Pwera usog! Ito ang madalas na sinasabi ng mga matatanda sa mga baby na kinaaaliwan nila. Isa itong pamahiin na marami sa ating mga Pinoy ang naniniwala.
People photo created by jcomp – www.freepik.com
Ano ang pwera usog?
Ayon sa paniniwalang Pilipino, ang salitang pwera usog ay nangangahulugan na “layas sumpa”. Madalas itong ginagamit o sinasabi sa mga sanggol na kinaaaliwan ng mga nakasalubong o nakahalubilo nilang matanda.
Ayon kasi sa paniniwala, ang pagbati o pagkaaliw na ito’y maaaring magdulot ng sakit sa sanggol. Maaaring ito’y pananakit ng tiyan, lagnat o discomfort sa kaniyang katawan na magiging dahilan ng walang tigil niyang pag-iyak dahil sa usog kaya kinokontra ito at sinasabing pwera usog.
Sabi pa ng matatanda, mas malakas umano ang usog ng mga taong gutom na bumabati sa sanggol. Pero ito naman umano’y maiiwasan. Maaaring ito’y sa pamamagitan ng pagsusuot ng pwera usog bracelet ng sanggol.
Ang bracelet na ito ay gawa sa beads na kulay pula o itim. Ang mga kulay na ito’y pinaniniwalaang nakakapagtaboy ng negative energies na maaaring maglagay sa kapahamakan sa sanggol.
Image from Shopee
Isang pinaniniwalaang paraan pa upang maiwasan at malunasan ang usog ay sa pamamagitan ng pagsasabi ng salitang “pwera usog” habang nilalawayan ang noo, tiyan o talampakan ng sanggol.
Bagama’t walang malinaw na paliwanag kung bakit ito ginagawa, marami sa mga Pilipino ang naniniwala sa pamahiing ito.
Sa katunayan, maraming magulang lalo na ang mga nasa probinsya ang usog agad ang sinasabing dahilan kapag hindi tumitigil sa pag-iyak ang kanilang sanggol. Lalo na kung ito’y nangyayari habang papalapit ang dapit-hapon.
Pahayag ng isang doktor tungkol sa pamahiing pwera usog
Para sa pediatrician na si Dr. Gellina Maala, ang usog ay isang pamahiin na walang basehan. Bagama’t mariin niyang pahayag na wala namang masama kung ang isang magulang ay maniniwala rito.
Pero payo niya, mas mainam na tukuyin ang medical reasons at solutions ng isang karamdaman. Kaysa ipaubaya ito sa mga paniniwala na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa napapatunayang may katotohanan.
Dagdag pa niya ang pinaniniwalaang paraan ng pag-aalis ng usog gamit ang paglaway sa sanggol ay nakapa-unhygienic. Isang paraan para mag-transmit o makakuha pa ng mga sakit ang sanggol.
Ganito rin ang paniniwala ng medical anthropologist na si Dr. Michael Tan. Lalo na ngayong may COVID-19 pandemic, mas dinagdagan pa umano nito ang risk ng pagkalat ng sakit.
Payo sa mga magulang
Payo ni Dr. Maala, kaysa palawayan ang iyong sanggol i-check muna kung bakit siya umiiyak o hindi komportable. Dahil marami itong posibleng dahilan.
Tingnan din kung kasabay ng pag-iyak ay may iba pang sintomas siyang ipinapakita. Baka kasi masama talaga ang pakiramdam niya.
Sa ganitong pagkakataon, para makasigurado, payo ni Dr. Maala ay mabuting magpakonsulta na agad sa doktor.
“Baka gutom, sobrang busog and ‘di na pa-burp ng ayos, may hindi komportableng part sa suot niya, baka basa ang nappy.
O kung may ibang symptoms maliban sa pagiyak. Baka naman may lagnat, sipon, ubo, nagtatae or nasusuka.
Baka ‘di talaga okay ang pakiramdam niya. Kaya mas mabuting ipakonsulta na siya sa doktor.”
Ito ang payo ni Dr. Maala sa mga magulang.
Posibleng dahilan kung bakit umiiyak ang sanggol
Photo by Vanessa Loring from Pexels
Tulad nga ng sinabi ni Dr. Maala, narito ang ilan sa mga madalas na dahilan kung bakit umiiyak o irritable ang isang sanggol. Alamin ang mga dapat gawin upang siya ay patahanin.
Maaaring siya’y gutom.
Ito ang madalas na dahilan kung bakit umiiyak ang sanggol.
Kung ikaw ay nagpapasuso, i-offer agad ang iyong suso sa iyong sanggol kahit na ba kakadede niya lang. Kusa namang titigil o tatanggi sa pagsuso kung siya’y busog na.
Kung ikaw ay nagpo-formula feeding, kailangan mong padedehin ang iyong sanggol ng kada dalawang oras.
Maaaring siya’y may colic o kabag.
Isa sa mga dahilan din kung bakit umiiyak ang sanggol ay dahil sa colic o kabag. Kapag may kabag ang isang sanggol mapapansin na siya’y irritable. Maaari ring mapansin na isinasara ang kaniyang kamao, sinisipa ang kaniyang paa o ibinabaluktot ang kaniyang likod.
Para mapatahan ang iyong sanggol, masahiin ang kaniyang tiyan. O kaya nama’y maglagay ng bote na may maligamgam na tubig sa kaniyang tiyan.
Gusto niyang magpakarga.
Ang pag-iyak ng mga sanggol ay palatandaan din na gusto nilang magpakarga. Ang pag-cuddle kasit at physical contact ay nagbibigay ng comfort sa kanila. Makakatulong din ang pag-sway o pagkanta sa kaniya habang karga siya.
Pagod o inaantok ang sanggol.
Bagama’t madaling sabihin kapag inaantok ay matulog, para sa mga sanggol isang bagay ito na hindi pa nila alam. Lalo na kung maraming tao sa kaniyang paligid na pumupukaw ng kaniyang atensyon. Mabuting dalhin siya sa tahimik na lugar at ihele para makatulog siya.
Maaaring naiinitan o nilalamig ang iyong sanggol.
Sapagkat hindi pa nakakapagsalita ang mga sanggol, ipinapahiwatig niya ang kaniyang nadarama sa pamamagitan ng pag-iyak. Tulad na lang kapag naiinitan o nilalamig siya.
Malalaman kung nilalamig o naiinitan siya sa temperatura ng tiyan o likod niya. Hindi dapat gawing basehan ang init o lamig ng tiyan, talampakan at kamay niya.
Normal na ang ilang bahagi ng kaniyang katawan ay maging malamig kumpara sa iba pang bahagi ng kaniyang katawan.
Kailangan ng palitan ang kaniyang diapers.
May ilang sanggol ang hindi umiiyak kahit puno na ang diapers nila. Maliban nalang kung ito’y nagdulot na ng iritasyon sa kanilang balat at mahapdi na.
Masama ang pakiramdam niya.
Kung masama ang pakiramdam ng iyong anak maipapahiwatig niya rin ito sa pamamagitan ng pag-iyak. Kung siya’y nagpapakita ng ibang sintomas tulad ng lagnat ay mas mabuting dalhin na siya agad sa doktor. Uupang matukoy ang dahilan nito at agad siyang mabigyan ng lunas.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!