Neonatal death, ano ito at bakit ito nangyayari sa mga bagong silang na sanggol?
Florida hospital lost body of newborn baby news
Labis-labis na kalungkutan na ang nadama ng mag-asawang sina Kathryn at Travis Wilson mula Florida, USA ng masawi ang bagong silang nilang sanggol. Ito ay nangyari tatlong araw matapos itong maipanganak Pebrero ngayong taon. Ang labis na kalungkutan na ito ay nadagdagan pa ng emotional distress ng mawala ang bangkay ng kanilang baby boy.
Base sa mga report, ang insidenteng ito ay isinisisi ng mag-asawa sa kapabayaan ng ospital na pinag-anakan ng kanilang anak. Ito ay kanilang isinalaysay sa hinain nilang reklamo sa korte laban sa ospital.
Ayon sa salaysay February 25 ng maipanganak si Baby Jacob Wilson sa St. Joseph Hospital sa Tampa, Florida. Tatlong araw matapos itong maipanganak ito ay nasawi. Sa salaysay ay hindi naka-detalye ang dahilan ng pagkamatay nito.
Para masimulan ang imbestigasyon ng pagkasawi ng sanggol ay dinala ang bangkay nito sa Orlando Regional Medical Center para sa isang autopsy. Ang transportasyon ng bangkay ng sanggol ay naisagawa sa pamamagitan ng Metro Mortuary Transport, Inc. Matapos ang autopsy ay naibalik umano ang bangkay ng sanggol sa ospital. Ito ay nakabalot sa kumot at ipinasok sa loob ng body bag.
Noong ika-5 ng Marso ay natawagan pa ng ospital ang ina ng sanggol na si Kathryn upang isaayos na ang burol at libing nito. Agad namang sinimulan ng mag-asawang Wilson ang funeral arrangement ng kanilang anak. Ngunit noong Marso 11, nakatanggap sila ng tawag na nagsasabing nawawala ang bangkay ng kanilang anak. At hanggang ngayon ay hindi pa ito natatagpuan at hindi pa alam ang tunay na nangyari dito.
Apela ng mag-asawang nawalan ng anak
Ang malaking tanong na ito sa mag-asawa ay nagdulot ng mental at psychological trauma. Dahilan upang magsampa sila ng kaso sa ospital na pinaniniwalaan nilang nagpabaya na naging ugat ng pagkawala ng bangkay ng kanilang anak. Bilang danyos sila ay humihiling ng $30,000 o halos P1.5 milyong kabayaran mula sa ospital.
Naglabas naman ng pahayag ang BayCare Health System na nagmamay-ari sa St Joseph Hospital tungkol sa insidente. Ayon sa kanila, sila ay nagsasagawa na ng imbestigasyon upang malaman ang tunay na nangyari sa sanggol. At upang matukoy kung nasaan na nga ba ang bangkay nito. Nagpaabot rin sila ng pakikiramay sa mga magulang nito.
“Our heartfelt sympathy goes out to the Wilsons for the loss of their child. We also deeply regret not being able to account for the remains. St. Joseph’s leadership and all personnel in our morgues are committed that this unforeseen situation will not happen again.”
Ito ang bahagi ng pahayag ng BayCare Health System ukol sa nangyaring insidente.
Neonatal death
Ang pagkasawi ni Baby Jacob ay nabibilang sa mga kaso ng neonatal death sa mundo. Ayon sa WHO o World Health Organization, ang neonatal death ay tumutukoy sa pagkakasawi ng bagong silang na sanggol sa loob ng 28 araw matapos maipanganak. Ito ay nangyayari sa 4 sa 1,000 sanggol na ipinapanganak sa US taon-taon. Habang sa buong mundo ay tinatayang may 3 milyong sanggol taon-taon ang nairereport na nakakaranas nito.
Dahilan ng neonatal death
Ang neonatal death ay kaiba sa stillbirth. Dahil ang stillbirth ay nangyayari sa loob ng 20 linggo ng pagbubuntis hanggang sa araw ng tinatayang kapanganakan ng sanggol. Ilan sa itinuturong dahilan ng neonatal birth ay ang pagiging premature ng sanggol ng maipanganak, low birthweight at pagkakaroon nito ng birth defects.
Ang prematurity at low birthweight ay itinuturong dahilan ng isa sa kada 4 na sanggol na nakakaranas ng neonatal death. Dahil ang sanggol na ipinanganak na premature ay maaring makaranas ng life-threatening complications. Tulad ng hirap sa paghinga, pagdurugo ng utak at impeksyon at problema sa kanilang intestines o bituka.
Itinuturing na low birthweight ang isang sanggol kung ito ay ipinanganak na may timbang na 2.5 kg. Siya naman ay premature kung siya ay ipinanganak ng higit sa tatlong linggo bago ang kaniyang estimated due date.
Para naman sa mga birth defects, ilan sa madalas na nagiging dahilan ng neonatal death ay heart defects, lung defects at genetic conditions. Pati na brain conditions tulad ng neural tube defect o anencephaly.
Pero ito rin ay maaring dahil sa mga problema o komplikasyon na nararanasan ng isang babae habang nagbubuntis. Tulad ng pre-eclampsia, problema sa placenta o impeksyon. O kaya naman ay dahil sa kakulangan ng oxygen ng sanggol habang ipinapanganak at iba pang komplikasyon habang ang kaniyang ina ay naglelabour sa kaniya.
Paano ito maiiwasan?
Payo ng mga eksperto, mahalagang sumailalim sa prenatal test ang isang buntis upang maiwasan ang neonatal death. Ang mga test na ito ay ang sumusunod:
- Amniocentesis o ang pagkuha ng sample ng amniotic fluid na pumapaligid sa sanggol sa loob ng sinapupunan. Ito ay upang matukoy kung may birth defects o genetic condition ang isang sanggol. Ginagawa ito sa loob ng 15-20 linggo ng pagbubuntis.
- Chorionic villus sampling o pagchecheck sa tissue mula sa placenta ng buntis. Ito ay upang matukoy rin kung may genetic condition ang isang sanggol tulad ng Down syndrome. Ginagawa ito sa loob ng 10-13 weeks ng pagbubuntis.
- Ultrasound o ang pagkuha ng larawan ng sanggol sa loob ng sinapupunan. Ito ay upang makita kung siya ba ay may birth defects tulad ng spina bifida, anencephaly at heart defects. Matutukoy ang mga ito ng ultrasound sa loob ng 19-20 weeks ng pagbubuntis.
Ipinapayo rin ng mga eksperto na isailalim sa autopsy ang mga sanggol na nakaranas ng neonatal death. Ito ay upang matukoy ang naging dahilan ng pagkasawi ng sanggol. At upang maiwasan na itong maulit pa ng mga magulang na nagnanais pang magkaanak muli.
Source:
Tampa Bay News, Pregnancy Birth Baby, NCBI, March of Dimes
BASAHIN:
Heat Exhaustion: Ano ito at bakit delikado ito sa sanggol at bata?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!