Hindi maikakailala na pabata ng bata ang mga maagang nagbubuntis sa bansa. Ano nga ba ang dahilan ng maagang pagbubuntis at ano ang pwede mong gawin bilang magulang?
Sa artikulong ito, mababasa mo:
- Isang kuwento ng maagang pagbubuntis sa Pilipinas
- Ano ang dapat mong gawin kung mabubuntis ka sa pagkadalaga?
- Anong dapat mong gawin bilang magulang ng menor de edad na nabuntis?
- Mga ahensiyang makakatulong sa mga menor de edad na nabuntis
Bilang ng maagang pagbubuntis, tumataas?
Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit kumulang na 16 milyong babae na edad 15 hanggang 19 at halos isang milyong babae na wala pang 15 taong gulang ang nanganganak bawat taon.
95% ng mga kapanganakang ito ay nangyayari sa mga bansang may lower to middle income economy gaya ng Pilipinas.
Ang nakababahalang pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis sa Pilipinas ay nag-uugat sa kasalukuyang estado ng ating ekonomiya at edukasyon.
Ayon din sa resulta ng isang NSO survey, ang maagang pagmulat sa mga sekswal na aktibidad at maagang pagbubuntis ay karaniwang nakikita sa mga babaeng nagmula sa mga mahihirap na pamilya. Kalimitan din itong nakikita sa mga babaeng walang o konti lang ang pinag-aralan.
Maagang pagbubuntis sa probinsiya
Kung anuman ang iba pang tunay na dahilan sa likod ng pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis, ang katotohanan ay nagiging mas karaniwan na ito sa ating lipunan.
Dagdag pa rito ang katotohanang pabata ng pabata ang mga babaeng nabubuntis.
Isang totoong kuwento ng maagang pagbubuntis sa Pilipinas
Sa totoo lang, kahit ano pang estado sa buhay ng mga dalaga ngayon, pwede silang magbuntis nang maaga kung sila ay ‘di maingat.
Si Marie (hindi niya tunay na pangalan) ay isang 17-taong gulang na kolehiyala noong nadiskubre niyang siya ay buntis. Napansin ng kaniyang mga kasamahang cheerleader ang kaniyang lumalaking tiyan, na siya namang sinisi ni Marie sa pagtaas ng gana niyang kumain.
Nakumbinse siya ng kanyang mga kaibigan na kumuha ng pregnancy test. Hindi makapaniwala si Marie nang madiskubre niyang siya nga ay buntis. Para makasiguro, anim na beses niyang ginawa ang pregnancy test, pero lahat ng resulta ay positive.
Nang bumisita siya sa isang OB-GYN sa pagpupursige ng kaniyang mga kaibigan, sinabihan siya ng doktor na siya ay tatlong buwan nang buntis.

Bukod pa rito, ang ama ng kaniyang dinadalang anak ay hindi ang kaniyang kasintahan, pero sinabi nya pa rin sa kaniya na siya ay nagdadalang tao. Dahil rito, iniwan siya ng kanyang kasintahan.
Napagdesisyunan ni Marie na putulin ang lahat ng koneksyon niya sa tunay na ama ng bata, at palakihin ang anak ng mag-isa.
Hindi rin naging masaya ang mga magulang niya sa balita ng kaniyang maagang pagbubuntis. Hanggang ngayon, nararamdaman pa rin ni Marie ang hindi magandang pagtrato sa kaniya ng kaniyang pamilya.
Buti na lang, OB-GYN ang kaniyang ninang, at siya ang tumulong kay Marie sa kanyang pagbubuntis at panganganak.
Sa ngayon, si Marie ay nagsisikap para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang anak. Nagsimula siya ng sarili niyang negosyo – ang pagbebenta ng handcrafted items. Tumutulong na rin ang kaniyang anak sa paggawa ng mga accessories ngayong malaki na siya.
Hindi man naging maayos sa simula, naging maganda naman ang buhay ni Marie at ng kaniyang anak. Sa kasamaang palad, hindi lahat ng babaeng nabubuntis sa pagkadalaga ay ganito ang kinahahantungan.
BASAHIN:
Teenage pregnancy in the Philippines: Tips for pregnant teens and parents
Malaking bilang ng mga hindi nakatapos ng pag aaral dahil sa maagang nabubuntis
Sintomas ng buntis: 10 maagang palatandaan bago mag-pregnancy test
Mga payo para sa maagang pagbubuntis

Kung ikaw ay nabuntis sa pagkadalaga o wala sa plano, huwag mangamba. Sa halip, pag-isipan ng mabuti ang mga hakbang na iyong gagawin.
Mayroon ka bang kakilala na nabuntis ng maaga? Narito ang mga pwede mong ipayo sa kanila.
