Mga magulang, narito ang mga bagay na pwede mong subukan sa batang mahiyain.
Bilang magulang, gusto natin na lumaking masayahin ang ating mga anak. Pangarap natin na magkaroon sila ng mga kaibigan at magkaroon ng lakas ng loob na ipahayag ang kanilang damdamin.
Subalit hindi lahat ng bata ay magkakapareho. Mayroong ilang mga bata na mahilig maglaro, at hindi natatakot na makipagkaibigan o kaya makipagkilala. Mayroon din namang mga batang mahiyain na kinakailangan ng kaunting “push” para makipagkaibigan o makipaglaro sa iba.
Noong maliit pa ang anak ko, mahilig siyang kumanta at sumayaw nang walang pakialam kung sinong nanonood sa kaniya. Subalit habang lumalaki siya, napansin kong naging mahiyain siya. Ayaw niyang sumali sa mga programs sa school (kahit kabisado niya ang kanta at steps ng sayaw pagdating sa bahay).
Sa kaniyang orientation day sa big school, ayaw niyang humiwalay sa akin at makipagkilala sa kaniyang mga kaklase. Aaminin ko, medyo nainis ako sa nangyari. At pinakita ko sa kaniyang hindi ako natuwa sa ikinilos niya.
Pero nang mapag-isip-isip ko, kanino nga ba magmamana ng pagka-mahiyain ang anak ko kundi sa akin rin.
Bakit nga ba mayroong mga mahiyaing bata?
Iba-iba ang posibleng dahilan kung bakit mahiyain ang isang bata. Mayroon talagang mga bata na hindi gaanong komportable kapag kasama ang iba nilang mga kalaro. Ang iba pa nga ay nakararanas ng anxiety sa ganitong mga sitwasyon.
Ayon kay Heidi Gazelle, isang professor sa Florida State University at dalubhasa pagdating sa paksang Human Development and Family Science, mayroong iba-ibang klase ng batang mahiyain, na mayroong kani-kaniyang dahilan ng pagpapakita ng ganitong ugali o kilos.
May mga batang mahiyain sa umpisa, ngunit kung lapitan naman ng ibang mga bata ay makikipagkaibigan din agad. Kadalasan, nahihiya lang silang gumawa ng “first move” na makipagkilala, pero nais talaga nilang maging bahagi ng grupo.
Mayroon din namang mga batang “immature” ang social skills para sa kanilang edad. Dahil dito, hindi nila alam ang tamang paraan ng pakikitungo sa ibang bata at maaaring may nagagawa sila na hindi nagugustuhan ng iba. Kaya naman sa halip na sumubok uli ay pipilitin na lang nilang mapag-isa kaysa mapahiya sa iba.
Ang pangatlong uri ng batang mahiyain ay ang mga batang agresibo. Dahil sa kanilang pagiging prangka at agresibo, hindi sila nagiging kaaya-aya sa ibang bata. O kaya naman ay negatibo ang kanilang ipinapakitang ugali (tulad ng pananakit) kaya kaunti lang ang nagiging kaibigan nila.
Mahiyain o introvert?
Isa sa mga salitang laging iniuugnay sa mga batang tahimik at hindi palasalita ay ang pagiging introvert. Pero magkaiba naman ang kahulugan ng dalawang ito.
Kapag sinabing mahiyain ang isang bata, ito ay dahil nakakaramdam siya ng kaba pagdating sa mga social situations. Marahil ay nababahala siyang mayroong masasabing negatibo ang ibang tao sa kaniya. Halimbawa, ayaw niyang mag-perform sa harap ng maraming tao dahil natatakot siyang mapahiya o pagtawanan. O kaya naman nahihiya siyang makipagkaibigan dahil ayaw niyang ma-reject ng iba.
Samantala ang pagiging introvert naman ay ang preference o kagustuhan ng isang tao pagdating sa isang social setting. May mga tao na komportableng mapaligiran ng napakaraming tao at madaling makipag-usap sa iba. Ito ang mga extroverts.
Pero may mga taong mas gusto ang maliliit na grupo lang kung saan maraming panahon para mapag-isa at manahimik lang sa bagay na gusto nilang gawin. Ito naman ang mga introverts.
