Kailan nga ba ligtas at hindi ang panganganak sa lying in ng buntis? Alamin dito ang sagot ng mga eksperto.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng mag-inang nasawi sa panganganak sa lying-in.
- Kailan ba ligtas at hindi manganak sa lying-in ang isang buntis.
Mommy at baby nasawi sa panganganak
Parehong nasawi ang mag-inang si Jaila Santiago, 24-anyos at ang ipinagbubuntis nitong sanggol matapos umanong ipilit ng isang lying-in sa Imus, Cavite na paanakin ito. Ito ang reklamong inilapit ng live-in partner ni Jaila na si Arthur Jay Reodique sa programang Raffy Tulfo in Action.
Kuwento ni Arthur, June 11 ng itakbo niya sa lying-in clinic ang kaniyang buntis na misis. Dahil sa ito ay nagrereklamo na sa pananakit ng tiyan at pumutok na ang panubigan niya. Agad naman umanong inasikaso ng mga staff at midwife ng lying-in clinic ang asawa niya.
Pahayag ni Arthur,
“Pagkatapos po noon chineck naman iyong baby normal naman po. Iyong heartbeat po chineck, ok naman po, malakas. Mga ilang oras after noon sumakit na iyong tiyan niya ng sobra na hindi niya na kaya.”
Lumipas pa ang mga oras ay hindi pa rin umano naipapanganak ng asawa niya ang kanilang sanggol. Ayon sa midwife na nagpapaanak sa misis niya ay nakikita naman na ang ulo ng sanggol. Pero ayaw umano umire ng misis niya, kaya hindi umano maipanganak nito ng maayos ang baby nila.
Sa mga puntong iyon ay nakausap pa raw ni Arthur ang asawa niya at nagsabi na ito sa kaniya na hindi na nito kaya. Pero imbis na dalhin sa ospital ay diinan daw ng diinan ng midwife ang tiyan ng misis niya hanggang sa mailabas nito ang kanilang sanggol. Pero ang baby nila ng maipanganak ay wala ng buhay.
Image screenshot from YouTube video
Lying-in clinic huli na ng tumawag ng ambulansiya
“Hanggang sa nakalabas na iyong baby. Iyong baby, wala ng buhay, walang movement na nangyari o kaya umiyak.”
Ito ang pag-aalala ni Arthur.
Hindi pa dito natapos ang kalbaryo ni Arthur. Dahil makalipas ang ilang oras ang asawa niya naman ang nalagay sa alanganin. Kuwento pa ni Arthur,
“Pagpasok ko noon iyong mata niya kalahati nalang bukas, nagseseizure na. May time na muntik na siyang mahulog sa higaan. Sabi ng misis ko hindi na siya makakita paulit-ulit siyang humihingi ng tubig na mainit hindi na siya makahinga.”
At matapos ang 30 minuto, mas naging nakakabahala umano ang kondisyon ng asawa niya. Nag-lock na ang jaw nito. Hindi niya na mabuksan ang kaniyang bibig at nakagat na niya ang kaniyang dila.
Doon pa lamang tumawag ng ambulansiya ang lying-in na pinagdalhan niya sa kaniyang asawa. Nang dumating sa ospital ay inanunsyo itong dead on arrival na.
Buntis may low-lying placenta pala
Base sa ginawang post-mortem exam sa katawan ni Jaila, lumabas na nasawi ito dahil sa hemorrhage na dulot ng pagputok ng matris niya. Ito ay nag-ugat sa pagkakaroon niya ng low-lying placenta na posibleng dahilan kung bakit siya nahirapang manganak.
“Kung pagbabasehan natin iyong ultrasound na ginawa, bale makita natin doon na may findings na low-lying iyong placenta.
May possibility kasi na nakaharang ito sa lalabasan ng bata. Ito naman kaya namang i-deliver talaga pero ang advice nito usually is cesarean na o kung ‘di man cesarean dapat OB-gyne na iyong magpapaanak.
