Ano ang safe na paraan para matanggal ang stretch marks?

lead image

Karaniwang lumalabas ang mga kamot matapos manganak. Mayroon bang gamot para sa stretch mark? Ano ang mabisang paraan para matanggal ito?

Pagkatapos ng 9 na buwang pagbubuntis, ito naman ang problema ng ilang mommies. Ano ba ang mabisang gamot para sa stretch mark? O kung hindi man maalis, mabawasan man lang ang mga kamot dala ng pagbubuntis?

Napakaraming pagbabagong pisikal na pinagdadaanan ang mga mommies kapag nagbubuntis. Isa sa pinakamalaking pinuproblema ay ang nakakainis na stretch marks, hindi lang sa tiyan, kundi sa braso, at hita—minsan pati sa dibdib, mayroon din!

Pati mga lalaki ay nagkakaron din nito, dahil ang isang sanhi ay ang pagbigat ng timbang, kaya nababanat ang balat. Pero mas madalas kasi ay problema ito ng mga nagbubuntis.

Pagkatapos kasing mabanat ng husto ang balat sa loob ng 9 na buwan, mag-iiwan ito ng malalim at maraming bakas pagkapanganak. Matibay man at elastic ang balat, nasisira ang mga connective tissues nito lalo kapag matindi ang pagkabanat. Ito ang nagiging problema ng mga mommies. May mga mapapalad na hindi nagkakaron ng stretchmarks, at meron ding hindi gaanong halata kung magkaro'n man. Hindi ito masakit, pero hindi rin ito maganda sa paningin.

Ano ang stretch marks o kamot?

Kapag ang gitnang layer ng balat ang nabanat ng husto, dito nahihila at nasisira ang collagen fibers, at ang mapula o minsan ay kulay purple na ugat ay nababanaag na. Pagtagal, kumukupas ito at maaaring magkulay-puti o grey.

"Stretch marks are scars," paliwanag ni Dr. Carolyn Chua-Aguilera, MD, isang Dermatologist. "'Di na ito mawawala or maaalis," dagdag niya. Permanente man,  hindi ito nananatiling kasing-prominente habang tumatagal.

Hindi naman ito masama sa kalusugan, at lalong hindi ito sintomas ng anumang sakit. Ang ayaw lang talaga ng iba, ay hindi ito kaaya-ayang tingnan.

Gamot para sa stretch mark

Mula’t sapul, napakarami nang mga eksperto ang nagsaliksik sa paghahanap ng solusyon o paggamot para dito.

Bagamat walang gamot o pamamaraan para tuluyang mabura ito, may mga bagong pamamaraan para mabawasan man lang ng higit sa 50 porsiyento ang nakababahalang markang ito sa tiyan at katawan ng mga mommies.

Narito ang ilang produkto at pamamaraan na maaaring subukan para matanggal, o mabawasan man lang ang iyong stretch marks. Karamihan sa mga ito ay dapat na sinisimulan bago pa lubusang lumaki ang tiyan, o sa simula pa lang ng pagbubuntis para mas maging epektibo.

Hindi man tuluyang mawawala ang stretch marks, ang mga remedyong ito ay makakatulong na mabawasan ang malalang marka sa tiyan at ibang bahagi ng katawan.

1. Vitamin A.

Ang Vitamin A ay tinatawag ding retinoid, na nakakatulong na gawing makinis at may “glow” ang balat, paliwanag ni Dr. Abraham. Maraming mga topical cream na may sangkap na retinoid.

Ang pagkain ng mga prutas at gulay na sagana sa Vitamin A, tulad ng carrots at sweet potatoes (kamote) ay makakatulong na gumanda ang elasticity at maging malusog ang balat. Makakatulong din ang pag-gamit ng mga produktong may vitamin A.

Maraming pagpipiliang produkto na nakatuon sa pagbuong muli ng collagen sa balat, na nakakatulong na pantayin ang balat, at mabawasan ang malalalim na kulubot sa balat na nahatak sa paglaki ng tiyan.

Ilang mga produkto na pinatibayan ng mga mommies ay ang Palmer's™ Tummy Butter for Stretch Marks, Mustela™ Stretch Marks Survival, Mama Mio™ Tummy Rub Stretch Mark Oil na may Omega 3, 6, at 9 fatty acids, Bella B™ Tummy Honey Cream, at Mederma™ Stretch Marks Therapy.

Alinman ang mapili, hindi ito kaagad-agad makikitaan ng resulta. Hindi bababa sa 12 linggo o 3 buwan ang simula ng paghupa ng marka sa regular na paggamit. At tulad nga ng nasabi, minsan ay hindi ito epektibo sa iba, kahit na naging mabisa para sa ilan.

Maingat na pinapahid at minamasahe ang produkto sa lugar na may marka, sa umaga at gabi, o pagkatapos maligo. Ang metikulosong pagmasahe at regular na paggamit ang nakakapagpabisa dito. Araw araw at walang mintis dapat. Kasama na sa beauty regimen, mommies.

Kailangan kasi ng nabanat na balat ay ang mga produktong may moisturizer, at nakakatulong na ma-hydrate muli ang dryness ng balat, paliwanag ni Dr. Chua.

