May nauusong game ng mga kabataan ngayon na naghihikayat sa mga ito na magpakamatay. Matapos ang Blue Whale challenge, mayro’n namang kumakalat na Momo Challenge sa Whatsapp. Pinapaalalahanan ang mga magulang na maging mapagmatyag at maikalat ang impormasyon na ito sa iba pang magulang.
Momo Challenge sa Whatsapp
Nagsimula ang challenge na ito sa Japan. Noong una may grupo lamang ng kabataan na nagde-dare sa isa’t isa na kumontak ng numero ni “Momo.” Sumasagot si Momo at binibigyan ang mga bata ng challenges. Sa simula ay weird ang challenges, katulad nang pag gising ng madaling araw o pag gawa ng bagay na kinakatakutan ng mga bata. Sinasabihan din ang mga bata na i-video nila ang sarili nila habang ginagawa ang challenges na ito at i-send kay Momo.
Tuwing nakakagawa ang bata ng challenge, binibigyan ulit siya ni Momo ng mas matinding challenge, usually nagiging mas mapangahas na ang susunod na challenge at nagiging mas delikado na ito. Inuutos na ni Momo na saktan ang sarili hanggang sa finally, hikayatin ang bata na magpakamatay.
Bukod sa challenges, nagpapadala din si Momo ng mga nakakatakot na mga pictures upang takutin ang mga bata na magpapakita ito sa kanila kung hindi sumunod. Dahil sa takot, napapasunod tuloy ang mga bata na hindi pa lubos na nakaka-unawa kung ano ang kaibahan ng realidad sa pantasya. Napupuwersa din silang sumali dito dahil sa pag udyok ng mga kaibigan.
Dahil sa nakakatakot na itsura ni Momo, hindi malayong matakot talaga ang bata. (Ang ginagamit na imahe ni Momo ay galing sa isang sculpture ng Japanese artist na si Midori Hayashi na walang kinalaman sa game na ito.)
Kung dati ay sa Japan lang ito, ngayon ay mabilis na itong kumalat sa iba’t ibang parte ng mundo dahil sa power ng social media. Nasa Whatsapp na rin daw ito.
A post shared by Tinkerbell Asuka (@tinkerbellasuka) on
Insidente ng pagpapakamatay
Mayroon ng kaso ng pagpapakamatay ng isang 12-taong bata na naiulat sa Argentina dahil sa online game na ito. Bagaman wala pang naiuulat na nakarating na ang game na ito sa Pilipinas, importante na malaman ito ng mga magulang para maiwasan na kumalat ito sa ating mga kabataan.
Napakadaling kopyahin ng masasamang loob ang game na ito at ipakalat dahil ginagamit nito ang social media platforms katulad ng Whatsapp kung saan kayang makontak ang kahit sino sa mundo. Napakadali ding pasunurin ang mga bata dahil madali pa silang takutin, bolahin, at ma-manipulate sa murang edad.
Paano maproprotektahan ang mga bata?
Hindi kaila na naging parte na ng buhay natin ang cellphone. Kailangan natin ito upang ma-kontak ang mga mahal natin sa buhay. Sa panahon ngayon, mas praktikal na rin talaga kaya pinipili ng mga magulang na bigyan ng telepono ang kanilang mga anak.
Narito ang ilang tips para maiwasan na masali ang mga bata sa Momo Challenge sa Whatsapp at Facebook:
- I-monitor at supervise ang mga ginagawa ng bata online. I-check parati ang cellphone ng bata kung may mga kinakausap itong mga hindi kilalang mga tao.
- Ipakalat ang impormasyon dito sa mga kapwa magulang at teachers upang mabilis matukoy kung may nangyayaring ganito sa eskwelahan.
- Turuan ang bata tungkol sa mga kapahamakan na nangyayari dahil sa game na ito. Kausapin siyang maige tungkol sa pagpapakamatay at kung paano ito nakakasakit sa mga mahal sa buhay.
- Ipaalala sa bata na walang magandang maidudulot ang pagsali sa larong ito. Kapahamakan lang ang makukuha rito.
- Pagsabihan din ang bata na kung nabalitaan niyang may naglalaro nito na kaibigan na, sawayin niya ito at isumbong sa kinauukulan.
- Huwag bigyan ng smartphone kung masyadong pang bata ang anak. Kung ang purpose ay para ma-monitor kung nasaan na ang bata, may mga simpleng telepono o gps tracker watch na puwedeng ipagamit.
- Maging mabuting ehemplo sa anak at huwag parating nagbubutingting ng sariling telepono.
- Kailangan may mga rules na sa pag gamit ng cellphone sa bahay katulad ng paglimita sa oras ng pag gamit ng gadgets at pag limita sa mga puwede nilang kausapin online.
Ang Japanese sculpture na pinagbasihan ni Momo.
Paano kung nilalaro na ng bata ang Momo Challenge?
Kung suspetya mo na nilalaro na ito ng anak mo, ito ang mga puwede mong gawin:
- Isang warning sign na may pinagdaraanan ang bata ay ang pag-iiba nito ng ugali. Maaaring maging agresibo, tahimik, ayaw makipag-usap, matatakutin, o aligaga.
- Kausapin ang bata tungkol sa kaniyang mga nararamdaman. Makinig sa kaniyang sinasabi at huwag magalit agad para mag-open-up siya sa iyo. Tanungin nang mahinahon kung may problema ba siya.
- Kapag umamin ang bata na sumali nga siya sa game na ito, kausapin siya nang masinsinan at ipaliwanag na hindi totoo si Momo. Ipaalala sa kaniya na hindi niya kailangan gawin ang mga sinasabi nito at nariyan ka parati para protektahan siya.
- Huwag magpa-ligoy-ligoy, kausapin ng direkta ang bata kung may nananakot ba sa kaniya. Kung hindi ito agad umamin, maaaring kausapin siya kung anu-ano ang mga kinakatakutan niya.
Bilang panghuli, kung sakaling kinokontak nga ang bata ng mga di kilalang mga tao, i-block at i-delete agad ang numero. Isumbong din ito agad sa pulis. Kumonsulta din sa pediatrician o child psychologist para malaman kung na-trauma ba ang bata dahil dito.
SOURCE: The Asian Parent Singapore, The Sun
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!