#AskDok: Pananakit ng puson ng buntis, dapat bang ikabahala?
Iba't iba ang dahilan kung bakit nakakaranas ng sakit sa puson ang buntis. Kailan nga ba dapat mabahala sa pananakit ng puson ng buntis?
Tiyak nakapagdudulot sa ina ng pag-aalala ang anumang pagkirot o pananakit ng puson habang buntis. Marahil unang naiisip kaagad ng isang ina ay ang kaligtasan ng kanyang baby sa loob ng kaniyang sinapupunan. Bagama’t nakapagpa-panic, walang dapat na ikabahala sa mga bahagya lamang na pananakit ng puson ng buntis, ayon sa doktor.
Talaan ng Nilalaman
Pananakit ng puson ng buntis
Maraming pagbabago ang pinagdaraanan ng isang ina mula umpisa hanggang sa huling bahagi ng kaniyang pagbubuntis. Mga pagbabagong parte sa challenges na kahaharapin ng pagiging isang ina.
Kabilang dito ang pagbabago sa dami ng iba’t ibang uri ng hormones na may kinalaman sa kaniyang pagdadalang-tao; pisikal niyang pangangatawan, pag-adjust nang unti-unting paglaki at paghulma ng iba’t ibang bahagi ng katawan lalo na ang kaniyang tiyan at mga organo sa loob nito. Gayundin, ang emosyonal, mental, at iba pang pisyolohikal na aspeto ng tuloy-tuloy na pagbabago sa kaniyang katawan.
Bagama’t kaakibat ng mga pagbabagong ito ang iba’t ibang sintomas na mararanasan ng iyong katawan, halimbawa na ang pananakit ng puson, higit na kailangan pa rin ang pag-iingat.
Para makatiyak na ang ilang mga pananakit na nararamdaman at pagbabagong nararanasan ay normal pa rin at walang kaakibat na peligro.
Ano ang mga posibleng sanhi ng pananakit ng puson habang buntis?
Pananakit ng puson ng buntis normal lang ba?
Matatanong mo siguro kung ano ang pangunahing dahilan kung bakit sumasakit ang puson ng isang babae habang buntis. At kung ang pananakit ng puson ng buntis ay normal lang ba. Ayon sa experts, kaya raw nangyayari ito ay dahil sa pagbanat ng kaniyang mga ligaments sa katawan.
Normal lang ba sa buntis ang pananakit ng puson?
Kung nakararanas ng pananakit ng puson habang buntis, at napapatanong ka kung normal lang ba sa buntis ang pananakit ng puson, narito ang ilang kasagutan:
Lumalaki ang iyong tiyan at iyong puson para magbigay-daan sa paglaki ng iyong uterus at kasama na rin dito ang paglaki ng sanggol sa iyong sinapupunan. Kaya normal lang na makaranas ng kaunting sakit sa puson.
Gayundin, mas kapansin-pansin sa mga babaeng kambal ang pinagbubuntis ang sakit sa puson dahil sa pagbanat ng kanilang uterus para sa dalawang sanggol. Ibig sabihin, mas malaki ang ibinabanat na balat dahil sa dalawang fetus na lumalaki kaya prone ang pananakit na puson sa ganitong pregnancy.
Isa pang posibleng sanhi ng pananakit ay ang paggawa ng iyong katawan ng mas maraming dugo para suportahan ang pangangailangan ng iyong anak.
Nakakadagdag din sa pananakit ng puson ang pagbubuhat ng mabigat o sobrang pag-eehersisyo. Kaya nga nirerekomendang iwasan na ang pagbubuhat ng mabigat dahil maaari rin itong magsanhi ng miscarriage o pagkalaglag ng baby.
Kadalasan, nagdudulot din ng sakit sa puson ang biglaang paggalaw at pagkilos tulad ng paggulong sa kama o kaya biglaang pagtayo o pag-upo.
Maging ang mga hindi maiiwasang gawain gaya ng pagbahing, pag-ubo o pagtawa ay pwede ring maging sanhi ng pananakit ng iyong puson.
Ayon kay Dr. Maria Carla Esquivias-Chua, aktibong ob-gyn consultant ng Capitol Medical Center, ang pananakit ng puson habang buntis ay maraming posibleng sanhi batay sa paraan ng pangangalaga ng buntis sa kaniyang katawan. Pahayag ni Dr. Esquivas-Chua,
“Kung maliit pa ang pregnancy, puwedeng UTI (o urinary tract infection). Puwede rin namang threatened abortion, ‘yong makunan siya. So, inu-ultrasound naming usually ang buntis at ipinapa-laboratory,”
Kaya payo ng eksperto ang pagpapahinga para sa kalagayang ito,
“Kapag may nakitang UTI, gagamutin ang infection by antibiotics. Kapag naman may hemorrhage—subchorionic hemorrhage—na nakikita by ultrasound, binibigyann naming ng pampakapit. Also, ina-advise naming ‘yong pregnant patient na mag-bed rest,” pagpapatuloy ni Dr. Esquivias-Chua.
