Iwasan ang epekto ng maagang sa pagbubuntis sa tulong ng mga impormasyong tampok sa artikulong ito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Epekto ng maagang pagbubuntis o teenage pregnancy
- Paano ito maiiwasan
Epekto ng maagang pagbubuntis
Ang maagang pagbubuntis o teenage pregnancy ay tumutukoy sa pagdadalang-tao ng mga dalagang edad 15 hanggang 19 anyos. Ayon sa World Health Organization o WHO tinatayang nasa 21 million teenage pregnancies ang naitatala sa mga developing countries sa buong mundo taon-taon. Nasa 12 million sa mga ito ang tagumpay na nakapanganak. Habang may naitalang nasa 5.6 million ang sumailalim sa abortion upang wakasan ang hindi inaasahang pagbubuntis. Sa 5.6 million na kaso ng abortion, 3.9 million ang hindi ligtas at naging dahilan ng pagkasawi ng teenager na nagdadalang-tao. Isa sa nakakabahalang epekto ng maagang pagbubuntisna nilalayong maiwasan ng mga health authorities sa buong mundo.
Ayon sa pag-aaral na ginawa ng WHO, may iba’t ibang dahilan kung bakit nagaganap ang teenage pregnancy o maagang pagbubuntis sa kabataan. Maaaring dahil sa dikta ng lipunan na kanilang ginagalawan, kung saan kailangan nang magbuntis ng isang babae ng maaga o bata pa. O maaaring dahil sa kakulangan ng edukasyon o trabaho na pangunahing dahilan ng maagang pagbubuntis dito sa ating bansa.
Isa pa sa epekto ng maagang pagbubuntisay ang dala nito sa kalusugan ng isang babae at kaniyang dinadalang baby. Marami ang mga kumplikasyon ang maaaring maranasan ng ina at ng sanggol sa pagbubuntis. Sapagkat hindi pa well-developed ang katawan ng babae sa pagbubuntis kaya naman maraming mga kumplikasyon ang maaari niyang maranasan. Maaaring masawi ang ina, o ang sanggol, o 'di naman kaya'y may mga kundisyon ang sanggol na kaniyang ipinanganak.

Love photo created by Racool_studio - www.freepik.com
Pagdating sa epekto ng maagang pagbubuntis, hindi lang buhay ng babae o teenager na nagdadalang-tao ang maaaring maapektuhan. Kung hindi pati rin ang kaniyang dinadalang sanggol. Ang tinutukoy na madalas na epekto ng maagang pagbubuntisayon sa mga pag-aaral at mga eksperto ay ang sumusunod:
1. Kakulangan sa prenatal care.
Madalas ang mga teenage parent ay walang nakukuhang suporta mula sa kanilang magulang o hindi tanggap ang kanilang pagdadalang-tao. Kaya naman sila at ang kanilang dinadalang sanggol ay hindi nakakakuha ng adequate prenatal care.
Ang prenatal care ay napakaimportante at kritikal lalo na sa mga unang buwan ng pagbubuntis. Ginagawa ito upang masiguro na walang magiging problema o normal ang mommy na nagbubuntis at ang baby na kaniyang dinadala. Pati na upang agad na matukoy at makaiwas sa mga medical o birth defect problem ang sanggol na dinadala ng dalagang ina.
2. Pregnancy at childbirth complications.

Image by hyeongchae hwang from Pixabay
Ayon pa rin sa WHO, ang pregnancy at childbirth complications ang isa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga teenage parent na may edad 15-19 anyos. Partikular itong nararanasan ng mga batang ina sa mga low at middle income na bansa. Ang mga ito'y maaaring maiwasan kung mabibigyan ng tamang pangagalaga o prenatal care ang buntis at ang kaniyang dinadalang sanggol.
3. High blood pressure.
Ang mga teenager na buntis ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng high blood pressure kumpara sa kababaihang may edad na bente at trenta anyos.
Ito'y kilala sa tawag na pregnancy-induced hypertension na nagdudulot din ng komplikasyon sa pagbubuntis na preeclampsia.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang mga sintomas ng miscarriage sa 2nd trimester ng pagbubuntis
Depress na mommy habang buntis? Maaaring makasama ito sa development ng iyong sanggol
Mga sintomas ng pagbubuntis sa ikalawang buwan ng pagdadalang-tao
4. Premature birth.
Ang kababaihang nabuntis din ng maaga ay mataas ang tiyansang makaranas ng premature birth o ang pagbubuntis na hindi umabot sa full-term o 40 weeks pregnancy.
Naiiwasan naman ito sa pamamagitan ng mga medikasyon sa tulong ng prenatal care.
Ang mga sanggol na ipinanganak na premature ay mas mataas ang tiyansang magkaroon ng mga health problem sa respiratory, digestive, vision, cognitive at iba pa.
5. Low birth weight baby.
Ang mga sanggol rin na ipinanganak na premature ay mas magaan ang timbang kumpara sa mga full term baby na ipinagbuntis.
Ito'y dahil mas kakaunti ang oras o araw nilang lumaki pa sa sinapupunan ng kanilang ina.
6. STD o Sexually Transmitted Disease.
Isa pa sa maaaring maging epekto ng maagang pagbubuntisat kakulangan sa kaalaman tungkol sa sex ng kabataan ay ang pagkakaroon ng Sexually Transmitted Disease o STD. Ang pagkakahawa ng isang buntis sa mga sakit na ito ay maaaring makaapekto sa sanggol na kaniyang dinadala.
7. Postpartum depression.

Image by Tep Ro from Pixabay
Sanhi ng mura pang kaisipan, isa pang bagay na madalas na nararanasan ng mga teenage mom ay ang postpartum depression.
Bagama't ito ay normal lamang sa kababaihan matapos manganak mas nagiging mahirap ito sa mga batang ina na wala pang karanasan sa pag-aalaga ng kanilang sanggol at sa bagong responsibilidad na kanilang haharapin.
8. Hindi makapagtapos ng pag-aaral.
Sanhi ng mabigat na responsibilidad sa murang edad, mataas ang tiyansa na hindi na makatapos ng pag-aaral ang isang teenage parent. Lalo na kung ang pagbubuntis ay walang suporta o hindi tanggap ng kanilang magulang.
Paano ito maiiwasan?
Ang maagang pagbubuntis pati na ang mga epekto nito ay maaari namang maiiwasan. Magagawa ito sa tulong nating mga magulang at ng eskuwelahan.
Ang unang paraan nga upang ito ay magawa ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kaalaman sa mga teenager tungkol sa sex. Kung paano ito nagaganap at ang maaaring maging bunga o epekto nito sa kanilang buhay.
Kasunod nito ay dapat maipaliwanag sa kanila kung bakit mahalaga na kung hangga’t maaari ay umiwas muna sila pakikipagtalik. O kung hindi ay bigyan o suportahan sila sa paggamit ng birth control o contraception upang mas maiwasan ito at ang epekto ng maagang pagbubuntis.
Pero maliban sa mga nabanggit, mahalaga na maiparamdam sa mga teenager sa lahat ng oras ang ating pagmamahal at suporta. Upang hindi sila mag-alinlangan na lumapit sa atin at magsabi ng mga nasa isip nila. Partikular sa mga bagay tulad sa sex na kailangan nila ang ating kaalaman at gabay. Upang maiiwas sila sa maagang responsibilidad na hindi pa karapat-dapat sa kanila at hindi pa sila handa.
Source:
WebMD, WHO
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!