Hindi lang puro si baby ang dapat binibigyan ng kalinga. Narito ang mga dapat alamin tungkol sa pag-aaruga sa sarili pag kapanganak o postpartum care.
Postpartum care para kay mommy
Maraming babasahin tungkol sa pagbubuntis at tungkol sa pag-aalaga sa isang sanggol, pati na mga pre-natal classes na nakatuon lamang sa panganganak at kay baby. Pero paano na nga ba si nanay? Hindi dapat kaligtaan ang kalusugan at pisikal na kalagayan ng isang ina lalo na pagkapanganak at ang kanyang postpartum care. Siyam na buwan siyang pinagdaanan lahat ng pagbabago sa katawan pati na emosyonal, at lahat ng sakit lalo sa paglabas ng anak.
Pagdadaanan ng bawat ina ang proseso ng paggaling o recovery mula sa stress at pisikal na trauma na naramdaman sa pagbubuntis at panganganak. Makakatulong sa mabilis na paggaling ang maintindihan kung paano aalagaan ang sarili. Tandaan na mas maaalagaan ng isang ina ang kaniyang sanggol kung siya mismo ay masaya at malusog.
Lahat tayo ay magkakaiba ng pakiramdam at proseso ng paggaling. Ang lahat ng ito ay payo para lamang sa madaling pag-aaruga. Lahat ng usapang medikal ay kailangang ikunsulta sa iyong OB GYNE o espesiyalista.
7 na bagay na dapat alamin tungkol sa postpartum care
Kinapanayam ko ang ilang mga nanay para sa mga maipapayo nila sa mga inang manganganak o kapapanganak pa lamang, kung paano aalagaan ang sarili at ang tamang postpartum care ng walang stress at ano ang pangunahing kailangan para dito.
1. Hindi bababa sa 6 na linggo ang proseso ng pagpapagaling
Ito ay para sa nanganak ng Normal (o Vaginal) Delivery. Para sa Cesarean Section, hindi bababa sa 12 linggo ang kailangan. Alam niyo bang napakadaming pisikal na karamdaman ang pagdadaanan ng isang buntis at bagong panganak? Nariyan ang pamamaga ng iba’t ibang bahagi ng katawan, tahi, pananakit ng mga muscles, perineal tear (para sa normal delivery), at kung ano ano pa. May paninigas din ng uterus minsan habang ito ay bumabalik sa dating laki. Ilang buwan gumaling ang tahi? Ito ay nasa buwan pa ang itatagal dahil kahit natanggal na ang tahi, hindi pa ito fully gumagaling sa loob.
Paano malalaman kung bumuka ang tahi ng normal delivery? | Image from Unsplash
May ibang nagkaka-taghiyawat, hot flashes, o naglalagas ng buhok. Dagdag mo pa ang pamamaga ng nipples dahil sa pagpapasuso at pagkakaron ng gatas.
Makakatulong:
Kung nagpapasuso, ihanda ang hot compress o bimpo na binasa sa maligamgam na tubig upang maidadampi mo sa iyong suso bago pakainin ang sanggol, o sa tuwing sumasakit dahil dumadami ang gatas.
Ice pack naman ang makakatulong sa namamagang nipples.
Sa normal delivery:
Pagbababad sa bath tub o shower na may maligamgam na tubig. Ang tinatawag na sitz bath o pag-upo ng nakababad sa maligamgam na tubig ng 20 minuto sa isang araw ay paraan na nirerekumenda din ng mga doktor. Ice pack. Para sa paggaling ng iyong perineum. Dampian ang bahagi ng iyong ari ng ice pack sa unang 24 hours pagkapanganak, payo ni Christine Mesina, RND. Iwasan ang pagtayo o pagupo ng matagal.
Sa Cesarean delivery:
Ilang buwan gumaling ang tahi? Karaniwang pinapaliwanag ng doktor ang sinulid na ginamit sa tahi: kung ito ay natutunaw na o kung ito ay kailangang tanggalin pa ng doktor. Alamin ito upang hindi mo gagalawin hangga’t hindi nakikit ng iyong doktro.
Ipapayo ng doktor sa iyo sa post-natal check up kung maaari mo nang linisin mg sabon at tubig ang iyong tahi. Karaniwang may antibiotic ointment na ibibigay ang doktor. Huwag magbuhat ng kahit anong mabigat. Iwasan din ang pag-eehersisyo hangga’t hindi pinapayo ng doktor.
Itanong sa iyong doktor kung maaari ka nang magpamasahe. Makakatulong ang pagpapamasahe upang ma-destress at ma-relaks ang iyong buong katawan at isip.
Postpartum care ni mommy | Image from Freepik
2. Mapapadalas pa rin ang pag-ihi
Ayon kay Myra Wick, M.D., isang espesiyalista sa Obstetrics at Gynecology sa Mayo Clinic, sa kaniyang librong Mayo Clinic Guide to a Healthy Pregnancy, ang pamamga ng katawan sa pagbubuntis ay nagdudulot ng sobrang fluid sa katawan kaya’t alam ng iyong katawan na kailangan ilabas ito. Kung normal o vaginal delivery ito, mahihirapan kang umihi dahil mahapdi dahil sa sugat sa puwerta.
Makakatulong:
Huwag pigilin ang pag-ihi. Mas madalas, mas maigi.
Mag Kegel exercise kung saan pipigain o iipitin mo ang iyong pelvic-floor muscles o puweta (na parang nagpipigil ka ng ihi). Kahit nakaupo, nag-aalaga kay baby o nakahiga, puwede mong gawin ito. Nakakatulong itong mapasikip at mapagaling ang sugat sa puwerta.
