Mahalagang maging maalam tungkol sa rabies ng aso at kung gaano ito ka delikado. Importante rin na alam ang dapat gawin sa kagat ng aso, sa kamay man o sa mukha o sa ibang parte ng katawan, lalo na kung ito ay kalmot ng aso.
Gaano kadelikado ang rabies mula sa kagat ng aso o mga hayop?
Ayon sa WHO o World Health Organization, isang Asian kada 15 minuto ang namamatay dahil sa rabies infection. Karamihan nga sa mga ito ay mga batang edad 15-anyos pababa.
Base naman sa tala ng DOH, dito sa Pilipinas taon-taon ay may 200-300 cases ng rabies infection ang naitatala. Ang lahat ng kaso na ito ay naiulat na nasawi dahil sa nasabing impeksyon. Kung ang kalmot ng aso ay nagdudulot ng sugat, mahalagang kumonsulta agad sa doktor.
Ano ang rabies infection?
Background photo created by photoangel – www.freepik.com
Ayon kay Dr. Arthur Dessi Roman, isang infectious disease specialist, ang rabies ay madalas na nakukuha ng mga aso. Bagamat puwede ring ma-infect nito ang ibang hayop at kahit na tayong mga tao.
Pahayag ni Dr. Roman,
“Ang rabies maaring makakuha iyong mga aso puwede ring makakuha iyong pusa at puwede nilang mai-transmit. Basically all the mammals can harbor and transmit rabies at sa mammals kasama ang mga tao diyan. Kaya maaari tayong mahawa at mag-transmit din ng rabies from our pets.”
Paano mahahawa sa rabies infection?
Dagdag pa niya, ang rabies ay isang virus na maaaring makita sa saliva at ibang body fluids ng tao o hayop na infected nito. Ito ay nata-transmit o naihahawa kung ang isang taong may sugat ay na-expose dito.
Pero paliwanag ni Dr. Roman, hindi naman lahat ng hayop o aso ay infected ng rabies. Bagamat hindi naman madaling matukoy kung anong hayop ang infected nito at hindi. Kung ang kalmot ng aso ay nagdudulot ng sugat, mahalagang maging maingat.
“Ang rabies is a bullet-shaped virus that is present sa saliva and other body fluids of infected humans or animals. And it is transmitted by infected saliva through bites, wounds o mucosal exposure. So kailangan iyong animal na makakagat ay infected siya ng rabies virus. At hindi lahat ng animal bite will result in rabies infection. But unfortunately, hindi natin alam kung sino sa mga animals ang infected at hindi ng rabies.”
BASAHIN:
Mga kailangang tandaan kapag nakagat ng daga o iba pang hayop
LIST: Mga mabisang gamot sa kagat ng insekto na safe kay baby
Simpleng lagnat, sintomas na pala ng rabies!
Paano mapoprotektahan ang iyong pamilya sa rabies infection?
Payo ni Dr. Roman, may dalawang paraan para maprotektahan ang iyong pamilya at sarili mula sa rabies infection. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa impeksyon na maaaring ibigay sa ‘yo at sa iyong alagang aso, lalo na kung may kalmot ng aso.
“Number one you vaccinate humans and number 2 you vaccinate the dogs. So you vaccinate humans to save lives while you vaccinate the dogs to stop the transmission,” sabi pa ni Dr. Roman. Ayon naman sa registered nurse na si Nornelie Paniza, mas mabuti rin na handa tayo sa oras na may makagat ng aso na miyembro ng ating pamilya.
Payo ng Department of Health, ito ay magagawa kung tayo ay may kaalaman sa first aid o pangunang lunas sa kagat ng aso, tulad ng kalmot ng aso. Ito ay sa pamamagitan ng sumusunod ayon kay Paniza.
People photo created by user18526052 – www.freepik.com
First aid sa kagat ng aso
Una sa lahat, kumalma at pakalmahin ang bata o sinumang nakagat ng aso, payo ni Paniza. Kailangan ding dalhin kaagad sa ospital o doktor and pasyente, pero dapat ding lapatan ng first aid ito.
