Maraming uri ng “intelligence,” o kung sa kontekstong Pinoy, tumutukoy ito sa “kaalaman, pagkatanto, pagkatalos, kahusayan, o kagalingan,” ng isang tao—at nagsisimula ito mula nang kaniyang kamusmusan hanggang pagtanda na.
Marahil, ang IQ (intellectual quotient) na ang pinakapamilyar na konsepto ng katalinuhang nalalaman ng mga tao. Nasusukat at napapaloob dito ang pangkalahatang kagalingan ng isang tao pagdating sa mga asignaturang pang-academic. Lingid sa kaalaman ng marami, isang larangan lamang ito upang masukat ang kagalingan ng isang tao. Nariyan pa ang mga tinatawag na musical, spatial, linguistic, at iba pa.
Ang isang mahalagang uri ng kagalingan ng mga bata—na angkop din sa matatanda—ang tatalakayin natin ngayon: emotional intelligence sa Tagalog, o ang emotional intelligence meaning tagalog.
Emotional intelligence: Kahulugan at kahalagahan sa paglaki ng bata
Ang emotional intelligence meaning tagalog ay tumutukoy sa kakayahan ng isang taong maunawaan, magamit, at makontrol ang sariling damdamin sa iba’t ibang uri ng sitwasyon. Ito ang pundasyon ng pakikipag-ugnayan at pakikisama sa ibang tao, pagpapasya nang tama, at pagharap sa mga mapanubok na sitwasyon.
Habang lumalaki ang isang bata, ito ang aspeto ng kaniyang sariling tumutugon sa pakikisalamuha sa mga tao sa kaniyang paligid—magulang, kapatid, kamag-anak, kaibigan, kamag-aral, at iba pa.
May mga pag-aaral nang nagtatantos na mas mahalaga ang emotional intelligence in tagalog kaysa IQ. Upang maging matagumpay ang bata sa pag-aaral hanggang sa pagtatrabaho nito pagdating ng panahon.
Ang pagpapaunawa ng kahalagahan at paggalang sa emosyon o damdamin ng tao ang isa sa pinakamahahalaga at pundamental na gabay sa pagkalinga ng bata.
Pinaniniwalaang ang batang namulat at tuloy-tuloy na nagpapaunlad ng kakayahang kumilala ng sariling damdamin at ng kapuwa, at kakayahang ilagay ang sarili sa kalagayan ng iba ay lumalaking matatag at malusog ang pag-iisip.
May mga taong bata pa lamang, kakikitaan na ng lalim sa pakikipag-unayan sa ibang tao, pagdating sa pakikisama, pakikiramay, at pag-unawa sa kalagayan. Lalo nang pandamdamin at sikolohikal—ng kapuwa-bata.
Mga paraan upang mapaunlad ang emotional intelligence ng bata
Ang pinakamagandang aspeto ng emotional intelligence in tagalog ay maaari itong maaral, mapataas, o mapaunlad habang panahon, batay sa pangangailangang makaangkop ang tao sa kaniyang ginagalawang paligid—pati na lipunan sa kabuoan.
Para sa mga magulang na nais paunlarin o pataasin ang emotional intelligence ng kanilang anak, may iba’t ibang paraang maaaring maging normal na bahagi ng araw-araw na routine nilang pamilya sa loob at labas ng tahanan.
-
Isama sa pang-araw-araw na ugnayan sa inyong pamilya, sa inyong tahanan ang pagkilala ng iba’t ibang damdamin at mood na nararanasan ng bawat isa.
Imulat ang anak sa isang tahanang may bukas na komunikasyon ang bawat kasapi sa isa’t isa. Mainam na makalakihan ng inyong anak ang mga magulang na marunong kumilala sa damdamin ng isa’t isa, positibo man ang mood o negatibo.
Simulang ipakilala sa anak ang mga uri ng damdaming bahagi naman talaga ng kaniyang paglaki, at ng pagpapalaki ninyo sa kaniya. Kabilang dito ang damdaming masaya, nag-aalala, takot, malungkot, kuntento, galak, at iba pa.
Walang dapat ikatakot na ipakilala sa anak kung ano ang takot, ang lungkot, o maging ang inis o galit, basta’t nagagabayan ng paliwanag sa kanila kung bakit kaakibat ang gayong mga emosyon sa pag-angkop ng tao sa kinakaharap na iba’t ibang sitwasyon.
-
Magkaroon ng storytelling o pagtatalakay ng iba-ibang kuwento kasama ang anak araw-araw, maaaring tuwing bago matulog nang gabi.
Bawat kuwento, naglalakip ito ng mga bagong tauhan at pag-uugali, tagpuan, suliranin, gayundin ang bagong atake ng manunulat sa pagpapaunlad ng daloy ng kuwento. Sa bawat pangyayaring kinahaharap ng bida at iba pang tauhan, lalo na kung tumutugon sa suliranin ng kuwento, maaaring makuha natin kung paano naipagpapalagay ng ating anak ang magiging kahinatnan ng kuwento.
