Ang pag-aasawa ay isang kumplikadong bagay. Ika nga ng matatanda sa pag-aasawa, hindi lang ang asawa mo ang pakikisamahan mo. Kung hindi pati na rin ang kaniyang buong pamilya.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga masakit na salita galing sa biyenan na madalas na maririnig ng karamihan.
- Ano ang dapat gawin sa oras na makarinig ng masamang salita mula sa biyenan mo?
- Paano magiging maayos ang samahan ninyong mag-biyenan?
Sapagkat kung hindi mo sila kasundo o may hindi pagkakaintindihan sa pagitan ninyo, asahan na ang mga masakit na salita galing sa biyenan mo. Ayon nga sa ating theAsianparent community, ang madalas na masakit na salitang maririnig nila mula sa kanilang mga in-laws ay ang mga sumusunod:
Masakit na salita galing sa biyenan/ Phone photo created by cookie_studio – www.freepik.com
Mga masakit na salita galing sa biyenan na madalas na maririnig
- “Bakit daw hindi mataba si baby, baka raw wala nakukuhang gatas sa akin.”
- “Tatawagan ka nila kapag uutang sila sa ‘yo 😢”
- “Palagi akong tsinitsismis sa iba.”
- “Noong nag-away kami mag-asawa tapos nakisawsaw dinuru-duru pa ako. Tapos sinabuhan ako na mahihirapan daw ako sa pagpapanganak kasi sinagut-sagot ko raw siya.”
- “Hindi nila ako tanggap.”
- “Panget daw ugali ko. 😅 Kapag nakaharap siya sinasabi niya puro papuri. Pero ‘pag nakatalikod nega na!😅
- “Hindi niya raw ako gusto para sa anak niya. 😆 Well it’s a tie! Hahahaha”
- “Sinabi pa noong nalaman na preggy ako, problema na naman daw! Haha”
- “’Yung pagod ka na kakaasikaso sa bahay at anak mo tapos sasabihin wala kang ginagawa.”
- “Hindi raw kami marunong mag-alaga ng bata at pabaya ng asawa ko. Paano kasi hindi namin sinusunod gusto niya.”
- “Hindi nila ko matatanggap kasi may gusto silang babae para sa anak nila. Kahit kasal na kami ng anak niya pinapapunta pa rin niya yung girl sa bahay. At ipinapamukha niya talaga kung paano niya asikasuhin ‘yun kesa sa ‘kin.”
Study: 3 out of 4 ng couples ang may hindi maayos na relasyon sa kanilang mga biyenan
Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga masasakit na salita na madalas na maririnig mula sa mga biyenan. Ayon nga sa Cambridge University psychologist na Terri Apter, hindi na ito nakakagulat.
Sapagkat ayon umano sa pag-aaral, 3 out 4 couples ang may hindi magandang relasyon sa kanilang biyenan. Ang resulta, sila’y madalas na nagbabangayan o kaya naman ay nakakarinig ng masasakit na salita.
Sa librong ngang isinulat ni Apter na pinamagatang “What Do You Want from Me? Learning to Get Along with In-Laws”, ay isinalarawan niya ang relasyon ng mga daughter-in-law sa kanilang in-laws bilang strained, uncomfortable, infuriating, depressing, draining, at simply awful.
Ang madalas na reklamo nila sa mga ito ay ang pagiging pakialamera sa buhay nilang mag-asawa at ang hindi pagrespeto sa mga boundaries nila.
Mga dahilan kung bakit
Dagdag na paliwanag ni Apter, nangyayari ang conflict na ito sa pagitan ng mag-biyenan, dahil sa mga sumusunod:
- Pressure ng biyenan na magkaroon ng anak ang mag-asawa.
- Pinipilit ng biyenan na i-maintain ang kanilang authoritative role sa loob ng bahay.
- Know-it-all at gustong mag-take charge ng biyenan sa lahat ng bagay.
- Naniniwala ang biyenan na walang “good enough” para sa anak nila.
- May magkaibang paniniwala o conflicting ideas sa pagpapalaki ng anak ang mag-biyenan.
- Personality clashes.
- Hindi pagpapahiram o pagbibigay ng pera ng manugang o biyenan.
- Hindi pagsunod ng manugang sa religious o cultural forms ng biyenan.
Pero para naman sa license marriage at family therapist na si Jennifer Freed, ang mga problemang ito ay madalas na nagsisimula sa pagiging immature ng biyenan o in-laws.
Ang tanging paraan lang para hindi ito makasira sa relasyon ng mag-asawa ay ang pagiging mature enough at malawak na pag-iisip ng couple sa pagharap sa mga ito.
BASAHIN:
Babae, pinagbibitangan ang biyenan na nakikipagkumpetensiya sa kaniyang pagbubuntis
17 Senyales na ayaw sa iyo ng iyong biyenan
7 ways you’re unintentionally making your in-laws hate you
Ano ang dapat mong gawin?
Love photo created by pressfoto – www.freepik.com
Ayon naman kay Sally Connolly, relationship at family therapist mahalaga na ang ganitong klase ng conflict sa relasyon ay hindi makaapekto sa pagsasama ng mag-asawa. Paano ito magagawa?