Narito ang mga hakbang sa first aid ayon kay Paniza.
Kung ang kumalmot o kumagat ay alagang aso na may updated immunizations o bakuna:
- Para sa mga mababaw na kalmot o kagat ng aso na hindi bumaon, hugasan ng sabon at tubig ang sugat, at itapat sa gripo para patuloy ang hugas ng tubig. Gawin ito nang hanggang 5 minuto.
- Huwag kuskusin ang sugat at baka lalong lumaki o magasgas. Makakasama ang pagkagasgas dahil mas magiging bukas sa mikrobyo.
- Pahiran ng antiseptic lotion o cream.
- Kung ang kagat ng aso ay malakas ang tagos ng dugo, diinan gamit ang malinis na tuwalya o bimpo para mapigil ang pagdurugo.
- Pagmasdan sa loob ng isang oras o higit pa kung may senyales ng impeksiyon: lagnat, pamumula at pamamaga ng paligid ng sigad, nana o pus, panghihina ng pasyente. Huwag mag-aksaya ng oras at isugod kaagad sa ospital at ikonsulta sa doktor.
- Pagmasdan din ang alagang aso kung may senyales ng rabies infection.
Kung ang kumalmot o kumagat ay aso sa kalye, hindi kilala at walang katunayan na may immunizations ito:
- Kung ang kagat ng aso ay malakas ang tagos ng dugo, diinan gamit ang malinis na tuwalya o bimpo para mapigil ang pagdurugo.
- Hugasan ang sugat ng sabon at tubig ang sugat, at itapat sa gripo para patuloy ang hugas ng tubig. Gawin ito ng hanggang 5 minuto.
- Dampian ng malinis na tuwalya o bimpo para matuyo ang hinugasang sugat. Huwag kuskusin ang sugat at baka lalong lumaki o magasgas. Takpan ng malinis na gasa. Huwag gumamit ng tape dahil kinukulong nito ang bacteria sa sugat.
- Dalhin sa ospital para maeksamin ng doktor ang sugat at malapatan ng nararapat na gamot. Kapag kagat ng aso na palaboy sa kalye o ‘stray dog’, kakailanganin ng tetanus booster, serye ng rabies vaccine, at antibiotics para makasesguro na ligtas ang pasyente. Titingnan din ng doktor kung kailangang tahiin ang sugat.
Image from Cleveland Clinic Org
Dagdag pa ni Dr. Roman, maliban sa mga nabanggit ng pangunang lunas sa kagat ng aso, hindi umano ligtas ang iba pang pinaniniwalaan na paraan sa paggamot sa kagat ng aso. Tulad nalang ng pagkuskos sa kagat ng aso ng bawang pati na ang pagsipsip dito na pawang delikado.
“Ang tamang first aid is to wash the wound with soap and water ng 15 minutes in running water. Hindi dapat nilalagyan ng bawang ang sugat kasi irritant sa balat ang bawang. Kapag kiniskis mo iyan sa manipis na part ng balat magsusugat yan. And we don’t want that to happen sa area na may kagat. Kasi kapag may area sa kagat na nasugatan that becomes another portal of entry for the rabies virus.”
Ito ang paliwanag ni Dr. Roman.
Paano nalulunasan ang rabies infection mula sa kagat ng aso?
Ang lunas naman na ibinibigay sa rabies infection na dulot sa kagat ng aso ay base sa lala ng sugat na natamo ng biktima. Ayon kay Dr. Roman, ito ay nahahati sa tatlong category.
“Category 2 ibig sabihin minor superficial wound lang siya at walang kusang pagdurugo o spontaneous bleeding. If there is spontaneous bleeding na-cacategorized na iyan to category 3.
Category 3 is transdermal o ibig sabihin nahiwa na talaga iyong skin at may continuous bleeding. Maaari ring ito iyong mga sugat na scratch lang pero nasa head at neck. Kasi mas malapit sa utak mas delikado.”
