Mababasa sa artikulong ito:
- Signs na masyado ng nagiging mahigpit na magulang ka sa anak mo.
- Paano nakakaapekto sa iyong anak ang pagiging mahigpit mo?
- Ano ang iyong maaring gawin para mabago ang parenting style mo na ito?
Palatandaan na isa kang mahigpit na magulang sa anak mo
Lahat tayong mga magulang ay nagnanais na lumaking successful ang ating mga anak. Sapagkat hindi lang ito nakaka-proud para sa atin. Nagbibigay rin ito ng feeling ng kasiguraduhan na magiging maayos ang kinabukasan nila.
Pero minsan masyado tayong nagiging OA sa part na ito. Masyado tayong nagiging mahigpit na magulang sa ating anak na hindi natin napapansin.
Sa sobrang higpit imbis na maging guide niya para magtagumpay ay nagiging banta na pala para hindi niya maabot ang mga gusto niya sa buhay.
Ayon nga sa mga pag-aaral, ang pagiging sobrang mahigpit na magulang ay may negatibong epekto sa ating mga anak.
Tulad na lamang sa mas nagiging poor ang ipinapakita nilang social skills, mababa ang kanilang self-esteem at mas tumataas ang level ng depression na kanilang nararanasan.
Pero kailan ba masasabing nagiging masyadong mahigpit na magulang ka na sa iyong anak?
Ayon sa author, professor at life coach na si Preston Ni, ang mga palatandaan na masyadong nagiging mahigpit na magulang ka na sa iyong anak ay ang sumusunod. Ito ay ang mga palatandaan rin na narcissistic parent ka.
1. Gusto mong sumunod lang sa gusto mo ang anak mo.
Maaring mayroon kang pangarap sa buhay na ninanais mong maasam. Sapagkat sa hindi mo natupad ito ay nais mong ipagpatuloy at tuparin ito ng iyong anak.
Ginagawa mo ito ng hindi siya tinatanong kung gusto niya ba ang gusto mo? O ni hindi mo man lang inalam kung anong palagay o feeling niya sa gusto mong mangyari ito.
People photo created by nakaridore – www.freepik.com
2. Hindi mo nakikita ang mga accomplishments na ginagawa ng anak mo at sa halip ay puro mali niya lang ang nakikita mo.
Pupuwedeng sa puntong ito ay nais mo lang siyang i-encourage o pagbutihin pa ang performance niya. Pero imbis na makatulong, ang ginagawa mong ito ay nakakaapekto lang sa confidence ng iyong anak.
Ayon kay Preston Ni, bagamat mahirap tanggapin, ang attitude mong ito ay maaaring palatandaan din na insecure ka at natatakot kang malamangan ng anak mo ang mga nagawa mo.
3. Mina-manipula mo ang anak mo.
Sa pagiging mahigpit ay hindi mo napapansin na mina-manipula mo na pala ang buhay ng anak mo. Ang mga simpleng salita tulad ng, “Bakit hindi mo gayahin ang kuya mo!” O kaya naman ang “Kung hindi mo kukunin ang course na gusto ko, ay huwag ka nalang mag-aral.”
Bagamat para sa ‘yo, ay parang maliit na bagay lang ito. Pero para sa iyong anak, malaking bagay ang tiwalang ibinibigay mo sa kaniya. Ganoon din ang kalayaan na gawin ang mga bagay na magpapasaya sa kaniya na susuportahan mo bilang magulang niya.
4. Naiinis o nagagalit ka agad ultimo sa maliliit na bagay na hindi nasusunod ng anak mo base sa kagustuhan mo.
Ang ugaling ito ay ipinapakita mo kahit sa pinakamaliliit na bagay na hindi naman dapat palakihin pa at gawing isyu. Tulad na lamang halimabawa sa kung paano siya maupo at kumain.
O kaya naman, ang style ng pag-aayos niya ng buhok na hindi mo gusto. Para sa ‘yo ang ginagawa niyang ito ay senyales na hindi siya nagiging masunuring anak sayo.
