Human sized bats in the Philippines totoo nga ba? Narito ang pahayag ng mga eksperto ukol sa paniking ito na tinatawag din umanong flying fox bat.
Human-sized bats in the Philippines
Nitong mga nakaraang araw ay naging usap-usapan sa social media ang larawan ng isang malaking paniki habang tila nakasabit at natutulog sa bubong ng isang bahay.
Tumanggap ito ng magkakaibang reaksyon sa mga netizens. Ang iba ay ayaw maniwala na legit o tunay ang larawan. Habang ang iba naman ay nagbahagi ng kaalaman nila tungkol sa nakakagulat na laki ng nasabing paniki.
Base nga sa post ng Twitter user na si @AlexJoestar622 na nagtataglay ng screenshot ng larawan. Ang larawan ay kuha sa Pilipinas at totoong may ganitong kalaking paniki sa bansa.
“Remember when I told y’all about the Philippines having human-sized bats? Yeah, this was what I was talking about.”
Ito ang pahayag ni Alex sa kaniyang Twitter post.
Bagamat nakakatakot kung titingnan, ang nag-trending na larawan ng human-sized bat in the Philippines ay malayo sa aktwal na laki talaga nito. Dahil maliban sa kuhang larawan ay may inupload rin sa YouTube ng actual video ng parehong paniki na nakuhanan umano sa Cebu. At sa video, ay makikitang mas maliit ito kumpara sa makikita sa larawan.
Flying fox bat sa Pilipinas
Ayon sa ilang netizen, ang actual-sized ng katawan ng paniki na nakuhanan sa larawan ay maikukumpara sa isang maliit na aso o isang 6-year-old na bata. Ngunit sa kabuuan ito ay may laking 5.58 ft o 1.7 meters. At ito ay base sa laki ng paniki kapag nakabuka na ang kaniyang pakpak. Dahilan upang tawagin itong human-sized bat.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging viral ang larawan ng nasabing paniki. Una na itong lumabas sa website na Reddit noong August 9, 2018. Ayon sa mga nakakita, ito ay tinatawag na “flying fox bat”. Ito ay kabilang sa pinakamalalaki at rare na uri ng paniki. At endangered na ayon sa International Union for Conservation of Nature o IUCN.
Ang pahayag na ito ay sinuportahan naman ng fact-checking website na Snopes. Ayon sa kanila, ang mga flying fox ay ang isa sa pinaka-malaking species ng paniki sa buong mundo. Ito ay may wingspan na lumalaki ng hanggang sa 5 ½ feet at hindi maikukumpara ang laki sa isang tao.
Megabats at microbats
Ayon naman sa National Geographic, ang trending human-sized bat in the Philippines ay kabilang sa uri ng mga paniki na kung tawagin ay megabats. Sila ang mga paniking may wingspan na maaring umabot ng hanggang sa 6 ft. Ngunit sa kabila ng kanilang laki ang mga ito ay herbivores o kumakain ng prutas, nectar at pollen. Hindi tulad ng isang uri ng paniki na kung tawagin ay microbats. Ito ang maliliit na uri ng paniki na kumakain ng mga insekto at lumalabas sa gabi. Kabilang sa microbats ang mga vampire bats na literal na nabubuhay sa pagsipsip ng dugo mula sa mga hayop tulad ng mga baka at kabayo.
Maliban sa laki, nagkakaiba rin umano ang mga megabats at microbats sa kanilang itsura.
Ang mga microbats ay may mas malalaking tenga. Ito ay dahil gumagamit sila ng system na kung tawagin ay echolocation sa paghahanap ng bagay o object. Nagagawa nila ito sa pamamagitan ng paggawa ng high-pitched sound na nag-tratravel hanggang sa maabot ang object na kanilang hinahanap. Ang tunog ay mag-bobounce pabalik sa kanila. Dahilan upang matukoy kung saan nila matatagpuan ang object na hinahanap at ano ang laki nito.
Samantala, ang mga megabats naman ay may mas malalaking mata at mas matapang na pang-amoy. Habang ang tenga naman nila ay mas maliit kumpara sa microbats dahil hindi sila nag-echolocate. Mayroong 150 species ng megabats sa buong mundo. Ngunit hindi lahat ng ito ay mas malalaki sa microbats. Sila ay madalas ring makikita sa mga tropical na lugar tulad nga sa bansa nating Pilipinas.
Dagdag na impormasyon naman mula sa website na Animal Diversity, ang mga megabats ay lumalaki ng higit sa isang pulgada o foot at may bigat ng hindi bababa sa 3 pounds.
Kahalagahan ng mga paniki sa mundo
Bagamat, maraming nakakatakot na kuwento tungkol sa mga paniki, napakahalaga umano ng mga ito sa mga tao at kalikasan. Dahil ang microbats ay kayang kumain ng milyong-milyong insekto sa isang gabi na itinuturing na isang natural pest control para sa mga halaman. Habang ang mga nectar bats o megabats naman ay nakakatulong sa pollination. Ito naman ay nakakatulong upang maikalat pa ang buto ng mga bulaklak at prutas sa buong mundo. Isang paraan upang mas mapanatili mayabong ang ating likas na yaman at maiwasan ang deforestation sa buong mundo.
Source:
Says, Reddit, Snopes, Animal Diversity, National Geographic
Basahin:
Mga importanteng facts tungkol sa paggamit ng mga face mask at respirator
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!