Isang bagong pag-aaral ang nagsasabi ng epekto sa bata kapag ang nanay ay nagsagawa ng ehersisyo para sa buntis. Ang pag-aaral ay pinamunuhan ni Linda E. May, isang associate professor ng foundational science and research sa East Carolina University sa Greenville, NC. Alamin natin ang kanyang mga natuklasan.
Ehersisyo para sa buntis: Ano ang benepisyo nito kay baby?
Dati nang nagsagawa si Dr. May ng pagsusuri sa ugnayan ng pag-ehersisyo ng nanay at kalusugan ng anak. Sa tulong ng iba niya pang kasamahan, kanilang natutunan na nakaka-apekto ang ehersisyo para sa buntis sa dinadalang sanggol. Napag-alaman na masmabagal ang pulso at masmaganda ang variability ng tibok ng puso ng mga may nag-eehersisyong ina. Ibig sabihin nito, masmaganda ang kundisyon ng kanilang mga cardiac muscles.
Ang hinala nila Dr. May at kanyang mga kasamahan ay dulot ng ehersisyo ng ina ang magandang kalagayan ng puso ng mga bata. Kanilang hinihinala na sumasabay sa pagbilis ng tibok ng puso ng kanilang ina ang kanilang sariling tibok ng puso. Dahil dito, nakukuha rin nila ang benepisyo sa puso ng pag-ehersisyo, tulad sa kanilang mga ina.
Ngunit, hindi nasasabi ng pag-aaral na ito ang epekto sa bata ng ehersisyo matapos siyang ipanganak. Dahil dito, nagsagawa ng panibagong pag-aaral si Dr. May.
Ano ang resulta ng bagong pag-aaral?
71 mga buntis na nasa kanilang 1st trimester ang mga lumahok sa bagong pag-aaral. Lahat sila ay nagbubuntis sa isang sanggol at walang may kambal na dinadala. Sila ay hinati sa dalawang grupo, ang mga magpapatuloy ng kanilang mga normal na gawain at mga mag-eehersisyo sa ilalim ng pagbabantay ng mga eksperto.
Ang mga nasa ikalawang grupo ay nagsagawa ng 50 minutong pag-eehersisyo sa physiology laboratory ng unibersidad. Kanila itong ginagawa tatlong beses kada-linggo. Sila ay pinag-jogging, brisk walking, stationary bicycle, o aerobics. Nagdepende ang kanilang ehersisyo sa kanilang kagustuhan, balanse at kung saan sila kumportable. Sumasabay na nagbabago ang kanilang ehersisyo sa bahagi ng kanilang pagbubuntis.
Nagpatuloy ang mga gawaing ito hanggang sa manganak ang lahat ng lumahok ng kani-kanilang mga malulusog na anak. Matapos ang isang buwan, nagsagawa ng pagsusuri ang isang pediatric physical therapist sa mga bata. Sinuri ang reflex, motor skills, pag-kontrol sa ulo, higpit ng pag-hawak, pag-gulong, pag-galaw ng mga braso, at pag-react.
Pare-pareho ang kinalabasan ng pagsusuri kung saan ang mga anak ng mga nanay na nag-ehersisyo ay masmaganda ang naging performance. Ibig sabihin nito, ang kanilang motor skills ay masnadevelop kumpara sa mga anak ng nasa kabilang grupo. Ang kanilang pag-hawak at paggalaw ay maskontrolado at masmalakas.
Ano ang limitasyon ng pag-aaral
Ganunpaman, ang mga mananaliksik ay hindi isinang-ayon ang gawain sa mga kabahayan. May posibilidad na masnakikipag-usap at nakikipaglaro ang mga nanay na nag-ehersisyo sa kanilang mga bagong panganak. Sa ganitong pagkakataon, ang development sa motor skills ay nangyari matapos ipanganak at hindi habang pinagbubuntis. Wala ring malinaw na paliwanag kung paano naapektuhan ng ehersisyo ang development ng motor skills.
Ayon kay Dr. May, may ilan silang teorya pagdaging dito. Maaaring mas nakatanggap ng dugo, oxygen at sustansiya ang mga bata habang hindi pa napapanganak. Ito marahil ang dahilan kaya naapektuhan ang development ng kanilang utak at nervous system.
Ang isa pang hinala nila Dr. May ay maaaring naglalabas ng growth hormones at iba pang biochemicals ang mga bata kapag nararamdaman na nageehersisyo ang kanilang nanay. Ito ay magdudulot ng pagbilis ng development ng motor cortex ng sanggol.
Hindi man malinaw ang dahilan, masasabi natin na may magandang epekto sa bata ang pag-eehersisyo ng buntis. Kailangan lamang tandaan na hindi lahat ng buntis ay maaaring mag-ehersisyo nang pare-pareho. Isaalang-alang din ang kalusugan at kakayahan na gumalaw. Importante din na magpakonsulta para malaman kung ano ang mga maaaring gawin na hindi makakasama sa pagbubuntis.
Source: NY Times
Basahin: 4 na paraan upang matulungan si baby na maging matalino
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!