Panahon na naman ng dengue, kaya lahat ay pinaaalalahanang mag-ingat mula sa mga lamok. Pero ano ba ang mga dapat nating malaman tungkol sa sakit na ito? Alamin ang mga paraan kung paano maiiwasan ang dengue.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga sanhi at sintomas ng dengue
- Mga paraan kung paano maiiwasan ang dengue.
- 4S strategy para maiwasan ang dengue ayon sa DOH.
Isa sa mga kinatatakutang sakit ng mga magulang dito sa ating bansa ay ang dengue. Sapagkat kapag tumama ito sa bata, nakakapagpahina ito ng katawan at kung hindi agad maagapan, maaaring makamatay.
Hindi biro ang dengue, kaya dapat ay gawin natin ang lahat para maiwasan ito. Pero para maprotektahan natin ang ating buong pamilya laban sa sakit na ito, dapat alamin muna natin ang mga sanhi at sintomas ng dengue.
Ano ang dengue? (sanhi at paano ito kumakalat)
Ayon sa Center for Disease Control and Prevention (CDC), ang dengue fever ay isang sakit na nakukuha sa kagat ng lamok na Aedes species (Ae. aegypti or Ae. albopictus) na may taglay na virus.
Nagdudulot ito ng sakit na maaaring mahalintulad sa trangkaso o flu. Nagdadala ito ng mataas na lagnat at panghihina sa taong may sakit. Ang mga sintomas nito ay maaaring maging banayad lang, pero pwede ring maging seryoso ang epekto nito.
Sinisira ng virus na ito ang iyong blood vessels na nagiging dahilan para bumaba ang iyong platelet (ito ang isang bagay na binabantayan sa dengue). Maaari itong magdulot ng shock, internal bleeding at pagkasira ng mga organ na nakamamatay.
Hindi naman nakakahawa ang taong may dengue. Magkakaroon ka lang nito kung makakagat ka ng lamok na nagdadala ng dengue virus.
Mga sintomas ng dengue
Love photo created by peoplecreations – www.freepik.com
Maaring magsimulang lumabas ang mga sintomas ng dengue apat hanggang anim na araw matapos ang infection (kung kailan ka nakagat ng lamok) at tumatagal ng hanggang sampung araw.
Ang pangunahing sintomas ng dengue ay mataas na lagnat (40° C) na sinasamahan ng mga sumusunod:
- Pananakit ng ulo
- Pagkahilo
- Pananakit ng mata
- Matinding pananakit ng kasu-kasuaan
- Labis na pagkapagod o pagiging matamlay
- Pagsusuka o pagduduwal
- Skin rash na lumalabas dalawa hanggang limang araw matapos lagnatin
- Pagdurugo ng ilong at gilagid
Hindi nalalayo ang mga senyales ng dengue sa ibang sakit gaya ng malaria, leptospirosis, typhoid fever at maging Covid-19, kaya naman napakahalaga na kumonsulta sa doktor kapag napansin mo na ang mga sintomas nito.
Para makumpirma kung mayroon ka ngang dengue, kailangang sumailalim sa isang blood test na tinatawag na dengue fever test. Kapag positive ang resulta ng test, ibig sabihin ay mayroon kang dengue.
Dapat tandaan na ang mga sintomas ng dengue ay maaring tumindi (mild to severe) sa pagitan lamang ng ilang oras.
Kung nagka-dengue ka na dati, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ka ng severe dengue, gayundin ang mga buntis at mga sanggol.
Ang severe na kaso ng dengue ay maaaring magdala ng mga kumplikasyon at nakakamamatay, kaya ipaalam agad sa iyong doktor kung bukod sa mga nabanggit sa itaas, nararanasan pa ang mga sumusunod na sintomas:
- Pananakit ng tiyan
- Pagsusuka ng mahigit 3 beses sa loob ng 24 oras
- Pagdurugo ng ilong at gilagid
- Pagsusuka ng dugo
- Labis na pagkapagod o pagkabalisa
Depende kung gaano katindi ang iyong mga sintomas sa ibibigay na gamot o lunas ng iyong doktor.
Dengue sa Pilipinas
Ayon sa World Health Organization, bumaba ng 82 porsyento ang kaso ng dengue sa bansa ngayong taon kumpara noong taong 2020. Mula Enero 2021, natatalang nasa 3,353 na ang kaso ng dengue sa Pilipinas.
Pero hindi tayo dapat makampante sa impormasyong ito, dahil hindi naman nawawala ang banta ng dengue hanggang mayroong mga lamok sa ating paligid.
Mas mataas ang kaso ng dengue sa mga tropical countries tulad ng Pilipinas.
Mayroon nang naimbentong bakuna laban sa dengue, pero pansamantalang ipinatigil ng pamahalaan ang pagbibigay nito noong nakaraang taon.
Paano maiiwasan ang dengue – 4S strategy ng DOH
Dahil sa pagdalas ng pag-ulan, maaari na namang tumaas ang kaso ng dengue dahil sa tubig na naiimbak sa mga estero, bubong o madidilim na lugar na siyang pinamamahayan ng mga lamok at kanilang itlog.
Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na gamitin ang 4s strategy para maiwasan ang dengue. Ito ay ang mga sumusunod:
-
1S – Search and destroy mosquito breeding places
Hanapin at puksain ang mga lugar na maaaring pamahayan ng dengue tulad ng mga imbakan ng tubig gaya ng lumang gulong, mga lumang paso at iba pa.
