Narito ang mga pinaka-karaniwang pamahiin tungkol sa patay at burol na nakaugalian na ng mga Pilipino.
Naglalabasan ang iba’t ibang pamahiin sa patay kapag burol at libing. Napakadami nito dahil naipasa sa bawat henerasyon. Sinusunod na lang ng din para bigyang respeto ang mga nakatatanda na nagbibilin nito, at dahil wala namang mawawala kung susundin ang mga ito. Kahit pa hindi naman tayo naniniwala, lalo na ang mga milenyal.
Ang mga pamahiin sa patay ay galing pa sa mga ninuno natin, na naniniwala na may kabilang-buhay, kaya’t kailangang paghandaan ito. Sentro sa mga pamahiin ay ang paniniwala na dapat parangalan ang namatay sa pamamgitan ng mga ritwal bago ito ilibing. Pangunahin na dito ang pagkakaron ng burol o paglalamay bago ihatid sa huling hantungan ang patay. Sa burol na maglalabasan ang samu’t saring pamahiin ng mga matatanda. Hindi naman kailangang sundin, dahil minsan ay hindi na ‘logical’. Pero ‘better safe than sorry’, ika nga.
Mga pamahiin sa patay na sinusunod ng mga Pinoy
Narito ang ilan sa mga pamahiin sa patay na sinusunod pa rin ng nakararaming Pilipino ngayon:
Mga dapat at hindi dapat isuot
- Bawal magsuot ng pula, o anumang ‘masayang’ kulay. Ito ang unang-unang pamahiin sa patay na dapat tandaan. Para daw hindi maka-offend sa mga namatayan, itim o puti ang dapat na isuot kung pupunta sa burol o makikipaglamay. Ganundin kapag araw ng libing. Pero kapag bata, dapat naman daw pagsuotin ng pula para hindi sila makakita ng mga kaluluwa ng patay.
- Huwag pagsuotin ng sapatos ang patay. Naniniwala ang mga matatanda na sa loob ng 40 araw mula pagkamatay, mananatili pa sa bahay ang kaluluwa ng namatay. Kapag walang sapatos, hindi ka makakarinig ng yapak ng kaluluwa ng namatay.
- Bawal magsuklay at maligo sa lugar ng burol. Kaya naman mahirap kapag sa bahay ninyo nakaburol ang patay. Malas daw ito.
- Itim na damit lang ang dapat na isuot ng pamilya ng namatay sa loob ng isang taon. Ito ay pagpapakita na labis ang pagdadalamhati sa pagkawala ng kamag-anak.
Sa burol o lamay
- Iwasang matuluan ng luha ang kabaong. Mahihirapan daw maglakbay sa kabilang buhay ang kaluluwa.
- Bawal tumingin sa patay (na nakahimlay sa kabaong) ang mga buntis. Mahihirapan daw itong manganak.
- Bawal pumunta sa burol at libing ang mga babaing may buwanang dalaw. Babaho daw ang regla nila.
- Kapag nasa burol, bawal maghatid ng bisita sa pintuan. Kung sino daw kapamilya ang maghatid ay siyang susunod na mamamatay.
- Bawal magpasalamat kapag may nakikiramay. Para ka daw kasing nagpapasalamat na namatay ang kaanak.
- Bawal magwalis sa lugar ng burol. Matataboy daw ang kaluluwa ng namatay, Kaya susundan ito ng mga kaluluwa ng mga buhay na kapamilya—at susunod silang mamatay.
- Dapat may gising sa gabi para bantayan ang nakaburol. Baka daw kasi tangayin ng mga aswang o iba pang masasamang kaluluwa ang nakaburol. Kaya din nauso ang pagsusugal sa lamay, para hindi antukin ang mga bisita.
- Ang lahat ng abuloy sa patay ay dapat ilaan sa lahat ng gastos sa burol, lamay at libing. Kapag may kumuha nito at ginamit sa pansarili lang, mumultuhin daw ito ng namatay.
- Lahat ng salamin sa lugar ng burol ay dapat takpan. Para daw makaiwas na makita ang kaluluwa ng namatay. Iwasan ding tumingin sa salamin ang mga kapamilya ng namatay.
- Kurutin ang sinumang bumahing sa burol o lamay. Kapag bumahing daw kasi, nag-iimbita ka ng kaluluwa ng mga namatay na dalawin ka.
- Maglagay ng putol na rosaryo sa kamay ng namatay. Ito ay magsisilbing gabay sa paglalakbay sa kabilang buhay. Dapat na putol para walang kaanak na sumunod na mamatay.
- Maglagay ng pera sa kamay ng patay. Ito ang magsisilbing pamasahe niya papunta sa kabilang buhay. Pero dapat itong kunin bago mailibing. Ang perang ito daw ay swerte kapag ginamit sa negosyo. Swerte din daw ito sa magtatago naman nito (at hindi gagastusin).
