Masarap makarinig ng papuri, aminin natin. Ayon kay Kenneth Barish, PhD, isang psychologist at book author, mahalaga sa atin ang tingin o pagkilala ng ibang tao, bata man o matanda. Kaya’t kapag may nagsabing “well done” o “ang galing mo”, nakakataba ng puso at mas madalas sa hindi, mas ginagahan tayong mas pagbutihin pa. Ang turo kasi sa atin, ang papuri o praising ay nakakalakas ng confidence at nagiging mas motivated tayo kapag naririnig na magaling at kahanga-hanga ang nagawa natin.
Pero ayon sa mga pagsasaliksik, may mga negatibong epekto ang papuring ito lalo sa mga bata. Nakakapagpataba daw ito ng “ego” kaysa sa tiwala sa sarili, lalo pa kung sobra sobra. Kaya’t yabang ang napapayabong, higit sa kung anupaman.
Praise debate: dapat bang iwasan ang pagpuri sa ating mga anak?
Lahat ng labis ay nakasasama
Sa preschool, maririnig mo ang walang patumanggang papuri ng mga guro: “Well done!” “Good job!” “Wow! Ang galing” at mga ganitong papuri. Nakaka-motivate daw kasi ito sa mga bata, o mas ginagahan silang sumubok ng maraming bagay at pagbutihin ito. Ang mga sanggol, toddlers at preschoolers, lalo na, ay sabik at umuunlad sa mga papuring ito. Ang papuri o praise sa early childhood ay isang paraan para mapagtibay ang self-esteem ng mga bata. Ito ang naghihikayat sa kanilang mag-explore at magdiskubre ng iba’t ibang bagay sa paligid nila. Ang ideya na ang pagpuri o praise ay nakakatulong sa pagpapalakas ng self-esteem ng isang tao o bata, ay naisulat sa isang scholarly publication na pinamagatang “The Psychology of Self-Esteem” ni Nathaniel Branden noong 1969.
Pero katulad nga ng kasabihan, ang kahit anong labis ay nakasasama—at ang labis na papuri daw ay di nakakabuti sa development at pagkatuto ng isang bata. Ayon sa clinical writer na si Lauren Lowry ng The Hanen Centre, sinabi ng mga iskolar ang kanilang inaalala ay natatapakan nito ang motivation sa mga bata at nawawala ang “sense of achievement.” Ang iba kasi ay minamanipula ang pagbibigay ng papuri at ginagamit ito para sa kapakanan ng mga matatanda o adult, at hindi ng bata, sa pamamagitan ng pagpuri sa bata para lang mapasunod sa gusto ni nanay o tatay, o ng guro. Kaya nga ba hindi matapos-tapos ang debate ng mga eksperto at magulang tungkol sa epekto ng pagbibigay ng puri sa bawat gawin ng bata.
Kailan nagiging masama ito?
Bakit nga ba naman magiging masama ang pagsasabi ng mabuting bagay tungkol sa
ginawa ng iyong anak, malaki man ito o maliit?
Ayon kay Dr. Barish, epektibo ang papuri sa mga bata dahil naniniwala sila sa sinasabi ng mga nakatatanda. Kapag mas malaki o mas matanda na ang bata, iba na anginterpretasyon nila sa papuri, dahil natutunugan na nila ang kawalang ng sinseridad ng mga nakatatanda. Alam nila kung kailan totoo, at kung kailan hindi.
Maling papuri
- Kapag masyadong madali ang gawain o ginawa. Kaya naman niyang gawin nang pikitmata e, bakit kailangan pang abot langit ang papuri? Kung hindi naman pinaghirapan, huwag nang gawing malaking usapan ito. Di ba’t maiisip ng bata na parang napakatanga naman niya, o napakatanga ni nanay sa paniniwalang ang galing niya, e hindi naman mahirap yung ginawa niya. Ayon kay Jenn Berman, PhD, isang marriage at family therapist, sa libro niyang The A to Z Guide to Raising Happy and Confident Kids, magiging “praise junkie” ang isang bata, na palagi na lang maghihintay ng papuri, o pipili ng gawain na makakalikom ng papuri, kaysa magdesisyon ng tama.
- Itigil ang labis na papuri kung ang ginagawa ng bata ay isang bagay na gustung gusto na niyang gawin, o magaling na naman talaga siya dito. Sabi ni psychologist Jennifer Henderlong, nakaka-demotivate ito sa isang bata. Kapag naririnig niya palagi na puro papuri sa kaniya para sa pagliligpit ng mga laruan niya, maaaring hindi na niya gawin ito hangga’t hindi siya pupurihin. Dagdag pa dito, ayon sa mga pag-aaral, nawawalan ng gana ang isang tao kapag palagi naman siyang pinupuri tungkol dito. Nakaka-pressure kasi ang labis na papuri dahil nga may mga expectations na baka hindi nila magampanan. “Kapag hindi inaasahan at spontaneous ang papuri, nagiging isang powerful motivating force ito,” paliwanag ni Delbert Pingol, isang special needs educator at specialist sa Dubai.
- Kapag gusto lang pasunurin sa pinapagawa. Isa itong pagmamanipula sa isang bata. Natural na susunod ang bata sa gusto ng magulang, pero hindi ito kusang loob, at hindi ito magtatagal. Sumusunod lang siya dahil gusto niya ng “approval” ng magulang. Hindi dapat sinasamantala ng nakatatanda o magulang ang autonomy at tiwala ng isang bata.
