Ang pagiging magulang ay marahil isa sa pinakamahirap na responsibilidad na pwedeng harapin ng isang tao. Mahirap man ngunit ito rin ay isa sa mga pinakamabuluhang papel na maari mong gawin sa buhay. Hindi lahat ay nabibigyan ng pagkakataon upang maging ina o ama ngunit para sa karamihan na pinalad magkaroon ng anak o naglakas ng loob na mag-ampon, kailangan ay maging handa ka sa lahat ng iyong mga haharapin.
Maraming dahilan kung bakit challenging ang maging magulang lalo na sa panahon ngayon. Kahit bago pa man mag-umpisa ang pandemya, nag-iiba na ang mga demands dahil na rin sa pagbabago sa ating mga lifestyle. Noon, ang mga ama ay inaasahang maghanapbuhay habang ang mga nanay naman ay dapat sa bahay lamang para mag-asikaso sa mga anak. Iba na ngayon dahil pwede mag-trabaho ang parehong magulang. Pwede ring ang nanay ang nagtatrabaho lamang habang ang tatay ang nag-aalaga sa mga bata.
Kaming mag-asawa, pareho kaming nagtatrabaho sa bahay. Sabi nila, napaka-swerte namin dahil sa ganitong set-up pero hindi ito madali. Marami na kaming mga kinaharap na mga pagsubok sa pagiging magulang. Nalampasan namin ang mga ito sa aming pagtutulungan, tamang komunikasyon, mga payo at tulong ng aming pamilya, at higit sa lahat, sa awa ng Diyos.
Hindi madali ang maging magulang sa panahaon na ito lalo na ay pareho kaming may trabaho. Isang malaking biyaya ito ngunit isa rin namang malaking pagsubok na kailangan tahakin. Ilan lamang sa mga challenges na aming kinaharap ay ang Pagbalanse ng Trabaho at Family Life, Kalusugan ng mga Magulang at ng mga Bata, Gadget Addiction, Pagtuturo ng Tamang Mga Asal, Pagkakaiba ng Personalities ng mga Bata, at Information Overload. Ibabahagi ko rin ang ilang mga praktikal na mga tips o gabay upang malampasan ang mga ito.
Pagbalanse ng Trabaho at Family Life
Hindi madali ang pagbalanse ng trabaho at pag-aalaga sa pamilya lalo na at parehong magulang ay may iba mga responsibilidad. Minsan, mahirap maihiwalay ang trabaho sa pag-aalaga sa bata sa kadahilanang walang mag-aalaga. Karamihan sa mga magulang ay pinagsasabay ito. Habang tulog ang mga bata ay pinipilit ng iba na tapusin ang trabago. Ang iba naman, naghahanap talaga ng mga taong maaaring mag-alaga muna sa mga bata.
Mahalaga na pag-usapang ng mag-asawa ang kanilang schedule. Paghandaan ang oras na ilalaan para sa trabaho at sa mga anak. At sa araw na walang trabaho, ugaliing bigyan talaga ng oras ang mga bata upang makausap, makasama, maturuan, makipaglaro, o mamasyal dahil ang mga panahong ito ang siyang hindi malilimutan ng ating mga anak.
Kalusugan ng mga Magulang at ng mga Bata
Bawat pamilya, iba-ibang mga pagsubok ang hinaharap. Hindi madali kapag may sakit ang mga bata. Mahirap rin kung ang mga magulang ay may nararamdaman o hindi malusog. Upang maiwasan ito, siguraduhin na mga masustansya ang mga hinahain para sa buong pamilya. Iwasan ang pagkain ng mga processed foods.
Magsaliksik at mag-aral magluto ng mga tamang pagkain at inumin. Ang kalusugan ng pamilya ay maaaring magsimula o makita sa kanilang mga pinipiling pagkain. Mahalaga rin na magkaron ng sapat na ehersisyo o physical activities ang mga magulang at mga bata upang mapanatli ang magandang daloy ng mga dugo at kalakasan ng mga buto at kalamnan. Makakatulong rin na uminom ng mga tamong vitamins at supplements.
