Isang 33-anyos na buntis inabutan ng panganganak sa bahay. Ang nagpaanak sa kaniya? Ang kaniyang mister. Narito ang kanilang kuwento.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng misis na inabutan ng panganganak sa bahay at pinaanak ng kaniyang mister.
- Ano ang placenta previa na dahilan ng hindi inaasahang panganganak niya.
Inabutan ng panganganak sa bahay
Baby photo created by rawpixel.com – www.freepik.com
“Akala ko masama lang ‘yong tummy ko,” ito ang akalang dahilan ng 33-anyos na misis na si Fatima Quiazon ng makaramdam ng hilab sa kaniyang tiyan.
Dahil noong mga panahong iyon, siya ay 26 weeks o halos pitong buwan palang buntis. Kaya naman ang akala niyang sintomas lang ng masamang tiyan ay sign na pala na manganganak na siya.
“Humilab ang tiyan ko, ‘yong pakiramdam na tawag ako ng CR. Sabi ng husband ko kung kaya ko daw bumaba sabi ko oo, kasi nadudumi ako at yun ang pakiramdam ko talaga, kaya bumaba po ako at nag CR. Nakapag-poop ako that night.”
Ito ang pagkukuwento ni Fatima. Nalaman niya na lang umano ng manganganak na siya ng makapa niya ang ulo ng kaniyang baby na nasa puwerta na niya.
“Pero nun naghugas na ako, nakapa ko na may naka bukol sa pepe ko. Kaya nagmadali ako. Sinabi ko sa asawa ko na, ‘Babe, mukhang lalabas na si baby.’”
Susugod na rin daw sana sila noon sa ospital na ayon kay Fatima ay walking distance lang mula sa kanila. Pero hindi niya na umano talaga kaya.
Kahit walang kaalam-alam sa pagpapaanak ay naging mabilis umano ang sagot at kilos ng asawa niya. Sinunod niya ang instructions nito at sa mabilis na pangyayari ay naipanganak niya ang baby nila.
“Sabi niya “huh, teka kuha ako towel humiga ka ng maayos at sasapin ko to, bumukaka ka na at huminga ng malalim at isang mahabang ire.”
“Ginawa ko sinabi niya, at ‘yong pagka-ire ko, lumabas si baby may supot pa siya. Kinagat niya na lang tapos, hinigop niya ung ilong at bibig ni baby.
Pinalo sa hanggang sa umiyak si baby. Hinila na din niya inunan ko. At saka sila tumakbo sa hospital then isinunod ako.”
Si baby ligtas na ipinanganak, pero nasawi rin kinalaunan dahil sa komplikasyon
Mister ni Fatima kasama si baby Olivia/Image from Fatima Quizon
Kuwento ni Maricel, natakot siya noong maabutan siya ng panganganak sa bahay. Pero dahil hindi niya kontrolado ang sitwasyon ay wala na siyang nagawa.
Mabuti na nga lang umano at napakakalmado ng asawa niya. Kaya naman nagawa niya ng tama ang pagpaanak sa kaniya na hinangaan ng mga staff ng ospital na pinagsuguran sa kaniya.
Nataranta na lang ito ng mailabas na si baby na kung saan agad dinala ng kaniyang mister sa ospital. Habang siya ay naiwan nito sa kanilang bahay.
Pero sa kasamaang palad matapos ang isang buwan ay nasawi ang baby girl na pinanganak ni Fatima. Ito ay pinangalanan nilang “Olivia.” Ito ay dahil sa sari-saring komplikasyon na naranasan nito bilang premature baby.
Dagdag pa ni Fatima, ang kondisyon ng pagbubuntis niya noon ay sadyang delikado. Dahil sa ito ay kaso ng placenta previa o ang kaniyang inunan ay masyadong mababa. Ito ay kilala rin sa tawag na low lying placenta.
Ito ay dahil sa kondisyon na placenta previa
Kuwento niya mula palang 3rd month ng kaniyang pagbubuntis ay nakakanas na siya ng bleeding. Kaya naman mula noon ay naging maingat na siya at naka-bedrest lang.
Umiinom din siya ng pampakapit masiguro lang na magiging malusog at ligtas ang kaniyang baby sa tiyan. Pero sa kasamaang palad ay maaga niyang naipanganak at maaga ring kinuha sa kanila si Olivia.
Sa naging karanasan, ay may mensahe si Fatima sa mga babaeng buntis. Lalo na sa mga tulad niyang nakaranas ng high risk pregnancy. Ito ay upang hindi matulad sa kaniya na inabutan ng panganganak sa bahay.
“Obserbahan niyo palagi ang katawan ninyo. Lalo na kung high risk ang pagbubuntis ninyo. Mahirap din abutan sa bahay lalo na kung biglaan talaga.”
Ito ang mensahe ni Fatima.
Si Fatima at ang kaniyang baby Olivia/Image from Fatima Quizon
BASAHIN:
Placenta Previa: Ang mga dapat mong malaman tungkol sa nakamamatay na komplikasyon na ito ng pagbubuntis
Dad confession: “Na-trauma ako after kong makita ang panganganak ng misis ko”
Max Collins ginawang smoothie ang PLACENTA (inunan) matapos manganak
Ano ang placenta previa o low lying placenta?
Ang placenta previa o low lying placenta ay ang kondisyon sa pagbubuntis na kung saan ang placenta ay masyadong mababa ang posisyon sa sinapupunan.
Ang kondisyong ito’y maaaring magdulot ng bahagya o kumpletong pagbabara ng cervical opening ng isang babaeng buntis. Isa sa mga dahilan kung bakit nase-cesarean section delivery ang isang babaeng manganganak na taglay ang kondisyong ito.
Maaaring ma-diagnose ang placenta previa simula sa ika-12 weeks ng pagdadalang-tao. Subalit madalas ito’y natutukoy na placenta previa sa ika-20 weeks pa ng pagbubuntis.
Ito ang stage ng pagbubuntis na kung saan mabibigyan pa lamang ng posibleng lunas ang kondisyon. Pero ang magandang balita, halos 90% cases naman ng placenta previa ay naitatama. Maaaring ding maibalik ang placenta sa tama nitong posisyon bago ang panganganak.
Sa oras na hindi ito mangyari at naganap ang matinding pagdurugo, ay kailangang isagawa ang hysterectomy o ang pagtatanggal sa uterus sa pamamagitan ng surgery.
Ang mga sintomas ng placenta previa sa buntis ay ang sumusunod:
- Bleeding o madalas na pagdurugo na mapula at walang mararamdamang pananakit. Maaaring ito’y malakas o mahina na madalas na lumalabas sa pwerta sa tuwing umuubo o nakikipagtalik ang buntis.
- Light to moderate cramping
Ayon sa mga eksperto, ang placenta previa ang pinakadelikadong komplikasyon na maaaring maranasan sa pagbubuntis. Sapagkat ang kondisyon na ito ay maaaring magdulot ng napakaraming komplikasyon sa pagdadalang-tao.
Kaya naman paalala ng mga doktor sa oras na makaramdam ng sintomas ng placenta previa ay mabuting magpatingin na agad ang isang buntis.
Source:
The Asianparent, March of Dimes
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!