- Ibulong sa patay ang anumang hiling mo, at matutupad ito. Ito ang tinatawag na bulong. Dadalhin daw kasi ng patay sa langit ang mga bulong na ito.
- Kung ang namatay ay pinaslang, dapat maglagay ng buhay na sisiw at palay na kakainin nito sa ibabaw ng kabaong. Mabibigyan daw ng hustisya ang pagkamatay nito dahil ang “pagtuka” ay simbolo ng ‘pagkain’ ng konsesniya ng pumatay sa kaniya.
Mga Pagkain
- Bawal maghanda ng pansit sa burol. Pero dapat kainin pagkatapos ng libing. Hahaba daw ang panahon ng lamay kapag kinain sa lamay, pero hahaba ang buhay ng mga kamag-anak kapag kinain pagkatapos ng libing.
- Bawal kumain ng malunggay sa burol. Ang pagtanggal kasi ng dahon nito sa tangkay ay isa isa; kaya isa isa ding susunod sa kabilang buhay ang mga kakain nito.
- Bawal magbaon o magdala pauwi ng pagkain na inihanda sa burol. Kapag dinala mo sa bahay mo ang pagkaing handa sa burol, susundan ka ng kaluluwa ng patay.
Pagkagaling sa burol o lamay
- Huwag umuwi ng dumiretso sa bahay pagkagaling sa burol. Ito ang tinatawag na ‘pagpag’. Dapat daw kasing iligaw ang mga kaluluwa para walang sumunod na mamatay. Madalas nagkakape muna sa kapihan, o kumakain sa restawran bago pa umuwi ng tuluyan sa kani-kaniyang bahay.
- Magpalit kaagad ng damit pag-uwi galing sa ‘pagpag’ at lamay. Iwasang maglakad-lakad pa sa loob ng bahay, lalo na sa ikalawang palapag. Malas daw ito.
- Huwag bibisita sa dalawang magkaibang burol sa isang gabi. Tatawid daw ang mga kaluluwa at may susunod na mamatay sa mga pamilyang namatayan.
- Kapag galing daw sa lamay, kailangang maghugas ng kamay ang mga kamag-anak. Hugasan daw ang kamay gamit ang malamig na tubig at dahon ng bayabas bago pumasok ng bahay. Paghuhugas daw ito ng malas.
Sa araw ng libing
- Kapag nabangga ang kabaong habang inilalabas ng punerarya o bahay, may susunod na mamamatay sa kapamilya.
- Bawal tumingin sa pinanggalingang punerarya o bahay kapag nagsimula na ang prusisyon. Malas daw ito, at magdudulot ng mas marami pang kapamilyang mamamatay.
- Bawal sumama sa prusisyon ang asawang na-byuda o na-byudo. Dapat daw ay dumaan sa ibang ruta para hindi sundan sa kabilang buhay ang namatay na asawa.
- Lahat ng bulaklak sa burol ay dapat na isamang ilibing. Huwag mag-uwi o kumuha ng bulaklak, at huwag isama sa paglibing ang mga pangalan ng kapamilya na nilalagay sa bulaklak o kabaong para maiwasang masundan ang pagkamatay.
- Lahat ng maliliit na bata ay dapat itawid sa ibabaw ng kabaong bago ito mailibing. Para daw hindi dalawin ng kaluluwa ng namatay ang mga batang paslit. Simbolo din daw ito ng paglilibing ng anumang sakit, para hindi na magkasakit pa ang mga bata.
- Magtapon ng barya sa harap ng karo ng patay, kapag may nakasalubong na funeral procession sa kalye. Karaniwan ito nuong panahon na naglalakad pa talaga ang mga tao mula sa lugar ng pinaglamayan hanggang sa libingan. Kapag nagtapon daw ng barya, ito ang magiging baon at ‘pamasahe’ ng namatay papunta sa kabilang buhau.
Napakarami pang pamahiin sa patay galing sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas. Ang mga naibahagi dito ay ilan lang sa mga pinaka-karaniwan, lalo na sa Katagalugan. Alam natin na ang kamatayan ay natural lamang, at lahat tayo ay hahantung dito. Mayron ding pinaniniwalaang minamalas at sinuswerte, pero di ba’t wala namang kinalaman ang mga pamahiin sa kung ano ang mangyari sa atin? Mahalagang malaman ang mga ito dahil bahagi ito ng kultura natin. Kung susundin o hindi, ito ay desisyon na ng pamilya.
SOURCE: Don’t Take A Bath On A Friday (Philippine Superstitions and Folk Beliefs) ni Neni Sta. Romana Cruz (1996).
Basahin: 10 pamahiin ng mga Pilipino tungkol sa kasal
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!