Solo parent ID: Kwalipikasyon, application, at benepisyo

lead image

Ang RA 8972 o Solo Parent's Welfare Act ay isang batas na nagbibigay benepisyo at prebilihiyo sa mga solo parents at sa kanilang mga anak. At para magamit ng isang solo parent ang mga benepisyo at prebilihiyong ito, kinakailangan niyang magkaroon ng Solo Parent ID.

Narito ang lahat ng kailangan mong malaman tungkol sa mga karapatan ng isang solo parent at kung paano maka-avail ng solo parent ID.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Department of Health at University of the Philippines-National Institute for Health, tinatayang ang 14-15 percent ng 94 million na kabuoang populasyon ng Pilipinas ay solo parent. Ito ay humigit-kumulang 15 million na kung saan 95 percent nito ay mga babae.

Kaya naman para maproteksyonan ang kanilang karapatan at matulungan sila sa pagtataguyod ng kanilang mga anak na ginagawa nilang mag-isa, isang batas ang isinulong noong 2000 na tinawag na Solo Parent’s Welfare Act o RA 8972.

Layunin ng Solo Parent Act na magbigay ng komprehensibong serbisyo at prebilihiyo sa mga single parents at kanilang mga anak sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development o DSWD at ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Ilan sa mga benepisyong maaring matanggap ng mga solo parent sa ilalim ng batas na ito ay ang sumusunod:

Solo Parent Benefits

  • Pitong araw na dagdag na bakasyon mula sa trabaho o Solo Parent Leave
  • Proteksyon laban sa diskriminasyon sa trabaho
  • Komprehensibong tulong pangkabuhayan (para sa solo parent na ang antas ng kabuhayan ay nabibilang sa itinakda ng NEDA na below poverty threshold)
  • Tulong sikolohikal
  • Tulong sa pamilyang nangangailangan ng proteksyon
  • Tulong mula sa ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DepEd, CHED at TESDA sa pagpapaaral sa mga anak nila

Ngunit para magamit at makuha ang mga benepisyong ito kinakakailangan ng isang single parent na magkaroon ng Solo Parent ID. Ito ang patunay na ang isang single parent ay kwalipikadong solo parent na naaayon sa proseso sa ilalim ng Solo Parent Act.

Pero ano nga ba ang batayan para masabing ikaw ay solo parent? Narito ang mga kwalipikasyon.

Solo Parent Qualifications

  • Biyuda/biyudo
  • Hiwalay sa asawa
  • Napawalang-bisa o annuled ang kasal
  • Inabandona ng asawa o kinakasama
  • Sinumang indibidwal na tumatayo bilang magulang ng bata/ng mga bata
  • Sinumang miyembro ng pamilya na tumatayo bilang head of the family bunga ng pag-abandona, pagkawala o matagal na pagkawalay ng magulang o ng solo parent
  • Biktima ng panggagahasa
  • Asawa ng nakakulong at/o hinatulang mabilanggo
  • Hindi sapat ang mental na kapasidad

Kung kwalipikadong solo parent, mahalagang mag-palista sa Local Social Welfare and Development Office ng inyong munisipyo para makapag-apply ng Solo Parent ID na nangangailangan ng patunay ng mga sumusunod na dokumento.

Solo Parent ID Requirements

  • Barangay Certification - mahalagang may di kukulangin sa anim na buwang naninirahan sa nasabing barangay
    • May angkop na dokumento gaya ng:
      - Deklarasyon ng pagkawang bisa ng kasal (Declarationo of Nullity of Marriage)
      - Katibayan o medical certificate na hindi sapat ang mental na kapasidad
      - Certificate of No Marriage (CENOMAR)
      - Birth certificate ng anak
      - Income Tax Return (ITR) o anumang angkop na dokumento na nagpapatunay sa antas ng kita ng solo parent o cetification mula sa ingat-yaman o Treasurer ng Barangay o Munisipyo
      - Kasulatan o certificate mula sa Kapitan ng Barangay na nagsasaad ng kalagayan ng pagiging isang solo parent

Matapos makumpleto at maipasa ang mga dokumento, ang Solo Parent ID ay makukuha paglipas ng tamlumpung araw na kailangang irenew taon-taon.