- Huwag lagyan ng presyo o katapat na pera ang kakayahan ng bata. Kahit kailan, hindi dapat na “bayaran” o tapatan ng pera ang isang accomplishment o achievement, lalo na ng bata. May mga nagsasabing: Sa bawat grade na 90 pataas sa Report Card, bibigyan kita ng 500 piso. Ano ang itinuturo nito sa bata? Pera ang motivation niya, at nawawala ang focus sa nagawa niya dahil sa kakayahan at talino niya. Bakit hindi na lang dalhin siya sa paborito niyang kainan at mag-celebrate doon? O bigyan siya ng isang bagay na matagal na niyang gusto?
Ang sobrang papuri, lalo’t hindi naman taos puso, ay nagmamaliit sa isang bata, at maaaring magtulak sa kaniyang matakot na gawin ang isang bagay, sa takot na hindi niya maabot ang inaasahan sa kaniya. Payo ni Delbert Pingol, pwedeng isipin ng bata na: Kailangan ko ng approval ni nanay at tatay, sa lahat ng oras. Paano kung mabigo ako? Kaya’t palagi siyang matatakot na gawin ang isang bagay. Sa isang banda, palagi naman siyang maghihintay ng validation sa bawat bagay na gagawin niya.
Ang mabuting papuri
Sa isang research paper ni Jennifer Henderlong at Mark Lepper na pinamagatang The effects of praise on children’s intrinsic motivation: A review and synthesis, ipinaliwanag nila na kapag ang papuri ay nakita ng bata na bukal sa loob ng nagsasabi, maraming kabutihang maidudulot ito sa development ng niya. Sa pagsasaliksik nina Henderlong at Lepper, ang mabuting uri ng praise ay tumutulong sa pagpapaunlad ng autonomy at confidence, pati na competence ng isang bata.
Naniniwala akong ang hindi sapat na papuri ay kasingsama din ng sobrang papuri. May mga naniniwala na ang papuri at rewards ay dapat iwaksi nang tuluyan—isang bagay na tinututulan ko. Ang bawat bata ay kailangang makarinig ng mga mabuting bagay at encouraging words mula sa kanilang mga magulang at guro. Ang kawalan ng papuri, o kakulangan nito ang nagiging dahilan ng kawalan ng tiwala sa sarili, o pagwawalang bahala sa mga gawain sa eskwela.
Ang makarinig na tama at magaling ka, ay nakakatulong na galingan mo pa ang isang gawain. Ang susi ay nasa papuri ng tama.
- Quality kaysa quantity. Ayon kay Pingol, ang kalidad ng papuri ay mas mabuti kaysa sa quantity o dami nito. Kung ang papuri ay bukal sa loob at nakatuon sa “effort” at hindi sa outcome, at sa isang specific na gawain o galing ng bata, hindi kailangang magdamot dito.
- Sabihin sa bata kung bakit siya pinupuri. Kailangang sabihin kung ano ang pinupuri—anong katangian o alin sa kaniyang ginawa ang pinupuri mo? Dito makikita ng bata na talagang binibigyan mo ng atensiyon ang ginawa niya.
- Maging sincere at specific. Ayon kay Henderlong at Lepper, ang mga katagang “Good job!” at “Well done!” ay epektibo sa mga bata, pero hindi sa mga mas matanda. Pero kapag ang papuri ay mas specific at naglalarawan ng kung saan siya magaling, tulad ng “Magaling ang pagkakagamit mo ng mga metaphors sa iyong essay” at “Ang husay ng defense move mo bago mag-half-time break kanina!”
- Gawing makatotohanan at kayang maabot ang mga standards para sa anak, at hikayatin ang mga bata na magkaron ng mastery ng skills. Kung puro “Ang galing mo!” at “Wow!” ang maririnig, o kaya’y “Ang guwapo mo, matalino, napakahusay!” puro hindi makatotohanan ang pinaparating mo sa bata. Lahat na lang ay “pinaka” at “napaka”.
- Purihin ang effort at hindi ang resulta. Bigyang pansin ang hard work at effort ng bata: kung tumulong siyang magluto ng pananghalian, o pinag-aralang mabuti ang science project niya. Anuman ang sitwasyon, ang papuri ay dapat na katapat ng hirap na ibinigay ng bata sa gawain. Kung nakita mong may special effort ang bata at deserving sa papuri, huwag ipagdamot ito.
Ang papuri ay mabuti sa self-esteem ng isang bata, pero mabuti rin para sa kaniya ang marinig at makita kang pumupuri ng ibang bata. Sa ganitong paraan, nagiging grounded ang sariling anak at nakikita na hindi lang siya ang magaling at may kakayahan at talino.
Kapag sobra sobra ang papuri, lumalaki din ang ulo ng isang bata. Madalas pa, nahihirapan siyang tanggapin ang pagkatalo at ibang “failure” sa buhay, dahil nga sanay siya na puro magaling at mahusay lang ang ginagawa niya.
Hindi pwedeng walang papuri. Kailangan natin ito lalo na kung nagkakaron ng self-doubt o takot na hindi magtagumpay. Ang mga batang nagiging “praise junkies” ay iyong mga desperado sa paghingi o paghihintay ng papuri mula sa mga magulang at pamilya—dahil hindi sila nakakarinig nito ng madalas.
Bilang isang magulang, hindi ako tumitigil sa pagbibigay ng papuri o praise sa mga anak ko. Kailangang malaman nila na proud ako sa kakayahan nila, at sa hirap at pagod na iniinda nila, sa bawat bagay na ginagawa nila. Gusto kong sa akin nila unang maririnig ang mga papuri. Kailangan lang maintindihan ng mga magulang kung kailan, saan at paano ang tamang papuri—na ito ay isang mahalagang instrumento para magkaron ng tiwala sa sarili ang mga bata.
READ: Why you should should not praise your child for being ‘clever’
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!