5. Hindi mo naiisip ang nararamdaman ng iyong anak.
Sa sobrang higpit mo sa anak mo, hindi mo man lang natanong kung anong nararamdaman niya? Sapagkat para sa ‘yo ay hindi na ito mahalaga. bilang magulang naniniwala ka na ikaw lagi ang tama.
School photo created by jcomp – www.freepik.com
6. Inilalagay mo sa utak ng anak mo na responsibilidad ka ng iyong anak pagdating ng araw.
Tayong mga magulang ay mayroong responsibilidad na buhayin, pag-aralin at siguraduhing mabibigyan ng maayos na kinabukasan ang ating mga anak.
Pero ito ay hindi dapat dahil umaasa tayong ang ating anak ang mag-aahon sa atin sa kahirapan. O kaya naman ay dahil sila ang inaasahan nating magsusuporta sa atin kapag sila ay may trabaho na.
Sapagkat ito ay kusang loob na gagawin ng iyong anak pagdating ng araw. Lalo na kung naging tama at maayos ang pagpapalaki mo sa kaniya.
7. Ayaw mong maging independent o magkaroon ng sariling desisyon para sa sarili niya ang anak mo.
Makikita ito sa pag-ayaw mo sa paglalaan ng oras ng anak mo na makasama ang mga kaibigan niya. O kaya naman ay imbis na siya, ikaw ang pumipili ng mga taong kakaibiganin niya. Pati na ang taong mamahalin o magiging kapareho niya.
Ayon kay Preston Ni may dalawang dahilan kung bakit mo ginagawa ito. Una ay maaaring dahil nagseselos ka sa atensyon na ibinibigay ng iyong anak sa ibang bagay o tao.
Pangalawa, ay maaaring dahil masyado kang possessive sa anak mo. Maaari ring itinuturing mo siyang pag-aari mo na dapat ay susunod lang sa bawat gusto mo.
8. Pinaparusahan mo ang anak mo sa tuwing hindi niya nasusunod ang gusto mo.
Walang taong perpekto. Kaya naman wala ring magulang na perpekto at wala ring anak na perpekto. Oo minsan o sabihin na nating madalas ay magkakamali ang anak mo.
O kaya naman ay hindi niya masusunod ang gusto mo, pero hindi dapat maging dahilan ito para parusahan mo siya. Sapagkat bilang magulang ay dapat maging gabay ka niya at ilagay sa isip niya na ang pagkakamali ay paraan para matuto siya. Hindi isang bagay na dapat katakutan niya.
Higit sa lahat, kailangan mong maturuan siyang maging responsible sa sarili niya. Hindi iyong susunod lang sa bawat kagustuhan mo kahit labag na pala ito sa kalooban niya.
Love photo created by peoplecreations – www.freepik.com
Ano ang maaari mong gawin upang mabago ito?
Ayon sa psychologist na si Laura Markham, ang unang paraan na dapat mong gawin para mabago ito ay tanggapin na mali ang iyong ginagawa.
Sunod, baguhin ang pananaw mo bilang isang magulang. Isaisip na ang pagiging magulang ay isang gift na dapat ay ini-enjoy mo. Kaya naman dapat ay nai-enjoy rin ng anak mo ang pagiging magulang mo sa kaniya.
Huwag masyadong ma-stress o ma-overwhelm sa responsibilidad mo bilang magulang. Maging emotionally generous sa anak mo. Huwag mahiyang iparamdam sa kaniya ang pagmamahal mo.
Suportahan siya at higit sa lahat ay palakihin siya na mayroong tiwala sa sarili niya. Isaisip na ang bawat tagumpay na naabot na iyong anak ay tagumpay mo rin bilang magulang niya.
Sapagkat ang bawat dedikasyon at mabuting pag-uugali na ipinapakita niya ay isang bagay na makukuha niya mula sa ‘yo. Kaya maging mabuting halimbawa sa kaniya sa lahat ng oras. Palakihin siya na mayroong masaya at supportive na pamilyang nakapaligid sa kaniya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!