Paano malalaman kung patay na ang bata sa tiyan? Ang pangunahing paraan ay ang pagbilang sa paggalaw at pag-sipa nito sa sinapupunan. Mommy, mahalagang bantayan ang paggalaw ni baby sa iyong sinapupunan dahil makatutulong din ito sa kung paano mo malalaman kung healthy pa ba si baby sa iyong tiyan.
Paano malalaman kung patay na ang bata sa tiyan | Image from Freepik
Ang kwento ni Riselle: Paano malalaman kung patay na ang bata sa tiyan?
Ang inaakalang masayang araw na pagdating ng kanilang munting anghel ay siyang magiging pinakamasakit at malungkot na araw pala sa kanilang buhay. Dahil hindi pa man nailalabas mula sa tiyan ng kaniyang ina ang sanggol ay nawalan na ng buhay dahil sa umano’y kapabayaan.
Ito ang reklamo ng isang netizen na si Riselle tungkol sa kaniyang panganganak.
Kwento ni Richelle sa kaniyang Facebook post, August 31 nang unang beses nilang dalhin ang kaniyang Ate Riselle sa ospital dahil sa dinudugo na ito. Ngunit dahil 2 cm pa lang ito ay pinayuhan muna silang umuwi at maghintay ng iba pang palatandaan ng panganganak.
Lumipas ang ilang araw, September 3 ay muli nilang ibinalik ito sa ospital dahil sa idinadaing nitong sobrang pananakit ng tiyan. Sa pagkakataong ito ay 4cm pa lang ang kaniyang Ate kaya naman hindi pa ito in-endorse sa delivery room.
Sa halip, pina-ultrasound muna ang kaniyang tiyan para masigurong okay pa ang kaniyang baby saka sila muling pinauwi.
Kinabukasan ay pumutok na ang panubigan ng kaniyang Ate, kaya naman dali-dali na nilang dinala ito sa ospital nang bandang 11:30am. Itinakbo naman agad ito sa ER ngunit dahil sa 7 cm palang ay pinaghintay muli ito.
Pagpapabayang nauwi sa pagkasawi ng sanggol
Bandang alas-dose ay nararamdaman pa umano ng kaniyang Ate na gumagalaw pa ang baby sa kaniyang tiyan. Nagmakaawa na rin ito sa mga nurse na paanakin na siya kahit ma-CS pa, pero sa halip na tulungan ay pinagalitan at pinagsabihan pa raw sila na huwag magmadali.
Bukod dito, hindi rin basta-basta maaaring sumailalim sa CS ang mga ina, at kinakailangan na may mga kondisyon na sinusunod ang ospital bago ito isagawa.
Alas dos ng hapon ay hindi na nararamdaman ng kaniyang Ate ang paggalaw ng sanggol sa kaniyang tiyan. Dito siya muling nakiusap sa mga nurse na tingnan ang heartbeat ng kaniyang anak kung nasa ayos pa ba.
Nang tingnan ay mababa na kumpara sa normal ang heartbeat ng sanggol. Dito palang sinimulang asikasuhin ang buntis para makapanganak pero huli na ang lahat. Wala ng buhay ang sanggol na nasa sinapupunan niya.
Sa kaso ng Ate ni Riselle ay masasabing ang mga tauhan ng ospital ang nagkaroon ng pagkukulang sa pagbibigay ng kaukulang atensyon na kailangan niya sa panganganak. Lalo pa’t naramdaman niya pa ang pagsipa nito ilang oras bago ito isilang.
Ngunit sa ilang mga pagkakataon, may mga kaso ng mga sanggol ang namamatay sa sa loob ng sinapupunan ng kaniyang ina nang hindi nito nalalaman.
Para maiwasan ito ay dapat malaman ng isang ina kung paano malaman kung patay na ang bata sa tiyan niya. Ito ay naisasagawa sa pamamagitan ng pagbilang ng bawat paggalaw at sipa ng sanggol sa loob ng sinapupunan ng kaniyang ina.
Paano malalaman kung patay na ang bata sa tiyan | Image from Unsplash
Fetal movements: Paano malalaman kung patay na ang bata sa tiyan
Paano mo malalaman kung healthy ang baby sa tiyan?
Ang fetal movements o ang paggalaw ng baby sa loob ng tiyan ang isa sa pangunahing paraan kung paano malalaman kung buhay pa o patay na ang baby sa tiyan o sinapupunan.
Para ma-check ang fetal movements ng iyong sanggol ay gawin ito sa oras na mapapansin mong pinaka-active ang iyong baby. Madalas ito ay tuwing matapos kumain o kapag nakahiga na sa gabi.