Una, ay kailangan ninyong mag-usap na dapat ay magkasama kayong haharapin ito. Dapat ay sigurado kayong team kayo sa pagharap ng problema ninyo sa inyong in-laws at hindi magiging dahilan ito ng conflict sa pagitan ninyo.
Bagamat, hindi kaaya-aya ang ginagawa ng in-laws mo, ay maghinay-hinay pa rin sa pagsasalita laban sa mga ito sa harap ng asawa mo.
Sapagkat tandaan magulang niya pa rin ang mga ito. May posibilidad na maaaring may pagkakamali ka ring nagawa kung bakit nagsimula ang conflict na ito sa pagitan ninyo.
Sunod ay magkasundo kayo sa kung paano ninyo pakikitunguhan ang mga in-laws ninyo. Mag-develop ng mas malalim na empathy para sa kanila. Isipin na kayo ang mas may kakayahang umintindi o umunawa kaysa sa kanila.
Panghuli ay gumawa ng paraan o mag-effort na mapalapit ang loob ng iyong in-laws sa ‘yo. Ito ay magagawa sa tulong ng mga sumusunod na paraan.
Tips para maging maayos ang relasyon mo sa biyenan mo
1. Itrato sila sa paraan na gusto mong tratuhin ka nila.
Ika ng isang kasabihan, “kung ayaw mong gawin sa ‘yo ay huwag mo ring gawin sa kapwa mo.” Kaya kung gusto mong maging maayos ang pakikitungo sayo ng biyenan mo ay ayusin mo rin ang pakikitungo sa kanila.
I-respeto mo sila kung gusto mong respetuhin ka nila at higit sa lahat ay pakitaan sila ng maganda.
2. Panatilihing mababa ang ekspektasyon mo sa kanila.
Laging isaisip na ang pamilya mong pinagmulan ay hindi tulad ng pamilya ng iyong asawa. Kaya naman panigurado may mga bagay kayong hindi mapagkakasunduan.
Upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan mabuting ikaw na lamang ang mag-adjust. I-set lang ang iyong expectation ng tama para hindi ka masyadong ma-disappoint o madismaya.
3. Tanggapin na ang iyong biyenan ay parte na ng iyong buhay.
Kung sigurado ka na ang iyong mister o partner ang nais mo ng makasama sa habang-buhay ay kailangan mo ng tanggapin ang mga magulang at pamilya niya na hindi iba sa ‘yo.
Kaya naman minsan bagama’t mahirap ay kailangan mo na lamang tanggapin ang pakikialam nito sa buhay mo at ng iyong asawa. Hayaan mong maging lessons ang mga ginagawa niya sa relasyon ninyo para ito ay ma-experience mo at matuto ka mula rito.
4. Mag-adjust at respetuhin ang mga biyenan mo.
Kung pinili mong makasama ang anak nila ay kailangan mo ring matutong mag-adjust sa buhay na mayroon sila. Kailangan mong matuto ring makasanayan ang mga tradisyon at paniniwala nila.
Higit sa lahat ay kailangan mong respetuhin sa kung sino sila tulad ng respetong ibinibigay mo sa iyong magulang.
House photo created by rawpixel.com – www.freepik.com
5. I-compliment ang anak niya pati na ang iyong biyenan.
Isa sa mga paraan upang mapalapit sa ‘yo ang isang tao ay ang makarinig siya mula sa ‘yo ng mga positibong remarks o komento. Bagama’t minsan, may makikita kang mali sa ugali o ginagawa ng biyenan mo.
Dapat iwasan mong punahin ito. Sa halip, pansinin lang at purihin ang nakikita mong maganda niyang ginagawa sayo pati na ng kaniyang anak.
6. Hingin ang kaniyang payo o advice.
Para maiparamdam na nirerespeto mo ang iyong biyenan ay makakatulong din na hingin ang kaniyang payo sa mga bagay-bagay na kinahaharap ng iyong pamilya.
Bagama’t hindi naman dapat at kailangan mong sundin ang mga payo na ito, magiging positibo ang pakiramdam na ibibigay nito sa iyong biyenan.
7. Bigyan siya ng regalo o pasalubong sa tuwing bumibisita kayo sa kaniya.
Hindi naman sa nais mong bilhin ang maayos na pakikitungo ng iyong biyenan, ngunit ang pagbibigay sa kaniya ng regalo o material na bagay ay magbibigay sa kaniya ng impression na siya ay lagi mong inaalala at tine-treasure mo na siya ay parte ng iyong pamilya.
8. I-offer ang iyong tulong sa iyong biyenan sa lahat ng oras.
Ang magkakapamilya ay dapat nagtutulungan. Kaya naman bilang pangalawa mo ng magulang ay dapat lagi mong i-offer ang iyong tulong sa iyong mga biyenan. Ito man ay sa kahit anong paraan na alam mong makakatulong o magpapagaan ng kanilang buhay.
9. Magbigay at laging palawakin ang iyong pang-unawa.
Kahit na mahirap, kailangan mong magbigay at umintindi para sa ikabubuti ng iyong pamilya. Hindi rin dapat naiipit sa kahit anumang isyu mo ang iyong anak at asawa. Imbis na pagsimulan ng gulo ay dapat maging instrumento ka sa maayos na pagsasama sa loob ng inyong pamilya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!