COVID mass testing Philippines, isinusulong ng mga Filipino scientist. Dahil base sa world data, nahuhuli na ang Pilipinas sa pagte-test ng COVID-19 patients.
COVID mass testing Philippines
Isang petisyon na nagsusulong na magsagawa ng COVID mass testing Philippines ang inilabas nitong Biyernes, March 20, 2020. Ito ay nilagdaan ng 1,000 biologist, health experts at iba pang concerned citizens na labis na nababahala sa kasalukuyang dumaraming kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nakasaad sa petisyon na bilang dagdag sa social distancing at quarantine measures na isinasagawa sa bansa, mahalagang magsagawa rin ng mass testing. Ito ay upang matukoy kung sino at gaano karami na ang infected ng sakit lalo na ang hindi nagpapakita ng sintomas. Para sila ay ma-isolate, mabigyan ng karampatang medikal na atensyon at hindi na makahawa pa.
“Not only is mass testing a crucial public health measure; we can curb collective anxiety brought about by the fact that we are blindly fighting an unseen enemy and affirm the right of all Filipinos to be treated equitably in access to diagnosis.”
Ito ang pahayag ng grupong nagsusulong ng petisyon.
Pero para masagawa ito kailangan ng sapat na bilang ng testing kits at testing centers na sa kasamaang palad ay may kakulangan ngayon sa bansa.
Pilipinas nahuhuli sa COVID-19 testing ng mga pasyente
Base nga sa datos na nakalap ng Our World In Data, ay nahuhuli ang Pilipinas sa pagsasagawa ng COVID-19 testing. Kung ikukumpara nga sa South Korea na may 316,664 test na naisagawa hanggang nitong March 20 ay malayong-malayo ang Pilipinas na nakapag-record palang ng 1,269 test.
Kung ibabase naman ito sa bilang ng test na naisagawa sa kada isang milyong tao lumalabas na nasa 12 katao lang sa kada isang milyong Pilipino ang sumasailalim sa COVID-19 testing. Kaunti kumpara sa 12,738 testing per million na isinasagawa ng bansang United Arab Emirates at 6,148 testing per million ng South Korea. Ganoon rin sa mga kalapit nating bansa na Malaysia na nakapagtala ng 422 testing per million. At sa Vietnam na nagsagawa na ng 159 testing per million katao.
Kahalagahan ng COVID-19 mass testing
Ayon parin sa Our World In Data, mahalaga ang pagsasagawa ng COVID-19 testing. Ito ay upang mas makita ang malawakang scenario ng sakit sa bawat bansa. Dahil mayroong mga infected ng sakit ang hindi nagpapakita ng sintomas at maaring hindi nagsasagawa ng quarantine measures. Ang resulta mas naikakalat at naihahawa pa ang sakit.
“If tests are not carried out, it becomes harder for countries to see big picture scenarios and lay down measures to reduce the spread of the virus. People who do not know they’re sick might also not get the medical assistance they need and even fail to impose self-quarantine.”
Ito ang pahayag ng research group sa kanilang website. Dagdag pa nila malaki ang naitutulong ng pagsasagawa ng mass testing sa pag-kontrol ng sakit. Tulad nalang ng nangyari sa South Korea na kung saan ginawang accessible ang testing sa bawat mamamayan. Agad ring nailalabas ang resulta sa loob ng 24 oras at susundan ng contract tracing at quarantine process. Ang resulta mas mabilis na nakontrol ang pagkalat ng virus at patuloy na bumababa ang bilang ng naiinfect nito.
“The massive testing conducted in South Korea has been hailed worldwide as a model response to the outbreak. The country’s breakthrough success in “flattening the curve” has been attributed largely to its government’s efforts to make testing for the virus accessible for everyone.”
Ito ang dagdag pang pahayag ng research group.
DOH on mass testing Philippines
Pero ayon sa DOH, hindi pa kailangang magsagawa ng COVID mass testing sa Pilipinas. Dahil unang-unang ay wala tayong sapat na resources upang gawin ito.
Walang sapat na resources
“Sa ngayon po, ang mass testing, unang-unang because of our resources, hindi pa po yan advisable. It’s not efficient for us right now.”
Ito ang pahayag ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang panayam.
Samantala, sa nauna ng pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III sinabi nito na kapag dumami ang testing capacity ng bansa ay saka palang natin malalaman ang tunay na trend of transmission ng sakit.
““So ang namimiss natin kalahati. Habang dumadami ang ating testing capacity, malalaman natin ang tunay na trend ng transmission sa Pilipinas.”
Ito ang pahayag ni Duque sa isang panayam.
Sa ngayon ay nagpaabot na ng tulong ang ibang bansa tulad ng China, South Korea, at Singapore sa Pilipinas. Ito ay sa pamamagitan ng mga COVID-19 test kits na ayon sa FDA ay hindi tulad ng pregnancy test kits na madaling malaman ang resulta.
Kaya naman sa kabila nito ay tinatayang nasa 1,000 testings lang ang kayang maisagawa sa isang araw. Dahil kokonti rin ang bilang ng laboratories na maaring tumingin at mag-conduct ng COVID-testing.
Image from Unsplash
Kailangan ng istriktong lockdown implementation
Pero ayon kay DOH Undersecretary Vergeire, kahit magkaroon pa ng sapat na resources ang bansa ay hindi parin magiging efficient ang mass testing. Dahil upang maisagawa ito ng maayos at ma-kontrol ang virus ay kailangang istriktong maipatupad ang lockdown sa komunidad.
“In other countries ginawa po nila ‘yan at naging effective sa kanila. Kasi ang kanilang lockdown was really implemented well.”
“Kailangan pa nating palawigin ang ating pagpapatupad (ng lockdown) bago natin magawa kung sakaling dumating ang puntong meron tayong ganyang resources.”
Ito ang pahayag ni Vergeire.
Nitong March 23, Linggo ay nakapagsagawa na ng 1,513 test ang DOH sa mga pasyente. Sa ngayon ay may 380 katao na ang nagpositibo, 662 ang nag-negative at 471 pa ang hinihintay ang kanilang resulta. Umabot naman na sa 25 Pilipino ang naitalang nasawi dahil sa sakit.
SOURCE: Rappler, Our World In Data, NewYork Times, GMA News, Rappler, GMA News
BASAHIN: Mga Blood type A maaaring mas madaling kapitan ng COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!