New millenium na pero marami pa ring Pilipino ang naniniwala sa mga sinaunang pamahiin sa kasal. Sinusunod pa rin ba ng mga milenyals ang mga ito?
“Malas ang sukob sa taon ang kasal ng magkapatid… paniguradong ang isa sa kanila ay mamalasin at maghihiwalay.”
Sa panahon ng hi-tech gadgets at Internet, pati na mga scientific studies at research, matibay pa rin ang paniniwala ng mga Pilipino tungkol sa mga pamahiin na nagmula pa sa mga ninuno natin. Ilan dito ay mga pamahiin sa kasal. Nabuo ang mga ito dahil na rin mahalaga sa ating mga Pilipino ang maging matibay at matatag ang ating pamilya at samahan ng mag-asawa.
Pamahiin sa kasal
Marami sa mga tradisyong nakaugalian na ng mga Pilipino pagdating sa kasalan at pag-aasawa ay base na rin sa mga pamahiin. Marami dito ang wala namang “logic” kung tutuusin. Pero dahil wala namang mawawala kung susundin ito, minamabuti na ng iba na sumunod dito para “safe."
Mayro'n din namang mga makabago na ang isip at tahasan nang hindi ito pinapansin o pinakikinggan dahil minsan ay nakakatawa na lang at wala ngang basehan.
Minsan ay ginagawang biro, tulad ng huwag pagliligpitan ang isang dalaga o binata, at hindi na ito makakapag-asawa. O kaya naman, kapag palipat-lipat ng upuan o puwesto sa hapag-kainan habang kumakain, magpapalipat-lipat din ng asawa. Nakakatawa, nakakatuwa, may mga nakakatakot din lalo na kasi kung malas ang pinapahiwatig.
10 pamahiin sa kasal
Narito ang 10 pinaka-kilalang pamahiin sa kasal na nakapaloob na sa kultura ng mga Pilipino. May iba-ibang pamahiin mula sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Ang Ilan dito ay base sa libro ng kilalang manunulat na si Neni Sta. Romana, ang “Don’t Take a Bath on a Friday” (Tahanan Books, 1996). Ang ilan pa ay panigurdong narinig niyo na mula sa mga nakatatanda, lalo na kapag may ikakasal sa pamilya.
Basahin at tingnan kung maniniwala ka nga. Susundin mo nga ba ito para makaiwas sa anumang panganib?
May mga nagsabing sumusunod sila dahil bahagi na rin ito ng kulturang Pilipino. May nagsasabi ring wala ngang masama kung gagawin ang ilan dito bilang pagrespeto na din sa kagustuhan nina Lolo at Lola, at Nanay at Tatay. Ano sa palagay mo?
1. Huwag magsukob sa taon (sukob sa kasal)
Sukob sa kasal ang isa sa pinaka-madalas kong naririnig sa isang pamilya, lalo na kapag ang magkapatid ay halos sabay na nagplanong magpakasal.
Ayon sa mga matatanda, hindi puwedeng magsukob sa taon ang pagpapakasal ng magkapatid; lalo namang hindi dapat mag-double wedding. May isa daw sa magkapatid ang mamalasin dahil magkakaron ng “kompetensiya” o pag-aagawan sa suwerte. Malamang daw na paglaon ay magkahiwalay ang isa.
Pero tandaan na hindi din dapat ibahin o ipagpaliban ang petsa ng kasal, kapag nasabi na sa lahat. Ibig sabihin daw nito ay mapapagpaliban din ang suwerte ng magiging mag-asawa.
2. Malapit daw sa aksidente ang mga ikakasal, lalo na kapag nalalapit na ang petsa ng kasal.
Kaya dapat iwasan ng magkasintahan ang paglalayag o pamamasyal sa malayong lugar.
3. Malas ang makita ng groom ang bride na suot ang damit pangkasal nito.
Hindi rin dapat magkita ang magkasintahan bago ang araw ng kasal, lalo na ilang oras bago ang mismong seremonya. Parang dinadaya daw ang pagsilip sa kinabukasan ng mag-asawa, kaya iiwas ang suwerte. Kasama na dito ang pagpapakuha ng litrato ilang araw bago ang araw ng kasal.
