Malaking problema sa mga ina ang pagkakaroon ng postpartum depression. Bukod sa nakakaapekto ito sa mental health ng isang ina, naapektuhan rin nito ang mga tao sa paligid nila. Kaya’t matagal nang naghahanap ng mainam na gamot sa postpartum depression ang mga doktor.
Ang karaniwang ginagawang treatment sa kondisyon na ito ay katulad rin ng para sa clinical depression. Iba’t ibang antidepressants ang pinapainom sa mga ina, ngunit umaabot minsan ng ilang linggo bago ito umepekto. Ito’y dahil iba ang mga hormones na nasa katawan ng mga inang kapapanganak pa lamang, kaya hindi agad epektibo ang mga antidepressants na ito.
Ngunit sa pamamagitan ng isang makabagong gamot, ay sa loob lamang ng 24 oras ay nakakaramdam na ng kaginhawaan ang mga ina. Ayon pa raw sa ibang mga ina ay halos instant ang nagiging epekto ng bagong gamot sa postpartum depression.
Ano ang gamot sa postpartum depression?
Larawan mula sa iStock
Ang gamot na ito ay tinatawag na Brexanolone, at hindi raw ito isang tablet o pill. Ibinibigay ito intravenously, o dinederetso sa dugo. Kaya’t kinakailangan itong ibigay sa ospital, o kaya sa isang medical facility.
Mabilis raw ang epekto ng gamot na ito, dahil ito ay idinesenyo para talaga sa mga ina. Ito’y dahil mayroon itong artifical hormone na allopregnanolone. Pinaniniwalaan na ang hormone na ito ay responsable para sa pagkakaroon ng postpartum depression ng mga ina.
Base sa mga isinagawang clinical trials sa gamot, sa loob lang ng 24 oras ay umeepekto na ito. At sa isang gamutan lamang ay umaabot raw ng 30 days ang epekto nito.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng gamot na ito sa mga inang nakararanas ng postpartum depression. Ang pagkakaroon ng postpartum depression ay isa sa mga pangunahing problema ng mga ina, at naapektuhan nito ang kanilang kalusugan pati na ang kakayanan nilang alagaan ang kanilang anak.
Sa ngayon, sa US pa lang inaprubahan ang paggamit ng gamot. Ngunit sana ay magkaroon na rin ng ganitong treatment sa Pilipinas, upang makatulong sa mga inang nagkakaroon ng depresyon.
Larawan mula sa iStock
Ang postpartum depression ay isang uri ng kondisyon na nakakaapekto sa milyon-milyong mga ina sa buong mundo. Importanteng magamot ang kondisyon na ito dahil posible itong lumala, at humantong pa sa mas matinding karamdaman.
Heto ang mga sintomas na dapat malaman ng mga ina:
- Matinding mood swings or pagiging iritable o galit ng bigla-bigla na lamang
- Kawalan ng interes sa mga bagay na dating hilig mo, maaaring simpleng hobby ito tulad ng panonood ng sine atbp.
- Mababang self-esteem o yung pakiramdam na hindi kaaya-aya ang itsura o wala silang kakayanan
- Malayo ang loob sa baby dahil ayaw mong makipag-bonding sa kanya.
- Matinding pagod o kawalan ng energy.
- Hindi kayang mag-decide o mag-concentrate.
- Panic attacks o malubhang pangangamba.
- Matinding insomnia o kabaligtaran nito, masyado namang natutulog buong araw.
- Pag-iisip tungkol sa pananakit sa sarili o suicide.
Kung kayo ay mayroong sintomas ng postpartum depression, mahalagang magpunta sa doktor at alamin kung paano gagamutin ang kondisyon na ito.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!