Disappointed sa asawa? Ayon sa isang clinical psychologist, normal na nararanasan ito ng bawat relasyon. Pero imbis na pilit baguhin ang iyong asawa at paulit-ulit na ma-disappoint sa kaniya, bigyang oras ang iyong sarili at mag-isip. Maaaring ikaw pala ang may problema at ang dapat magbago ay ikaw at hindi siya. Narito kung bakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Pagiging disappointed sa asawa
- Pahayag ng eksperto
- Tamang pagha-handle ng disappointment sa iyong asawa
Pagiging disappointed sa asawa
Madalas ka bang nakakaramdam ng disappointment sa iyong asawa? Minsan mo na bang natanong ang sarili mo kung tamang tao ba ang pinili mo? Bagama’t nakaka-guilty o nakakasisi itong maramdaman, hindi ka naman nag-iisa. Sapagkat ang nararamdaman mo ay isang normal o common feeling na nararanasan ng bawat magkarelasyon. Ayon ito sa isang pag-aaral na ginawa ng licensed clinical psychologist na si Eliane Sommerfeld.
“Disappointment is one of the most frequent and intense emotions people experience in close relationships.” Ito ang bahagi ng artikulong isinulat ni Sommerfield tungkol sa kaniyang ginawang pag-aaral.
People photo created by yanalya – www.freepik.com
Dagdag pa ni Sommerfield, may dalawang uri ng disappointments tayong madalas na nararanasan sa isang romantic relationship. Una, ang disappointment with an outcome o kapag hindi nasunod o na-meet ng ating partner ang bagay na gusto o inaasahan natin. Tulad na lang sa dapat ay alam niya na ang iniisip mo. O kaya naman, ang mga simpleng instances na inaasahan mo na dahil siya ang nahuling kumain ay siya na dapat ang maghuhugas ng platong pinagkainan ninyo.
Ang pangalawa naman ay ang tinatawag niyang person-related disappointment. Ito ang uri ng disappointment na kung saan iniisip mo na mali ang taong kasama mo. Sapagkat sa hindi niya ipinapakita o hindi siya umaakto bilang partner na pinapangarap mo. Ito ang uri ng disappointment na delikado sa isang relasyon. Sapagkat kung hindi ito maayos ay maaari itong magdulot ng masamang epekto sa pagsasama na maaaring mauwi sa pagkawasak nito.
Maaaring ikaw ang may problema at hindi siya!
Pero ayon kay Sommerfield, hindi ang pagsasabi sa iyong asawa na magbago siya ang solusyon para hindi masira ng disappointment na iyong nararamdaman ang inyong relasyon. Sapagkat malaki ang posibilidad na ang disappointment na iyong nararamdaman ay hindi gawa ng iyong partner o asawa. Kung hindi ng sarili mong issues, insecurities at anxieties. Napatunayan ito ni Sommerfield sa pamamagitan ng isang survey sa mga magkaka-partner at magkarelasyon gamit ang isang questionnaire na base sa six-factor disappointment model. Mula sa mga sagot na kaniyang nakalap ay nabuo ni Sommerfield ang sumunod niyang pag-aaral na magiging daan para matukoy kung ano ang iyong personalidad base sa reaksyon o response mo sa disappointment na nararamdaman mo sa iyong karelasyon.
Reaksyon sa tuwing nadi-disappoint ka sa iyong asawa
People photo created by lookstudio – www.freepik.com
BASAHIN:
Sleeping position ng mag-asawa, pahiwatig ng matatag na pagsasama
5 karaniwang pinag-aawayan ng bagong mag-asawa at paano ito masosolusyonan
STUDY: 12 common mistakes na nakakasira sa relasyong mag-asawa
Ano sa mga pahayag sa ibaba ang madalas mong nagiging reaksyon kapag nadi-disappoint ka sa iyong partner?
- Nagdudulot ba ng emotional distress ang iyong disappointment na nararamdaman? Tulad na lang sa parang gumuho ang mundo mo dahil sa kaniyang ginawa?