“Halimbawa you sustain a category 2 infection, ibibigay sayo is the vaccine only. If you sustain a category 3 ibibigay sa ‘yo is the vaccine at immunoglobin.”
Tapos ang category 1 ay yung lang walang break ang skin. Pero na-expose ang iyong skin like sa feeding or touching the animal. At ang kailanganmo lang gawin ay ang i-wash ang area ng 10-15 minutes.”
Ito ang paliwanag ni Dr. Roman.
Mga dapat isaisip para makaiwas sa rabies infection
May dagdag na payo rin si Paniza sa kung paano makakaiwas ang inyong pamilya sa rabies infection. Ito ay ang mga sumusunod:
- Mahalagang i-report kaagad sa doktor ang anumang kalmot o kagat ng aso, maliit man o malaki, lalo pa kung hindi ito alagang aso. Mas mabuting makaiwas sa impeksiyon lalo ng rabies, kaysa magsisi sa huli.
- Mainam din na may miyembro ng pamilya na mag-report ng kagat ng aso na lumalaboy sa barangay, para mahanap agad ito at hindi na makakagat pa ng ibang bata o ibang tao. Kakailanganin din kasing mahuli at pagmasdan ang aso kung may senyales ng rabies. Huwag magtangkang huhulihin ang aso ng walang tulong ng may kakayahang manghuli. May mga pagkakataon na kakailanganing patulugin na ang aso ng tuluyan lalo na kung ito ay walang sapat na bakuna at walang may-ari.
- Turuan ang mga bata na huwag makipaglaro o makipagharutan sa mga aso sa kalye o mga asong hindi kilala at hindi alaga ng kakilala. Kahit pa alagang aso ninyo, kailangan pa ring turuan ang bata na iwasang tuyain o harutin ang aso para makaiwas sa aksidenteng pagkalmot o pagkagat ng aso. Ipaliwanag sa mga bata na kapag kumakain o natutulog ang mga alagang aso, hindi ito iniistorbo.
- Siguraduhing may sapat na immunization at lisensiya ang inyong alagang aso. Updated din dapat ang tetanus shots ng inyong anak.
Mga dapat ihanda sa pagbisita sa doktor
Kapag nakagat ng aso sa anomang bahagi ng katawan, ito man ay sa mukha o sa braso, mahalagang kumonsulta sa iyong doktor. Narito ang mga impormasyong dapat ihanda sa pagbisita sa doktor:
- Sino ang may-ari sa aso
- Kompleto ba ang bakuna ng aso kabilang na ang anti-rabies vaccine
- Ano ang dahilan ng pagkagat ng aso? Galit ba ito naglalaro lang?
- Anu-anong mga health condition ang mayroon ka?
Ang mga taong may diabetes, sakit sa atay, at iba pang sakit na nakaaapekto sa immune system ay maaaring may mas mataas na tsansa na magkaroon ng matinding impeksyon.
Paggamot sa kagat ng aso
Sa pagbisita sa doktor matapos makagat ng aso, narito ang mga maaaring gawing paggamot sa sugat dulot ng kagat ng aso:
- Titingnan ng doktor ang sugat mula sa kagat ng aso at aalamin kung gaano ito kalalim, kung na-damage ba ang muscles, tendons, nerves, o buto.
- Lilinisin nang maayos ng doktor ang sugat dulot ng kagat ng aso para matanggal ang mga dumi at bacteria. Maaari ding alisin nito ang dead tissues sa sugat.
- Minsan ay tinatahi ang sugat kapag masyado itong nakabuka. Subalit tinuturing na kontrobersyal ang pagtatahi sa sugat, dahil kahit na nakatutulong ito para maiwasan ang paglala ng sugat ay maaari rin umano itong makapagpataas ng risk ng impeksyon.
- Nakadepende ang pagtatahi sa sugat kung saang bahagi ng katawan ang nakagat ng aso. Halimbawa, kung ang kagat ng aso ay sa mukha ng tao tumama, maaaring tahiin ito para maiwasang magkaroon ng peklat. Samantala, ang mga malalalim na sugat na naka-damage nang matindi ay pwedeng irekomenda ang plastic surgery.