Kaya may mga bata na mahiyain sa umpisa, subalit kapag nakapag-adjust na ay makikita mong maingay at pala-kaibigan pala. Mayroon rin namang mga batang hindi naman mahiyain pero mas gustong mapag-isa. Pero mayroon rin talagang mga bata na mahiyain at introverted.
Ang pagiging introvert at mahiyain ay iba rin sa pagkakaroon ng social anxiety – isang kondisyon kung saan may matinding takot ang isang bata na mapaligiran ng ibang tao. Bukod dito ang pagiging mahiyain niya ay kadalasang wala sa lugar at nakakasagabal sa kaniyang araw-araw na pamumuhay.
9 tips para matulungan ang mahiyaing bata
Bagamat ang pagiging mahiyain ng bata ay maaring nakakabahala para sa mga magulang, dapat tandaan na hindi naman ito ay reaksyon lamang nila sa isang nakakabahalang sitwasyon at hindi ito panghabang-buhay.
Habang lumalaki sila at nahahasa ang kanilang social skills, o natututo silang mag-adapt sa kanilang paligid, mapapansin mo na mababawasan ang pagiging mahiyain ng bata.
Normal naman ang ganitong pag-uugali, at walang dapat ikabahala ang mga magulang tungkol dito. Ngunit mabuti rin na tulungan ng mga magulang ang kanilang mga mahiyaing anak upang mas makalabas siya sa kanilang comfort zone. Nakakatulong ito para pagtibayin ang kanilang social skills, at upang magkaroon rin sila ng self-confidence.
Narito ang ilang paraan upang matulungan mo ang iyong anak na ma-overcome ang kaniyang pagiging mahiyain.
-
Alamin kung anu-ano ang kanilang mga interes
Importante na alamin kung ano ang hilig ng iyong anak. Kung mahilig siya sa sports, ay puwede mo siyang isali sa sports camp para ang mga kasama niya ay mga bata na mahilig rin sa sports.
Kung pagbabasa naman ang hilig ng iyong anak, i-engganyo siya na sumali sa book club upang doon magkaroon ng kaibigan.
-
Mag-practice ng mga sitwasyon sa bahay
Kung mayroong programa sa school na kailangang sumali ng iyong anak, tulungan siyang paghandaan ito. Makakatulong ang pag-eensayo sa kaniya sa bahay.
Pwede rin niyong pag-praktisan ang ilang social situations kung saan madalas nakakaramdam ng kaba ang bata. Sa ganitong paraan, puwede kayong sumubok ng iba’t-ibang mga sitwasyon, at susubukan ng iyong anak na makipagkaibigan sa iyo.
Habang natututo ang bata ng skills na kailangan niya sa pakikitungo sa iba, mas nababawasan ang kaniyang takot o kaba at tumataas ang kaniyang confidence level.
-
Hasain siya sa pakikipag-usap
Mahalaga rin ang pagsasanay sa iyong anak kung paano makipag-usap sa ibang mga bata. Mahalaga ang mga one-on-one na usapan, dahil ito ang karaniwang magiging paraan nila upang kilalanin ang ibang mga bata.
-
Turuan siyang unawain ang pananaw ng iba
Larawan mula sa iStock
Ang empathy o paglalagay ng sarili sa sitwasyon ng ibang tao ay isang importanteng skill o ugali na dapat matutunan ng bata. Turuan ang iyong anak na unawain ang perspektibo at pananaw ng ibang tao. Paano? Dapat ay imodelo mo ito sa pamamagitan ng pagtrato mo sa kaniya at sa ibang tao sa inyong paligid.
-
Iwasan ang pagbabansag sa kaniya ng “mahiyain”
Kapag naririnig sa’yo ng iyong anak na tinatawag mo siyang mahiyain, o binabansagan mo siyang mahiyain sa ibang tao, lalong ito ang magiging pananaw niya at iisipin niya na bahagi na ito ng kaniyang pagkatao. Subalit gaya ng nabanggit, ang pagiging mahiyain ng bata ay pansamantala lang.
“We don’t want to pigeonhole kids in the preschool years — ‘they’re going to be shy or outgoing’ — because there’s still a lot of change that can happen,” ani Vanessa LoBue, Ph.D., isang psychologist at Rutgers University sa New Jersey.