Kaya mahalagang nagiging mapanuri ang buntis sa kaniyang mga nararamdaman sa katawan. Ang mga bahagyang pananakit ay hindi dapat ipag-alala.
Ngunit tagubilin ni doktora, may mga warning sign o senyales na dapat bigyan ng agarang pansin ng buntis kaugnay ng pananakit ng puson.
Humingi ng agarang atensiyong medikal kung ang pananakit ng puson habang buntis ay:
- May kasama nang spotting o ang bahagyang pagdurugong nagmumula sa ari ng babae;
- Matindi at hindi na kayang indahin ng buntis, maski pa ipinahinga na ang katawan; at
- May kasama nang paglalagnat, na maaaring tuloy-tuloy o pana-panahong pag-atake lamang.
Siyempre, ayaw nating humantong sa hindi magandang pangyayari ang anumang karamdamang iindahin ng isang buntis.
Sapagkat ang lahat ng ito ay nagsisimula sa bahagya at manaka-nakang pag-atake lamang, kaialngang maging alerto ang buntis kung nagkakaroon ng paglala sa mga nararamdaman.
Huling paala ni Dr. Esquivas-Chua,
“Iyong kamuntik nang makunan, na hindi pinansin? So, lumakas ang pagdurugo, tuloy ay nagtuloy-tuloy na nakunan.
Saka, hindi nagamot ‘yong infection? Ang infection kasi, puwedeng mag-cause ng pagka-terminate. So, ‘pag hindi naagapan ‘yong paggamot sa buntis, puwede siyang makunan. Ayaw natin ‘yon.”
Iba pang sanhi ng pananakit ng puson at balakang habang buntis
1. Kabag o constipation
Isa ang pagkakaroon ng constipation o kabag sa karaniwang sanhi ng pananakit sa bandang puson ng isang babaeng buntis. Sapagkat mataas ang kaniyang progesterone level sa katawan ay bumabagal ang kaniyang panunaw kaya nagreresulta ito sa pagkakaroon ng kabag at problema sa pagdumi.
Para maiwasan ito magandang uminom ng maraming tubig para maging hydrated ang katawan. Mainam din ang pagkain ng mga foods mayaman sa fiber. Isa pa sa makakatulong ay ang pag-eehersiyo nang regular at mayroong moderasyon. Mas maganda rin kung maiiwasan ang mga maanghang na pagkain kapag ikaw ay buntis.
2. Round ligament pain
Nangyayari ang round ligament pain sa 2nd trimester ng pagbubuntis ng isang babae. Sa panahong ito patuloy nang lumalaki ang fetus sa loob ng matres, dahilan para lalo itong mabatak o mabanat.
Hindi rin dapat mag-aalala dito, dahil ang pananakit ng puson habang buntis na sanhi ng round ligament pain ay madalas nawawala pagkalipas ng ilang oras.
Kapag masyado nang matindi ang nararanasang pananakit ng puson lalo sa panahon ng pregnancy, mainam na kumonsulta na kaagad sa propesyunal.
3. Paglaki ng matres
Maaaring makadagdag sa pressure sa iba mo pang organ sa katawan ang patuloy na paglaki ng matres. Nagsasanhi ito ng kahirapan sa pagdumi maging ang madalas na pag-ihi. Karaniwan ding nakararanas ng pananakit ng tiyan dahil sa paglaki nito.
Para maiwasang maranasan ito, mas maiging kumain na lamang ng madalas ngunit maliit na portion per meal lamang. Mainam din dito ang pag-eehersisyo at ang hindi pagpigil sa pag-ihi. Pagpapakalma naman ng experts, hindi naman daw ito delikado para sa nagdadalang-tao maging sa baby na nasa loob ng sinupupunan.
4. Masakit na climax o orgasm
Isa pa sa mga dahilan ng pananakit ng puson habang buntis ay masakit na orgasm matapos makipagtalik. Tandaan hindi naman masamang makipagtalik.
Hindi rin daw dapat ikabahala ang pananakit ng puson o balakang sa unang yugto ng pregnancy lalo na kung katatapos lang mag-sex. Basta lang daw na ito ay saglit lamang at madali lang mawala.
