Marami sa atin ang ayaw magkasakit dahil bukod sa sama ng nararamdaman, masakit din ito sa bulsa. Kinakailangan nang magbayad sa ospital, bawas pa sa sweldo ang maaari sanang kitain nung mga araw na hindi naka-pasok. Ngunit ang katotohanan, marami ang nakakalimot na maaaring mag-claim ng SSS sickness benefit.
Ang SSS sickness benefit ay ang cash allowance na makukuha para sa bawat araw na hindi makapagtrabaho dahil sa sakit. Upang hindi ito maabuso, dumadaan ito sa proseso na sinisiguradong karapat-dapat ang makakatanggap nito. Alamin natin ang mga qualification, application at steps para makuha ito.
Qualification para sa SSS sickness benefit
Bawat miyembro ng SSS ay maaaring makapag-file ng request hangga’t pasok siya sa 4 na qualifications. Ang mga ito ay:
- Hindi bababa sa apat (4) na araw na hindi nakapag-trabaho ang miyembro dahil sa sakit o pagka-pinsala.
- Nakapag-bayad ang miyembro nang hindi bababa sa tatlong (3) buwan ng kontribusyon sa loob ng isang taon bago ang semester ng pagkakasakit.
- Nagamit na ng miyembro ang lahat ng paid sick leaves sa pinapasukan na kumpanya.
- Nakapagbigay ng sapat na notipikasyon sa employer (kung empleyado) o sa SSS (kung hiwalay na sa trabaho, self-employed, o boluntaryong miyembro) tungkol sa pagkakasakit.
Kapag pasok sa apat na qualifications na ito, maaari nang mag-file ng request. Ngunit, ano nga ba ang mga kailangan para dito?
Application
May ilang mga dokumento ang kakailanganin para sa pag-file ng sickness benefit. Maaari itong mag-iba base sa katayuan ng employment ng isang miyembro. Ang siguradong kakailanganin, ano man ang katayuan ng trabaho ay ang SSS Sickness Benefit form (na maaaring ma-download dito at SSS card o valid IDs). Basahin ang mga sumusunod para malaman kung saan ka napapabilang.
Kapag may trabaho
Kailangang ipagbigay alam ng miyembro ang pagkakasakit sa employer limang araw mula sa pagsisimula ng pagkakasakit o injury. Ang employer ang magbibigay alam sa SSS tungkol sa pagkakasakit. Kailangan itong gawin ng employer sa loob ng limang araw matapos matanggap ang notipikasyon mula sa miyembro.
Subalit, kung ang miyembro ay na-ospital, habang nasa trabaho, hindi na ito kailangang ipagbigay alam sa employer. Binibigyan ito ang employer ng 10 araw mula sa simula ng pagkakasakit para magbigay alam sa SSS.
Kung ang miyembro ang sariling mag-lalakad ng kanyang claims, kakailanganin niya ang mga sumusunod:
- Sickness notification na makukuha dito
- SS ID o valid IDs
- Medical records na nagpapatunay ng pagkakasakit
Kung sa trabaho ang naganap na pagkakapinsala, ang mga sumusunod na dokumento ay kakailanganin din:
- Accident o sickness report mula sa employer
- Police report (kung aksidente sa kalsada at may kaugnay na iba pang partido)
- Photocopy ng logbook ng employer
Kung matagal ang pagkaka-ospital o pagkakasakit, maghanda ng orihinal o certified true copy ng mga sumusunod:
- Laboratory / X-ray / ECG o iba pang test results
- Clinical records namay magpapatunay ng mga pagsusuring naganap
Kung representative mula sa kumpanya ang magsu-sumite ng requirements, idagdag ang mga sumusunod:
- System generated transmittal list (TL) o acknowledgement letter
- Tatlong kopya ng electronic notification o transmittal list ng employer
Para sa nahiwalay sa trabaho
Kung ang kumpanya ay nasa strike, may kaso sa pagkakahiwalay ng miyembro, o nabuwag na, dalhin ang mga sumusunod:
- Notice of Strike mula sa DOLE (kung may strike)
- Notaryadong Affidavit of Undertaking na nagsasabing walang paunang bayad na natanggap ang miyembro at ang petsa ng pagkakahiwalay sa trabaho
Kung ang miyembro ay nahiwalay sa trabaho dahil sa Absence Without Leave (AWOL) o hindi maayos na relasyon sa employer, kakailanganin ng notaryadong Affidavit of Undertaking na nagsasabing walang paunang bayad na natanggap ang miyembro at ang petsa ng pagkakahiwalay sa trabaho.
Kung ang pagkakasakit ay naganap bago pa humiwalay sa dating employer, kakailanganin ng Certificate of Separation from Employment. Siguraduhin na nakasaad dito ang petsa ng pagkakahiwalay sa trabaho at na wala pang natatanggap na paunang bayad ang miyembro. Siguraduhin din na pirmado ng awtorisadong kinakatawan.
Para sa self-employed o boluntaryong miyembro
Kakailanganin lamang ang Sickness Benefit Form at SS card ng miyembro. Ngunit, kung representative ang maghahain ng request, kakailanganin din ng sumusunod:
- Isang orihinal na primary ID card/document o dalawang secondary ID cards/documents ng awtorisadong representative ng miyembro. Pareho dapat may lagda at ang isa ay may larawan.
- Isang orihinal na primary ID card/document o dalawang secondary ID cards/documents ng miyembro. Pareho din dapat na may lagda at ang isa ay may larawan.
Kung matagal ang pagkaka-ospital o pagkakasakit, maghanda ng orihinal o certified true copy ng mga sumusunod:
- Laboratory / X-ray / ECG o iba pang test results
- Clinical records namay magpapatunay ng mga pagsusuring naganap
Steps sa pagkuha
Maaaring isumite ang mga requirements sa SSS branch na nakakasakop sa inyong lugar. Ito ay ang branch na may records sa kumpanyang pinagtatrabahuhan para sa mga empleyadong miyembro.
Para sa mga may trabahong miyembro, ang employer ang nagbabayad ng sickness benefit na maaprubahan. Mula dito, ire-reimburse ito ng employer.
Para naman sa mga nahiwalay sa trabaho, self-employed o boluntaryong miyembro, kakailanganin ng bank account sa akreditadong bangko ng SSS. Kung ang miyembro ay mayroon na ng nasabing bank account, dito ipapadala ng SSS ang kanyang sickness benefit. Kung wala pa, kinakailangan nitong magbukas ng bank account sa akreditadong bangko na nasa loob ng 30 kilometro mula sa kanyang tirahan.
Maaaring magbigay ang SSS ng Letter of Introduction (LOI) sa bangkong mapipili upang makapagbukas ng account ang miyembro kung wala pa. Matapos magbukas, kailangang magpadala ng photocopy ang miyembro ng mga sumusunod:
- ATM Card (kung saan nakalagay ang account number)
- Single Savings Account Passbook
- Bank Statement/Certificate
- Validated Deposit Slip/Savings Account Number card
Paalala, ang mga medical records na isusumite ay susuriin ng medical specialist. Ngunit, kung sa abroad na tamo ang pinsala o pagkakasakit, kakailanganin ng dokumento na english at pinagpatunayan ng Philippine Embassy o Consulate Office mula sa bansa. Kailangan din ay notaryado ito mula sa pinanggalingan na bansa.
Basahin din: SSS Death Benefits: Paano makukuha ito ng mga naulila?
Source: SSS
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!