Negatibo sa coronavirus ang kalahati sa PUIs sa Pilipinas. Pero babala ng WHO kailangang maghanda ng mga bansang may positibong kaso ng coronavirus. Dahil sa ngayon ay nagsisimula na ang local transmission ng sakit sa ilang bansa na positibo rito.
Novel coronavirus to COVID-19 name
Mula sa novel coronavirus o 2019-nCov na pangalan ay nagbigay na ng bago at opisyal na pangalan ng sakit ang WHO. Ito ay COVID-2019 na pinaikling tawag sa coronavirus disease 2019.
Ayon sa WHO, sa ilalim ng international guidelines ay kailangan nilang mag-isip ng pangalan ng sakit upang matigil na ang stigma nito. At ang pangalan ng sakit ay dapat hindi tumutukoy sa kahit sinong tao, lugar o hayop na may kaugnayan rito.
“The W.H.O. had to find a name that did not refer to a geographical location, an animal, an individual or group of people, and which is also pronounceable and related to the disease.”
Ito ang pahayag ni World Health Organization director general Tedros Adhanom Ghebreyesus sa Twitter.
Sa ngayon ay umakyat na sa 1,115 ang naitalang nasawi dahil sa sakit sa China. At pumalo na sa 45, 171 ang naitalang kumpirmadong infected ng COVID-19 sa buong mundo.
Kalahati ng PUIs sa Pilipinas negatibo sa coronavirus
Dito sa Pilipinas ay may magandang balita namang ibinahagi ang DOH tungkol sa COVID-19. Dahil ayon sa kanila, kalahati ng PUIs sa COVID-19 sa bansa ay negatibo sa coronavirus.
Sa pinaka-latest na data, mula sa 408 na PUIs o persons under investigation ay 208 ang negatibo sa coronavirus. Habang ang 197 ay hinihintay parin ang resulta ng kanilang laboratory testing.
“‘Yung iba for discharge na once wala nang sakit.” Ito ang pahayag Department of Health Undersecretary Eric Domingo sa pinakalatest nilang update tungkol sa COVID-19.
Pero sa kabila nito ay may 238 na pasyente ang naka-admit sa iba’t-ibang mga ospital. At patuloy na inoobserbahan ang kalagayan dahil sa posibleng impeksyon ng COVID-19 sa kanila. Ito ang dagdag na pahayag ng DOH.
Ayon naman kay DOH Epidemiology Bureau head Ferchito Avelino, ay may 413 na PUMs rin ang sinubaybayan ngayon ng ahensya.
Ang PUMs ay mga persons under monitoring. O ang mga taong mula sa mga lugar na may coronavirus outbreak tulad ng Hongkong, China, Macau at Taiwan. Ngunit walang pinapakitang sintomas o palatandaan ng sakit.
Kung ang mga PUMs ay magpakita ng palatandaan o sintomas ng COVID-19 sa loob ng 14-day quarantine period, sila ay ituturing ng PUIs.
WHO nagbigay babala sa local transmission ng COVID-19 sa mga bansa
Samantala, nagbigay babala ang WHO sa mga bansang may positibong kaso ng sakit na maghanda. Dahil sa ngayon ay may naiulat ng local transmission ng sakit sa mga bansang Australia, France, Germany, Hong Kong, Japan, Singapore, South Korea, Thailand at Vietnam. Kaya naman ayon sa DOH ay inihahanda na nila ang mga ospital sa kung sakaling mangyari rin ito sa Pilipinas.
“We can already see that local transmission is happening in other countries. These developments are compelling reasons to prepare mitigation mechanisms for the possibility of community spread.”
“We always have that at the back of our minds that it will and can happen. That’s why we are preparing our hospitals that if cases increase significantly, we might have to change strategies and we should be ready.” Ito ang dagdag na pahayag ni DOH Undersecretary Eric Domingo tungkol sa patuloy na pagkalat ng novel coronavirus.
Paalala sa publiko
Kaya naman, dahil dito ay patuloy na pinag-iingat ang publiko laban sa sakit. Patuloy na isinusulong ang mga paraan para maiwasan ito. Habang kabi-kabila ang mga ibinibigay na paalala upang maging protektado ang mga Pilipino laban sa COVID-19.
Una ay agad na magpa-konsulta kung makaranas ng mga sintomas nito. Tulad ng ubo,sipon, lagnat at hirap sa paghinga. Lalo na kung nagmula sa mga lugar na may naiulat na positibong kaso ng sakit.
Pangalawa ay ang paggawa ng mga paraan upang ito ay maiwasan.
Ang mga isinusulong na paraan ng DOH laban sa sakit ay ang pagsusuot ng facemask kung magpupunta sa matataong lugar. Paggamit ng alcohol at madalas na paghuhugas ng kamay upang mapanatiling malinis ito. Kung maari ay pag-iwas munang magpunta sa mga matataong lugar. Dahil isa ito sa pinakamabilis na paraan upang maikalat ang virus sa nakakarami. At higit sa lahat ang pagpapanatili ng malusog na pangangatawan upang may sapat na lakas at resistensya laban sa mga sakit.
Source:
CNN Edition, The Philippine Star, The Philippine Star Headlines
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!