Karaniwan lang sa mga magulang ang mainis sa sarili kapag hindi nila nakokontrol ang kanilang emosyon at napapagalitan ang kanilang mga anak. Ganito ang naramdaman ng isang ama, na puno ng pagsisisi sa pagbunton ng galit sa kanyang panganay na anak. Maraming epekto ang galit na pagdidisiplina sa anak, at madalas, may habambuhay na epekto ito sa kaniya.
Natatandaan mo pa ba kung kailan mo huling napagalitan ang iyong anak? Naaalala mo pa ba kung anong ginawa ng iyong anak noong nagalit ka sa kanya? Maaaring siya ay umiyak o nagmukmok. Ngunit tiyak na ang galit na pagdidisiplina sa anak ay hindi magdudulot ng positibo o masayang emosyon sa isang bata.
Pagdidisiplina sa Anak: Kapag pinagalitan ang anak… pareho kayong nasasaktan
Mas madaling sabihin kaysa gawin. Mahirap maging magulang, at bilang mga tao, may mga limitasyon tayo at madalas na napupuno sa mga anak.
Napakaraming dahilan kung bakit hindi mo makokontrol ang iyong emosyon, na nagiging dahilan ng galit mong pagdidisiplina sa anak. Maaaring nagsisimula ito sa hindi mo matiis na asal ng iyong anak o maaaring dahil sa iyong sobrang pagod. Ngunit dapat mong tandaan na kapag sumabog ka sa galit sa harap ng iyong anak, maaaring maalala nila ito hanggang sa kanilang paglaki. Hindi lang ito, sa sandaling magpadala ka sa iyong emosyon, madalas na maaaring ito ay pagsisisihan mo.
Kamakailan, si Fitrah Ilhami, isang amang Indonesian, ay nakaramdam ng ganitong pagsisisi. Sa kaniyang Facebook page, ibinahagi niya ang kanyang karanasan, na naranasan din ng maraming mga magulang.
Ang galit na pagdidisiplina sa anak ay may epekto sa isang bata: isang trauma. Ang mga bata ay matandain kaya ang buong insidente ay maaari nilang madala hanggang sa pagtanda. | Image Source: Stock Photo
Ito ang kaniyang emosyonal na post…
Ang aking panganay, na laging handang magbahagi ng kaniyang pagmamahal
May mga oras na kami ng asawa ko ay nauubusan na ng pasensya sa pag-aalaga ng aming mga anak.
Katulad kagabi, nang ang panganay ko ay tumangging matulog hanggang alas-onse ng gabi.
Hapong-hapo ang katawan ko. Maghapon akong nagtrabaho at kailangang magpahinga ng maaga dahil ako ay bibiyahe pa ng malayo kinabukasan para sa isang kasal.
Ganun din ang asawa ko, na tatlong araw nang puyat kahihintay sa tubig dahil tuwing pagkalipas lang ng alas dose nagkakatulo. Sa totoo niyan, sa pangatlong araw, kinailangan naming pumunta sa bahay ng mga magulang namin dahil hindi nagkatubig, hindi kami makaligo at makapaglaba.
Kinailangan naming magising ng madaling araw, magdasal, at patuloy na alagaan ang dalawa naming anak. Nandyan pa ang dagdag na trabaho ng pagpupunas ng sahig dahil sa buhos ng ulan mula sa butas na bubong.
Pagod kami at gusto naming magpahinga.
Pero…
Tila ba sinusubok ng aming panganay ang aming pasensya sa mga panahong sobrang pagod ako. May hiningi siya.
Una, humingi siya ng gatas. Nang maubos na ang gatas, kinailangan niyang umihi. Akala ko, matutulog na siya pagkatapos niyang umihi. Sa halip, hinalungkat niya ang lahat ng laruan niya sa sala. Ilang minuto lang, bumalik na siya sa kwarto at sumisigaw ng, “Naiihi ako”.