Kung hindi naman daw talaga naiiwasan na ang pagtatalik ng asawa, payo ng eksperto subukan ang ibang posisyon. Maaaring maghanap ng posisyon na hindi nakakadagdag ng pressure sa iyong puson o balakang para iwas sakit.
5. Braxton-Hicks contractions
Nangyayari ang Braxton-Hicks ay nangyayari sa pagsapit ng 2nd at 3rd trimester ng pagbubuntis. Mararamdaman mo ang biglaang paghigpit ng iyong kalamnan na tila ba’y totoong contractions. Subalit hindi katulad ng totoong contractions ang Braxton-Hicks ay hindi tuloy-tuloy at nawawala rin kapag nag-iba ka ng posisyon.
Ayon sa mga eksperto isa sa mga sanhi nito ay kakulangan sa tubig ng isang buntis. Kaya naman ang kanilang payo ay madalas na uminom ng tubig upang maiwasan ito. Maganda rin kasi ang pag-iinom ng tubig para kay baby.
Pero kadalasan ang Braxton Hicks contraction ay normal na paraan ng katawan bilang paghahanda sa totoong labor contractions o sa panganganak.
6. Pagkakaroon ng sakit sa tiyan
Isa pa sa maaaring dahilan ng pananakit ng puson habang buntis ay pagkakaroon ng sakit sa tiyan. Halimbawa ang pagkakaroon ng virus sa tiyan, fibroids o kidney stones.
Ang lahat ng uri ng pananakit ng puson na iyong nararanasan ay dapat agad na ipaalam sa iyong doktor. Eksperto ang mas nakakaalam kung ano ang dapat gawin sa iyong kalagayan. Malalaman din nila kung ito ba ay nakababahala na o hindi.
Mga paraan para upang makaiwas dito
Anumang nararamdamang hindi maganda ng mga buntis ay maaari namang iwasan upang hindi na maranasan pa. Para mapanatag ang sarili mula sa pangambang idinudulot ng mga nararanasang pananakit ng puson.
Ang pananakit ng puson habang buntis ay isa talaga sa mga hindi nakakatuwang epekto ng pagbubuntis. Nakakasagabal ito sa ating paggalaw at araw-araw na gawain. Huwag mangamba mayroon ka namang pwedeng gawin para maibsan ang sakit na iyong nararamdaman.
Marapat lamang iwasan ng pasyenteng buntis ang sumusunod, sabi ni Dr. Esquivias-Chua:
Humanap ng tamang posisyon
Kapag sumasakit ang iyong puson, subukan mo munang magpalit ng pwesto. Madalas kasi na kinakailangan lamang ng tamang pwesto upang maibsan ang sakit nito. Hanapin kung saan pwesto ka pinaka komportable at ipahinga ang katawan.
Uminom ng pain reliever
Kung nahihirapan ka sa pananakit ng iyong puson, subukan mong uminom ng pain reliever tulad ng acetaminophen. Mainam din na subukang inumin ang mga pain reliever na sanay na ang iyong katawan.
Pero importante na tanungin mo muna sa iyong doktor o OB-gynecologist kung pwede kang gumamit nito.
Kumain ng masusustansiyang pagkain
Kahit hindi pregnant ay sobrang mahalaga ang pagkain ng healthy foods. Malaking tulong ito para magkaroon ng healthy na pangangatawan.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa Vitamin B12, Vitamin C, B6, B2, at iron. Laking tulong ito upang mapalakas ang iyong ligaments at maiwasang sumakit ang iyong puson.
Katulad ng paulit-ulit na nababanggit, uminom ng maraming tubig. Helpful ito para ma-relax ang iyong muscles at maiwasan ang pamumulikat na maaaring magsanhi pa ng pananakit ng katawan.
Tanungin mo rin sa iyong doktor kung puwede ka niyang bigyan ng supplement na meron ng mga bitamina at nutrients na nabanggit.
Mag-ehersisyo o stretching
Kahit buntis, dapat ay mag-ehersisyo pa rin para mapanatiling malakas ang iyong muscles sa tiyan. Payo naman ng eksperto, hindi ito masama para sa mga buntis basta pumili lamang ng akma para sa pangangatawan.
Pwede kang sumubok ng madadaling stretching exercises o kaya prenatal yoga.
Kumonsulta sa iyong OB kung ano ang mga klase ng ehersisyo na makakatulong at ligtas para sa iyong pagbubuntis. Bukod sa pwede nitong maibsan ang sakit sa iyong puson, makakatulong rin ito sa iyo sa panganganak.