Ano ang mangyayari sa tauhan? Bakit niya kailangang dumaan sa maraming pagsubok ng buhay? Paano niya dapat lutasin ang mga kinahaharap na suliranin?
Ilan lamang ang mga tanong na ito na sa unang tingin, tila pagsasanay lamang sa reading comprehension ng ating anak. Pero higit doon, dito natin masusuri kung paano umunawa ng kalagayan ng ibang tao ang ating anak. Dito rin natin higit na makikilala ang mga nangingibabaw niyang paniniwala at panuntunan sa buhay sa kabila ng kaniyang murang edad.
-
Tulungan ang anak na matutuhan sa sariling makaangkop sa iba’t ibang uri ng sitwasyon, at makaalpas sa matinding pressure ng pagharap sa maraming uri ng emosyong maaaring maramdaman.
May mga pagkakataon—na baka nga mas madalas pa kung minsan—na naiisip nating, “parang ang ‘o. a.’ (overacting) naman ng anak ko kung mag-react!” Maaaring oo, maaaring hindi, pero may mas mahalagang aspeto sa paraan ng kanilang pagpapahayag ng damdamin ang dapat nating pagtuunan ng pansin.
Hindi sila kailangang pagalitan, sitahin, o pagbawalan sa anumang paraan nila ngayon ng pagpapahayag ng sariling damdamin. Pero mahalaga na napupuna ito ng mga magulang at naisasaisip palagi, bilang parte ng pagkilala naman din sa anak. Kalaunan, darating din ang panahong unti-unting mahihinog ang kaunawaan ng bata kung paano “mas” angkop na makapagpapahayag ng damdamin.
Malaking bagay para sa maayos na pagpapaunlad ng kakayahan ng bata sa wastong pagdedesisyon ang pagkakaroon ng mapanimdim at huwarang paligid (a reflective and analytic environment), kumpara sa puno ng pressure at matataas na expectations.
Kaya mga mommy and daddy, tama na ang pagtuturo sa anak ng mga bawal na emosyon, bagkus, hikayatin natin sila sa malayang pagpapahayag ng kanilang damdamin nang naaangkupan ng wastong pagkokontrol.
Halimbawa, huwag natin silang pigiling umiyak kung sila ay naiiyak dahil sa takot, sa kaba, sa lungkot, o sa hindi maipaliwanag na estado ng damdamin. Sa halip, tulungan nating mabigyang-dahilan sa kanila kung bakit nila nararamdaman ang gayon, at gabayan kung paano magagamit ang gayong damdamin para pa rin sa produktibo at positibong bunga ng sitwasyon.
-
Gabayan ang anak sa tamang pagturing at pakikisama sa mga kaibigan.
Para makilala at mapag-alaman ang mga kahinaan at kagalingan ng iyong anak sa paggamit at pagkontrol ng sariling emosyon, hayaan siyang i-exercise ito nang malaya kasama ng kaniyang mga kaibigan, kaklase, kamag-anak, at iba pang mga nakahahalubilo.
Suriin kung paano siya makipaglaro at magturing ng kalaro. Paano siya makipag-usap sa mga kaibigang hindi hindi nakakasundo sa ilang bagay, tulad ng pagse-set ng rules ng kanilang laro?
Bakit kaya mas gusto niyang kaunti lamang ang hinahalubiluhan? Paano siya makihalubilo sa mga taong hindi rin naman niya kilala nang lubusan?
Ano ang kaniyang ganti kapag may nangungulit sa kaniya? Ano ang ginagawa niya kapag ayaw niya sa mga bagay na ipinipilit sa kaniya ng kalaro?
Mula sa mga ibubunga ng inyong pinagsama-sama at patuloy na obserbasyon sa anak, nabubuo ninyo ang kabuoang larawan ng kasalukuyang estado ng pakikipag-ugnayan ng inyong anak sa kapuwa.
Sa aling aspeto ng pakikisama siya mahusay at kapuri-puri? Sa kabilang banda, alin-alin sa kaniyang mga tila nakagawian nang treatment at aktitud ang maaaring paunlarin, o nangangailangan ng pagtutuwid para sa positibo at mabuting pakikisama sa kapuwa?
Ang mga ito ay ilan lamang sa walang katapusang saloobing kailangang matuwangan ang mga bata para sa matuwid at mabuti nilang paglaki.
Mabigat ang nakaatang na pananagutan sa mga magulang na maging pangunahing ehemplo sa kanilang anak ng pagsasabuhay sa wastong pagkilala, paggamit, at pagkontrol ng damdamin, sang-ayon sa hinihingi ng bawat sitwasyon.