Mahiga o maupo nang komportable saka bilangin ang bawat sipa o paggalaw ng iyong baby sa tiyan. Dapat sa loob ng dalawang oras ay hindi bababa sa sampu ang sipa o paggalaw na ginagawa ng iyong sanggol.
Kung mababa sa sampu o nararamdaman mong mas humihina pa ang paggalaw ng iyong sanggol sa pagdaan ng araw ay mas mabuting pumunta at makipag-usap na agad sa iyong doktor.
Maliban sa fetal movements, dapat din laging chinecheck ang timbang, heartbeat at sukat ng tiyan ng isang buntis. Dahil ito ang batayan kung lumalaki ba nang tama at malusog ang sanggol sa loob ng kaniyang tiyan. Ito rin ang ilan sa mga paraan kung paano mo malalaman kung healthy ang baby sa iyong tiyan.
Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng isang ina sa pagbibigay buhay sa dinadala niyang sanggol. Ganoon din ang pagbabantay sa bawat paggalaw nito upang masiguro na ito ay buhay at malusog sa loob ng kaniyang tiyan.
Sa oras na may naramdamang kakaiba o hindi normal sa iyong pagbubuntis ay huwag magdalawang-isip na lumapit sa mga taong maaring makatulong sa ‘yo tulad ng iyong doktor o midwife. Ito ay para matingnan at masigurado ang kalagayan at kaligtasan ng iyong sanggol.
Paano malalaman kung patay na ang bata sa tiyan | Image from Unsplash
Paalala ng doktor
Sa kaso ni Riselle, isang trahedya ang kaniyang naranasan. Hindi agad nailabas ang kaniyang sanggol sa tiyan na siyang naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang anak.
Para maiwasan ang iba pang banta, may ilang paalala si Dr. Ramon Reyles na kasalukuyang Chairperson ng departmento ng OB-GY sa Makati Medical Center sa mga buntis.
Una, iwasan ang mga mahihirap na gawain o aktibidad katulad ng pagbubuhat ng mabigat o pisikal na ehersisyo.
“‘Yong mga weights ganyan, jumping. Kasi the condition of the mom dictates what she can or what she cannot do. Of course, ‘yong physical exertion, strenous ‘di pwede ‘yon.
‘Yong exercise like carrying heavy weights bawal. Overstretching, gymnastics and anything that involved the risk of falling is dangerous to a pregnant mom of any gestational age.”
Dagdag pa ni Doc Reyles, delikado ang isang aktibidad kung ikaw ay hindi makahinga pagkatapos nito. “Any exercise that makes you breathless that is bad. Anything, any exertion that makes you fatigue o something is aching stop na yun. Ayun yung masasama.”
Bukod sa ehersisyo at mabigat na gawain, ang pagtayo ng matagal ay delikado rin sa mga buntis. Ito ang dahilan ng pagtaas ng pressure sa mga blood vessel.
“That would be bad so not good for those who have tendency para magkaroon ng deep vein thrombosis o yung namumuo ‘yong dugo sa binti.
So, it’s better that you are contanstly walking than staying still in one place or sitting motionless masama din.”
Kailangan maglakad-lakad ng buntis dahil makakatulong ito sa circulation nila.
Paano maging healthy ang baby sa tiyan
Para maiwasan ang kapahamakan sa iyo at sa baby sa iyong sinapupunan mahalagang mapanatiling healthy ang iyong katawan at si baby. Pero paano nga ba matiyak na maging healthy ang baby sa tiyan?
Narito ang ilang tips kung paano maging healthy ang baby sa tiyan ni mommy:
Kumain nang tama
Mahalagang kumain ng masusustansyang pagkain habang ikaw ay buntis. Makatutulong ito para sa maayos na brain development ng iyong anak.
Maganda rin ang pagkain nang tama para magkaroon ng malusog na birth weight ang iyong anak. Bukod pa rito, ang masusustansyang pagkain na kinakain mo habang ikaw ay buntis ay makapagpapababa ng risk na magkaroon ng birth defects ang iyong baby.
Bukod sa makakatulong ito para mapanatiling healthy si baby, mahalaga rin ang ginagampanan ng tamang pagkain sa iyong kalusugan. Mapapababa ang risks ng pagkakaroon ng anemia at iba pang morning sickness kung balanced ang diet mo.
Mahalagang mayaman sa mga sumusunod na nutrients ang iyong pagkain:
Importanteng kumain ng gulay at prutas at pagkaing mayroong sapat na healthy fats.
