Ano ang masamang epekto ng ligation sa babae, alamin dito. Pati na rin kung sino ba sa mga kababaihan ang inirerekumendang gumamit ng contraception method na ito.
Ano ang ligation at paano ito ginagawa?
Ang tubal ligation ay isang surgical procedure na nagba-block o nagpuputol ng fallopian tubes upang maiwasan ang pagbubuntis. Maaari itong gawin sa iba’t ibang paraan. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Laparoscopic Tubal Ligation – Gumagawa ng maliit na hiwa malapit sa pusod, at ipapasok ang manipis na tubo na may kamera (laparoscope). Pagkatapos, puputulin, susunugin (cauterize), o isasara ang fallopian tubes gamit ang clips o rings.
- Minilaparotomy – Gumagawa ng maliit na hiwa malapit sa ibabang bahagi ng tiyan, karaniwang pagkatapos manganak, at itatali at puputulin ang mga tubo.
- Hysteroscopic Tubal Occlusion – May device na ipapasok sa fallopian tubes sa pamamagitan ng vagina at cervix, na magdudulot ng scar tissue upang harangan ang mga tubo. (Ito ay bihirang gamitin ngayon dahil sa mga komplikasyon.)
- Postpartum Tubal Ligation – Ginagawa agad pagkatapos manganak (lalo na pagkatapos ng cesarean section), kaya’t mas maginhawa dahil ang tiyan ay bukas na.
Kanino inirerekomenda ang tubal ligation?

Ang tubal ligation ay ideal para sa mga kababaihan na:
- Hindi na nais magkaroon ng mga anak at sigurado sa permanenteng birth control.
- May mga kondisyon sa kalusugan na nagiging risky ang pagbubuntis.
- Higit sa 30 taon na at natapos na ang kanilang family planning.
- May mga medikal na isyu tulad ng genetic disorders na ayaw na maipasa pa sa kanilang magiging supling o anak.
Kanino ito hindi nirerekumenda?
- Mga kabataang kababaihan o yaong hindi sigurado sa mga magiging pagbubuntis sa hinaharap.
- Mga kababaihan na may mataas na panganib ng pagsisisi, tulad ng mga hindi pa nagkakaroon ng mga anak.
- Yaong may malubhang kondisyon sa kalusugan na maaaring magdulot ng panganib sa operasyon.
Ano ang masamang epekto ng ligation sa babae?

Bagamat epektibong paraan ng birth control ang ligation, mahalagang maunawaan na may mga mga posibleng negatibong epekto ito sa katawan ng babae. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Pisikal na epekto
- Mga panganib ng operasyon – Tulad ng anumang operasyon, may kasamang panganib ang tubal ligation tulad ng pagdurugo, impeksyon, o negatibong reaksyon sa anesthesia.
- Post-Tubal Ligation Syndrome (PTLS) – May ilang kababaihan na nag-uulat ng sintomas gaya ng kawalan ng balanse sa hormones, pabago-bagong emosyon, hindi regular na regla, at biglaang init ng katawan. Bagamat hindi ito opisyal na kinikilala bilang isang medikal na kondisyon.
- Mas mataas na panganib ng ectopic pregnancy – Kung magbuntis matapos ang ligation, mas mataas ang posibilidad na ito ay ectopic (nasa labas ng matris), na maaaring maging mapanganib.
- Talamak na pananakit ng balakang – May ilang kababaihan na nakararanas ng patuloy na pananakit ng balakang o ibabang bahagi ng tiyan matapos ang operasyon.
Pagbabago sa hormones at menstrual cycle
- Hindi regular na regla – Ang ilan ay nag-uulat ng pagbabago sa kanilang menstrual cycle. Tulad ng mas mabigat, mas magaan, o mas masakit na pagdurugo.
- Hormonal imbalance – Bagamat hindi direktang naaapektuhan ng tubal ligation ang paggawa ng hormones, may ilang kababaihan na nakararanas ng sintomas na kahalintulad ng menopause. Tulad ng matinding pagkapagod at pagpapawis sa gabi.
Emosyonal at sikolohikal na epekto
- Pagsisisi at emosyonal na pagkabalisa – Ang mga kababaihang sumailalim sa ligation sa murang edad o dahil sa panggigipit ay maaaring makaranas ng pagsisisi. Lalo na kung nais nilang magkaroon pa ng anak sa hinaharap.
- Depresyon o pagkabalisa – May ilan na nakararanas ng matinding emosyonal na stress na maaaring maiugnay sa mga pagbabago sa hormones o sa hindi na mababagong kalagayan matapos ang operasyon.
Pangmatagalang panganib
- Pagkabigo at Recanalization – Sa mga bihirang kaso, maaaring muling magdugtong ang fallopian tubes, na maaaring magdulot ng hindi inaasahang pagbubuntis.
- Mas mataas na panganib ng hysterectomy – Ayon sa ilang pag-aaral, may mas mataas na posibilidad na ang mga babaeng nagpa-tubal ligation ay mangangailangan ng hysterectomy (pagtanggal ng matris) sa hinaharap.
Mga hakbang na dapat gawin bago magpasailalim sa ligation

Kung ikaw ay nag-iisip ng tubal ligation, mahalagang maghanda ng pisikal at emosyonal. Narito ang mga hakbang na dapat gawin bago ang operasyon:
Isipin nang mabuti ang iyong desisyon
Ang ligation ay isang permanenteng operasyon. Kaya maglaan ng oras upang magmuni-muni kung nais mo pa ng mga anak sa hinaharap. Bagamat personal na desisyon ito, makakatulong ang pag-uusap sa iyong asawa o partner upang magkasunduan kayo.
Kumonsulta sa doktor
Susuriin ng iyong doktor ang iyong kalusugan, kasaysayan ng medikal, at mga panganib na kaugnay ng operasyon. Dapat ipaliwanag ng iyong doktor ang mga posibleng side effects, komplikasyon, at bisa ng operasyon.
Pumili ng tamang panahon
Maaaring gawin ang ligation pagkatapos manganak (postpartum), sa panahon ng cesarean section, o bilang isang hiwalay na operasyon. Siguraduhing mayroon kang sapat na oras upang magpahinga at mag-recover pagkatapos ng operasyon.
Maghanda para sa surgery
Maaring ipag-utos ng doktor na huwag kumain o uminom bago ang operasyon. Dahil may kasamang anesthesia, kailangan mo ng kasama upang mag-drive pauwi. Dapat ring maghanap ng tulong sa mga gawain sa bahay at pangangalaga sa bata sa ilang araw pagkatapos ng operasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!