Mahahalagang salik upang mapalaking maunlad ang emotional intelligence ng bata
Bilang mga pangunahing tagapaghubog ng sumusunod nang henerasyon, malaking bahagi tayong matatanda ng kabuoang larawan ng pag-uugali at kagalingan ng bawat batang isinisilang sa daigdig. Kaya upang maabot natin ang common goal na mahubog at mapalaki natin ang mga sumusunod na henerasyon nang maunlad ang emotional intelligence, mahalagang armado tayo ngayon at patuloy pang nagpapaunlad ng mga kaalaman hinggil sa matuwid na pagkalinga ng bata.
Para sa mga magulang, mahalagang naisasaalang-alang ang iba’t ibang salik na may ambag sa maunlad—o maaari ring atrasado—na development ng emotional intelligence ng ating anak sa habang panahong lumalaki sila.
-
“Practice what you preach.”
Gaya nga ng nasabi na, ang kanila mismong sarili ang buhay na patotoo ng mga magulang ng katuwiran at kabuktutan ng mga aral na ipinapasa nila sa kanilang anak.
Nagdaan tayong lahat sa kamusmusan. Kinikilala nating malalim na aspeto ng ating pagkatao ang sumasalamin sa mga bagay, pangyayari, ugali, at paraan ng pamumuhay na nasaksihan natin sa ating mga magulang o sinomang nagpalaki sa atin noon.
Kaya ngayon, bilang mga magulang, sikaping makita nila sa inyo ang katatagan ng loob at buti ng pakikisama sa kapuwa kung nais ninyo ng anak na matatag at buo ang sariling haharap sa maraming uri ng karanasang iaatang ng buhay.
-
Bilang magulang, maging bukas din sa pagkatuto sa ating mga anak.
Kahit mga bata ang anak, mayroon silang mga katangiang kapupulutan ng aral ng mga magulang. Tiyak namang ang mga aral na ito ay magagamit din ng magulang para sa wastong paggabay sa anak, upang maging handa ito sa mga pagsubok na kahaharapin sa mga susunod na panahaon.
-
Lumalaon at lumalaki, lumalawak ang mundo ng bata kaysa dati.
Totoong malaking porsyento ng katatagan at pagkabuo ng loob ng isang bata ay repleksyon ng naging pagpapalaki sa kaniya ng mga magulang at kapamilya. Pero hindi natatapos sa apat na sulok ng tahanan ang mundo ng bata. Darating ang panahong mag-aaral ito, sasali ng organisasyon, maglalakbay para mamasyal, magtatrabaho, mag-aasawa, at magpapamilya.
Kung gaano kalalim ang pundasyon ng pagkalingang ibinigay sa anak mula nang ito ay sanggol, kailangang gayon din ang paghahanda ng magulang sa maraming posibilidad ng pagbabagong naghihintay na mangyari sa kanilang anak pagdating ng panahon. At ang gayong mga pagbabago ay hindi maaaring balewalain.
Tandaan, ang emotional intelligence ay habambuhay paghuhubog ng sarili. Higit na kailangan ng anak ang gabay ng mga magulang sa gitna ng lalong lumalawak nitong mundo, dahil higit na dumarami ang mga salik kung paano siya haharap sa bawat partikular na sitwasyon ng kaniyang buhay. Nariyan din ang mga pagsasaalang-alang sa kaniyang mga gagawing pagpapasya.
-
Hindi kailanman maiaalis sa buhay ang mga pagsubok.
Gaya ng kung papaanong hindi maiiwasan ang mga pagbabago sa buhay ng bata habang siya ay lumalaki, kailangang maunawaan din niyang likas sa buhay ang dalawin ng mga pagsubok. Mas magiging madali ang pagpapaunawa nito kung ibabatay sa mga aktuwal niyang karanasan, habang tumatanda, lumalaki, ang magiging tuntungan ng mga pagpapaliwanag na gagawin ng magulang.
-
“Rejection doesn’t hurt; expectation does.”
Sa bahaging ito, mahalaga ang pagpapatanggap sa anak na ang rejection o pagkatalo ay likas lamang ding bahagi ng proseso ng pagpapaunlad ng sarili. Kasabay noon, kailangang magmula rin sa mga magulang ang pagtitiwala at pagpapaubaya sa kakayahan ng anak na tumuntong sa sarili nitong mga paa.
Mas madalas kung minsan, kahit tanggap ng mga batang may panahong nananalo at may panahon ng pagkatalo, dahil sa mga naka-set nang “expectations” ng mga tao sa kaniyang paligid, nalilimutan niya ang naunang batayan. Bagkus, nalulugmok ang kaniyang tuon sa patong-patong na listahan ng mga bagay na inaasahang “dapat” niyang magawa para maging tanggap siya. Ang pinakamasakit dito kung mismong mga magulang ang pinagmumulan ng expectations.
Sa mga magulang, huwag nating hayaang mamatay sa kalooban ng bata ang tiwala sa sarili at kalakasan ng loob na kaya nitong malagpasan ang anumang pagsubok ng buhay. Higit kaninoman, hindi dapat sa magulang magmula ang kababaang-kumpiyansa ng bata.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!