1. Ipaalam mo sa iyong mga magulang o sa kahit sinong nakatatanda na iyong pinagkakatiwalaan ang iyong sitwasyon.
Nakakatakot man sabihin ito, kailangan mo pa rin ng suporta ng ibang tao para sa ikabubuti ng bata. Kaya naman kailangan mo itong ipagtapat sa iyong mga magulang, o kaya naman humingi ng tulong sa isang nakatatanda na iyong pinagkakatiwalaan. Maging handa ka sa kanilang magiging reaksyon at akuin ang iyong pagkakamali.
Sa tulong ng mga nakatatanda, magagabayan ka ng mabuti sa mga bagay na may kinalaman sa iyong pagbubuntis. Mabibigyan ka rin nila ng suportang medikal.
Pero mo ring tandaan na hindi ka dapat mapilitang gawin ang hindi mo gusto.
2. Kumonsulta sa doktor.
Ang isang buntis ay dapat matingnan ng isang OB-GYN sa lalong madaling panahon para mabigyan ng tamang prenatal care.
Maaari kang sumailalim sa ilang pagsusuri at ultrasound para makumpirma ang iyong pagbubuntis at malaman kung gaano katagal na ito, o kung kailan ang iyong due date. Malalaman din dito kung mayroon kang sexually transmitted disease o infection na kailangang gamutin.
Sa iyong checkup, bibigyan ka rin ng iyong doktor nang mga bitaminang makakatulong sa iyong pagbubuntis. Huwag mahiyang magtanong kung mayroon kang hindi naiintindihan.
3. Kausapin ang ama ng bata.
Karapatang malaman ng tatay ng bata na mayroon siyang anak. Ito ay responsibilidad niya rin kaya kailangan din niyang magdesisyon kung ano ang suportang kaniyang maibibigay (lalo na kung menor de edad rin ang ama).
Ganoon pa man, ang desisyon mo pa rin bilang ina ng iyong anak ang mangingibabaw.
4. Humanap ng mga taong susuporta sa iyo.
Ang katotohanan ay hindi madaling magbuntis. Kaya hindi mo ito dapat pinagdadaanan nang mag-isa.
Humingi ng tulong mula sa mga taong nagmamahal sa ‘yo gaya ng iyong mga magulang, kamag-anak at mga kaibigan. Piliin ang mga taong hindi ka huhusgahan, bagkus ay tutulungan ka at mahihingahan mo ng sama ng loob.
Kailangan mo rin ng suporta mula sa mga taong nakakaintindi ng pinagdadaanan ng isang buntis, kaya mainam na sumangguni sa isang guidance counselor o humanap ng support groups para sa mga buntis o mga nanay.
Si Mommy Ley Almeda ay isang dating single mom na bumuo ng isang support group para sa mga babaeng mag-isang tumataguyod sa kanilang mga anak. Sa kaniyang blog, ibinabahagi niya ang kanyang mga karanasan at mga natutunan sa pagiging isang single mother.
5. Alagaan ang iyong sarili
Ngayong buntis ka, napakaimportante ng iyong kalusugan. Lahat ng iyong gagawin ay maaaring makaapekto sa sanggol sa iyong sinapupunan. Kaya dapat mahalin at ingatan mo ang sarili mo.
“You have to love yourself so you can love others. Also, don’t expect others to love you, if you don’t love yourself,” paalala ni Mommy Ley.
Kumain ng mabuti at sundin ang mga payo ng iyong doktor. Alamin kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang buntis. Mahalaga rin ang magkaroon ng sapat na pahinga.
Tandaan na magiging magulang ka na at mayroon nang isang bata na aasa sa’yo. Kaya dapat maging malusog at matatag ka!
Ang tungkulin ng mga magulang

Kung magulang ka naman ng isang babaeng nabuntis nang maaga, importante na maramdaman niya ang iyong pagmamahal at suporta sa panahong ito. Narito ang mga bagay na dapat mong gawin:
1. Samahan mo ang iyong anak sa ospital.
Maging katuwang ka niya sa kaniyang pagbubuntis. Samahan mo siya kapag checkup niya na sa ospital at siguraduhin mong alam mo ang estado at progreso ng kaniyang pagbubuntis.
2. Timpiin ang iyong mga emosyon
Walang magulang ang gustong mapahamak ang kanilang anak. Gayundin, bilang nanay, marahil ay mayroon kang mga plano o pangarap sa iyong anak.
Kaya natural lang na makaramdam ka nggulat, pagkabigo, galit, o isipin na kasalanan mo ang lahat ng nangyari. Pero gawin mo pa rin ang lahat ng iyong makakaya para timpiin ang iyong mga emosyon para maayos mong makausap ang iyong anak.
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, mayroong masamang epekto ang stress sa pagbubuntis ng isang babae.