Iwasan ang mga pagkaing makasasama sa baby
Kung mayroong mga pagkaing makabubuti sa kalusugan niyo ni baby, syempre mayroon ding hindi. Iwasan ang mga pagkaing maaaring pagmulan ng bacterial at parasitic infection.
Huwag kumain ng mga karne mula sa deli counter o kaya ay hotdogs. Maliban na lamang kung tiyak ka na maayos ang pagkakaluto rito. Iwasan din ang refrigerated na smoked seafood at mga karne at lamang dagat na hindi masyadong luto.
Dagdag pa rito, tiyakin din na ang lahat ng gatas, cheese, at juice na kinokonsumo ay pasteurized. Samantala, kung mayroong history ng food allergies ang sinoman sa inyong pamilya, mahalagang kumonsulta sa doktor tungkol sa mga pagkaing dapat mong iwasan habang ikaw ay buntis.
Mahalaga ang moderate exercises habang ikaw ay buntis. Ligtas namang mag-ehersisyo ang buntis basta ay magagaan lang na exercise.
Ilan sa benepisyo ng pag-eehersisyo habang buntis ay ang mga sumusunod:
- Mababawasan ang stress
- Maiibsan ang constipation
- Mababawasan ang pananakit ng likod
- Mapalalakas ang mga muscle
- Mapatataas ang energy level
- Makatutulong sa pagkakaroon ng mahimbing na tulog
Subalit tandaan na mahalagang kumonsulta muna sa doktor bago magsagawa ng mga ehersisyo. Alamin sa iyong health care provider kung anong mga exercise ang maaari mong gawin depende sa kondisyon ng iyong pagbubuntis.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Pavel Danilyuk
Bagamat karamihan sa mga nutrient na kailangan niyo ni baby habang ikaw ay buntis ay dapat na nagmumula sa pagkain, makakatulong pa rin ang prenatal vitamins para mapunan ang mga kakulangan sa bitamina.
Lalo na at karaniwang madalas ang pagsusuka ng mga buntis sa unang trimester ng kanilang pregnancy. Dahil dito, hindi lahat ng sustansyang kailangan ng iyong katawan ay tiyak na maaabsorb nito.
Importanteng uminom ng prenatal vitamins o folic acid supplements habang ikaw ay buntis. Mapapanatili nitong healthy kayo ni baby. Bukod pa rito, makatutulong din ito para mabawasan ang risk ng pagkakaroon ng neural tube defect ng iyong anak.
Dagdag pa rito, mahalaga rin ang Choline para maiwasan ang birth defects sa utak at spine ng bata. Kumonsulta sa doktor kung anong prenatal vitamins ang angkop para sa iyong pagbubuntis.
Maayos na lifestyle
Syempre balewala ang masusustansyang pagkain kung hindi naman maayos ang lifestyle ni mommy. Mahalagang iwasan ang bisyo habang ikaw ay nagbubuntis. Ito ay para matiyak na magiging healthy ang iyong katawan pati na rin ang kalusugan ni baby.
Iwasan ang paninigarilyo, paggamit ng ipinagbabawal na gamot, at pag-inom ng alcoholic beverage. Ang mga ito ay nauugnay sa pagkakaroon ng mga seryosong kondisyon na maaaring magdulot ng kapahamakan sa iyong anak.
Ayon sa Healthline ang pagkonsumo ng alcohol habang buntis ay maaaring magdulot ng miscarriage, premature labor at delivery, at stillbirth. Maaaring mamatay ang sanggol sa iyong tiyan kung iinom ka ng alak habang ikaw ay buntis.
Habang ang paninigarilyo kapag buntis naman ay nakapagpapataas ng mga delikadong komplikasyon sa iyong anak, Makaaapekto ang usok ng sigarilyo sa blood flow at oxygen delivery sa baby.
Mataas ang risk na magkaroon ng low-birth weight ang iyong anak. Ang kondisyong ito ay maaaring humantong sa infant death o pagkamatay ng bata. Kung hindi man mamatay ang bata ay mataas ang posibilidad na magkaroon ito ng mga karamdaman.
Kung may problema ka naman sa substance misuse at abuse, maaaring kumonsulta sa doktor upang matulungan kang ma-manage ito.
Mommy, tandaan na sa pag-aalaga sa iyong sarili sa panahon ng pregnancy ay nangangahulugan din ng pag-aalaga sa baby na nasa iyong sinapupunan.
Karagdagang impormasyon isinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!