-
2S – Seek early consultation
Aagad na magpakonsulta sa doktor kung makaramdam ng sintomas ng dengue.
-
3S – Self-protection method
Protektahan ang sarili laban sa sakit sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga damit na may mahahabang manggas at pantalon lalo na kapag nasa labas ng bahay.
Gumamit ng insect repellant at kulambo para sa karagdagang proteksyon. Siguruhin ding may screen ang bintana at pintuan ng bahay para hindi makapasok ang lamok.
-
4S – Support fogging and spraying
Ang mga local government units ay nagsasagawa ng mga pagpapausok sa mga barangay para mapuksa ang mga pugad ng lamok.
BASAHIN:
Dengue: May gamot ba para sa nakamamatay na sakit na ito?
Maaari bang maipasa ang COVID-19 ng lamok at langaw?
7 dahilan kung bakit madalas kang kagatin ng lamok
Paano maiiwasan ang dengue – mga maaari mong gawin
Ayon sa CDC o Center for Disease Control and Prevention, ang numero unong paraan kung paano maiiwasan ang dengue ay sa pamamagitan ng pag-iwas na makagat ng mga lamok na nagdadala ng sakit na ito.
Para maprotektahan ang iyong sarili at buong pamilya sa dengue, tandaan ang mga sumusunod na paraan:
Image by mosquito1 from Pixabay
1. Gumamit ng insect repellent
Ayon sa Environmental Protection Agency o EPA, dapat gumamit ng mga registered insect repellent na ligtas at epektibo hindi lang para sa mga bata, kundi pati na rin sa mga buntis at nagpapadedeng ina.
Ang mga insect repellent ay maaaring ipahid sa balat tulad ng lotion o kaya naman ay mai-spray sa kapaligiran na kilala sa tawag na insect repellent sprays.
Sa pagpili ng insect repellent, dapat tingnan kung nagtataglay ito ng sumusunod na active ingredients. Mas mataas na percentage na taglay ng insect repellent, mas matagal ang proteksyon laban sa mga lamok.
- DEET
- Picaridin o KBR 3023 at Icaridin
- IR3535
- Oil of lemon eucalyptus (OLE) o para-menthane-diol (PMD)
- 2-undecanone
Sa paggamit ng insect repellent, tandaan ang mga sumusunod na paalala:
- Laging sundin ang nakasaad na label instructions sa gagamiting insect repellent.
- Kung gagamit ng sunscreen, unahin muna itong i-apply sa balat bago ang insect repellent.
- Huwag gumamit ng insect repellent sa mga sanggol na 2 buwan pababa.
- Iwasang malagay ang insect repellent sa mata, kamay, bibig o irritated skin ng isang bata. Kapag nangyari ito, hugasan agad.
- Huwag gumamit ng mga insect repellent na may taglay na oil of lemon eucalyptus (OLE) o para-menthane-diol (PMD) sa mga batang 3-taong gulang pababa.
2. Gumamit ng pantakip mula sa lamok tulad ng kulambo, lalo na sa mga baby.
Sa ganitong paraan, masisigurong hindi siya mabibiktima ng lamok habang siya ay mahimbing na natutulog.
3. Magsuot ng pantalon at long-sleeves lalo na kung lalabas ng bahay.
Ito ay para maproteksyunan ang balat ng iyong anak at masigurong hindi siya madadapuan ng lamok habang siya ay naglalaro.
Photo by Sam Lion from Pexels
4. Gumamit ng insecticide na may permethrin sa mga gamit sa katawan tulad ng sapatos, pantalon, medyas at iba pa.
Subalit tandaan na hindi dapat ilagay ang produktong ito sa iyong balat, kung hindi sa mga lugar o gamit lang na maaaring dapuan ng mga lamok.
5. Maglagay ng screen sa mga bintana at pintuan ng bahay.
Siguruhin na ang screens na gagamitin sa pinto at bintana ay ‘yung may napakaliliit na butas na kung saan hindi makakapasok ang lamok.
6. Gumamit ng aircon kung mayroon.
Pinatutuyo ng air con ang hangin sa paligid ng iyong kwarto, na hindi gusto ng mga lamok. Sa paggamit ng aircon, dapat siguruhin din na maayos na nakasara ang inyong pinto para hindi makapasok ang mga lamok.
7. Panatiliing malinis ang iyong kapaligiran.
Tanggalin ang mga maaring pamahayan ng lamok tulad ng imbakan ng tubig, mga lumang gulong, pool, lumang laruan at kahit ano pang puwedeng pag-ipunan ng tubig.
Paano maiiwasan ang dengue – mga dapat tandaan
Bagama’t wala pang gamot para sa dengue, mayroon ka namang mga pwedeng gawin para mabawasan ang epekto ng mga sintomas nito gaya ng:
- Pag-inom ng maraming tubig para hindi ma-dehydrate dahil sa pagsusuka at mataas na lagnat.
- Pag-inom ng acetaminophen gaya ng Tylenol para maibsan ang sakit at mabawasan ang lagnat.
- Pag-iwas sa mga pain relievers na maaring magpataas ng tiyansa ng bleeding complications tulad ng aspirin, ibuprofen at naproxen sodium.
- Kung mayroong isang kapamilya ang nagkaroon ng dengue, mas maging maingat. Sapagkat ang isang kagat ng lamok mula sa isang taong nagkaroon na ng dengue ay maaaring magkalat ng virus na ito sa ibang miyembro ng pamilya.
Source: CDC, Mayo Clinic, WHO, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!