4. May dalang malas ang pagsusukat ng damit pangkasal ng babae bago ang araw ng kasal.
Hindi daw matutuloy ang kasal kapag ginawa ito. Puwede itong isukat kung hindi pa ito kumpleto o tuluyang yari na. Kailangan daw kasing maniwala ang babae na ang pagpapakasal ang kukumpleto sa kaniyang kaligayahan.
Ang ginagawa ng iba ay magtitira ng maliit na bagay na tatahiin sa wedding gown, isang araw bago ang araw ng kasal, para maging senyales ng pagka-kumpleto ng damit, tulad ng pagiging kumpleto ng buhay ng babae.
5. Malas ang pagsusuot ng perlas na alahas ng babaeng ikakasal.
Ang perlas daw kasi ay luha ng oyster, kaya’t maaaring magdala din ng luha sa babae sa kaniyang buhay may asawa ng babae.
6. Dapat maging maingat ang mga ikakasal sa araw ng kasal.
Bawat galaw yata ay may kaakibat na malas o swerte ayon sa mga pamahiin sa kasal na mga ito:
-
- Kapag naunang maupo ang lalaki bago ang babae sa wedding ceremony at sa reception, magiging ‘under-the-saya’ (sunud-sunuran kay misis) ang lalaki.
- Kapag nahulog ang singsing, belo, o arrhae o coins habang kinakasal, mababalot ng lungkot ang buhay ng mag-asawa.
- Dapat mauna dumating sa simbahan ang lalaki para suwertehin ang kanilang buhay mag-asawa.
- Dapat naman daw tapakan ng babae ang paa ng lalaki para sundin ni mister ang lahat ng gusto ni misis.
- Suwerte naman kapag may aksidenteng nabasag na pinggan sa reception ng kasal.
7. Dapat mayrong “wedding toast” sa reception ng kasal para sa mag-asawa.
Ang tunog ng pagkalampag sa mga baso at pagsigaw ng “Mabuhay ang bagong kasal!” ay magtataboy sa masasamang espiritu.
8. Dapat na maunang magsubo ng cake ang bride kaysa sa groom.
Ang wedding cake ay simbolo ng fertility. Kung hindi ay magkakaro'n ng komplikasyon o problema sa pagdadalang-tao. Pero kapag nataon naman sa araw ng kasal ang buwanang dalaw ng babaeng ikakasal, sila ay magkakaroon ng maraming anak.
9. Hindi dapat magregalo ng kutsilyo o anumang matalas na bagay.
Mamamalasin ang mag-asawa at mamamatay ang pag-iibigan nila.
10. Dapat mag-alay ng itlog kay Sta. Clara ang mga ikakasal para hindi umulan sa araw ng kasal.
Lalo na kung garden o beach wedding ito, hindi ba? Pero ang isang paniniwala naman, kapag umulan habang kinakasal, magiging masuwerte ang buhay ng mag-asawa.
Higit sa lahat, kapag marami daw ang handang pagkain sa reception, marami din ang suwerteng matatamasa ng mag-asawa sa kanilang buhay pamilya.
Ang mga paniniwalang ito sa pamahiin sa kasal ng mga Pilipino ay nag-ugat sa libong taon ng kultura at tradisyon na nakagisnan na ng halos lahat sa atin. Kaya naman minsan, para hindi masaktan o sumama ang loob ng mga matatanda sa pamilya, sinusunod na lang ng mga ikakasal.
Para sa akin, pagpapakita ito ng pag-galang at respeto natin sa ating mga magulang, lolo at lola, pati na mga ninuno at buong angkan pa. Nariyan na ang takot ng mga ikakasal na malasin, o kagustuhang suwertehin siyempre, pero nasa sa ‘yo kung susundin mo o hindi.
Higit kahit kanino, kayong dalawang mag-aasawa ang nakakaalam kung ano ang nararapat, o kung may dapat bang ikatakot.
Sukob man sa kasal o hindi, dapat tandaan na ang tagumpay at kaligayahan ng isang mag-asawa at pamilya ay nasa kamay pa rin ninyo, at makakamit lang kung magiging matapat at mapagmahal sa isa’t isa.
Mabuhay ang bagong kasal!
SOURCE: Don’t Take a Bath on a Friday (Tahanan Books, 1996) ni Neni Sta. Romana
Photo by Jeremy Wong Weddings on Unsplash
Basahin: Pag mas malaki ang gastos sa kasal, mas malaki raw ang posibilidad ng paghihiwalay
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!