Nangungulit na magpabili ng laruan? Nabigyan na ng candy ngunit nanghihingi pa ulit? Hindi pumapayag na hindi masunod ang gusto? Mga mommies and daddies, ganito rin ba ang mga anak niyo?
Mga nilalaman ng artikulong ito:
- Bakit nga ba nagiging mareklamo ang bata?
- Ano ang pwedeng gawin ng mga magulang upang masolusyunan ang mga ito?
- Paano ba maiiwasan na maging reklamador na bata?
Reklamador na bata? Hindi maitatanggi na ito ay nakakaubos ng pasensiya. Marahil dumadating sa punto na naiisip ng mga magulang na namamanipula tayo ng ating sariling mga anak.
Ayon sa pag-aaral ang isang tao ay nagiging mareklamo lalo na ang mga batang nasa edad 2 hanggang 4 na taong gulang. Ngunit ang tanong, normal nga ba ito? Halina at alamin ang mga posibleng dahilan ng pagiging reklamador na bata.
Alam ng mga bata kung bakit sila nagrereklamo, simple lang ang sagot. Dahil epektibo at gumagana ang paraang ito upang makuha ang kanilang gusto.
Alinman sa dalawang ito ang madalas nagiging reaksiyon ng mga magulang tungkol dito:
- Una, hindi maiiwasang mairita, lalo na sa paulit-ulit na pagrereklamo ng bata.
- Pangalawa, dahil hindi rin matiis at gustong mapigil agad ang pagrereklamo, nauuwi ang mga magulang sa pagsang ayon sa mga anak.
Bago pa man natin alamin ang mga pwedeng solusyon dito, talakayin muna nati ang mga dahilan o sanhi ng pagiging reklamador ng isang bata.
5 na posibleng dahilan kung bakit reklamador ang isang bata
Larawan mula sa Shutterstock
1. Nagiging mareklamo ang bata dahil kailangan nila ng tulong o bagay mula sa iyo
Isa sa mga pangunahing rason kung bakit nagrereklamo ang bata ay dahil pagod sila at kailangan nila ng tulong mula sa iyo. Isa umano ito sa paraan nila ng pag-sasabi na, “Hindi ko na kaya, please alagaan mo ulit ako na parang isang baby.”
Kapag ang isang bata ay nagugutom, pagod o naiirita, nababago ang tono ng kanilang boses. Ang cute at malambing na boses ay napapalitan ng pasigaw at galit na reklamador na bata.
Ayon sa pag-aaral, sa ganitong paraan ay mas madaling makuha ang gusto at atensiyon ng mga tao.
2. Reklamador ang bata dahil gusto nitong makakuha ng atensyon at positivity
Paliwanag ng mga psychologist, nagiging reklamador ang bata dahil gusto nito ng dagdag na atensyon. Posibleng mas lumala pa ito ito kapag hindi mo naibigay ang atensiyon na hinihingi nila.
Malaking epekto rin umano ang pagkakaroon ng negative environment sa pamilya. Kung ang isang pamilya ay magulo at madalas nagkakaroon ng mga negatibong sitwasyon, hindi malabo na ang iyong anak ay mauwi sa pagiging reklamador na bata.
3. Nagrereklamo ang bata dahil gusto nitong i-express ang kaniyang feelings o nararamdaman
Ayon sa pag-aaral, hindi lang pag-iyak ang paraan ng bata upang ipahayag na malungkot sila o dismayado. Madalas ang pagrereklamo ay isa sa mga paraan upang ipahayag na hindi sila masaya.
4. Ang bata ay may sensitibong pag-uugali kaya reklamador ito
Lahat ng bata ay may pagkakaiba sa ugali. Ayon sa mga eksperto ang pagiging reklamador na bata ay resulta ng pagkakaroon nito ng sensitibong pag-uugali.
