Salungat sa nabalita na manic-depression ang nagtulak sa dating aktor na si Robin Williams na tapusin ang buhay niya, ibinunyag ng na-byuda niyang si Susan Schneider na Lewy body dementia (LBD) ang karamdaman ng aktor, bago ito namatay.
Inilarawan niya ang sakit na ito na isang “chemical warfare in the brain” at sinabing “no one could have done anything more for Robin,” na isinulat niya sa kaniyang essay na The terrorist inside my husband’s brain (inilathala sa https://n.neurology.org/content/87/13/1308).
Ang Lewy body ay isang uri ng dementia na mahirap ma-diagnose o makita kaagad, at may mga sintomas na tulad ng mabagal na motor function, depression, at hallucination.
“It was not depression that killed Robin (Hindi depresyon ang kumitil ng buhay ni Robin),” paliwanag ni Susan. Ayon sa byuda, ang depression ay isa lamang sa halos 50 50 sintomas na pinagdaanan ng aktor, at ito ay napakaliit lamang kung ikukumpara sa ibang sakit na pinagdusahan niya. Ikinuwento niya sa essay kung paanong pinanood niyang unti-unting “mawala” ang dating Robin na kilala niya, at wala siyang magawa para matulungan siya. May mga pagkakataon pa na nadatnan niyang duguan ang ulo ng asawa sa banyo nila, nang hindi nito sigurado kung ano ang nangyari sa kaniya.
Patuloy na ikinakalat ni Susan Schneider Williams ang awareness tungkol sa rare brain disease na ito bilang miyembro ng Board of Directors ng American Brain Foundation (americanbrainfoundation.org).
“I just want everyone to know that… everyone did the very best they could,” aniya. “This disease is like a sea monster with 50 tentacles of symptoms that show when they want. And we can’t find it until someone dies definitively. There is no cure.”
Sa kaniyang essay, ikinwento niya ang mga huling buwan ng buhay ng kaniyang mapagmahal na asawa, na kilala sa Hollywood bilang isang genius pagdating sa pag-arte at comedy, at kung paano unti-unting kinitil ng LBD ang dati’y masayang buhay ni Robin. Isinalaysay din niya sa essay na sa huling araw ng asawa, ginawa nila ang halos lahat ng bagay na hilig nilang gawing magkasama, at para itong isang “perfect date” Akala niya noon ay simula na ito nang paggaling ni Robin. Nung gabing iyon, kinitil ng aktor ang sariling buhay. “Goodnight, my love,” ang huling pahayag sa kaniya ng mahal niyang kabiyak.
Ano ang Lewy Body Dementia?
May humigit kumulang na 1 million tao ang naapektuhan ng LBD sa Amerika pa lamang. Nagsisimula ito sa edad na 50 pataas, ngunit minsan ay mas maaga pa dito. Mas marami ang naapektuhang lalaki kaysa babae, ayon sa pagsusuri.
Ang LBD ay isang progressive disease, kung saan ang mga sintomas ay nagsisimula ng dahan dahan lamang na lumalabas, at lumalala sa paglipas ng panahon. Tinatayang nasa 5 hanggang 7 taon ang itinatagal ng buhay, mula sa diagnosis nito hanggang sa pagkamatay ng pasyente, ngunit may mga tumatagal ng hanggang 20 taon. Ito ay depende na rin sa tao at kabuuang kalusugan nito, pati na ang severity ng mga sintomas sa pagdaan ng panahon.
Ang Lewy body dementia (LBD) ay isang sakit na may kaugnayan sa abnormal deposits ng isang protinang tinatawag na alpha-synuclein sa utak. Ang mga deposits na ito ay tinatawag na Lewy bodies, at nakakaapekto sa kemikal ng utak at nakapagpapabago sa pag-iisip, paggalaw, ugali o behavior, at mood. Ito ang isa sa mga pinakakaraniwang sanhi ng dementia, pangalawa sa Alzheimer’s disease at vascular disease.
Hindi kaagad nada-diagnose ang LBD dahil mahirap itong makita. Ang ilang sintomas ng early onset ng LBD ay kapareho ng sintomas ng Alzheimer’s at iba pang brain diseases. Maaari itong kasama ng Alzheimer’s o Parkinson’s disease, o mag-isa lamang.
May dalawang uri ng LBD—ang dementia na may Lewy bodies at ang Parkinson’s disease dementia. Magkaiba ang senyales ng dalawang sakit na ito, ngunit pareho ang biological changes na makikita sa utak.
May mga sintomas na nagagamot, ngunit sa kabuuan, wala pang nadidiskubreng lunas sa sakit na ito.
Ano ang Lewy Bodies?
Ito ay sinunod sa pangalan ni Dr. Friederich Lewy, isang German neurologist, dahil nadiskubre niya ang abnormal protein deposits na ito na humahadlang sa normal functioning ng utak sa mga taong may Parkinson’s disease.
Sa isang malusog na utak, ang mga alpha-synuclein ay may mahalagang papel sa mga neurons (nerve cells) ng utak, lalo na sa paglikha ng synapses (pag-uugnayan ng mga brain kapag may “natututunan” o nadidiskubre ang tao). Kapag may LBD, ang mga alpha-synuclein ay nagkukumpulan sa loob ng neurons. Ito ang dahilan ng hindi “pagtatrabaho” ng mga neurons ng utak, kayat namamatay ang mga neurons. Sanhi ito ng widespread damage sa ilang bahagi ng utak, kayat naaapektuhan na ang kabuuang abilidad ng brain regions.
Kasama sa naaapektuhan ay ang information processing, perception, thought, at language ng tao. Pati ang limbic cortex, na may kinalaman sa emotions at behavior, ang hippocampus, na tumutulong sa paggawa ng mga bagong alaala, ang midbrain, kasama ang substantia nigra, na may kinalaman sa paggalaw, ang brain stem, na tumutulong sa pagtulog at alertness, pati ang mga olfactory pathways o pang-amoy—lahat ay apektado at unti-unting nasisira.
Mga huling buwan ng buhay ni Robin
Ilan sa pinakamahirap na pinagdaanan ng sikat na komedyante ay ang mga paranoia, delusions, looping, insomnia, memory loss, at high cortisol levels. Sumailalim siya sa psychotherapy at iba pang medical help, ngunit ayon ay Susan, wala itong malaking natutulong sa kondisyon ng asawa.
Sa kwento niya, hirap na sa pagkabisado ng mga linya niya sa pelikulang Night at the Museum 3 ang aktor. Ito aniya ang pinakamasakit para sa henyong kilala ng lahat sa kaniyang spontaneity at natural na pagiging komedyante. Ang loss of memory at hirap sa pag-kontrol ng kaniyang anxiety ang sadyang ikinahinanakit ni Robin. Isang buwan bago siya pumanaw, na-diagnose ng Parkinson’s Disease ang aktor, na lalo pang nakapagpaguho ng kaniyang dati’y makulay na mundo.
Mababasa ang essay ni Susan dito. (n.neurology.org/content/87/13/1308 )
Sources:
Lewy Body Dementia Association
www.lbda.org
n.neurology.org/content/87/13/1308
Mayo Clinic
www.mayoclinic.org/patient-care-and-health-information
MedlinePlus
National Library of Medicine
www.medlineplus.gov
READ: Robin Williams movies: Must-see children’s movies!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!