Nahirapan sa pagbubuntis at panganganak sa iyong baby? Hindi ka nag-iisa mommy! Basahin ang aking kuwento.
Karanasan sa pagbubuntis at panganganak
Nabuntis ako sa murang edad na 19-anyos. Nag-aaral palang ako sa college noon. Pero hindi ako tumigil at patuloy na pumapasok sa kabila ng pagbubuntis ko.
Inis na inis ako noon sa morning sickness na nararanasan ko. Hindi ako makakain sa umaga ng maayos. Bawat pagkain na isusubo ko ay isusuka ko rin palabas. Dagdag pa ang pakiramdam ng pagkahilo at ang bigat ng katawan na nararanasan ko. Gusto ko lang noon na matulog nang matulog. Kaya naman habang nasa klase ako sa school sobrang inaantok ako. O kaya naman maya-maya ako magpapaalam sa gitna ng klase para magbanyo.
Mahirap na pagbubuntis
May mga pagkakataon pa na pakiramdam ko ay sobrang depress na depress ako. Bigla na lang akong iiyak nang hindi ko malaman. Sabi ko noon, napakahirap magbuntis. Lalo pa’t nag-aaral ako, gumagawa ng thesis at may iba pang requirements sa school na dapat kumpletuhin. Habang sinisiguro na malusog at ligtas ang sanggol na nasa sinapupunan ko.
Mas naging mahirap pa nga ang pagbubuntis ko noong unti-unti ng lumaki ang tiyan ko. Bagama’t nakakakain na ko ng maayos hindi tulad ng mga unang tatlong buwan ng aking pagbubuntis. Pero kapalit naman nito ay ang hirap sa pagkilos. Hirap maglakad. Dahil mas bumibigat ang dinadala ko. Hirap din ako bumabiyahe noon papunta sa sunod kong klase. Lalo pa’t minsan ay kailangan kong sumakay ng pedicab o jeep. Ito kasi ang pinakapraktikal na uri ng transportasyon sa Manila lalo na sa estudyanteng tulad ko noon. Sa tuwing check-up ko nga nakikita ko ‘yung ibang buntis na parang hindi naman nahihirapan tulad ko. May iba pa ngang nagkukuwento sa naging karanasan nila sa panganganak.
Sa isip ko noon ay tumatakbo, naiinggit ako sa ibang nanay na madali sa kanila ang pagbubuntis at panganganak. Hiling ko sana maging tulad din nila ako.
Nahirapan sa pagbubuntis at nahirapan sa panganganak
Pero hindi iyon nagkatotoo. Dahil hindi lang ako nahirapan sa pagbubuntis pati sa panganganak nahirapan din ako.
Tandang-tanda ko noon, umaga habang naglalakad ako papunta sa sunod kong klase nakakaramdam na ko ng pananakit sa tiyan. Pero hindi ko iyon masyadong pinapansin dahil ganoon din naman ang pakiramdam ko noong mga nakaraang araw.
Hanggang sa maghahating-gabi pasado alas-onse, umihi ako at nakakita ng dugo. Palatandaan na umano iyon na manganganak na ko. Kaya naman nagpunta na ko sa pinakamalapit na lying-in noon sa boarding house na tinutuluyan ko. Akala ko noon pagdating sa lying-in makakapanganak na ko. Pero mas lalong tumindi ang pananakit na halos nagmamakaawa na ko sa mga nurse at midwife na tulungan ako. Sa sobrang sakit hindi ko rin namamalayan ang oras. Halos tatlong oras na pala ang lumipas hindi pa rin ako nanganganak.
Namamaluktot at umiiyak ako sa sakit. Naginhawaan lang ako ng parang may pumutok sa loob ko at may lumabas na tubig sa puwerta ko. Ayun na pala ‘yung panubigan na sinasabi nila. Mabilis akong pinasok sa delivery room. Doon pinapagalitan pa ko dahil mali raw ang pag-ire ko. Baka raw maipit ang ulo ng anak ko o may masamang mangayari sa kaniya kung hindi ko aayusin. Sa totoo lang kinakabahan ako, natatakot, nasasaktan at naiinis sa sitwasyon ko. Gusto ko lang maisilang na ang anak ko.
Worth it ang hirap at sakit na naranasan ko
Sinunod ko lang ang sinasabi ng midwife sa akin. Matapos ang ilang minuto, isinilang ko ang panganay kong anak. Isang napakagandang bata na worth it lahat ng sakit at paghihirap ko. Nasa isip ko noon dahil sa naranasan ko natakot na kong magkaanak ulit. Pero makalipas ang 7 taon, ipinagbuntis ko ang pangalawa kong anak na nasundan agad ng pangatlo kong anak. Doon na ako naliwanagan.
Ang pagbubuntis ko sa pangalawa kong anak ay hindi naging kasing hirap sa panganay kong anak. Naging mabilis din ang panganganak ko sa kaniya. Habang sa pangatlo kong anak, bagama’t nahirapan ako sa huling trimester ng pagbubuntis, naipanganak ko rin siya ng mabilis. Kaya naman noon napagtanto ko na iba-iba ang pagbubuntis. Maaaring nahirapan ako noong una dahil sa first time ko pa lamang magbuntis at wala pang ideya sa mga maaaring mangyari. Kumpara sa pangalawa at pangatlo kong anak na kahit papaano ay may karanasan at kaalaman na ko. Alam ko na ang mga dapat kong asahan at paghandaan. Kaya naman naihanda ko rin ang aking sarili. Alam ko na ang mga hindi at dapat gawin.
Kaya naman mommy kung pakiramdam mo ikaw lang ang nahirapan sa panganganak at pagbubuntis, diyan ka nagkakamali. Bawat isa sa atin ay may iba’t ibang karanasan sa panganganak at pagdadalang-tao. Pero isa lang ang sigurado, ang hirap at sakit na dulot nito ay walang-wala sa sayang maibibigay na makitang malusog at buhay ang sanggol mula sa sinapupunan mo. Isang sakripisyo na tanging tayong mga ina lang ang makakagawa dito sa mundo.
BASAHIN:
Ina, pinutulan ng dalawang paa dahil sa komplikasyon sa pagbubuntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!