5. Paraan upang makuha ng bata ang kaniyang gusto
Kung mapapansin niynyo mga mommies at daddies ito ay madalas na ginagawa ng mga bata. Halimbawa, nagrereklamo ang bata at paraan mo bilang isang magulang na bigyan siya ng candy upang mapatigil ito. Hindi malabo na paulit-ulit na magreklamo ang bata para lamang makakuha pa muli ng candy.
Kapag napapansin ng bata na nakukuha niya ang kaniyang gusto sa pamamagitan ng pagrereklamo, paulit-ulit niya ng gagawin ito.
Larawan mula sa Shutterstock
9 na hakbang na pwedeng gawin upang masolusyunan ang pagiging mareklamo ng bata
Hindi maitatanggi na nakakairita ang pagiging mareklamo ng isang bata. Minsan ay nakukunsinti pa ang pagrereklamo ng mga bata kapag sinusunod natin ang gusto nila.
Ito ang pinakamabilis na paraan ng mga magulang upang pahintuin ang bata sa pagrereklamo nito. Ngunit ang paraan na ito ay hindi dapat ginagawang madalas, dahil nakukunsinti ang bata at maaaring maging sanhi ito ng paulit ulit na pagrereklamo ng bata.
Alamin natin ang mga paraan upang solusyunan ito.
Bilang mga magulang, kinakailangan nating tanggapin na ang pagiging mareklamo ay natural na nararanasan ng mga bata, Isa itong alternatibo sa pag-iyak.
Mas advance nga lamang ito dahil dahil imbis na pag-iyak lamang ay may kasama pa itong mga salita. Kung ang isang bata ay mareklamo, pinakamainam kung tanggapin natin na sila ay nangangailangan ng tulong imbis na pagalitan sila.
Kung pagagalitan sila, mararamdaman lamang ng bata na hindi katanggap tanggap ang nararamdaman niya.
-
I-acknowledge ang nararamdaman ng bata.
Kung nagrereklamo ang isang bata, mas mabuti kung sabihin ang, “Alam kong nalulungkot ka, at gustong-gusto mo ang laruan na iyon.” Ito ay paraan upang mapakalma ang bata imbis na mapalala ang sitwasyon.
-
Hikayatin ang anak na maging mahinahon.
Kung nasa punto na ang iyong anak ay sumisigaw na maaari mong sabihin sa kanila, “Pwede bang gamitin mo ang iyong natural na boses? Pwede bang huwag kang sumigaw? Para maintindihan kita at matulungan kita.”
Maging mahinahon din sa pakikipag usap sa inyong anak, dahil kung sasabayan sila sa pag-sigaw maaaring hindi sila makinig sa iyo.
-
Ipaliwanag sa bata ang dahilan kung bakit hindi pwede masunod ang gusto niya.
Imbis na pagalitan, mas mainam na ipaliwanag sa bata ang rason kung bakit hindi posible ang gusto niya. Mas mabuti kung gagawin ito sa mahinahon na paraan.
Kung bibigyan mo ang bata ng katanggap-tanggap na eksplanasyon, imbis na lumalala ang kaniyang pagrereklamo ay mas makikinig at hihinto ito.
Larawan mula sa Shutterstock
-
Magmungkahi ng mga positibong resolusyon.
Mas mabilis na mapapatigil ang bata sa pagrereklamo nito kung magbibigay tayo ng mga positibong solusyon. Halimawa, “Ilagay natin ang laruan na gusto mo sa wishlist at bilhin natin sa susunod.”
Sa ganitong paraan, mararamdaman ng bata na pinapakinggan mo siya at sineseryoso mo ang sinasabi niya. Mas mapapatibay din nito ang tiwala sa iyo ng iyong anak.
-
I-compliment ang bata kapag hindi siya nagrereklamo.
Kung ang bata ay nanghingi sa iyo ng isang bagay nang hindi nagrereklamo at sa maayos na paraan sabihin sa kaniya na mabuti ang kaniyang ginagawa. Sa paglipas ng panahon magiging positbo ang kaniyang paraan ng paghingi ng tulong at makakasanayan niya ito.