- Nakaramdam ka ba ng hate o disgust sa kaniyang ginawa o parang biglang nawala na lang ang care at love na nararamdaman mo sa kaniya?
- Nagulat ka ba sa ginawa o tinuran niya? Hindi mo maintindihan kung bakit o paano niya ito nagagawa?
- Naging mas maintindihin ka ba? Pinatawad mo ba siya sa kaniyang ginawa at sinubukang panatilihing maayos ang inyong relasyon sa kabila ng kaniyang nagawa?
- O mas pinili mo na lang na itago ang nararamdaman mong disappointment sa iyong partner o asawa sa ibang tao?
- O mas pinili mong maging positive at ipaintindi sa iyong sarili na ito talaga ang ugali ng iyong partner at dapat mo na lang itong tanggapin?
Reaskyon ng eksperto
Base sa questionnaire na pinasagutan ni Sommerfield sa mga kalahok ng kaniyang pag-aaral, ito ang mga resultang nakalap niya.
Ang mga taong may mataas na level ng neuroticism ay sumagot na nagdulot ng emotional distress sa kanila ang disappointment na ginawa ng kanilang partner. Sila rin ang mga taong may mataas na level na anxiety na nararanasan. Tulad ng mga taong nakaramdam ng hate o disgust sa ginawa ng kanilang partner. Sila rin ang mga taong mas pinili nalang iwasan ang mga nangyari at itago ang kanilang nararamdaman.
Habang ang dalawang positibong feelings sa nabanggit na pagiging maintindihin at positive sa kabila ng nangyari ay nagpapatunay lang ng attachment na mayroon ang isang magka-partner sa kanilang relasyon o pagsasama. O sila na tanggap ang kanilang karelasyon sa kabila ng mga flaws at imperfections nito.
Kaya naman mula sa resulta ng kaniyang ginawang pag-aaral ay may suggestion si Sommerfield sa mga madalas na ma-disappoint sa kanilang asawa. Ito ay ang matutong kumalma at mag-isip ng mabuti kung ano nga ba ang ugat ng problema. Matuto rin dapat magbigay, umunawa at magpatawad sa mga pagkukulang at pagkakamali ng iyong asawa. Upang maiwasan ang problema na dulot lamang ng disappointment sa asawa. Sapagkat sa isang relasyon, hindi lang isang tao ang nagpapatakbo. Anumang kahantungan nito’y dahil sa inyong dalawa na magkarelasyon.
Tamang pagha-handle sa disappointment sa iyong asawa
Woman photo created by lookstudio – www.freepik.com
Ayon naman sa mindset expert at life architect na si Hilary Porta, may tamang paraan kung paano i-handle ang disappointment na iyong nararamdaman sa iyong asawa. Upang maiwasang makaapekto ito sa inyong maayos na pagsasama. Ang paraang ito ay ang mga sumusunod:
- Mag-set ng oras upang pag-usapan ninyo ang nangyari. Siguraduhing pareho kayong kalmado at nasa maayos na lugar.
- Maging open sa iyong partner. Sabihin sa kaniya kung ano ang ginawa niya na naka-disappoint sa ‘yo.
- Ipaliwanag sa iyong partner ang iyong naging experience dahil sa kaniyang nagawa. Huwag lang basta tutukuyin ang maling ginawa niya. Dapat ay maintindihan niya kung paano nakaapekto sa ‘yo ang kaniyang naging behavior.
- Maging honest sa kaniya. Sabihin ang iyong nasa isip at huwag itago ang iyong sama ng loob na nararamdaman.
- Magtanong sa kaniya upang malaman din ang kaniyang point of view at nararamdaman.
- Iwasang magreklamo o defensive. Sa halip, piliting maging neutral. Huwag maging judgmental sa kaniya at matutong pakinggan ang side niya.
- Magkasundo kung paano ninyo isasaayos ang inyong problema para sa mas ikabubuti pa ng inyong pagsasama.
Source:
Psychology Today, Linkedin
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!