Nabalita noon na may isang bata sa China na diumanoy nabulag dahil kinuhaan siya ng litrato na may flash ng camera. Ano nga ba ang epekto ng camera flash sa paningin ng sanggol?
Nakakabulag nga ba ang flash?
Nakapanayam namin si Dr. Zena Lim, medical director ng Children’s Eye and ENT Centre, para sa kasagutan.
“Gusto kong klaruhin na hindi nakaka-apekto sa paningin ng sanggol ang paminsan-minsan na exposure sa camera flash o matinding ilaw,” aniya.
Ginamit niyang halimbawa ang ginagamit ng mga duktor na “indirect ophthalmoscope” kapag sinusuri ang mata ng mga pasyente niyang bata. Gumagamit ng matinding ilaw ang opthalmoscope upang makita ang retina ng mata. Kahit ilang ulit na gamitin ito para sa mga check-up, hindi ito nagiging sanhi sa pagkasira ng paningin ng sanggol. Kaya malayong maging sanhi ng pagkabulag ang paminsan-minsan na camera flash.
Ang nakakasira daw ng mata ng bata ay ang “medical grade laser.” Hindi raw dapat ma-expose ang baby dito.
Dagdag pa ni Dr. Lim na maraming puwedeng malaman tungkol sa mata ng iyong anak base sa litrato nito na ginamitan ng flash. Kapag may nakita kang puti o dilaw na glow sa mata ng bata, maaaring sintomas ito ng sakit sa mata katulad ng katarata. Sa mas malalang mga kaso, katulad ng isang British toddler na si Taylor Treadwell, ang nakitang glow sa mata niya ay sintomas na pala ng childhood eye cancer.
Kung mapansin mo na may ganito sa mga mata ng anak mo, kumonsulta sa opthalmologist para malaman kung may dapat bang ikabahala sa kalusugan nito.
Ayon pa sa pag-aaral, nakikita din sa litratong ginamitan ng flash kung pantay ang mata ng bata. Kadalasan kapag nagkakaroon ng red eye sa mga litrato, dalawang mata ang nagkakaroon ng pula. Kapag isa lang sa mga mata ang pula, maaaring indikasyon ito ng hindi pantay na mata o strabismus.
Ngunit hindi lahat ng kundisyon ng mata ay kailangan ikabahala. Kapag napapansin mo na minsan ay naduduling ang bagong panganak na sanggol, normal lamang ito. Mabahala lamang kung parati itong nangyayari. Kumunsulta sa duktor kung ito ang kaso.
Mata ng newborn
Kung mayroon kang bagong panganak na sanggol, marahil ay iniisip mo kung gaano kasensitibo ang mga mata nito sa ilaw.
Ayon sa mga eksperto, kapag isang buwan pababa, wala raw itong epekto. Sa katunayan, hindi pa nila gaanong naaaninag ang ilaw. Para makita nila ang ilaw kailangan maging at least 50 times ang liwanag nito kaysa sa nakikita ng mga matatanda.
Dagdag ni Dr. Lim na may kaniya-kaniyang level ang bawat tao kung gaano kalakas ang ilaw na kaya nilang tignan. May iba na kayang tumingin sa maliwanag na ilaw, may iba naman na nasisilaw na agad sa parehong ilaw. Ganito rin ang kundisyon sa mga baby.
Samantala, may mga sakit sa mata katulad ng sore eyes, allergies, sugat sa mata o inpeksiyon sa mata ang nagiging sanhi ng pagiging mas sensitibo sa ilaw.
Mayroon ding kundisyon na tinatawag na photophobia kung saan lubos na nagiging sensitibo ang mata sa ilaw. Kapag may ganitong kundisyon ang bata, lahat ng klase ng ilaw ay nagiging sanhi ng pagkabalisa at pipiliin nito na parating ipikit ang mata. Nakakaramdam din ito ng pag sakit ng ulo at pagkahilo na mas tumitindi tuwing na-e-expose sa matinding ilaw.
Sintomas ng sakit
Mayroong iba’t ibang sakit sa mata. Narito ang mga sintomas na kailangang bigyan ng pansin, ayon kay Dr. Lim:
- Hindi sumusunod ang mata kapag may gumagalaw na bagay—mas lalo na sa mga baby na tatlong buwan pataas.
- Pagkaduling—mas lalo na kung ang isang mata nakatingin sa ibang direksyon—sa mga batang tatlong buwan pataas.
- Mata na tila lumilibot sa mga unang araw pagkapanganak.
- Mata na tila lumilibot (maaaring senyales ng malabong mata o problema sa eye muscle control).
- Parating nadadapa o hindi nakikita o naiiwasan bumangga sa mga bagay—mas lalo na sa matatandang bata.
- Madalas na pagluluha ng mata (maaaring barado ang tear ducts).
- Pula o pagmumuta ng mata (maaaring may impeksyon sa mata).
- Labis na pagiging sensitibo sa ilaw (maaaring sintomas ng mataas na pressure sa mata o childhood glaucoma).
Isinaling sa wikang Filipino ni Candice Lim Venturanza
Kung nais basahin ang English version nito, i-click dito!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!