Iwasan ang mga biglaang paggalaw
Ang panahon ng pagbubuntis ay panahon para mag-relax at magdahan-dahan para rin sa safety ng baby. Narito ang kinakailangan gawin sa panahon ng pregnancy:
- Iwasan ang paggulong at biglang pagtayo mula sa kama o upuan dahil maaaaring ma-out of balance ka.
- Huwag ding magmadali sa pag-upo, kinakailangan na mayroong alalay kada uupo.
- Huwag na rin munang magbuhat ng mabibigat para mabawasan ang stress sa iyong likod, puson at tiyan. Maaari rin kasi itong mag-cause ng miscarriage o pagkalaglag ng baby
- Ugaliin ding mag-unat ng iyong balakang bago ka umubo o bumahing. Maaaring mahirap dahil hindi mo naman maiiwasan ang pagbahing, pag-ubo at lalo na ang pagtawa, pero subukan mong mag-stretch muna kapag nararamdaman mong paparating na ito.
Itaas ang iyong mga binti kapag may pagkakataon.
Bukod sa naiibsan nito ang pananakit at pagmamanas ng mga paa, nakakatulong din pala ang pagtataas ng iyong binti kapag nakaupo o nakahiga na mabawasan ang sakit ng iyong puson. Maganda rin ito para magciruclate nang mas maayos ang dugo sa iyong katawan.
Gumamit ng init
Maari ding makatulong ang paglalagay ng heating pad o warm compress. Kailangan lang ilagay sa ibabaw ng iyong puson, o kaya ang pagligo gamit ang maligamgam na tubig.
Muli, tanungin mo ang iyong OB-gyne tungkol dito, dahil ang sobrang init ay makakasama rin sa iyong sanggol.
Magsuot ng band o belly belt
Ang paggamit ng pregnancy belly support belts ay maaari ring makatulong para maibsan ang pananakit ng iyong puson habang buntis.
Ang band o belly belt ay isang klase ng sinturon na isinusuot ng buntis palibot sa kaniyang balakang at lower back. Maganda ito para magsilbing suporta sa iyong papalaking tiyan.
Mas maganda kung nakokonsulta ito sa doktor bago bilhin. Doktor din kasi ang maaaring magbigay ng payo para masigurong maganda ang kalidad o makakatulong ang belly belt.
Magsuot ng pregnancy clothes
Comfort ang number one key para hindi makaranas ng mga pananakit sa katawan ng pregnant women. Una na diyan na dapat kinokonsider ay ang pregnancy clothes na bibilhin sa panahon ng pagbubuntis. Pumili ng mga damit na magbibigay suporta sa tiyan at likod tulad ng maternity panties o ng daster para sa buntis.
Ginawa kasi ang mga damit na ito especialized para sa kahingian ng mga pregnant women. Ang mga nakasanayang damit kasi noong hindi pa buntis ay nakapagbibigay ng discomfort. Kadalasan sa mga ito ay masikip o may labis na design na hindi akma para sa nagbubuntis na babae.
Paalala ni Dr. Esquivias-Chua, “at any age of pregnancy” ay dapat isabuhay at gawing pamantayan ng mga buntis ang mga nabanggit sa itaas. Kahit pa hindi nananakit ang puson, ang ilan sa mga nabanggit ay mahalaga para magkaroon ng healthy na panganganak. Ilan sa mga ito ay pagkakaroon ng healthy lifestyle at pagkausap sa mga doktor.
Importanteng iniisip parati ng mommies na safety na ng dalawang tao ang kailangan niyang isipin: sa kanya at kay baby. Kaya ang bawat gagawin niya ay malaki ang epekto para sa magiging anak.
Iba pang dapat tandaan tungkol sa pananakit ng puson ng buntis
Pananakit ng puson ng buntis 1st trimester
Pananakit ng puson ng buntis 1 month at pananakit ng puson ng buntis 3 months
Pang karaniwan nang karanasan ang pananakit ng puson ng buntis sa 1st trimester. Kung nakakaranas ka ng panananakit ng puson ng buntis nang 1 month pa lang ang iyong pinagbubuntis, o kaya naman pananakit ng puson ng buntis sa 3 months ng iyong pregnancy journey, tandaan na normal ito at hindi dapat na ikabahala.
Ang panananakit ng puson ng buntis sa 1st trimester o early pregnancy ay dulot lamang ng mga pagbabago sa iyong katawan. Kung nabuntis ka na rin noon, kabisado mo na ang pakiramdam ng pananakit ng puson sa unang trimester ng pagbubuntis. Para naman sa mga new moms, ang pananakit ng puson ng buntis ay parang pananakit lang din ng puson kapag nireregla. Madalas na mararamdaman ang pananakit sa lower abdomen at tipikal na nawawala rin naman ito makalipas ang ilang sandali.