Hindi lahat ng inaadvertise ay epektibo; hindi rin lahat ng mamahalin ay nakakapagpagaling. Kung nagpaplanong sumubok ng mga cream, lotion, o gel, kailangang siguraduhin na sa umpisa pa lang ay gagamitin na ito, at hindi pagkapanganak pa, o kapag matagal nang mayrong stretch marks. Napatunayan na ng marami na hindi ito epektibo kapag luma na ang marka.

Babala: May mga ilang magrerkumenda ng Tretinoin, na may retinoid. Tandaan lang na ito ay nirerekumenda sa mga nanganak na at HINDI sa nagbubuntis pa lang, at HINDI rin pwede para sa mga nagpapasuso. Ang Tretinoin ay sinasabing maaaring makasama sa sanggol sa sinapupunan kung gagamitin ng buntis, at maaari ding sumama ang maliit na porsiyento nito sa breastmilk ni mommy, ayon sa healthline.com.

2. Home remedies: asukal, Aloe Vera at virgin coconut oil.

Isa sa mga nasubukan ko mismo ay ang pagpapahid ng almond oil, cocoa butter, olive oil, o vitamin E. Katulad din ng mga lotion at cream, kapag bago pa lumaki ang tiyan ay naalagaan na sa langis ang balat, at regular ang pagpahid at pagmasahe nito, mabisa ito.

  • Isang kilalang home remedy din ay ang asukal, na ginagamit sa homeopathic microdermabrasion. Karaniwang ginagawa ng mga dermatologist ang Microdermabrasion para sa stretch marks. Ligtas ang paggamit ng asukal para sa exfoliation ng balat, dahil “all natural” at hindi naman invasive.Ihalo lang ang isang tasang asukal sa 1/4 tasa ng anumang langis (almond oil o coconut oil, halimbawa), at ilang patak ng lemon juice, saka gawing body scrub sa bahagi ng katawan na may stretchmarks, at hayaan ng hanggang 10 minuto. Gawin itong ritwal habang naliligo, araw-araw, isa o 2 beses kada araw.
  • Nariyan din ang Aloe vera, na kilalang natural na gamit para sa pampalambot at pampakinis ng balat. Ipahid lang na parang lotion ang katas ng aloe vera, pagkatapos maligo.
  • Mabilis ding nakakapagpalambot ng balat at nakakatulong sa peklat ang virgin coconut oil, na kung ipapahid sa stretch marks araw araw ay makakapagpahupa ng matinding bakas, lalo na ang mapupula o kulay purple na marka.

3. Mga cosmetological procedures.

May mga dermatologists at beauty specialists ang gumagamit din ng ilang paggamot o procedure para mabawasan ang stretch marks, o gawin itong hindi masyadong halata. Ayon kay Jasmine Bolaño, beauty at skin consultant ng ReJuva Skin Care and Nail Spa, nariyan ang chemical peel, Laser therapy, Microdermabrasion, at Radiofrequency. May mga nagpapaturok din ng collagen sa ilalim ng balat para mabanat ito.

Ayon sa mga pagsasaliksik, ang Microdermabrasion ay isang pinakamabisang procedure para mabawasan ang matinding stretch marks. Hindi lubusang matatanggal ang marka, pero nababawasan nga ang pamumula at diin ng mga marka, paliwanag ni Dr. Chua-Aguilera. 

Para mas maging epektibo, karaniwang higit sa isang procedure ang gagawin ng mga dermatologist. Halimbawa, maaaring magsamahin ang radiofrequency at pulse dye laser. Pero ang mahalaga, anumang procedure, kailangang lisensyado o board-certified dermatologist ang magsasagawa. May mga side effects, pero karamihan ay hindi naman permanente. Madalas na may pamamaga at pamumula, na kusa ding nawawala, saka pa lang makikita ang resulta.

Ang dermatologist ang magsasabi kung anong paggamot o procedure ang nararapat o nababagay sa partikular na kaso ng stretch marks, payo naman ni Dr. Chua.

Walang iisang mabisang paggamot para sa stretch marks. Maaaring ang isang paraan ay epektibo para sa isa, at hindi sa iba. 

Tandaan lang: Kung ang stretchmarks ay luma na o matagal na, mas maliit ang tiyansa na maalis pa ito. Aksaya na lang ng pera at oras ang anumang bibilhin na produkto para dito. Kung buntis o nagpapasuso ng sanggol, kumunsulta sa doktor bago isagawa ang anumang paggamot para sa stretchmarks. Ang ilang cream o gamot ay maaaring may mga sangkap na makakasama sa kalusugan ng sanggol, tulad ng retinol.

Ayon din sa American Journal of Obstetrics and Gynecology, ang mga babaing umiinom ng steroid medications o gumagamit ng topical steroid creams ay mas malamang na magkaron ng stretchmarks. Ito ay dahil ang steroid hormones ay nagpapahina sa elasticity ng balat.

Kailangang ikunsulta sa doktor ang anumang anumang procedure o treatment, bago ito isagawa, lalo kung nagbubuntis pa lang.

 

Sources: Stier MF and Hirsch RJ. “Rejuvenation of scars and striae.” In: Hirsch RJ, et al. Aesthetic rejuvenation. McGraw Hill Medical, China, 2009:224-9.

Basahin: Minimize stretch marks in 6 simple steps during pregnancy

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!