Nakita niyo na ba ang mga maliliit na paketeng nasa loob ng mga binibili niyong pagkain? Siguro alam niyo na ang mga desiccant pack na ito ay kailangan para hindi mapanis ang pagkain. Pero safe nga ba ang paggamit ng desiccant?
Kung tutuusin, safe naman talaga ang mga dessicant na ito. Ito ay dahil hindi naman direktang nakahalo sa pagkain ang desiccant, at nakalagay rin sa safe na lalagyan.
Ngunit kamakailan lang, may insidenteng nangyari kung saan nasaktan ang isang bata dahil sa desiccant na kasama sa pagkain. Paano ito nangyari, at paano ito maiiwasan ng mga magulang?
Mapanganib ba ang desiccant pack?
Ang balitang ito ay galing sa isang Facebook group kung saan dinetalye ang kwento ng isang bata na nabulag matapos umanong masabugan ng desiccant pack.
Heto ang orihinal na post:
Sabi rito:
“Mga magulang, mag-ingat!
May isang batang lalakeng naglaro ng desiccant, na sumabog at naging sanhi ng pagkabulag.
Si Keke, isang walong taong gulang na lalaki, ay kumuha ng desiccant pack at pinaglaruan ito. Sa kasawiang palad, sumabog ang desiccant at tumalsik ang laman sa kaniyang mata.
Nang malaman ito ng kaniyang ina, dali-dali siyang dinala sa doktor. Matapos makita ng doktor ang mata ng bata, nalaman niyang natunaw ng desiccant ang mata ng bata, at permanente na itong nabulag. Matapos itong marinig ng ina, siya ay napaluhod sa kalungkutan.
Ayon sa mga balita, ang active ingredient ng desiccant na ito ay lime, o apog. Kapag ito ay nabasa nagkakaroon ng reaksyon at ito ay umiinit. Kung mangyari ang reaksyon na ito sa isang masikip at saradong lugar, posible itong sumabog.
Ang likido na galing sa reaksyon na ito ay lubhang mapanganib at nakakatunaw ng balat ng tao.
Paano ito nangyari?
Dapat bang mag-alala sa desiccant pack? Bago natin ito sagutin, kailangan muna nating malaman kung ano nga ba ang desiccant.
Ang mga maliliit na paketeng nakikita niyong kasama ng mga sitsirya ay tinatawag na “desiccant.” Nagsisilbi itong panghigop ng tubig sa hangin at pinapanatiling malutong at sariwa ang pagkain.
Madalas may desiccant ang mga processed food, sapatos at kung anu-ano pa upang mapanatili ang maayos nitong kondisyon. | Source: stock photo
Mayroong dalawang uri ng desiccant. Ang isa ay gawa sa silica gel beads, na hindi nakakasama sa kalusugan. Pero may isa pang uri ng desiccant na gawa sa apog, or calcium oxide kung tawagin.
Kumpara sa silica gel na desiccant, di hamak na mas mura ang gawa sa apog. Ngunit ang kapalit naman nito ay mas mapanganib ang ganitong klase ng desiccant kumpara sa gawa sa silica gel.
Bumalik tayo sa kuwento ni Keke, ang nangyari raw ay binigyan siya ng kaniyang pamilya ng mga sitsirya dahil naging mataas ang marka niya sa paaralan.
Ngunit kinuha ni keke ang desiccant pack mula sa sitsirya, at nilagay ito sa loob ng kaniyang inumin.
Dahil dito, sumabog ang bote, at tumalsik ng likido ang kaniyang mata. Nang tamaan ng likido ang mata ni keke, natunaw ito, at naging sanhi ng kaniyang pagkabulag.
Ano ang ating matututunan sa nangyari?
Maraming mga bagay ang akala nating hindi mapanganib sa mga bata. Ngunit ang katotohanan ay maraming nakatagong panganib sa kung saan-saan. Kaya’t mahalaga sa mga magulang ang mag-ingat at palaging alagaan ang kanilang mga anak.
- Palaging bantayan ang iyong mga anak. May nilalaro ba silang posibleng maging mapanganib sa kanila? Hindi laruan ang mga desiccant pack, at siguraduhing hindi ito pinaglalaruan ng iyong anak.
- Puwede namang mabulunan ang mga bata silica gel beads, kaya’t mabuting ituro sa inyong mga anak na huwag itong isubo o kainin.
- Pagsabihan rin ang inyong mga kasambahay, at mga nag-aalaga sa iyong anak na huwag silang hayaang maglaro ng kung anu-ano, lalo na at kung hindi nila ito laruan. Ito ay dahil posibleng makasama ito sa kanilang kalusugan.
References: Mothership, 靠北医师
Basahin: Batang babae nahuling nanonood ng bold sa cellphone!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!