Bukod sa paghahanda ng iyong katawan sa baby na kukupkupin mo sa iyong sinapupunan, posible ring makaranas ng pananakit ng puson ng buntis dahil sa implantation. Ito ay ang proseso kung saan ang embryo ay kakapit sa uterine wall. Kapag naganap ang implantation posible rin na magkaroon ng bleeding o bahagyang pagdurugo o spotting. Normal lamang ito at hindi dapat ikahabahala.
Narito ang iba’t ibang dahilan kung bakit nakararanas ng pananakit ng puson sa 1st trimester:
- Implantation – kapag ang fertilized egg ay naging blastocyst, kakapit ito sa lining ng uterine wall. Nagdudulot ito ng bahagyang pananakit ng puson.
- Pagkabanat ng uterus – normal na nararanasan ang pagsakit ng puson dahil sa pagkabanat ng uterus o matres para bigyang puwang ang lumalaking sanggol. Nababanat ang mga ligament at muscles na sumusuporta sa uterus kaya nakakaranas ng pananakit. Posible rin maranasan ang sakit tuwing nakatayo, biglang pagbabago ng posisuon, o kapag umuubo at bumabahing.
- Kagaya ng nabanggit kanina, puwede rin magdulot ng sakit sa puson ang orgasm. Ang pakiramdam nito ay tila period cramps o ‘yong pananakit ng puson tuwing may regla. Kagyat din naman itong nawawala at hindi dapat na ikabahala. Maaari pa ring makipagtalik at hindi ito makasasama sa iyong baby. Pero kung matindi ang pananakit at may kasama pa itong pagdurugo, agad na kumonsulta sa doktor.
Samantala, ang mga sumusunod naman ay ang mga hindi pangkaraniwang dahilan ng pananakit ng puson ng buntis:
- Etopic pregnancy – nangyayari ito kapag ang fertilized egg ay na-implant sa labas ng uterus. Halimbawa, ang fertilized egg ay na-implant sa uterine tube imbes na sa uterus mismo. Gayundin kung sa abdominal cavity o cervix ito kumapit. Matinding abdominal cramps ang resulta ng ectopic pregnancy. Kaya kung makakaranas ng severe cramping, agad na kumonsulta sa doktor para masuri kung ano ang iyong kondisyon.
- Early miscarriage – maaari din na ang pananakit ng puson ng buntis sa 1st trimester ay dulot ng early miscarriage o nakunan ang buntis. Hindi naman ito pangkaraniwan. Kapag matindi ang pananakit ng puson, tumatagal at may kasamang pagdurugo o maraming vaginal discharge, tiyaking magpakonsulta agad sa doktor. Ang early pregnancy miscarriage ay karaniwang sa 1st trimester posibleng maranasan.
Pananakit ng puson ng buntis 6 months
Samantala, ang pananakit ng puson ng buntis sa 6 months o sa 2nd trimester ng pregnancy ay karaniwang sanhi ng pagkabanat ng uterus. Lumalaki na ang iyong baby sa 2nd trimester ng pagbubuntis kaya nababanat ang uterus para mabigyan ng espasyo ang baby. Bukod pa rito, posible rin makaranas ng minor cramps nang dahil sa constipation, gas, at pakikipag-sex.
Muli, mommy, kung hindi naman matindi ang pananakit ng puson at walang kasamang pagdurugo, walang dapat ikabahala dahil normal na bahagi ito ng iyong pagbubuntis.
Para sa mga nagnanais ng karagdagang impormasyong medikal at personal na konsultasyon mula sa ating kinapanayam na ob/gyn, hanapin at i-like lamang ang Facebook page ng kanilang clinic, MCEC Mother and Child OB-Gyne Ultrasound and Pedia Clinc. Si Dr. Maria Carla Esquivias-Chua ay aktibong Ob/Gyn consultant ng Capitol Medical Center.
Karagdagang ulat mula kay Ange Villanueva at Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- Pananakit ng puson habang buntis: Mga dapat mong malaman
- Masakit na puson? 12 home remedies sa pananakit ng puson
- Riva Quenery's dad sa unexpected na pagbubuntis ng anak: "I felt betrayed"
- Ogie Diaz on his daughter Erin: "Pagdating ng araw na iwan kayo ng asawa niyo, 'di kayo pwede pagmalakihan dahil may natapos kayo."