- Titiyakin din ng doktor na maiiwasan ang impeksyon mula sa rabies. Kung hindi tiyak ang estado ng kalusugan ng aso, maaaring bakunahan ka ng anti-rabies vaccine para matiyak na hindi ka mahahawa o maiimpeksyon ng rabies ng aso.
- Maaaring painumin ka ng antibiotics sa loob ng pito hanggang 14 na araw para maiwasan ang impeksyon. Pababalikin ka rin ng doktor makalipas ang isa hanggang tatlong araw para matingnan ulit ang iyong sugat.
- Kung hindi mo kilala ang aso, o hindi mo alam ang health condition nito, makabubuting i-report sa inyong local animal control office o police ang insidente ng pagkagat sa iyo ng aso.
10 bagay na dapat malaman tungkol sa rabies
- Nakaaapekto sa nervous system ang rabies.
- Maaari itong makuha mula sa kalmot, gasgas, o bukas na sugat na na-expose sa laway ng asong infected ng rabies.
- Ang pag-pet ng asong may rabies, pagka-expose sa dugo, ihi, at dumi nito ay hindi kinokonsiderang nagdudulot ng impeksyon.
- Ang nag-iisang paraan para ma-examine kung may rabies ang aso ay ang pag-check sa brain tissue nito kung ito ay namatay. Walang ibang paraan para maisailalim sa test ang buhay na aso.
- Para naman sa human diagnosis, maaaring kumuha ng sample ng laway, serum, spinal fluid, at skin biopsy ng hair follicles sa batok, at isailalim ito sa tests.
- Maaaring maimpeksyon ng rabies virus ang sino o anomang mammals o warm-blooded animals kabilang na ang tao.
- Maipapasa lang ng infected na hayop ang rabies virus kung nagsisimula na silang makitaan ng clinical symptoms nito.
- Walang gamot sa rabies at ang impeksyon ay nakamamatay.
- Binibigyan ng post-exposure prophylaxis ang mga taong na-expose sa rabies. Kabilang dito ang pagbibigay ng human rabies immune globulin (HRIG) at rabies vaccine. Ibinibigay ito sa mismong araw ng exposure at sa mga susunod na araw nang may interval o may pagitan.
- Wala pang kaso ng pagpasa ng rabies nang tao sa tao ang naitatala. Ito man ay mula sa pagkagat ng tao sa kapwa tao o hindi.
Sintomas ng rabies sa tao
May iba’t ibang sintomas na maaaring maranasan kung naimpeksyon ng rabies ang isang tao.
Initial symptoms:
- Panghihina at discomfort
- Lagnat
- Sakit ng ulo
- Pananakit at pangangati ng sugat mula sa kagat ng aso
Mga sintomas ng malalang epekto ng rabies na maaaring humantong sa pagkamatay:
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Pagkairita at anxiety
- Pagkalito
- Hyperactivity
- Hirap sa paglunok
- Labis na paglalaway
- Insomnia
- Partial paralysis
- Pagdedeliryo
- Hallucinations
- Pagiging agresibo
- Takot sa tubig o hydrophobia
- Aerophobia o takot sa sariwang hangin
- Takot sa pag-inom ng fluids dahil sa hirap na paglunok
Para maiwasan ang pagkakaroon ng rabies makabubuting gawin ang mga sumusunod:
- Bigyan ng kompletong bakuna ang iyong alagang aso o hayop
- Protektahan o iiwas ang iyong alagang hayop mula sa mga wild animals
- I-report ang mga stray animals o mga pagala-galang aso at pusa sa inyong local authorities
- Huwag lumapit sa mga wild animals
- Para sa mga taong nasa suburban areas, tiyaking hindi makakapasok ang mga paniki o bats sa inyong bahay. Lumayo at umiwas din sa mga ito.
- Magpabakuna ng preemptive vaccine lalo kung ikaw ay may alagang hayop o kung ang trabaho mo ay may kaugnayan sa mga hayop.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!