“Kapag masyadong stress ang isang babae minsan hindi siya makatulog, hindi na makakain at masyadong nag-iisip ng mga masasamang bagay kaya baka maapektuhan din ‘yung baby.” aniya.
Pero kailangan mo rin ng makakausap na tungkol sa iyong sitwasyon. Humanap ng kaibigan, kamag-anak, o taong mapagkakatiwalaan mo para mahingahan ng sama ng loob.
Ang pagkakaroon ng masasabihan tungkol sa isyu na ito ay makakatulong sa estado ng iyong pagiisip at mga emosyon. Pwede ka ring matuto ng mga aral kung paano mo pa masusuportahan ang iyong anak.
3. Tumulong ka sa gastos
Siguradong mangangailangan ng tulong na pinansiyal ang iyong anak habang siya ay nagbubuntis, at pagkatapos niyang manganak. Kung kaya mo, subukan mong tumulong, malaki o maliit man ang halaga.
Kung hindi pa niya kayang tumayo sa sariling paa, ikaw muna ang umako ng kaniyang responsibilidad sa mga checkup at pangangailangan ng mag-ina.
Pwede mo ring tulungan ang iyong anak na maghanap ng pinakamahusay at murang maternity package para maging mas practical.
4. Maghanda para sa bata
Naranasan mo nang magkaanak kaya naman makakatulong ka sa pagpapalaki ng bata at pagsuporta sa iyong anak.
Kasama na sa paghahanda ang pakikipag-usap sa ama ng bata at pamilya nito. Lahat ng mangyayari sa bata ay dapat mapag-usapan ng parehong pamilya. Hindi nila kailangang ikasal, pero dapat ay mapag-usapan kung paano ang hatian ng gastusin para sa bata.
5. Bigyan ng suporta ang iyong anak.
Kailangan maramdaman ng iyong anak na maaasahan niya ang iyong suporta. Ipakita mo sa kaniya na tanggap mo siya at ang magiging anak niya, at ligtas sila sa pangangalaga mo.
Ayon kay Dr. Patricia, napaka-importante ng emotional support sa isang buntis. “Para magaang ang kaniyang pagbubuntis at para ma-feel niya na kaya niya ito, kailangan niya talaga ng emotional support.”
Kung hindi niya ito makukuha sa tatay ng kaniyang anak, dapat mong ibigay ito sa kanya. Kailangan niya ng taong masasandalan sa kaniyang pagbubuntis, panganganak at pag-aaalaga sa sanggol.
Nagkamali man ang iyong anak, tandaan na magulang ka pa rin niya, at kailangang kailangan niya ang iyong pag-intindi at pagkalinga sa panahong ito.

Mga organisasyon at ahensiyang makakatulong
Narito ang ilang organisasyong makakatulong sa mga babaeng maagang nagbuntis:
#2 Kaunlaran St., Kawilihan Village,
Bagong Ilog, Pasig City
Mobile Number: 0917-5019583
Email: [email protected]
St. John Bosco Parish Building (2nd Floor),
Arnaiz Ave. Cor. Amorsolo St., Makati City
Tel: (02) 586-3069 & (02) 403-7179
Mobile Number: 0917-5019583
27 Ofelia St., Ofelia Subdivision
Barangay Bahay Toro, Quezon City
Tel: (02) 926-6230 & (02) 454-3854
Fax: (02) 926-6230
Email: [email protected]
50 Doña Hemady St.
New Manila, Quezon City
Telephone: (02) 722-6466
Telefax: (02) 721-7101
Email: [email protected]
2015 Gil Puyat Street
Pasay City
Phone: (02) 831-2876
Fax: (02) 804-0798
Email: [email protected]
Room 12 Philippine Children’s Medical Center
Mobile Number: 0947-8444218
Email: [email protected]
https://www.facebook.com/samphilippines
2/F Torres Building
2442 Park Avenue, Pasay City
Telephones: (02) 556-2735 / (02) 551-1977 / (02) 556-4864
Email: [email protected]
FriendlyCare Clinic and Headquarters
710 Shaw Boulevard
Mandaluyong City
Tel. Nos.: (02) 722-2986/88
718-2870 / 718-1344
FriendlyCare Clinic Cebu
G/F GMC Plaza Bldg.
Legaspi Extension, Cebu City
Tel. no. (032) 254-7446
Telefax no. (032) 253-4170
FriendlyCare Clinic Davao
G/F SPCRD Bldg.
A. Pichon St., Cor. Illustre Extension, Davao City
Telefax no. (082) 222-7970
Pwede mong tingnan ang kumpletong listahan dito.
Isinalin ni Paul Amiel Salonga
Isinulat ni Patricia de Castro-Cuyugan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!