Epekto ng lockdown sa kalusugan makakasama kung mas patatagalin pa ayon sa mga eksperto.
Epekto ng lockdown sa kalusugan
Ang pagpapatupad ng lockdown ang isa sa mga paraan upang ma-kontrol ang COVID-19 disease. Pero babala ng mga eksperto, nakakabahala ang epekto ng lockdown sa kalusugan kung mas patatagalin pa ito.
Ito ang ipinunto ng public health expert na si Dr. Susan Pineda Mercado. Ayon sa kaniya kung mas patatagalin pa ang ipinatutupad na lockdown ay mahihirapang makakuha ng tamang nutrisyon ang mga tao. Mas magiging expose sa karahasan ang mga biktima ng domestic violence. Mahihirapan ang may mga kapansanan na makuha ang kanilang espesyal na pangangailangan. At magiging mahirap rin ang supply ng tubig na kinakailangan ng lahat sa atin.
Ito ang pahayag ni Dr. Mercado sa isang panayam sa ABS-CBN News. Ang pahayag niyang ito ay sinuportahan naman ng mga pag-aaral at iba pang health experts sa buong mundo.
Maari itong magdulot ng poor nutrition
Ayon sa UK-based nutritionist na si Tamara Willner, ang ipinatutupad na lockdown ay maaring magresulta sa emotional eating sa mga tao. Ito ay pagkain upang maibsan ang nararamdamang negatibong emosyon na dulot ng stress, kawalan ng trabaho at social interaction bunsod ng lockdown.
“Between stress around uncertainty, working from home, and reduced social interaction, emotional eating might be particularly prevalent in the coming weeks. Emotional eating occurs when food is used to soothe or suppress negative emotions such as isolation, anger, boredom, or stress.”
Ito ang pahayag ni Willner. Dagdag pa niya dahil sa emotional eating ay nababalewala ng isang tao ang physical hunger na nararamdaman ng kaniyang tiyan. Sa halip ay kakain siya ng mga pagkaing magbibigay kasiyahan sa kaniya tulad ng biscuits, chocolates, ice creams at cakes na hindi maganda sa kalusugan.
Dahil rin sa lockdown ay mas pinipili ng mga taong kumain ng de lata o canned goods. Imbis na magluto ng mga pagkain na makukunan ng tamang sustansya ng kanilang katawan. Ito ay upang makatipid o dahil ito nalang ang available nilang makakain.
Mas nai-expose sa karahasan ang mga biktima ng domestic violence
Ayon naman kay Katie Ray-Jones, chief executive officer ng US National Domestic Violence Hotline, mas dumami ang tawag na natatanggap nila sa ngayon na humihingi ng tulong sa nararanasan nilang karahasan sa loob ng kanilang tahanan. Ito ay dahil sa mas madalas at mas malalang pananakit na kanilang nararanasan habang nakakulong sa bahay kasama ang umaabuso sa kanila.
Mahihirapang makuha ng mga may special needs ang edukasyon at atensyon na kanilang kailangan
Ayon kay Sharon Vaughn, dahil sa pagsasara ng mga establisyimento at eskuwelahan, ang mga may kapansanan at may espesyal na pangangailangan ang labis na apektado. Dahil sa mga lugar lang na ito nakakakuha ng edukasyon at tamang atensyon ang mga tulad nila.
“Special needs students benefit the most from highly structured and customized special education. This means that they are the group that are most likely to be significantly impacted by not attending school both in the short and long term.”
Ito ang pahayag ni Vaughn na executive director ng The Meadows Center for Preventing Educational Risk sa University of Texas, USA.
Nakakakot na epekto ng depresyon dulot ng lockdown
Dahil naman sa kawalan ng trabaho dulot ng pagsasara ng mga establisyimento bunsod ng lockdown, tumaas rin ang suicide rate sa Europe at United States. Ito ay base sa pag-aaral na isinagawa ng mga researchers mula sa Oxford University.
Habang ayon naman sa isang report mula sa Colorado Springs newspaper, dalawang cadet seniors sa Air Force Academy sa Colorado ang nagpakamatay dahil sa labis na depression. Ulat ng pahayagan ito ay epekto ng strict social isolation policies na ipinatutupad ng eskwelahan sa ngayon.
Para naman kay Dr. Jay Bhattacharya, researcher ng health policy sa Stanford University, ang depresyon na nararanasan sa ngayon ay nakakamatay lalo na sa mga mahihirap na hindi alam kung paano sila mabubuhay ng walang pinagkukunan ng pagkakakitaan.
“Depressions are deadly for people, poor people especially,” pahayag ni Dr. Bhattacharya.
Kawalan ng budget upang matustusan ang kalusugan ng publiko
Ayon naman kay Adriane Casalotti, chief of government affairs ng National Association of County and City Health Officials sa USA, kapag nagpatuloy pa ang lockdown ay mauubusan na ng pondo ang mga public health departments na umaasa sa tax revenue. Ito ay maaring makaapekto sa mga programa at proyektong isinasagawa upang mapanatili ang maayos na kalusugan ng publiko.
Maghanda at i-improve pa ang public health system ng bansa
Kaya naman may payo si Dr, Mercado upang maiwasan ng Pilipinas ang mga nabanggit na epekto ng lockdown sa kalusugan. Ito ay sa pamamagitan ng pagbabago ng healthcare system na dapat simulan ng maisagawa sa ngayon. Dahil babala niya, hindi pa ito ang pinakamasamang virus na nakikita natin. Mataas ang posibilidad na mas makaranas pa tayo ng mas malala o mas grabe pa rito.
“Hindi pa ito yung pinakamasamang virus na nakikita natin, baka magkaroon pa po ng mas grabe. Kaya kailangan pong ipaghanda natin ang ating mga health system at turuan po natin ang ating mga taong bayan. Ang ating mga liders po kailangan pong tutukan natin na mabago na po ang public health system. We can only move forward. Our current leaders have done an excellent job. I think we can do much better.”
Ito dagdag pang pahayag ni Dr. Mercado.
Source:
DailyMail UK, Reuters, ABS-CBN News
Basahin:
Anong mangyayari kapag umabot ng 1 year ang lockdown sa Pilipinas?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!