Shaken baby syndrome, ano ang kondisyon na ito at ano ang panganib na dulot nito sa buhay ng isang sanggol.
Isang lalaki sa America ang nahatulang guilty sa pagpatay ng 5-buwang sanggol na si Brynley Rachelle Rymer. Ang kaniyang ginawang pagpatay sa sanggol? Niyugyog daw ito ng suspek hanggang sa ito ay atakihin sa puso, ma-stroke at tuluyang masawi.
Ang lalaking suspek ay kinilalang si Mason Kamrowski, 20-anyos. Siya ang kinakasama ng ina ng biktima at tumatayong stepfather ng nasawing sanggol.
Image source: Grand Fork Herald
Ayon sa ginawang paglilitis sa suspek, araw ng May 21, 2018 ng ito ang nagbabantay kay Baby Brynley. Habang ang ina nito ay lumabas para mamili.
Sa parehong araw, bandang 6:30 ng hapon ay bigla nalang daw dinala ni Kamrowski si Baby Brynley sa Altru Hospital, Grand Forks, North Dakota. At ito ay dahil sa isang medical emergency.
Ayon sa mga doktor na tumingin sa sanggol, ito daw ay nakaranas ng tatlong atake sa puso at nakaranas ng stroke ng dalawang beses. Bagamat buhay pa ng siya ay madala sa ospital, si Baby Brynley ay pumanaw rin kinabukasan. At ang pinaniniwalang dahilan ng pagkamatay niya ay ang tinatawag na Shaken Baby Syndrome.
Nag-plea naman ng guilty si Kamrowski sa ginawang krimen at siya ay nahatulan ng 22 taon na pagkakabilanggo dahil dito. Pero para sa pamilya ni Baby Brynley ang hatol na parusa na ito ng korte para kay Kamrowski ay hindi sapat. Dahil ayon sa kanila, pagkatapos ng 22 taon ay makakalaya na ulit siya. Hindi tulad ng mga matatamis na ngiti ni Baby Brynley na hindi na maibabalik pa.
Ano ba ang nangyayari o epekto kay baby kapag yinuyugyog siya?
Image source: iStock
Ang Shaken Baby Syndrome ay nagaganap kapag ang isang magulang o caregiver ay na-frufrustrate na sa pagpapatigil sa umiiyak o nagwawalang sanggol. Ang frustration na ito ay nagiging dahilan para yugyugin ng malakas ang sanggol sa kagustuhang ito ay mapatahan. Ngunit, ito ay mali. Dahil imbis na mapatahan ang sanggol, ang pagyugyog ay maaring magdulot ng nakakamatay na epekto sa kaniya. Ang dalawa sa pinakanakakatakot na epekto nito sa sanggol ay pagkaka-coma o kaya naman ay ang makaranas ng pagdurugo ng utak o brain hemorrhage.
Kaya naman laging ipinapaalala lalo na ng mga doktor na iwasang yugyugin ang sanggol. Dahil ang pwersang dulot nito ay maaring maka-damage sa mga internal organs ng kanilang mahina at sensitive pang katawan. Hindi pa din kayang suportahan ng malambot pa nilang leeg ang malakas na pwersang maaring maka-damage sa kanilang ulo.
5 tips para maiwasan ang Shaken Baby Syndrome
Image source: iStock
At para maiwasan ang Shaken Baby Syndrome ay narito ang ilang tips na maaring gawin ng mga magulang. Ang pinaka-importanteng tip ay ang tamang paghahandle sa pagwawala o pag-iyak ng kanilang sanggol. At ito ay magagawa sa pamamagitan ng sumusunod na paraan:
1. Mag-practice ng breathing exercises para mapakalma ang sarili.
Isa sa pinakamabisang pampakalma ay ang pagsasagawa ng breathing exercises o ang pag-inhale at exhale. Nakakabawas din ito ng stress. At maaring gawin kahit saan at kahit anong oras.
- Huminga ng malalim gamit ang iyong ilong at magbilang ng 5 segundo habang ginagawa ito.
- Saka ilabas ang hangin sa iyong bibig ng dahan-dahan sa loob muli ng 5 segundo.
- Ulitin ang mga steps na ito sa loob ng 3 o 5 minuto.
- Kung sakali namang hindi kayang magpigil ng hininga sa loob ng 5 segundo ay maaring magsimula ng interval sa kada 3 segundo.
2. Magpatulong sa pag-aalaga ng iyong anak.
Ang pag-aalaga ng bata ay sadyang mahirap. Lalo na kung may mga gawaing-bahay o trabaho ka pang dapat asikasuhin. Kaya naman para maiwasang ma-frustrate sa pagsasabay sa mga ito ay humingi ng tulong sa iyong asawa, in-law’s o iba pang kapamilya sa pag-aalaga sa iyong anak.
3. Matulog sa mga oras na tulog si baby.
Ang unang taon matapos manganak ay talaga nga namang nakakapagod. Ito rin ang mga oras na kung saan hindi nakakatulog ng maayos ang isang ina. Ito ay dahil sa pag-aalaga at pagbibigay ng pangangailangan ng bagong silang niyang anak. Ang resulta nga ng kakulangan sa tulog ay pagiging irritable, mas maikling pasensya at pagiging padalos-dalos sa mga ikinikilos. Kaya para maiwasan ito at maibungtong mo ang iyong frustration kay baby, matulog sa mga oras na tulog din si baby para ikaw ay makapagpahinga.
4. Bumuo o magkaroon ng support system.
Para mas magkaroon ng kaalaman sa pag-aalaga sa iyong anak, makakatulong sayo ang mga taong may karanasan na sa paggawa nito. At makikita ang mga ito sa mga grupo o samahan tulad ng mga social media o group forums sa internet. Dito makakakita ka ng kapwa mo magulang na maaring nakakaranas din ng sitwasyon na pinagdadaanan mo. Na kung saan sila ay maaring hingan mo ng payo at makausap sa kung ano ba ang tamang gawin mo.
5. Mag-set ng realistic expectations.
Ang pagiging magulang ay hindi lang pagkakaroon ng mga masayang oras kasama ang iyong anak. Hindi maiiwasan ang mga oras na iiyak siya o magwawala. Pero magkaganoonman kailangan matuto kang i-cherish ang mga oras ito. Kailangan mong tanggapin na walang magulang ang perpekto. Kapag ikaw ay nagkamali, patawarin ang iyong sarili at magpatuloy. Dahil ang pagiging magulang ay isang learning process na sa pagdaan ng panahon ay magbibigay sayo ng dagdag kaalaman at karanasan.
Sana ang nangyaring pagkawala ng sanggol dahil sa Shaken Baby Syndrome ay maging paalala sa ating mga magulang kung paano dapat natin inaalagaan ng tama ang ating sarili. Pati na ang kahalagahan ng pagkakaroon ng support system para lumaki sa isang malusog at masayang kapaligiran ang iyong anak.
Sources: Metro, Grand Forks Herald
Basahin: Shaken Baby Syndrome: Kung bakit hindi dapat inaalog nang marahas ang baby
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!