Gadget Addiction
Ang sobrang paggamit ng mga gadgets ay hindi lamang nakikita sa mga bata, pati na rin sa mga magulang. Karamihan sa atin ay napapasobra ang paggamit ng mga computer o smartphone. Ang mga bata ay napapabayaan sa paglalaro ng mga games o panonood ng mga videos sa YouTube. Ang ibang mga magulang naman, nabababad sa pagtingin sa Facebook, Instagram, o iba pang mga apps.
Kailangan magkaroon ng disiplina ang parehong mga magulang at mga anak. Maglaan lamang ng oras o schedule ng paggamit ng computer o cellphone. Huwag bigyan ang mga maliliit na bata ng kanilang sariling gadget lalo na kung walang magbabantay sa kanila. Mahalagang mag-set ng limitasyon sa access sa Internet dahil sa ilang mga panganib o sensitibong impormasyon na maaaring makita ng mga kabataan.
Ugaliing bantayan ang ating mga anak at alamin ang mga websites o apps na kanilang ginagamit. Mainam rin na limitahan ang mga taong pwedeng kumonekta o kuma-usap sa kanila sa social media. Para sa mga magulang, pilitin rin nating bawasan o i-limit ang pag-check sa ating mga social media profiles. Sa halip, gamitin nang tama ang oras at ilaan ito sa mga anak.
Pagtuturo ng Tamang Mga Asal
Hindi madali ang pagtuturo ng tamang mga asal at pag-uugali sa mga bata. Ang ibang mga magulang ay nahihirapan dahil sa kanilang mga karanasan at kakulangan sa kaalaman. May ilang takot ang mga matatanda na hindi maituro ang tama o mali sa kanilang mga anak. Natural lang ang ganitong mga pag-iisip ngunit kailangang maisapuso ng mga magulang na kailangang maturuan ng mabuting asal ang mga anak.
Maari kayong magbasa ng mga libro at makinig sa mga eksperto. Maraming mga impormasyon ang makukuha at magagamit. Marami ring mga tao na mapagtatanungan. Huwag mahiyang magtanong sa mga mga magulang or mag-asawang inyong hinahangaan. Lahat nang bagay sa mundo ay napapag-aralan. Mainam na magsaliksik o subukan ang iba’t-ibang mga paraan na maaaring makatulong sa iyong pamilya.
Pagkakaiba ng mga Personalities ng Bata
Madali kung iisa lamang ang iyong anak ngunit kapag sila ay dalawa o higit pa, dapat mong suriin ang kanilang mga personalities. Iba-iba ang mga pag-uugali at development ng bawat bata. Madalas ay naikumpara sila sa kanilang mga kapatid. Madalas rin na kung ano ang paraan ng pag-aaruga sa isa, ay ganun na rin sa ibang mga bata.
Tandaan na iba-iba ang mga bata kaya dapat rin iba-iba ang paraan ng pag-trato sa kanila. Tanggapin ang kanilang pagkakaiba kagaya ng magka-iba rin kayo ng iyong katuwang sa buhay. Maaaring pag-aralan ang iba-ibang mga paraan ng pag-aalaga o pagturo sa ating mga anak.
Information Overload
Maganda ang naidudulot ng Internet sa atin dahil mabilis ang pag-access sa mga impormasyon. Marami na ring mga libro ang naisulat tungkol sa parenting o pagpapalaki sa ating mga anak. Marahil lahat ng iyong mga tanong ay may makukuhang kasagutan nang mabilisan.
Sa dami ng impormasyon na makukuha natin, maaari ka naman ma-overwhelm o lalong malito. Huwag mabahala dahil bilang isang magulang na siyang tunay na nagmamahal sa kanyang anak, mabuti pa rin na sundin mo ang iyong instincts. Naniniwala ako na ikaw ay may natural na kakayahan, kabutihan, at karunungan na maibibigay sa iyong anak. Ang likas na pagmahahal at pag-aaruga ng magulang lamang ang pinaka-mainam mong maibibigay sa kanya.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!