Tumayo ako, at sinamahan siya sa palikuran upang umihi ulit. Abala ang aking asawa sa pag-aalaga ng aming bunso na nagigising tuwing sumisigaw ang kanyang kuya.
Pagkaihi, binuhat ko siya pabalik sa kwarto, habang sinusubukan siyang patulugin. Pero kung kailan ulit halos nakakatulog na ang aming bunso, sumigaw na naman ang panganay at humihingi ng gatas. Syempre, nagising na naman ang aming bunso at umiyak.
“Bakit hindi ka matulog sa labas, Ayas. Lagi na lang nagigising ang kapatid mo. Huwag kang sumigaw, pakiusap,” nawawalan na ng pasensya ang asawa ko.
“Nen.” Humingi s’ya ng gatas.
“Mamaya. Hintayin mong makatulog ang iyong kapatid. Nahihilo na si mama, hindi man lang nakakapagpahinga kahit saglit.”
Bumangon ulit ako at nagtimpla ng gatas para sa panganay.
“Ito na ang huli, ha? Kailangan mo nang matulog pagkatapos nito,” sabi ko sa kanya pagkabigay ng bote ng gatas.
Epekto ng galit na pagdidisiplina sa anak: Pagtangis. | Image Source: Stock Photo
Ngunit hindi pa rin siya tumigil sa pag-iyak
Naghanda na akong magpahinga.
Pero makalipas ang limang minuto, halos nakakatulog na ako, narinig ko na naman siyang sumigaw, “Butiki! Mama, may butiki!”
Nagising at umiyak agad ang bunso pagkarinig sa kanya. Bumangon agad ang asawa ko, at inis na inilabas ang panganay sa kwarto. Sumunod ako.
“Sa kama ka matulog. Hindi makatulog ang kapatid mo dahil hindi ka tumatahimik.” Galit na ang asawa ko. Naiintindihan kong pagod na pagod na s’ya.
Pagkatapos mapagalitan ng kanyang mama, nakita kong namumuo ang kanyang mga luha. Nanginig ang kanyang mga labi. Nakita niya ako – gusto niyang magsumbong. Dahil sa sobrang pagod, sa halip na ipagtanggol ko siya ay pinagalitan ko na rin siya.
“Sinabi ko nang matulog ka, kaya matulog ka na. Napakaingay. Nagigising ng nagigising ang iyong kapatid dahil maingay ka. Tinimplahan ka na namin ng gatas, sinamahan ka ng umihi. Ano pang gusto mo?”
Umapaw na ang luha sa mga mata ng panganay ko.
Itinuro niya ang kwarto, nanginginig ang boses na sinabi, “Papa, may butiki. May butiki sa dingding, may butiki sa dingding.”
Noon ko lang naalala…
Gusto lang sabihin ng panganay ko na may butiki sa kwarto. Nakasanayan na niya iyon. Tuwing makakakita siya ng butiki, itinuturo niya sa amin, at kumakanta ng kantang “butiki sa dingding”. Pagkatapos noon, hinahagkan namin siya at sinasabihang, “Wow, ang talino naman ni Mr. Ayas! Bilangin nga natin – ilang butiki ang meron doon?”
Magsisimula siyang magbilang, “Wan, two, free”.
Napagtanto kong gusto lang niyang maglaro. Ngunit dahil sa pagod, hindi na namin ito napansin at natuon na lang ang aming atensyon sa aming emosyon.
Niyakap at binuhat ko kaagad ang aking panganay. Umiiyak siya sa balikat ko.
“Papa, butiki. May butiki sa dingding, may butiki sa dingding…” kumanta siya habang tumutulo ang luha sa kanyang mukha.
Hinaplos ko ang kanyang malambot na buhok.
“Oo. Napakagaling mo. May butiki? Bilangin natin kung ilan ang butiki?” Binuhat ko siya pabalik ng kwarto. Tinitigan niya ang kisame.
“Wan, fhwo…”
“Yay! May dalawa!” Sabi ko. “Matulog na tayo.”