Samantala ang solo parent na kumikita na mas mababa sa poverty threshold na itinakda ng National Economic Development Authority (NEDA) at dumaan sa assessment ng isang DSWD worker ay makatatanggap ng karapatang serbisyo at assistance mula sa sumusunod na sangay ng gobyerno.

  • Health Services (DOH)
  • Educational Services (CHED, TESDA)
  • Housing (NHA)
  • Parental Leave (Employer, DOLE, CSC)

Ang solo parent naman na kumikita na mas mataas sa itinakdang poverty threshold ng NEDA ay makakuha lang ng limitadong benepisyo tulad ng flexible work schedule, parental leave at iba pang benepisyong itatakda ng DSWD.

Solo Parent Leave

Ang Solo Parent Leave ay ang benepisyong kaakibat ng Solo Parent Act na kung saan ang isang solo parent ay maaring lumiban ng pitong araw sa trabaho. Ito ay para magampanan ang kaniyang tungkulin bilang magulang para sa mga anak na hindi bababa sa gulang na 18 years old o kung 18 years old pataas pero hindi kayang suportahan ang sarili o may physical o mental disability. Ang 7day parental leave na ito ay maaring gamitin sa isang taon maliban pa sa leave benefits na itinakda ng DOLE sa isang regular na empleyado.

Ang Solo Parent Leave ay maaring gamitin ng isang solo parent ayon sa sumusunod na dahilan:

  • Kailangang dumalo sa mga importanteng pangyayari o milestone na anak tulad ng birthday, communion, graduation, at iba pa.
  • Kailangang gampanan ang tungkulin  bilang isang magulang tulad ng pag-eenroll sa school, PTA meetings at iba pa.
  • Punan ang pangangailangang medical, social, spiritual at recreational needs ng anak
  • At iba pang pangyayari na kailangan ang presensya ng solo parent para magampanan ang responsibilidad at tungkulin niya bilang magulang sa kaniyang anak.
  • Ang maling paggamit ng benepisyong ito ay dadaan sa kaukulang imbestigasyon na maaring magpawalang bisa ng eligibility sa mga naturang benepisyo.

Ang solo parent leave rin ay magagamit na may sumusunod na kondisyon:

  • Ang solo parent ay dapat nagtratrabaho na sa ahensya o kumpayang pinagtratrabuan na hindi bababa sa isang taon, tuloy-tuloy man o paputol-putol.
  • Ang parental leave ay dapat magamit taon-taon at hindi maaring ipalit sa cash.
  • Ang hindi paggamit nito sa isang taon ay hindi nangangahulugang magagamit ito sa susunod na taon. Tanging pitong araw lang na parental leave ang nakatalaga sa isang solo parent sa isang taon.
  • Maaring magamit ang parental leave ng pitong araw na tuloy-tuloy o paunti-unti na nakadepende sa pag-sangayon ng head ng agency/office na pinagtratrabahuan ng solo parent.

Nawawala naman ang karapatan ng isang solo parent na gamitin ang mga benepisyo at prebilihiyo sa ilalim ng Solo Parent Act kapag siya ay nagbago na ng status o kung saan hindi na lamang siya ang mag-isang nagtataguyod sa kaniyang mga anak. Ang hindi pagre-renew rin ng Solo Parent ID taon-taon ay awtomatikong palantandaan na ang isang solo parent ay nagbago na ng kaniyang status at hindi na nasa ilalim ng Solo Parent Act.

src=https://www.dswd.gov.ph/wp content/uploads/2016/07/solo parent.jpg Solo parent ID: Kwalipikasyon, application, at benepisyo

Source: Manila Bulletin, E-Lawyers, DSWD

Basahin: Paano magpalit mula maiden to married name sa mga government ID?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!