Magsuot din ng pantyliner para sa hindi mapigil na pag-ihi, na maaaring mangyari minsan.
3. May pagdurugo pa rin ang puwerta, kahit CS ka o normal delivery
Hindi ito ang pagbabalik ng iyong regla. Ang lochia ay vaginal bleeding na mas malakas kaysa sa regla, dahil dumudugo ang pinaglagyan ng placenta, pati na ang makapal na layer ng uterine lining kung saan “humiga” si baby. Mula 2 hanggang 6 linggo ito tatagal.
Makakatulong:
Magtabi ng maraming napkin at panty na hindi mamahalin dahil madalas, gugustuhin mo nang itapon ito dahil sa dami ng dugo. Iwasan ang bikini; mas mahusay gamitin ang malalaking high-waisted panty para maprotektahan ang iyong tiyan, lalo kung CS ka.
4. Natural lang magkaroon ng hemorrhoids o almuranas
Dahil nga sa pag-iri, lalo kung matagal ang labor, maaaring magkaroon ng almuranas. Makati at mahapdi ito. Kung labis ang sakit at nahihirapan na umupo, kumunsulta sa doktor.
Makakatulong:
- Huwag magbubuhat ng mabigat dahil mas nakaka-stress ito sa almuranas.
- Maglagay ng ice pack sa kapag sobrang sakit na.
- Uminom ng maraming tubig at kumain ng high-fiber na pagkain.
- May mga cream at pain reliever na pwedeng inumin ngunit kailangang ikunsulta sa iyong doktor bago gumamit nito.
- Linising mabuti ang iyong katawan, lalo ang ari at likuran upang maiwasan ang anumang impeksiyon.
5. Huwag madaliin ang paggaling
Kahit minsan ay pakiramdam mong magaling ka na at kaya mo nang bumalik sa dating mga gawain, maghinay-hinay pa rin. Itoka muna sa iba ang paglalaba o pagbubuhat ng mabigat.
Kung walang kasama sa bahay, gawin ito ng unti-unti. Kung may hagdan ang iyong bahay, iwasan ang pag akyat-manaog dahil makakastress ito sa iyong katawan. Iwasan din ang paglalakad ng malayo lalo na ang pagtakbo. Kailangan mong ipahinga ang iyong muscles at ligaments dahil ito upang manumbalik ang dating lakas nito.
Makakatulong:
Kung may ikalawang palapag ang bahay, ilagay na lahat ng kakailanganin mo sa isang bag o basket o plastic container, at ilagay sa palapag kung saan ka madalas na mananatili. Lagyan mo na ng meryenda mo tulad ng prutas, juice (na nasa kahon o bote), wet wipes o paper towel, pinggan at kobyertos, baso, babasahin, at kung ano ano pa na sa tingin mo ay kailangan mo mula sa kusina.
Huwag kakalimutan ang ice pack at cold at hot compress. Kailangan mo din ng electric hot water pot para sa madaliang pagpapainit ng tubig kung kailangan mo ng hot compress o mainit na bimpo pampunas sa sarili.
Higit sa lahat, matulog o umidlip sa tuwing may pagkakataon. Kadalasan, umiidlip ang mga nanay kapag natutulog din si baby. Sabayan mo, para hindi ka napapagod.
Katulad ng nabanggit na, kumain ng mga pagkain na may balanseng nutrisyon at uminom ng maraming tubig o juice (natural o fresh, hindi de-lata o carbonated) para hindi ma-dehydrate.
6. Asahan ang pagiging emosyonal
Sa postpartum care, marahil ay narinig mo na ang tungkol sa postpartum depression. Lahat ng kababaihan ay dumadaan dito, kahit pa ang mga kilalang celebrity tulad nina Brook Shields, Adele, Sharon Cuneta, at marami pang iba.
Ang pangananak ay nagbabadya ng napakaraming emosyon, mula sa pagiging sobrang masayahin hangang sa sobrang pagkalungkot. Minsan ay makikita mo na lang ang sarili na umiiyak ng parang wala namang dahilan. Lahat ito ay natural, dahil nga ang bawat ina ay dumaan sa 40 linggong kakaibang karanasan, at ilang oras ng napakasakit at physically draining na labor. May mga mild depression lang na tinatawag na baby blues, at mayron ding mas malala. Pero walang hindi nalalampasan ito.
Postpartum care ni mommy | Image from Freepik
Makakatulong:
Maghanap o mag-isip ng kakaaliwan. Nakatulong sa akin noon ang pananahi at cross-stitching, kahit na hindi ko ito ginawa kahit minsan nung bago ako magbuntis. Ang iba ay nanonood ng masasayang palabas o pelikula, ang iba ay nagbabasa, ang iba ay nagsasayaw.
Huwag mag-alinlangang makipag-usap sa asawa, partner, magulang, at mga kaibigan. Mayron ding mga support group o group chat na masasalihan upang makahanap ng mga kapwa ina na pareho ng iyong pinagdadaanan. Nakakatulong kasing malaman mo na hindi ka nag-iisa sa nararamdaman mo.
Kumunsulta sa doktor, kung sa tingin mo ay labis ang iyong emosyon o depresyon.
7. Patuloy pa rin ang post-natal check up
Mahalagang isama pa rin sa postpartum care ang pagbisita sa iyong health expert. Hindi natatapos ang pagpunta sa doktor pagkapanganak. Kailangan mo ng payo ng iyong OB GYNE sa kung anumang nararamdaman mo. Siya ang tanging makakasagot ng mga tanong mo tungkol sa kung anong iniinda ng katawan.
Sources: Mayo Clinic
BASAHIN: 20 Pangunahing gamit na kailangan ni baby
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!