Gayundin, huwag na huwag ipapahiya ang bata kapag nangibabaw ang kaniyang pagiging mahiyain at hindi niya nagawa ang inaasahan mo sa kaniya.
-
Ipaunawa sa bata na walang mali sa kaniya
Dapat iwasang bigyan ng negatibong ibig-sabihin o reputasyon ang pagiging mahiyain.
“Shyness is not a bad thing — it’s a natural response to uncertainty or novelty, and for the most part, it’s really good,” ayon Koraly Pérez-Edgar, Ph.D., isang psychologist na pinag-aaralan ang pagiging mahiyain sa Penn State University.
Aniya, dahil madalas nilang obserbahan muna ang kanilang paligid bago magbigay ng reaksyon, ang mga mahiyaing bata ay kadalasang mas empathetic at marunong makipag-kapwa tao.
Alam rin nila sa sarili nila kung handa na silang sumubok makipagkaibigan, na isang magandang senyales sa mga kabataan.
-
Huwag naman silang kunsintihin o masyadong protektahan
Ayon sa isang pag-aaral, isa sa mga bagay na nakakapagpalala ng pagiging mahiyain ng isang bata ay kapag masyadong overprotective ang kaniyang mga magulang.
Halimbawa, dahil nahirapang makipagkaibigan ang iyong anak sa isang summer class, iiwasan mo nang dalhin siya sa mga ganoong sitwasyon para hindi na masaktan ang kaniyang damdamin.
Oo, walang masama sa pagiging mahiyain. Subalit hindi dapat ito makasagabal sa mga bagay na dapat nararanasan ng iyong anak.
Hindi mo pwedeng protektahan ang iyong anak sa lahat ng oras, kaya kahit ayaw niya o nahihiya siyang gawin ang isang bagay, dapat ay hikayatin mo pa rin siyang subukan ito para magkaroon siya ng mga bagong karanasan na makakatulong sa kaniyang paglaki.
-
Iparamdam mo ang iyong suporta
Hindi dapat pinipilit at nilalagay ang bata sa isang sitwasyon na kinatatakutan niya. Pero hindi rin naman nakakabuti kung lagi mo lang siyang po-protektahan mula sa anumang sitwasyon na hindi siya magiging komportable.
Ang pwede mong gawin ay hikayatin siya na subukan ang mga bagay na ito. Pero dapat ay iparamdam mo sa kaniya na hindi niya kailangang matakot dahil sasamahan mo siya at naka-suporta ka sa kaniya.
Halimbawa, kapag pupunta kayo sa party, pwede mong sabihin na, “Maraming tao doon. Pwede kang bumati sa mga tao, pero kapag nakakaramdam ka ng kaba, pwede mong pisilin ang kamay ni Mommy.” Ipinaparating nito na naniniwala ka sa kakayanan ng iyong anak, pero nariyan ka kung kailangan niya ng suporta.
“You want to send the message that, ‘I’m going to be this secure base for you — I’m going to be there and help you because I understand that you’re feeling nervous,'” ani Dr. LoBue.
Kapag napansin mo na hindi talaga komportable ang iyong anak at nakakaramdam siya ng pagkabalisa sa sitwasyon iyong, wala namang masama kung lilisanin niyo ito. Pwede na lang muna kayong mag-ensayo uli sa bahay.
Isa sa mga makakatulong sa iyong anak ay ipakita sa kaniya na hindi ka rin nahihiya na mag-participate. Halimbawa, kapag may party at may karaoke, mag-initiate rin na kumanta kahit maraming tao sa party. Sa ganitong paraan, mai-encourage mo rin ang batang mahiyain na hindi mahiya na kumanta kahit sa harap ng ibang tao.
Tandaan, ang pagiging mahiyain ay hindi habang-buhay. Kapag natutunan na ng batang mag-adjust at makitungo sa iba, at sa tulong ng iyong suporta, malalampasan rin niya ang ugaling ito.
Subalit kung napapansin mo na ang pagiging mahiyain ng bata ay nakakasagabal sa kaniyang araw-araw na pamumuhay, maari mo itong banggitin sa kaniyang doktor o kaya kumonsulta sa isang child psychiatrist.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!