Kasi hindi nito kayang puwersahin. Kasi ang nangyari doon sa pasyente ang ikinamatay niya ay hemorrhage kasi pumutok po iyong matris niya.”
Ito ang pahayag ni Dr. Alexis Sulit Medico-Legal officer mula sa Public Affairs Office Forensic Laboratory.
Ang pahayag na ito sinuportahan ng pahayag ni Patricia Gomez, Executive Director ng Integrated Midwives Association of the Philippines.
Mahalaga ang prenatal checkup dahil dito matutukoy na kung kaya manganak ng buntis ng normal o hindi
Kids photo created by serhii_bobyk – www.freepik.com
Ayon kay Gomez, dapat base sa prenatal check-up palang ng buntis buwan-buwan ay alam na ng midwife kung ito ba ay kayang manganak ng normal o hindi sa lying-in clinic.
O kahit mismo sa oras na nag-lelabor na ay dapat alam din ng midwife ang mga palatandaan na dapat ng dalhin sa ospital ang buntis at hindi na ito kayang paanakin pa sa lying-in clinic.
“Kung ang midwife, dapat marunong, skilled siya dapat alam niya kung nasa akin ba ito o hindi base sa pag-increase ng timbang ng nanay buwan-buwan. Alam niya ‘yan kung makapanganak ng normal o hindi sa lying-in clinic.”
“Sa panganganak, dapat nag-increase ang pagbuka ng puwerta halos 1 centimeter per hour. Kung 2 hours na ganoon par in ang pagbuka ng puwerta magsuspetsa ka na. Malaki siguro ang bata o kaya malaki ang ulo ng bata so hindi mapalabas siya sa normal.”
Ito ang pahayag ni Gomez.
Dahil sa nangyari, maaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting into homicide ang midwife na nagpaanak sa nasawing ina at kaniyang sanggol. Kung mapatunayang guilty ito, ay maari itong makulong ng apat hanggang sa anim na taon.
BASAHIN:
Lying in clinic o Hospital: Saan ba mas magandang manganak?
#AskDok: 13 bagay na dapat mong malaman tungkol sa panganganak ng cesarean delivery
#AskDok: 12 bagay na dapat mong malaman tungkol sa panganganak ng normal delivery
Bakit delikado ang low-lying placenta sa pagbubuntis
People photo created by Racool_studio – www.freepik.com
Ang low-lying placenta o placenta previa ay isang kondisyon na kung saan natatakpan ng placenta ang bahagi o buong cervix sa mga huling buwan ng pagbubuntis.
Sa mga normal na pagbubuntis, ang placenta ay dapat nakaposisyon sa mataas na bahagi ng matris. Ito ay upang magbigyan ng sapat na space o path ang cervix na siyang pagdadaanan ng sanggol na ipapanganak.
Ang low-lying placenta ay maaaring ma-diagnose sa pamamagitan ng ultrasound. Kung ito ay nagdudulot ng kaunting pagdurugo, papayuhan lang ang buntis na ma-bedrest o magpahinga.
Ngunit kung ang pagdurugo ay malakas o heavy ay papayuhan ang buntis na sumailailim na sa emergency cesarean section delivery.
Ganito rin ang maaaring mangyari kung sa panahon ng pagle-labor ay nakatakip pa rin ang placenta sa daraanan ng sanggol. Sapagkat kung ipipilit ang normal delivery, ay maaaring maganap ang internal bleeding na maaring ikamatay ng sanggol at ng babaeng buntis.
Ang mga palantandaan ng placenta previa o low-lying placenta sa pagbubuntis ay ang sumusunod:
- Cramps o sharp pain
- Pababalik-balik na pagdurugo maaring matapos ang ilang araw o ilang linggo.
- Pagdudurugo habang nakikipagtalik
- Pagdurugo sa second half ng pagbubuntis.
Sa oras na makaramdam ng mga nabanggit na sintomas, ay dapat magpa-konsulta na agad sa iyong doktor para malaman ang tunay mong kondisyon.
Source:
Healthline, Raffy Tulfo In Action, Healthline
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!