Narito kung bakit hindi dapat isawalang bahala ang pagtatae ng baby.
Pagtatae ng baby
Isang anim na buwang gulang na sanggol mula sa Makilala, Cotabato.ang patay dahil sa severe dehydration. Ang sanggol ay isa sa mga bakwit ng nagdaang lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao.
Kuwento ni Lola Marites, lola ng sanggol, pinacheck-up nila si Baby Wincess sa isa sa mga doktor sa evacuation center na kanilang tinutuluyan noong October 29. Ayon sa doktor na tumingin dito, ito nga daw ay nakakaranas ng pagtatae. Hindi nila akalain na ang kondisyon pala nito ay maaring lumala. At maaring maging dahilan ng kaniyang pagkawala.
Walong araw matapos macheck-up si Baby Wincess ay itinakbo nila ito sa ospital na doon na binawian ng buhay. Base sa death certificate ni Baby Wincess, ang naging sanhi ng pagkamatay niya ay severe dehydration. Isa sa mga komplikasyong maaring maranasan ng kahit sino, hindi lamang ng sanggol na nakakaranas ng matinding pagtatae.
Pagtatae ng baby at severe dehydration
Ang pagtatae lalo na sa mga baby ay hindi dapat binabalewala. Dahil kung ito ay hindi agad malunasan, ito ay maaring magdulot sa baby ng severe dehydration na maari nitong ikamatay.
Ang dehydration ay tumutukoy sa pagkawala ng fluids ng katawan na gawa sa tubig at asin. At ito ay nararanasan kung ang isang tao ay nagsusuka o nagtatae. Bagamat, hindi lahat ng pagtatae ng baby ay nauuwi sa severe dehydration. Mahalagang malaman ng bawat magulang o tagapag-alaga ng sanggol ang kahalagahan na ito ay maiwasan.
At ang unang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pag-alam sa sintomas ng dehydration na isang palatandaan na dapat dalhin na sa ospital ang isang nagtataeng sanggol.
Sintomas ng dehydration
Masasabing ang isang sanggol ay nakakaranas ng dehydration kung nagpapakita siya ng sumusunod na sintomas:
- Naging madalang ang pag-ihi o pagpapalit ng tatlong diapers lang pababa sa loob ng 24 oras
- Kulay dark yellow na ihi
- Pag-iyak na walang luha
- Tuyong balat, labi at dila
- Lubog na mata
- Nangingitim na balat
- Malalim na bunbunan
- Mas antukin o matamlay na sanggol
Image from Freepik
Paano maiiwasan ang dehydration sa mga baby
Samantala, maaring makaiwas sa dehydration ang isang nagtataeng baby sa tulong ng sumusunod na paraan:
- Patuloy na pagpapasuso sa sanggol
- Pagpa-inom ng oral rehydration salt
Sa mga kaso ng sanggol na nakakaranas ng severe dehydration, ang mga nasabing paraan ay nakakatulong parin. Ngunit mahalagang dalhin sila sa ospital para sila ay mas mabigyan ng sapat na medikal na atensyon na kanilang kailangan.
Para naman hindi lumala ang pagtatae ng baby ay dapat iwasan munang bigyan siya ng sumusunod na pagkain:
- Mamantikang pagkain
- Dairy products tulad ng gatas at cheese
- Pagkakaing matatamis tulad ng cake at cookies
Isa sa mga dahilan ng pagtatae ng baby ay dahil sa isang viral o bacterial infection na nakakahawa. Para maiwasang maikalat pa ito, mabuting maghugas ng kamay gamit ang maligamgam na tubig at sabon sa tuwing nagpapalit ng diapers ng sanggol. Siguraduhin ding laging malinis at properly disinfected ang diaper-changing area sa inyong bahay sa lahat ng oras.
Tandaan, kapag may pagtatae ng baby, huwag mag-atubili na kumonsulta sa duktor.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Source: NCBI, ABS-CBN News, WebMD
Photo: Freepik
Basahin: Kumpletong guide: Hirap sa pagdumi ang baby at iba pang inaalala sa potty
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!