“Ok.”
Ibinaba ko siya sa kama. Hinaplos ko ang kanyang likod hanggang siya ay makatulog.
Nang mahimasmasan, pinagsisihan ng ama ang pagsigaw sa kanyang anak
Panginoon, nagkulang ako sa aking panganay. Sa kanyang edad, dapat ay nasa kanya pa ang lahat ng aming atensyon, ngunit kailangan na niya itong ibahagi sa kanyang kapatid.
Nasa edad siya na dapat ay malaya niyang nagagawa ang kanyang gusto. Ngunit, napipilitan siyang intindihin ang aming sitwasyon. Kahit na, sa totoo lang, kami ang dapat na umiintindi sa kanyang emosyon.
Oh, tunay na lubos niyang kailangan ang aming atensyon. Laging sinasabi ng aking asawa na tuwing hapon, tinatanong ni Ayas kung nasaan ako.
“Nasaan si Papa?”
“Nagtatrabaho” sagot ng asawa ko.
“Oh, trabaho.”
“Anong hinahanap niya sa trabaho?”
Ngumiti ang asawa ko. “Pera…”
Kapag malapit na ang hapon at nakarinig siya ng tunog ng motorsiklo, agad na lumalabas ng bahay si Ayas. Kapag hindi niya ako nakita, babalik siya ng bahay at sasabihin sa kanyang ina, “Wala siya doon. Wala si Papa doon.”
At kapag umuuwi ako, ang mga matatamis niyang ngiti ang laging unang bumabati sa akin, madalas, sasabihin niyang,”Horsey-ride. Horsey-ride.”
Nagpapabuhat siya. Nakukuha ko agad ito at agad akong yumuyuko upang makasampa agad siya sa likod ko.
Epekto ng galit na pagdidisiplina sa anak: Pagsisisi at pagkakasala. | Image Source: Stock Photo
Sa huli, lumalabas ang pagsisisi dahil sa galit niyang pagdidisiplina sa anak
Ah, anak ko.
Hinalikan ko ang pisngi ng aking anak.
“Sorry,” Sabi ko, puno ng pagsisisi.
“Sorry din po,” mahinang tugon ng anak ko.
“Si Papa ang sorry. Hindi ikaw.”
“Ok.”
Pagkatapos patulugin ng aking asawa ang aming bunso, bumangon agad siya at niyakap ang aming panganay.
“Sorry din si Mama anak.” Hinalikan siya ng asawa ko.
“Sorry.”
Hindi nagtagal, nakatulog agad si Ayas.
Oh Diyos ko, gusto ko ring humingi ng tawad sa Iyo dahil hindi ko lubusang naalagaan ang pinakamaganda Mong regalo.
***
Malang, 04 March 2018
Fitrah Ilhami
Isang aral para sa lahat ng mga magulang tungkol sa galit na pagdidisiplina sa anak
Tandaan mga mommy at daddy, ang galit na pagdidisiplina ay may epekto sa inyo at sa inyong anak sa emosyonal na aspeto. Hindi ba’t mas mabuti kung pagagalitan ang iyong anak sa mas mahinahong paraan? | Image Source: Stock Photo
Ang emosyonal na post ni Mr. Ilhami ay tunay na tumatagos sa atin. Ito ay nagpapaalala sa atin na ang galit na pagdidisiplina sa anak ay may mga epektong ni hindi man lang natin namamalayan. Pinaaalalahan din tayo nitong may mga emosyon at pakiramdam ang mga munti nating anak, ngunit minsan, hindi natin ito pinapansin.
Sa Facebook status na ito, matututunan natin kung paano maayos na maunawaan ang ating mga anak at makontrol ang ating mga emosyon.
Sa ganoong paraan, sa hinaharap ay hindi na tayo magsisisi dulot ng ating galit sa ating anak.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Yddette Civ Alonzo-Cruz
BASAHIN: Hindi raw epektibo ang pamamalo ng bata, ayon sa mga pediatrician
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!