-
Maging mabuting ehemplo sa kanila.
Siguraduhing ipakita sa mga bata ang tamang paraan ng paghingi ng tulong o pagsasabi ng gusto. Laging gawin ang tama at dapat, dahil lahat ng aksyon na nakikita ng iyong anak ay maaari niyang gayahin at i-apply sa kaniyang sarili.
-
Tandaan na ang pagrereklamo ng bata ay normal na ekspresyon.
Ipaalala sa sarili na normal sa bata ang magreklamo at mas mainam na imbis na magalit ay mas mainam na tapatan ito ng kabutihan. Kung nakakaramdam ka na ng pagkairita, suubukang huminga ng malalim sa loob ng 5 segundo upang mapakalma ang iyong sarili.
-
Huwag basta basta bumigay sa kagustuhan ng anak.
Kung kada reklamo ng iyong anak ay ibibigay mo agad ang gusto niya, paulit-ulit na lamang niya itong gagawin. Aakalain ng bata na paraan ang pagrereklamo niya upang makuha ang kaniyang gusto. Kaya mga mommies and daddies ayos rin na tumanggi paminsan minsan.
Paano nga ba maiiwasan ang reklamador na bata?
Paliwanag ng mga eksperto, ang pagiging mareklamo ng mga bata ay hindi nila namamalayan na nagagawa na pala nila. Ang mga magulang ay may importanteng papel na ginagampanan dito.
Kung ang bata ay humngi ng isang bagay sa mahinahon na paraan at hindi ito pinansin ng mga magulang, asahan na magiging reklamdor ang iyong anak.
Ipinapayo sa mga magulang na upang maiwasan ang sitawsyon na ito, ay i-acknowledge na agad ang kanilang mga anak habang hindi pa ito nagtatantrums.
Importante na pansinin na agad ang mga anak sa unang beses na humihingi ito ng atensyon. Kung ikaw ay nasa gitna ng pakikipag usap mas mabuti na sabihin sa iyong anak na tatapusin mo lang ang iyong ginagawa. O ‘di kaya naman ay ibigay sa bata ang atensiyon na kinakailangan nila.
Larawan mula sa Shutterstock
Makabubuti rin kung magkakaroon kayo ng oras at panahon para sa isa’t-isa. Importante ang bonding time kasama ang mga anak, upang hindi maging uhaw sa atensiyon ang iyong anak na maaaring mag resulta sa pagiging reklamador nito.
Gratitude, isang paraan upang maiwasan ang pagiging mareklamo
Ayon sa mga pag-aaral, ang gratitude ay kaugnay ng happiness o kasiyahan. Ibig sabihin lamang nito, kung ituturo mo ang importansiya ng pagpapasalamat, magiging masaya ang bata at maiiwasan ang pagiging mareklamo nito.
Kung may gratitude, may satisfaction, dalawang kombinasyon na pumupuksa sa pagiging mareklamo. Hindi lang iyan natutunan din nilang magbigay suporta sa ibang mga bata na tulad nila.
Ang bata na may matibay na pundasyon ng gratitude ay masasabing hindi inggitero, malayo sa depression at hindi materyoso.
Sa simpleng hakbang tulad ng pagtuturo sa kanila na magsabi “Thank you!” natuturuan mo na silang matutong magpasalamat sa mga bagay na mayroon sila.
Tandaan
Sa atin, mga magulang, nag-uumpisa ang tamang pagdidisiplina sa mga anak. Importante na ipakita palagi sa kanila ang kabutihan.
Maging magandang ehemplo sa kanila. Iwasan ang pagiging mainitin ang ulo. At palaging maging bukas ang tainga sa kanilang mga hinaing at emosyon.
Dahil wala ng ibang higit na mas dapat umunawa sa ating mga anak, kundi tayong mga magulang nila. Habaan natin ang pasensiya natin mga mommies at daddies!
Source:
Verywell Mind, Web MD, Psychology Today
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!