% ng kaso, ay namamatay sa loob ng ilang taon.
Ang isang paraan lang para maiwasan ito ay ang hindi pagkakaroon ng tigdas sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban dito.
Para matukoy naman kung ang isang tao ay may SSPE ay kailangan niyang dumaan sa clinical evaluation at blood testing para makita ang level ng measles antibody sa kaniyang katawan.
Mga komplikasyon ng tigdas
Maliban sa SSPE, may iba pang komplikasyon ng tigdas na hindi dapat isawalang bahala.
Bagamat ang tigdas ay maaring malunasan sa loob ng pito hanggang sampung araw na gamutan, minsan ay may mga seryosong epekto naman ito sa kalusugan na sadyang napakadelikado.
Ilan nga sa mga taong maaring makaranas ng komplikasyon ng tigdas ay ang sumusunod:
- Mga sanggol na wala pang isang taong gulang
- Mga batang malnourish o may poor diet
- Mga batang may mahinang immune system tulad ng may mga leukemia
- Mga teenagers at matatanda
Samantalang ang mga bata naman na lagpas isang taong gulang na may maayos na kalusugan o healthy ay mababa ang tiyansang magkaroon ng komplikasyon ng tigdas.
Mga pangkaraniwang komplikasyon ng tigdas
Ilan naman sa pangkaraniwang komplikasyon ng tigdas ay ang sumusunod:
- diarrhea at pagsusuka na maaring mauwi sa dehydration
- middle ear infection o otitis media
- eye infection o conjunctivitis
- pamamaga sa voice box o laryngitis
- infection sa airways o lungs (pneumonia, bronchitis at croup)
- febrile seizures
Mga hindi pangkaraniwang komplikasyon ng tigdas
Ang mga hindi naman pangkaraniwang komplikasyon ng tigdas ay ang sumusunod:
- liver infection o hepatitis
- misalignment ng mga mata o pagkaduling
- impeksyon sa paligid ng utak at spinal cord o meningitis
- impeksyon sa utak o encephalitis
Mga Bihirang komplikasyon ng tigdas
Sa mga pambihirang sitwasyon ang tigdas ay maaring mauwi sa mga sumusunod:
- serious eye disorders gaya ng infection sa optic nerve na maaring mauwi sa pagkabulag
- problema sa puso at nervous system
- fatal brain complication gaya ng Subacute Sclerosing Panencephalitis (SSPE)
Ang tigdas ay isang napaka-delikadong sakit. Ang isang natatanging paraan para maiwasan ito ay pagpapabakuna laban dito na sasabayan ng pagpapanatili ng maayos at malusog na pangangatawan.
Ang kuwento tungkol sa kalagayan ni Methuselah ay na-feature sa programang Red Alert sa ABS-CBN. Maaring mapanood ang buong kwento niya rito.
Sources: WHO, Rare Diseases, ABS-CBN
Basahin: Tigdas o Measles: Isang gabay tungkol sa sakit na ito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!